top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | Apr. 5, 2025



File Photo: Technological University of the Philippines


Bahagyang nagkaroon ng tensiyon sa loob ng Technological University of the Philippines (TUP) makaraang makatanggap ng text messages ang isang estudyante na may bombang itinanim at nakatakdang sumabog sa loob ng campus kahapon ng umaga sa panulukan ng San Marcelino St. at  Ayala Ermita, Maynila.


Ayon sa Manila Police District-Police Station 5, isang estudyanteng babae ang nagsumbong sa kanyang propesor na si Justine Kylo Mark Orpia , kaugnay sa natanggap niyang mensahe mula sa isang  Dan Telyo.


“Mamaya na sasabog 'yung bomba na nakatanim sa school ng cie building ingat kayo mamaya. Sa mga papasok sa Ermita tup manila,” sinundan pa ito ng isang message alas-5:58 ng madaling-araw na nagsasaad ng “Sasabog ang TUP mamayang 7am mag ingat kayo.”


Ang nabanggit na mensahe ay ipinakita naman ni Orpia sa security guard ng TUP na si Rolando Duyag na siyang tumawag sa MPD-Explosive and Ordnance Division.


Agad namang dumating ang mga tauhan EOD kasama ang mga K9 dogs at nagsagawa ng inspeksyon sa TUP College of Industrial Education Building.


Alas-8:05 ng umaga nang ideklara ni PMSg. Ernesto Rivera ng MPD EOD na negatibo sa bomba o anumang mapanganib na explosive material ang TUP.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | Apr. 4, 2025



File Photo: Atty. Claire Castro at Bato Dela Rosa - PCO / FB Sen. Bato



Bumuwelta ang Malacañang sa ginawang pagkuwestiyon ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa kaugnay sa hindi pagsipot ng mga cabinet officials sa pagdinig ng Senado kahapon tungkol sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na walang karapatan si Dela Rosa na kuwestyunin ang hindi pagdalo ng mga gabinete dahil siya mismo ay hindi naman humarap sa unang pagdinig noong Marso 20.


Matatandaang present sa unang pagdinig ang mga gabinete at anim na oras na nagsalita sa Senate hearing. 


May pagkakataon aniya sana ang senador na magtanong kung humarap lang din siya sa unang pagdinig.


Bunsod nito, pinayuhan ni Castro si Dela Rosa na basahin ang mga desisyon ng Korte Suprema para maliwanagan sa kapangyarihan ng Pangulo at iba pang matataas na opisyal na igiit ang kanilang “executive privilege” lalo kung ito ay may kinalaman sa mga proseso, presidential communication, at state security.


Hinamon din ni Castro ang senador na humarap din siya sa pagdinig kung itutuloy niya ang bantang pagpapa-subpoena sa mga opisyal na hindi dumalo sa pagdinig. 


"Nasa kanya po iyan kung magpapa-subpoena siya siguraduhin lamang din po niya na siya po ay magpapakita," wika ni Castro. 


Una rito, pinayuhan ni Dela Rosa na present sa ikalawang pagdinig ni Senate Committee on Foreign Relations Chair Senator Imee Marcos na mag-isyu ng karagdagang subpoena sa mga resource person na nabigong dumalo sa imbestigasyon.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | Apr. 4, 2025



File Photo: Sen. Imee Marcos / FB



Hindi biglaan ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon kay Sen. Imee Marcos. 


Sa pagdinig ng Senado, sinabi niyang inutos ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang “Operation Pursuit” na pinlano pa noong Enero 2025, batay sa pahayag ni PMGen. Nicolas Torre III.


May hawak umanong 80-page na dokumento si Torre na naglalaman ng mapa ng mga ari-arian ni Duterte at mga rutang maaaring gamitin ng PNP. 


Samantala, isang malaking katanungan umano kung kasama sa protected person sa ilalim ng kautusan ni US President Donald Trump si dating Pangulong Duterte na nagpapataw ng parusa sa International Criminal Court (ICC).


"Ito naman ‘yung tungkol sa executive order ng US. Noong March 28, ang sinabi ng gobyerno, ICC has no jurisdiction. Itong taon na ito, this is just the latest in a series of statements na ang ICC walang jurisdiction dito sa ating bansa."


"Eh, gusto ko sanang tanungin ulit sa ating executive kung ang dating Pangulong Duterte ay nasa ilalim ng protected person under the executive order issued by the US President Trump, which imposed sanctions on the International Criminal Court," pahayag ni Imee. 


"Under Section 8D2 of the EO, any foreign person who's a citizen or ally of the US that has not consented to ICC jurisdiction, o parang Pilipinas, over that person or state party is a protected person sa ilalim nung kay Presidente Trump," dagdag pa niya.


"So ang Pilipinas hindi na state party at ‘yung executive sinasabi naman na hindi talaga ICC ang may jurisdiction sa atin. Kaya gusto ko sana tanungin, si Presidente Duterte ba ay isa sa protected person sa ilalim ng executive order ni Presidente Trump, non-NATO ally na former or current official?"


"So gusto ko malaman kung si PRRD nga ay protected person sa ilalim ng Executive Order, eh sino ang mako-cover sa asset freeze under Section 1 ng Executive Order ni Presidente Trump? Pwede bang parusahan ang mga sumapi sa pag-aresto katulad ni General Torre. Anong mangyayari kina Garma at kina Leonardo? Kasi ang pagkaalam natin, yung iba sa kanila at yung pamilya nila ay nasa Amerika na. Sakop ba sila nu’ng executive order ni Presidente Trump? So ‘yan ang mga katanungan natin kasi lumalawak na lumalawak itong pagsisiyasat natin. Umabot na sa US, kung saan alam natin, nagtatago sila," sabi pa niya. 


Sinabi rin ni Senador Ronald dela Rosa na ang may-ari ng eroplanong ginamit upang ihatid si Duterte sa The Hague ay maaaring saklawin ng mga parusa.


"Siguro naman, it is a moral obligation of this committee also to share our findings of this committee to President Donald Trump. Para kung sino mang may-ari itong Gulf Stream na ito, na eroplano, ay kung may mga ari-arian ito sa Amerika, i-covered siya sa executive order na pinirmahan ni President Trump. So kung sino mang may-ari ng eroplano na yan, mananagot siya kay President Trump," diin ni Dela Rosa sa kanyang unang pagharap mula nang maaresto ang dating Pangulo noong Marso 11. 


Gayunman, walang sinuman mula sa Executive Department na makasagot sa mga tanong nina Imee at Dela Rosa makaraang hindi siputin ang pagdinig at iginiit ang executive privilege.


Kinumpirma naman ni Senate President Chiz Escudero ang pagtanggap ng liham mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin na nagpapaliwanag ng kanilang desisyon na hindi siputin ang imbestigasyon.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page