top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Melba R. Llanera @Insider | June 13, 2024



File photo

“Nakakatawa,” ang maigsing pahayag ni Marian Rivera nang tanungin namin sa nakaraang launching niya bilang endorser ng Center for Advanced Dentistry kung ano ang reaksiyon niya sa mga isyu na ipinupukol sa pagsasama nila ng asawang si Dingdong Dantes. 


Kamakailan kasi ay na-link si Dingdong sa dating young star na si Lindsay de Vera at nabalita pa ngang may anak diumano ang dalawa. 


Idinenay naman ng Kapuso actor ang isyu at sinabing wala itong katotohanan lalo’t mahal niya ang asawa at mga anak. 


Hiningan din namin ng payo si Marian para sa isang matatag at matibay na pagsasama ng mag-asawa lalo’t magsa-sampung taon na silang kasal ni Dingdong at maikokonsidera na isa ang relasyon nila sa mga nananatiling matatag at matibay sa kabila ng ilang intriga at pagsubok na rin ang kanilang pinagdaanan.


Ayon kay Marian, wala siya sa posisyon kaya mahirap magbigay ng advice, pero isa lang ang sigurado niya, kailangang transparent ang mag-asawa sa isa’t isa at dito ay mananaig ang pagbibigay at pagtitiwala. 


Mawawalang saysay din daw ang lahat sa isang pagsasama kung ‘di magiging sentro ang Diyos.


Kabi-kabila rin ang mga awards na natatanggap ni Marian mula sa iba’t ibang award-giving bodies dahil sa tagumpay ng Rewind. Labis naman ang pasasalamat niya sa mga taong sumuporta at nanood ng pelikula. 


Katatapos lang gawin ni Marian ang Cinemalaya entry na Balota. Masaya at excited siya sa pinagbidahang indie film dahil dito niya nagawa ang lahat ng first time na hindi niya nagawa sa mga mainstream movies niya. 


Wala raw siyang makeup dito, iba ang mga linyahan na malayo sa mga dialogues niya sa mga nagawang pelikula at hindi siya nagpa-double sa mga action scenes kaya nagkasugat-sugat siya. 


At dahil sa magandang experience niya sa paggawa ng Balota, bukas siya uling gumawa ng pelikula sa Cinemalaya.



Aminado si Patrick Garcia na malaki ang nagbago sa kanya mula nang bumuo siya ng pamilya at maging ama. 


May anak si Patrick kay Jennylyn Mercado, si Jazz Alex, at may apat na silang anak ng asawang si Nikka Martinez. 


Ani Patrick, nabago ang pananaw niya mula nang maging ama. Mas pinagbubutihan daw niya ngayon ang pagtatrabaho para maging magaling na provider at maibigay ang best sa mga anak. 


Bukod sa showbiz, may business din si Patrick, ang Fine Gentleman na pagawaan ng mga suits, at isang barber shop. 


Samantala, ilang araw na nag-No. 1 sa Netflix ang pelikulang A Journey na pinagbidahan nina Patrick, Kaye Abad at Paolo Contis. Ikinagulat at ikinatuwa ni Patrick ang mainit na pagtanggap ng mga manonood sa kanilang movie. Masaya rin siya na nakatrabaho ang dating mga kasama sa Tabing Ilog na naging mga kaibigan na rin niya. 


Sa ngayon, naghihintay sa isang pelikula si Patrick na hindi niya alam kung mapapanood sa filmfest o Netflix.

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | June 10, 2024



File photo

Isang reliable source ang nagkuwento sa amin na sa isang private venue sa Silang, Cavite ginanap ang kasal nina Charlie Dizon at Carlo Aquino kahapon. Ilan sa mga ninong at ninang na kinuha ng dalawa ay mga big bosses ng ABS-CBN tulad ni Direk Lauren Dyogi at kabilang din dito ang Beautederm owner na si Ms. Rei Tan kung saan isa sa mga endorsers si Carlo.


Ninang din sina Vilma Santos at Maricel Soriano. 


Marami lang ang nagtaka na tila mabilisan daw ang kasal ng dalawa pero sa mga nakaraang interviews kasi kay Carlo (na ngayon ay 38 yrs. old na) ay nabanggit na nito na nakita na niya kay Charlie (28-anyos) ang babae na gusto niyang pakasalan at makasama habambuhay. 


