top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Melba Llanera @Insider | August 10, 2024


Showbiz News
Photo: Nicolet Constana / FB

Lahat ng dumalo sa lamay ng Regal matriarch na si Mother Lily Monteverde ay naniniwala na isang napakalaking kawalan sa industriya ang pagpanaw ng iconic movie producer. 


Iba ang passion, pagmamahal at pagpapahalaga na ibinigay ni Mother Lily, hindi lang sa industriya kundi sa mga naging alaga ng Regal Films na mga tinatawag niyang Regal babies. 


Kuwento nga ni Snooky Serna, nu’ng nag-break sila ni Albert Martinez ay halos isang taon siyang na-depress at nagkulong sa kanyang kuwarto. Si Mother Lily kasama si Inday Badiday ay laging dumadalaw sa kanya, nagdadala ng pagkain at madalas nga ay natutulog pa sa sala nila para lang mabantayan at masiguro na maayos siya. 


Ayon naman kay Matet de Leon na nagbasa sa sulat ng pasasalamat ng ina na si Nora Aunor dahil may sakit ang Superstar, literally ay inampon din sila ni Mother Lily, kung saan lumaki at nagkaisip na siya sa bakuran ng Regal na dati ay pag-aari ng ina-inahan. 


Lagi rin siyang binabantayan nito at ayaw palabasin ng compound at sa mga pagkakataon na tinotopak siya sa shooting ay ibinibigay nito anuman ang gusto niya.


Pagbabahagi naman sa amin ni Richard Gomez, ang unang pelikula niya sa Regal ay ang Inday Bote pero inalok din pala sa kanya na gawin ang Scorpio Nights na pinagbidahan nina Anna Marie Gutierrez at Daniel Fernando, pero tinanggihan niya dahil hindi niya kaya ang mga sexy and erotic scenes. 


Pagkatapos nito ay nagkasunud-sunod na ang mga pelikula na ginawa niya sa Regal, kung saan nagbigay din ito sa kanya ng kanyang kauna-unahang Best Actor award. 


Natatawa naman si Ricky Davao habang inaalala na nagmistulang D.I. o dance instructor siya kay Mother Lily, kung saan madalas silang nagbo-ballroom nu’ng hindi pa nasusunog ang Ozone Disco. 


Ayon nga sa aktor, pagkatapos niyang isayaw nang isayaw ang Regal matriarch, kasunod nito ay may pelikula na siyang gagawin sa Regal. 


Pambubuko naman nina Ice Seguerra at Snooky Serna ay mapaniwala sa mga pamahiin si Mother Lily. Ayaw pala nito ang kulay itim, kung kaya’t nu’ng bata si Ice ay hindi siya pinapainom nito ng Coke. 


Natatawa namang nagkuwento si Snooky na nu’ng nagpaalam siya kay Mother Lily na gagawin niya ang Blusang Itim sa Seiko Films ay nagsabi sa kanya ito na hindi kikita ang pelikula dahil itim ang kulay ng blusa na gagamitin niya sa pelikula. Pero nu’ng kumita naman ito ay biglang bawi at sinabing alam niya na kikita ito. 


Kung si Robbie Tan ay binigyan siya ng pera bilang bonus, si Mother Lily, kahit hindi niya pelikula ang Blusang Itim ay nagregalo ng out of the country treat kay Snooky.


Para nga sa lahat, karakter talaga ang Regal matriarch pero ibang levels ang pagmamahal at pag-aalaga na ibinigay nito sa kanila, kaya hindi nila ito makakalimutan. 

Hiling lang nilang lahat ay magpatuloy sana ang legacy na iniwan ni Mother Lily Monteverde, kung saan iniwan niya ang pamamahala ng Regal Films sa anak na si Roselle Monteverde na nangako naman na itutuloy ang naiwan ng namayapang ina.




 
 

ni Melba Llanera @Insider | August 4, 2024



Showbiz News
Photo:Claudine Barretto & Angelu De Leon / IG

Labis ang pasasalamat ni Gladys Reyes dahil sa buwan ng Hulyo ay dalawang beses niyang nasungkit ang Best Supporting Actress trophies.


