top of page
Search

ni Migs Zubiri - @Solve 'Yan! | December 30, 2021



Habang marami sa atin ang masayang sumalubong sa Pasko kasama ang ating pamilya, at may handang spaghetti, fruit salad at queso de-bola, marami rin sa ating mga kababayan sa Visayas at Mindanao ang nag-Pasko sa evacuation center o sa mga bahay na unti-unti nilang sinisikap buuing muli matapos sirain ng malalakas na hangin at ulan.


Kaya nitong nakaraang linggo, personal nating sinadya ang ilan sa mga probinsiya na hinagupit ng Bagyong Odette para makapag-abot ng kaunting ayuda. Noong December 22 at 23, nagdala tayo ng dalawang libong sako ng bigas at ipinamahagi natin ito sa Iloilo Province, Iloilo City, Negros Occidental, Bacolod City, Kabankalan City, Negros Oriental, Cebu, Bohol, Agusan del Norte, Surigao del Norte, Butuan City, at Cagayan de Oro.


Nabisita natin ang mga kapatid nating nanunuluyan ngayon sa mga evacuation center, at nakita natin kung gaano kalaki ang pasasalamat nila sa munti nating tulong. Hindi man pang-Noche Buena ang ating handog, sana’y makatulong ito para lang siguraduhing hindi kakalam ang sikmura ng mga kababayan natin.


Napakahirap ng lagay nila ngayon, hindi lang dahil sa pinsala ng Bagyong Odette kundi dahil na rin sa patuloy na banta ng COVID-19. Mahirap ang social distancing at ang access sa sabon at tubig sa evacuation sites.


Kaya bilang kaunting tulong para sa sitwasyong ito, nagbigay din tayo ng 1, 200 na evacuation tents sa Negros Occidental, Negros Oriental, Cebu, at Cagayan de Oro.


Panandalian itong masisilungan ng mga kababayan nating nawalan ng tahanan dahil sa bagyo. Malalaki-laki rin ang mga tent nating ito, at kayang maipagamit sa isang pamilya para mabigyan sila ng sarili nilang espasyo sa ating evacuation sites.


Magsisilbing dagdag-layer ng proteksiyon din itong tent, na kailangang-kailangan natin para maiwasan ang pagkalat ng COVID, lalo pa’t may bagong variant na naman tayong hinaharap.


Sa pag-ikot natin sa mga probinsiyang ito, nakausap din natin ang mga opisyal sa lokal na mga pamahalaan, at napag-alaman nating malaking problema nitong Bagyong Odette ang patuloy na pag-iral ng red tape sa ating mga ahensiya.


Daing ng mga LGU official, iyon sanang agarang paglabas ng pondo o kahit ‘yung mismong pag-approve ng mga repair ng mga linya ng kuryente o kahit road clearing operations ay natatagalan dahil kailangan pang idaan sa napakaraming protocol ng gobyerno.


Sa panahon ng krisis, hindi dapat iniipit ng burukrasya ang ating emergency response.


Napakaraming buhay ang nakasalalay sa agarang aksiyon ng gobyerno.


Dati na nating hinanapan ng solusyon ang ganitong problema ng burukrasya: inakda at ipinasa ng inyong lingkod ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act noong 2018. Ginawa natin ito para pabilisin ang anumang mga aplikasyon at pakikipag-transaksiyon ng mamamayang Pilipino sa ating pamahalaan. Lalo itong mahalaga sa mga emergency tulad ng Bagyong Odette.


Kailangan siguro nating aralin kung paano pa pagbubutihin ang implementasyon ng ating batas para hindi maulit ang problema sa red tape na hinaharap natin ngayon.


Maliban sa pagpapalakas ng ating anti-red tape efforts, magsusulong din tayo ng panukalang magbibigay ng supplemental budget para sa mga lugar na tinamaan ni ‘Odette’. Kailangan ito para muling makabangon ang ating mga kababayan, lalo na iyong mga nawalan ng tirahan at kabuhayan.


Muling makakaahon ang ating mga kababayan. Naniniwala ako riyan. Andito kami sa Senado, kumikilos na para magpasa ng batas para sa kakailangang pondo ng LGU para muling makabangon.


Patuloy din nating isinusulong ang panukalang bubuo ng Department of Disaster Resilience, para magkaroon na tayo ng kagawaran na tututok sa paghahanda, pagresponde, at pagbangon mula sa mga kalamidad.


Kaagapay ng ating paggawa ng mga batas, patuloy din ang pag-coordinate natin sa mga LGU para sa mga kinakailangan ng ating mga kababayan ngayon, tulad ng pagkain, tubig, gamot, diapers at sanitary items.