Well, isa si Carlo sa mga itinuturing na walking red flag sa hanay ng mga aktor natin ngayon dahil sa naudlot sanang pagbabalikan nila ni Angelica Panganiban at breakup nila ng ina ng anak na si Baby Mithi na si Trina Candaza. 


Pero gaya nga ng kasabihan, lahat naman ay nagbabago lalo na kung natagpuan mo na talaga ang tamang tao para sa ‘yo. Marami rin naman kaming kilalang mga lalaki na babaero o playboy pero nu’ng nag-asawa at bumuo na ng pamilya ay tumino at naging mabuting padre de pamilya.


May ilan din ang nagsasabi na baka mawala ang kasikatan nina Carlo at Charlie ngayong nagpakasal na sila. 


Para sa amin ay umangat ang dalawa dahil sa husay nila sa pag-arte at wala naman silang love team na dapat isaalang-alang at pangalagaan kaya’t naniniwala kami na kung showbiz career ang pag-uusapan ay hindi sila mawawala at malalaos.



SPOTTED kamakailan sina Jericho Rosales at Janine Gutierrez sa isang mall sa Makati kung saan ay mukha raw manonood ng sine ang dalawa at umorder muna ng pagkain sa isang Jamaican pattie shop. Medyo blurred ang kuha ng isang netizen sa dalawa na magkasama pero makikilala na sina Jericho at Janine ito. 


Samantala, marami ang nagsasabi na wala namang magiging problema dahil parehong single ang dalawa. Si Paulo Avelino ang huling nabalitang nakarelasyon ni Janine at ngayon ay nali-link naman kay Kim Chiu. Kumpirmado naman na nauwi rin sa hiwalayan ang relasyon ni Jericho sa asawang si Kim Jones. 


Kilala rin na mahilig ang Kapamilya actor sa mga mestiza beauty. Bukod sa ex-wife na si Kim, ilan nga sa mga ex-girlfriends ni Jericho ay sina Kristine Hermosa, Angelika dela Cruz at Cindy Kurleto. Ang masasabi lang na morena beauty ay si Heart Evangelista, kaya hindi kataka-taka kung mabalita na nahuhulog ang loob ng aktor kay Janine sa kabila ng naging pahayag nito na hindi pa siya handang pumasok sa pakikipagrelasyon.


Well, balita rin na magkasama ang dalawa sa isang upcoming serye ng ABS-CBN at iniisip ng iba na maaaring dito nagsimula ang closeness ng dalawa.


May ilan namang nang-iintriga na baka parte ito ng publicity gimmicks dahil nga may serye silang pinagsamahan at naghihintay na lang ito ng airing.


Para naman sa amin ay hindi na kinakailangang gumimik ng dalawa para mapag-usapan dahil kung talento ang pag-uusapan ay walang maaaring kumuwestiyon dahil sa husay nilang umarte.    



Siniguro sa amin ng porn star at Vivamax artist na si Salome Salvi na wala siyang pinagsisihan sa naging desisyon niya na pumalaot sa mundo ng pornograpiya at pagiging adult digital content creator. 


Pagkukuwento sa amin ni Salome, layunin niya talaga na maging isa sa mga gumagawa ng adult content at i-stream ito.


Ayon din sa porn artist ay isa siyang film fan, showbiz fan at passionate siya rito gaya ng kung gaano siya ka-passionate sa kanyang sex work at pornograpiya. 


Sa ngayon ay solo sa buhay si Salome, walang boyfriend at wala na ring koneksiyon sa kanyang pamilya. 


Paliwanag sa amin ni Salome ay hindi niya ipipilit ang sarili niya sa mga taong ayaw sa kanya at kung hindi matatanggap ng makakarelasyon niya ang kanyang trabaho ay mas gugustuhin na lang niya na walang makarelasyon. 


Aminado si Salome na bilang isang porn star ay marami siyang naranasan na pambabastos mula sa ibang tao lalo na sa mga kalalakihan.  Maraming maling akala ang mga tao sa mga tulad niyang porn star at ito ay hindi sila karapat-dapat na bigyan ng respeto at wala silang dignidad na dapat na ring baguhin ng ibang tao na may maling paniniwala rito.


