top of page
Search

ni Mai Ancheta @News | Mar. 8, 2025



File Photo: LTFRB


Binigyang-katwiran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P2,000 na sisingilin sa mga pampublikong tsuper at konduktor na sasailalim sa komprehensibong training para sa road safety para sa pag-renew ng prangkisa.


Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, ang P2,000 ay bilang enrollment fee para sa dalawang araw na mandatory training ng mga tsuper at konduktor at psychological profiling, kasama na ang basic life support at first aid training na gagawin sa mga accredited driving schools at clinics.


Binigyang-diin ng opisyal na rasonable ang singil dahil noong nasa Land Transportation Office (LTO) pa ito ay mas mataas ang singil sa mga nagre-renew ng prangkisa na mula limang libo hanggang anim na libong piso.


Layon ng programa na malutas o kung hindi man ay mabawasan ang mataas na bilang ng mga aksidente sa kalsada na nagresulta sa pagkamatay at matinding pinsala dulot ng public utility vehicles.


Sinabi ni Guadiz ang ilang insidente ng banggaan ng jeep, away at batuhan sa daan kaya kailangang matugunan ang mental at emotional stress na nararamdaman ng mga tsuper at konduktor.


Maliit na halaga lamang aniya ang P2,000 kumpara sa buhay na maaaring mawala kapag nagkaroon ng road rage o aksidente.


Maaari aniyang kumuha ng sariling instructors at mga doktor ang transport operators at mga kooperatiba o korporasyon na accredited ng LTFRB para sa gagawing training ng kanilang mga tsuper at konduktor.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | Mar. 8, 2025



File Photo: Senate of the Philippines - VP Inday Sara Duterte


Hiniling ng liderato ng Senado sa Korte Suprema na kung maaari ay hindi na sila magsumite ng komento hinggil sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte dahil sila'y magsisilbing impeachment court.


Sa tatlong-pahinang manipestasyon, iginiit ng Senado na wala umano silang alegasyon laban kay VP Sara.


Ang tanging kapangyarihan lamang nila ay ang magsagawa ng pagdinig at desisyunan ang mga kaso ng impeachment na napapaloob sa Konstitusyon.


Noong Pebrero 25, naglabas ng kautusan ang Supreme Court na pinagkokomento ang Senado sa impeachment case ng Bise Presidente.


Matatandaang sa petisyon ni Duterte na inihain sa Korte Suprema noong Pebrero ay kinuwestyon niya ang validity at constitutionality ng reklamong impeachment laban sa kanya.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | Mar. 5, 2025



File Photo: Erwin Tulfo - FB


Nagpasalamat si Deputy Majority Leader, Congressman Erwin Tulfo sa Poong Maykapal at sa 1st Division ng Commission on Elections makaraang ibasura ang petisyon laban kanyang kandidatura sa Senatorial race. 


Sa opisyal na pahayag ni Tulfo, sinabi nito na buo ang kanyang tiwala at naninindigan sa kalayaan at pagiging patas ng Comelec. 


Aniya, ang desisyong ito ay nagpapatunay sa matibay na paninindigan ng Komisyon sa katarungan at sa pagpapanatili ng kredibilidad ng demokratikong institusyon. 


"Muli, lubos akong nagpapasalamat sa Comelec sa kanilang pagsisikap at pagiging patas sa paghawak ng kasong ito. Salamat din sa aking mga tagasuporta sa inyong patuloy na tiwala, suporta at pagmamahal sa akin" sabi pa ni Tulfo.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page