Kung nais niyonng mag-abot ng tulong, patuloy na tumatanggap ang iba’t ibang organisasyon ng donasyon, in cash o in kind man. Maaaring lumapit sa Philippine Red Cross sa mga numerong 0917-834-8378 o 0917-804-9230, o sa Caritas Manila sa mga numerong 0938-059-4829 o 0967-276-4806.


Mabuti ring tumawag mismo sa ating mga lokal na pamahalaan para direktang magpaabot ng tulong sa kanilang mga kinasasaklawan.


Bukas-palad nating batiin ang Bagong Taon, at patuloy nating isama sa ating mga panalangin ang mga nasalanta ng Bagyong Odette.


 
 
  • BULGAR
  • Dec 23, 2021

ni Migs Zubiri - @Solve 'Yan! | December 23, 2021



Nakalulunos tanawin ang nasaksihan natin nitong mga nakaraang araw.


Sa gitna ng paghahanda ng ating mga kababayan para salubungin ang kapanganakan ni HesuKristo, ‘eto na naman at biglang humagupit ang Bagyong Odette sa ating mga kapatid sa Visayas at Mindanao.


Ayon sa PAG-ASA, ang Bagyong Odette, na humigit-kumulang sa siyam na beses na tumama sa ating kalupaan noong Disyembre 16 at 17 ay nagdulot nang biglaang paglikas ng ating mga kababayan, at nag-iwan ng malaking pinsala sa maraming bahagi ng ating bansa.


Maraming bahay ang sinira ng Odette, ang ika-15 bagyong tumama sa ating bansa ngayong taong ito. Maraming poste ng kuryente ang itinumba at maraming puno ang nabunot. Nagbuhos ng malakas na ulan ang bagyo na nagdulot ng malawakang pagbaha at landslides.


Lumisan na sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo noong Sabado, bandang alas-12:48 ng hapon. Subalit ang delubyo ay nag-iwan ng nakalulungkot na resulta. Ayon sa ulat ng Philippine National Police noong Lunes, 208 katao ang nasawi dahil sa Bagyong Odette, at ang bilang ay patuloy na lumalaki. Karamihan sa mga naitalang biktima ay mula sa Central Visayas, kasama na ang Bohol na kilalang tourist destination sa ating bansa. Isa na ito sa deadliest typhoons na nanalasa sa ating bansa.


Ayon sa ulat ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, mula 200,000 hanggang 300,000 pamilya o kulang ng isang milyong katao mula sa mga rehiyon ng Bicol, Western Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao, Mimaropa at Caraga ang naapektuhan ng Bagyong Odette.


Tinatayang aabot sa 309,814 katao o 81,595 pamilya ang kasalukuyang pansamantalang nananatili sa mga evacuation centers.


Tinatayang aabot sa P333.4 milyon ang sinirang pananim at palaisdaan ng Bagyong Odette, ayon sa Department of Agriculture. Ang mga lugar na nasalanta ay ang mga rehiyon ng Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Soccsksargen, Davao, at Caraga.


Sa kabuuan, 12,750 magasaka at mangingisda ang naapektuhan, at aabot sa 19

,640 metric tons ng produksiyon ang nawala.


Kalunus-lunos ang makikitang tanawin sa mga ipinalabas na video footage ng iba’t ibang himpilan ng telebisyon. Sa balita ay isang buong pamilya pa ang natabunan ng dumausdos na lupa.


Sa kabila ng relief efforts ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at non-government organizations, marami pa rin ang hindi inaabot ng tulong. Nangangailangan sila ng pansamantalang masisilungan, pagkain, tubig, mga damit at iba pang pangangailangan sa pang-araw.


Naaantala ang relief operations dahil sa mga nasirang kalsada, communication at power lines na pinipilit naman pong mapanumbalik.


At dahil nasa gitna pa rin tayo ng pandemya, nanatili pa ring nakaamba ang pagkalat ng COVID-19.


Noong nakaraang taon, buwan ng Nobyembre, personal na nasaksihan natin ang pinsalang idinulot ng Bagyong Rolly at Ulysses sa Kabikulan.


Dahil sa nakita nating kabagalan ng pagresponde sa mga kalamidad ay nanawagan tayo nang pagbubuo ng Department of Disaster Resilience na siyang pangunahing mangangasiwa sa pangmatagalang pagpaplano at pagpapatupad ng mga planong ito upang harapin ang mga ganitong kalamidad sa bansa.


Bibigyang-diin ng Department of Disaster Resilience ang disaster aspects, tulad ng preparation, rescue, relief operations at rehabilitation.


Muli tayong nanawagan na magkaroon ng Department of Disaster Resilience nang sa gayun ay maging palaging handa tayo.