Sa ngayon ay parte ng seryeng Black Rider si Salome, kung saan ine-enjoy niya ang magandang samahan sa set at ang exposure na nakukuha niya sa show. Gumradweyt si Salome sa University of The Philippines (UP) at nagtapos ng kursong Fine Arts. Ang pangarap nga ng aktres ay makasama at makilala niya ang mga kapwa UP grad at kapwa nagtapos ng Fine Arts na sina Ma. Isabel Lopez at Mercedes Cabral.

 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | June 9, 2024



File photo

Sa kumakalat sa social media na video ng birthday celebration ni Nikko Natividad 8 yrs. ago, makikita ang pagiging malapit ni Vice Ganda sa dating Hashtags member, at napabalita pa ngang siya ang paborito ng Unkabogable Phenomenal Star sa grupo.


Kaya labis na ikinagulat ng iba ang naging post ni Nikko tungkol sa isyu sa Expecially For You episode ng It’s Showtime nu’ng May 31 kung saan napagsabihan ni Vice ang searchee na si Axel Cruz sa tila pagnanakaw ng halik sa searcher na si Christine na naging viral at pinag-usapan nang husto sa socmed.


Lumabas kasi na tila nasa dalawa ang simpatya ni Nikko at sinabi pa na naging biktima si Axel ng powertripping dahil ipinahiya sa TV. 


Marami ang nagsasabi na tila sumasawsaw si Nikko sa isyu tulad ng iba na nagbibigay ng opinyon sa nangyari. May ilan ding nagparatang kay Nikko na tila nakalimutan na nito kung anuman ang naitulong sa kanya ng pinanggalingang show. 


May interview din noon si Nikko na nagpapahayag ng kalungkutan nu'ng patawan ng 12-day suspension ang It’s Showtime ng MTRCB last September, 2023 dahil sa diumano’y ilang paglabag ng programa kabilang na ang indecent act ng real-life partners na sina Vice Ganda at Ion Perez nu’ng July, 2023. 


Ayon pa sa panayam ni Nikko, isang isyu lang ito na ginatungan nang ginatungan ng iba hanggang sa lumaki para mapag-initan ang It’s Showtime


May isa ring video ng pagpa-prank ni Nikko kay Vice sa radio show ng MOR limang taon na ang nakakalipas kung saan tinawagan niya ang TV host para kunwaring humingi ng payo rito dahil pakiramdam niya ay bisexual siya at nakakaramdam ng atraksiyon sa mga kasama sa Hashtags. 


Tanong tuloy ng karamihan ay ano ang nangyari kay Nikko na tila nakikigatong sa isyu ngayon at tila idinidiin si Vice sa social media ganu'ng malapit silang magkaibigan?



SINIGURO ni Imelda Papin sa nakaraang thanksgiving lunch niya bilang isa sa bagong appointed directors ng PCSO na sa bagong ipinagkatiwalang posisyon sa kanya ng gobyerno ay mas mapapadali na ang paglapit sa ahensiya kapag may nangailangan ng tulong na taga-industriya. 


Isa nga sa mga proyektong sisimulan ng dating Jukebox Queen ay ang "Isang Linggong Serbisyo" na hinango ang titulo sa pinasikat niyang kanta na Isang Linggong Pag-ibig


Ang layunin ng nasabing programa ay maging bukas ang PCSO kahit Sabado at Linggo dahil marami sa mga kababayan natin ang kailangan ng tulong kahit sa ganitong mga araw. 


Kuwento rin ni Imelda ay sumigaw siya at umiyak nang ibalita sa kanya ang appointment bilang isa sa mga direktor ng naturang government charitable institution. Masayang-masaya siya dahil kahit noon pa, bago pa man siya mahalal bilang vice-gov. ng Camarines Sur ay nasa puso na talaga niya ang pagtulong at magserbisyo sa mga nangangailangan.


Tinanong din namin kung maitutuloy pa ba niya ang kanyang showbiz career ngayong may bago nang trabaho na nakaatang sa kanyang balikat. Ayon naman kay Imelda, ‘pag Sabado at Linggo ay puwede pa rin naman niyang isingit ang showbiz. 


Sa July na pala ang target date nila para maipalabas sa mga sinehan ang pelikula niyang The Untold Story of Imelda Papin at sa ngayon ay puro block screenings ang ginagawa nila. 


Ang nasabing pelikula rin ang naging tulay upang maging magkaibigan sila ni Claudine Barretto na siyang gumanap bilang young Imelda. Papuri ng singer ay magaan katrabaho si Claudine. Itinuring siya nito na parang nanay at mahal niya ang aktres.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page