Nauna na sa 7th Eddys Awards para sa pelikulang Apag at sa 40th Star Awards for Movies naman ay sa pelikulang Here Comes The Groom


Parehong lubos na ikinasaya ni Gladys ang mga pagkilala na nakamit, pero aminado siyang sobra siyang natuwa sa pagkapanalo niya sa Star Awards for Movies. 


Paliwanag sa amin ng aktres, nakilala kasi siya bilang kontrabida, kung hindi man ay sa drama, kaya masaya siya na nakita ng PMPC ang talento niya sa pagpapatawa na para sa kanya ay nangangailangan ng perfect timing para maging epektibo ang isang eksena. 


Ayon din kay Gladys ay alam ng mga malalapit sa kanya na makuwento at masayahin siyang tao, kung kaya’t hindi nalalayo sa kanya ‘pag gumaganap siya ng isang comedy role.


Sa interbyu namin kay Gladys ay nahingan namin siya ng reaksiyon sa hindi pa rin naayos na sigalot sa pagitan nina Claudine Barretto at Angelu de Leon, na pumutok nang aminin ito ni Claudine on stage sa mismong 20th wedding anniversary nila ng asawang si Christopher Roxas.



Ngayong umamin na rin si Gerald Santos na katulad ni Sandro Muhlach ay nakaranas din siya ng sexual harassment, naging mainit na ngang usapin sa showbiz industry ang tungkol dito. 


Open secret naman sa showbiz na talamak ang ganitong senaryo kung saan nabuksan lang ito at naging malaking isyu sa ngayon dahil may nagreklamo, at ngayon nga ay nagsampa na ng demanda laban sa dalawang tao na diumano’y nambaboy sa kanya.


Ang kaibahan lang para sa amin ay may nagreklamo, samantalang ‘yung iba na nasangkot sa ganito, may permiso at alam ang pinapasok nila. 


Sabi nga nila, pakapalan na lang ng mukha at patapangan ng sikmura upang tumagal at maka-survive sa mundo ng showbiz. 


Balita na noon pa na hindi lang sa mga TV networks nagaganap ang ganitong mga issue kundi maging sa film industry.


Hiling lang namin ay nawa’y mabigyang-hustisya ang mga biktima ng ganu’ng pang-aabuso at usigin ng kunsensiya ang mga taong ginagamit ang kanilang posisyon at kapangyarihan para makapang-agrabyado at makapanakit ng mga mas mahihina sa kanila.



 
 

ni Melba Llanera @Insider | July 11, 2024



Showbiz News

Nakapanayan din namin sa 7th EDDYS Awards Night si Enchong Dee, ang itinanghal naman bilang Best Supporting Actor para sa pelikulang Gomburza


Inamin ng Kapamilya actor sa kanyang acceptance speech na pakiramdam niya ay kulang ang ibinigay niya para sa kanyang role bilang Padre Mariano Zamora sa pelikula, kaya’t overwhelmed at hindi siya makapaniwala na tinalo niya ang mga katunggali gaya ni JC Santos at iba pa sa napanalunang kategorya. 


Pahayag ni Enchong, pakiramdam niya kasi ay hindi sapat ang nai-deliver niya sa role pero lagi niyang nakakalimutan na iba’t iba ang persepsiyon at opinyon ng bawat tao sa nakikita at napapanood nila. 


Para nga kay Enchong, ang pagkapanalo niyang ito ay nagsisilbing inspirasyon para mas gumawa pa siya ng mas maraming proyekto at kabilang nga rito ay ang serye na sisimulan niyang gawin sa Kapamilya Network. 


Very proud din si Enchong na nasama siya sa pelikulang Gomburza na ngayon ay educational reference na ng mga kabataan kapag tatalakayin ang kasaysayan ng Pilipinas.


Well, wala mang love life ay naniniwala si Enchong na darating ito sa tamang oras. 


Maganda ang itinatakbo ng kanyang career sa ngayon at kita naman na ito ang top priority niya lalo’t nakilala ang kanyang talento bilang isang aktor sa Gomburza.



KUNG dati ay iwas at tipid 'pag tinanong si Julia Montes tungkol kay Coco Martin, sa nakaraang 7th EDDYS Awards Night kung saan itinanghal ang Kapamilya actress bilang Best Actress para sa pelikulang Five Break-ups and A Romance, naging bukas nang magkuwento si Julia nang kumustahin namin ang bakasyon nila ni Coco sa Spain. 