On my personal capacity naman ay nakahanda tayong tumulak sa Visayas at Mindanao ngayong Miyerkules at Huwebes upang magbigay ng evacuation tents and food packs, kasama na ang saku-sakong bigas.


Ngayong Kapaskuhan ay panahon ng pagbibigayan. Maaaring kulang ang ating ipamamahagi sa mga nasalanta ng Bagyong Odette. Kaya tayo ay nanawagan sa ating mga kababayang may ginintuang puso na magbahagi ng kahit anong tulong sa ating mga kapatid na nangangailangan.


Sa mga kayang mag-abot ng tulong, in cash or in kind, maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Red Cross sa mga numerong 0917 834 8378 o 0917 804 9230. Tumatanggap din ng donasyon ang Caritas Manila para sa kanilang Odette Relief and Rehabilitation Program, at maaabot sila sa mga numerong 0938 059 4829 o 0967 276 4806. Maaari ring lumapit mismo sa mga lokal na pamahalaan para magpaabot ng ayuda sa mga kapatid nating nasalanta.


Sana ay maging buhay ang diwa ng Pasko at pagbibigayan sa bawat isa sa atin.


 
 

ni Migs Zubiri - @Solve 'Yan! | December 15, 2021



Ang Disyembre ay buwan ng pagdiriwang ng kapanganakan ng ating Tagapagligtas na sa HesuKristo. Sa gitna ng pandemya dahil sa COVID-19, marami sa atin ang nangungulila dahil sa pagpanaw ng ating mga mahal sa buhay, kaibigan, kakilala o kamag-anak.


Pero naniniwala tayong ang kalagayang ito ay ating malalagpasan. Umaasa tayo na sa taong darating ay magiging mabuti na ang ating sitwasyon.


Sa kabila ng pandemya, walang dahilan na hindi natin ipagdiwang ang Kapaskuhan.


Kaya inaasahan nating mga Kristiyano na marami ang gagawa ng paraan upang ilunsad ang maliliit na pagdiriwang.


Maging ang aming mga opisina ay nagpaplano na kung paano idaraos ang Christmas Party, maging online man ‘yan o hybrid. Ang mahalaga, sa gitna ng pandemya, maipagdiwang ang kapanganakan ni HesuKristo.


Subalit paalala lamang: sa pagdaraos ng mga Christmas Party ay huwag nating kalimutan na i-observe ang minimum health protocol. Panatilihin natin ang social distancing, ‘wag mag-alis ng facemask kung mag-uusap at palaging maghugas ng mga kamay.


Maraming binago ang pandemyang ito. At unti-unti ay nagagawa nating mag-adjust.


Sa panahong ito sa gitna ng ating pagdiriwang, manatili tayong ligtas, mapayapa at mapagkawanggawa.


Nasasaksihan natin ang ating tibay laban sa COVID-19. Pababa nang pababa ang bilang ng mga kasong nagkakasakit dahil sa virus.


Ang Metro Manila, na dating epicenter ng COVID-19, ay sinasabing nasa very low risk, ayon sa OCTA-Reasearch. Ayon sa grupo, ang National Capital Region ay nakapagtala na lamang ng 91 na bagong kaso kada araw mula Disyembre 6 hanggang 12.


Pero huwag tayong maging kampante. Nananatili pa rin sa ating paligid ang virus. At patuloy na nakaamba ang pagpasok ng mas mapanganib na Omicron variant.


Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, malaki ang tsansa na makapasok sa ating bansa ang variant na ito na unang natuklasan sa South Africa. Ang pinag-uusapan na lamang ay kailan ito makalulusot sa ating borders. At upang maantala ang pagpasok ng Omicron variant sa ating bansa, pinaghihigpit ng ating pamahalaan ang pagbabantay sa ating mga borders at pagmamatyag sa iba’t ibang bansa.


Sa bahagi natin, dapat palagi tayong handa, sundin ang health protocols — pagsusuout ng facemask, pag-iwas sa mga matataong lugar, palaging paghuhugas ng mga kamay — at magpabakuna. Ito ang epektibong paraan laban sa anumang variants ng COVID-19.


Ngayong kapaskuhan, sa gitna ng ating pagdiriwang, iwasan natin ang malakihang pagtitipon.


Mairaraos natin ang Kapaskuhan ng mapayapa at ligtas.


Mabilis kumalat ang virus sa malakihang pagtitipon. At tayo ay lubhang vulnerable tuwing ganitong panahon, kung kailan tayo ay madaling matukso na lumabas sa ating tahanan at makisaya kasama ang ating mga kaibigan o kakilala.


Tandaan, ang ating mga sakripisyong ginagawa ang magliligtas sa atin at sa ating mga mahal sa buhay.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page