top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | October 5, 2023



ree

Inanunsyo kahapon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagbawi sa price cap sa bigas.

"Well, I think it's the appropriate time since namimigay tayo ng bigas. Yes, as of today we are lifting the price caps on the rice both for the regular-milled rice and for the well-milled rice," pahayag ni Marcos sa panayam sa Taguig City.

"So, tinatanggal na natin 'yung mga control. Pero hindi ibig sabihin basta't ganoon na lang dahil kailangan pa rin natin ayusin ang agricultural sector," wika pa ni Marcos.

Ayon sa Pangulo, sa kabila ng pagbawi ng price cap, patuloy na magbibigay ng tulong ang pamahalaan sa mga magsasaka.

Sa ilalim ng Executive Order 39, ang mandated price cap para sa regular milled rice ay P41.00 kada kilo habang ang mandated price ceiling para sa well-milled rice ay P45.00 kada kilo na epektibo noong Setyembre 5.


Matatandaang nabigyan ng cash assistance na nagkakahalaga ng P15,000 ang mga apektadong retailer ng bigas sa gitna ng epekto ng price ceiling.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | October 5, 2023



ree

Patay ang tatlong mangingisdang Pilipino makaraang mabangga ng isang dayuhang commercial vessel ang sinasakyan nilang fishing boat noong Lunes ng madaling-araw sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc.


Batay sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), alas-4:20 ng madaling-araw noong Lunes nang mangyari ang insidente.


Nabatid na nakadaong ang bangkang FFB Dearyn, sa layong 85 nautical miles northwest ng Scarborough Shoal nang bigla na lang itong banggain ng isang barko, na nagresulta sa paglubog nito.


Tatlo umano ang kumpirmadong namatay na sina Dexter Laundensia, 40-anyos, boat captain; Romeo Mejico, 38, at Benedick Uladandria, 62, pawang mga residente ng Bgy. Calapandayan sa Subic, Zambales na dinala na sa Bgy. Cato, sa Infanta, Pangasinan.


Nagawa umano ng mga survivor na makaalis sa lugar, gamit ang walong service boats.

Sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na maaaring natutulog ang mga mangingisda nang mangyari ang insidente kaya hindi nila nakita ang barko.


Nagsasagawa na umano ng imbestigasyon ang PCG para matukoy ang uri at laki ng barkong bumangga sa fishing boat ng mga mangingisda, gayundin kung saang bansa ito nagmula.


Tiniyak ni Balilo na magbibigay ng tulong ang PCG sa pamilya ng mga biktimang namatay.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | October 4, 2023



ree

Inanunsyo ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na tumaas ang produksyon ng bigas kung saan nakakuha ang bansa ng 52 araw na suplay ng bigas sa pagtatapos ng Setyembre.


Ito ang iniharap ni DA Undersecretary Mercedita Sombilla kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa isang sectoral meeting sa Malacañang para talakayin ang mga indikasyon na magiging batayan sa pagtataas ng price ceiling sa bigas na ipinataw sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 39.


Sa kanilang presentasyon, tinukoy ng DA ang mga indikasyon na maghuhudyat ng pagtaas ng price cap, katulad ng pagbaba ng presyo ng bigas sa domestic market, pagtaas ng supply ng bigas at mga paborableng panlabas na salik tulad ng pagbaba ng presyo ng bigas sa buong mundo, at iba pa.


Sa press briefing ng Palasyo, sinabi ni DA-Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban na natugunan na ang lahat ng mga parameter kabilang na ang masaganang suplay at ang pagbaba ng presyo gayundin ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mundo.


Sa pagtatapos ng Oktubre, sa puspusang pag-aani, ang supply ay katumbas ng 74 na araw.


Bumaba na rin ang presyo ng bigas malapit sa price ceiling na may average na presyo ng regular milled rice na humigit-kumulang P41.91 kada kilo at para sa well-milled na bigas ay P45.95.


"Kaya 'yun at inaasahan na magkaroon ng collaborations ang DA at DTI (Department of Trade and Industry) para mas ma-monitor at ma-survey ang mga presyo para hindi... muli, tumaas nang husto," pahayag ni Panganiban.


“So, iyon ang ginagawa namin at nakikipagtulungan kami sa lahat ng ahensya ng gobyerno – hindi lang ang DA kundi pati na rin ang DTI at DILG (Department of Interior and Local Government) para ipatupad ang anumang hakbang at guidelines na magagawa namin para ang mga mamimili at, siyempre, ang ating mga stakeholder, ang mga magsasaka, na nakinabang din (ito),” banggit pa ng opisyal.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page