Kinilig ang mga CocoJuls (Coco at Julia) fans at nagpahayag naman ang ilang mga showbiz personalities gaya nina Vhong Navarro, Isabel Oli-Prats, Iza Calzado, Jake Cuenca at iba pa nang mag-post si Coco ng sweet pictures nila sa harapan ng Casa Batllo sa Spain. 


Ayon kay Julia, sa sobrang busy sa trabaho ni Coco ay deserve naman nitong makapagpahinga at ine-enjoy nila sa lahat ang makapagsimba na rin. Naniniwala rin siya na kapag nagta-travel ang magkarelasyon mapa-out of town man o out of the country ay mas nagiging solid ang relasyon ng mga ito lalo’t nakikilala nila lalo ang isa’t isa.


Samantala, naging isyu na hindi pinasalamatan ni Julia si Coco sa kanyang acceptance speech. Sa tingin namin ay sinadya rin talaga ni Julia na hindi banggitin ang pangalan ng rumored boyfriend para iwas na rin sa panunukso at isyu. 

Sa interview kasi kay Julia ay sinabi naman nito na laging supportive sa kanya si Coco at kung anuman ang narating niya ngayon sa showbiz bilang aktres ay parte si Coco.


Para kay Julia, ang pagkapanalo niya ang nagbigay sa kanya ng drive para gumawa pa ng mas maraming pelikula at ibahagi sa mga manonood ang kanyang talento. 

Bukas naman at nandu’n din ang dasal ni Julia na sana ay magkaroon ng isang proyekto na pagsasamahan nila ni Kathryn Bernardo kung saan huli silang nagkasama sa pelikulang Way Back Home nu’ng 2008.


Aminado si Julia na takot siyang sumubok at lagi niyang naaalala ang payo sa kanya ng yumaong Dreamscape head na si Sir Deo Endrinal na huwag ikahon ang sarili sa tuwing may mga pagsubok na dumarating sa kanya at laging maging bukas at matapang.

Isa ring serye ang pinaghahandaan sa ngayon ni Julia Montes. Hindi pa siya makapagbigay ng detalye tungkol dito pero siniguro niya na espesyal ito at kaabang-abang.



Sa seryeng Maria Clara at Ibarra pa lang ay nakita na namin ang chemistry ng tambalang Barbie Forteza at David Licauco kaya 'di kataka-taka na muli itong sinugalan ng GMA-7 sa Pulang Araw. At ngayon nga, ang Pocket Media Productions Inc. naman ang tumaya sa BarDa love team sa pelikulang That Kind of Love


Isa kami sa mga naimbitahan para manood sa premiere night ng pelikula at masasabi namin na iba talaga ang chemistry at kilig na dala ng BarDa love team. Mahusay umarte at malinaw magbitaw ng mga dialogues niya si Barbie at napakahusay magpakilig kahit sa tingin niya lang si David. 


Napuno ng tilian ang buong sinehan sa mga nakakakilig na eksena ng dalawa. Tulad nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo na walang relasyon pero mainit na tinanggap ng publiko ang tambalan, ganito rin ang nakikita namin na puwedeng mangyari sa BarDa tandem, na kahit may kani-kanyang karelasyon ay mainit pa ring tinanggap ng publiko.


Sa kabila nito ay hindi naman nawawalan ng pag-asa ang mga BarDa fans at para sa kanila ay mahaba pa ang tatakbuhin ng mga pangyayari lalo’t bata pa naman ang dalawa at marami pang puwedeng mangyari. 


Nakikita naman kasi ng dalawa na girlfriend-boyfriend material ang isa’t isa. Para kay Barbie, ang pagiging malalim, mapagmahal, magandang upbringing at ang pagpapahalaga nito sa kanya ang nakikita niyang magagandang katangian ni David. 


Para naman kay David, ang pagiging masipag at alam kung ano ang gusto nitong makuha at gawin sa buhay ang mga katangian ni Barbie para masabi niyang girlfriend material ito.


Nagsimula nang mapanood kahapon, July 10, sa mga sinehan ang That Kind of Love sa ilalim ng direksiyon ni Direk Catherine "CC" Camarillo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page