top of page
Search

ni Mharose Almirañez | October 14, 2022




Pambansang sakit ng mga writer ang ‘writer’s block’ kung saan tila name-mental block sila’t hindi makapag-isip ng isusulat. Kumbaga, nasasaid ang utak nila, kaya kahit magdamag pa silang tumunganga sa harap ng papel, laptop o computer ay napakahirap para sa kanilang makapag-construct ng isang makabuluhang paragraph.


Ayon sa research, kabilang sa mga kilalang manunulat na nakaranas ng writer’s block ay sina F. Scott Fitzgerald, Joseph Mitchell, atbp. I wonder kung nakaranas din nito sina Dr. Jose Rizal at Francisco Baltazar. Char!


Sabi naman ng ilan, hindi raw totoong nag-e-exist ang ‘writer’s block’ sapagkat palusot lamang ‘yun dahil tinatamad silang magkalkal ng mga salita o creative juices. Posible ring distracted sila between personal life and writing career. So ano nga ba ang totoo?


Bilang manunulat, narito ang ilang tips na puwede kong ibahagi sa tuwing tinatamad akong magsulat o nakakaranas ng writer’s block:


1. MAG-SET NG SARILING DEADLINE. Ang pagsusulat ng nobela ay hindi kasing bilis ng one-night stand na puwede kang makabuo sa isang gabi lang. It takes years and endless nights. Nangangailangan din ito ng ilang baldeng kape, paulit-ulit na revisions at walang katapusang writer’s block. Siyempre, hindi mo naman puwedeng ipilit ang pagsusulat kung wala ka sa mood dahil magmumukhang chaka ang iyong piyesa. Ayaw mo naman siguro magmukhang ni-rush ang iyong manuscript para lamang makaabot sa deadline, ‘di ba? That’s why, ikaw na ang mag-set sa mas maagang deadline. Unahan mo na ‘yung deadline ng boss mo. Upang magawa ‘yun, kailangan mong mag-concentrate. Huwag kang magpa-distract. Eh, paano naman ‘yung mga may deadline ng alas-5:00 ng hapon araw-araw? Simple lang ‘yan, mag-focus ka at basahin ang mga susunod pang tips.


2. MAG-SCROLL SA SOCIAL MEDIA. Isa ito sa dahilan kaya nadi-distract ang karamihan, pero knows mo bang nakakatulong din ang social media upang makakuha ng mga bagong kaalaman na maaari mong magamit sa iyong manuscript o article? Halimbawa, puwede mong gamitin ‘yung tips sa mga napapanood mong TikTok content. Puwede mo rin gawing basehan ‘yung mga advice at opinyon na naririnig mo sa podcast.


3. MAGLAKWATSA. Away from keyboard ka muna kung talagang wala nang mapiga sa ‘yong utak. Subukan mong mag-akyat-baba sa hagdan, maglakad sa hallway o tumambay sa coffee shop. Puwede ka ring bumiyahe sa unfamiliar places para maligaw ka man, at least mayroon kang bagong kuwento o adventure na puwedeng isulat. I-draft mo lang muna ‘yun, saka mo balikan kapag overflowing na ang sentences at ideas sa ‘yong utak.


4. MAG-OBSERVE. Nasaang lugar ka man, ugaliin mong magmatyag sa mga taong nakapaligid sa ‘yo dahil puwede mo itong gamitin upang makabuo ng sentences kalaunan. Hindi naman sa pagiging ‘Marites’, pero tingnan mong maiigi ang bawat galaw ng mga kamay nila at maging ang paraan kung paano sila magbutones ng damit. Kilatisin mo ang model o unit ng hawak nilang selpon. Gaano ba sila kalakas magsalita? Kung novel ang iyong isinusulat, puwede mo na gamiting description ang mga nabanggit bilang establishing ng iyong scene. I-bullets mo muna ‘yung bawat keywords na na-observe mo, pagkatapos ay puwede mo na ‘yun lagyan ng supporting details. Kung article naman, humanap ka ng magandang anggulo at doon ka mag-focus.


5. MAKIPAGPALITAN NG IMPORMASYON. Halimbawa, tsika-tsikahin mo lang ‘yung friend mo... A typical conversation, without you guys knowing na kung anu-ano na ang naging topic n’yo— na puwede mo rin palang magamit para sa iyong next article. Kung half Chinese siya, eh ‘di, puwede mo siya interbyuhin tungkol sa Chinese culture. Mga ganu’ng atake, beshie. Make sure na isa-cite mo rin siya at the end of your article para hindi sumama ang loob niya sa ‘yo.


6. MAGMUNI-MUNI. Tumulala ka lang at hayaan mong dalhin ka ng iyong imagination kung saan. Mag-overthink ka lang. Malaking factor din ang ambience para ganahan kang magsulat. Sey ng ilan, masarap magmuni-muni tuwing madaling-araw, habang hawak ang baso ng mainit na kape. Idagdag mo na rin ang mga patak ng ulan sa inyong bubong at ang magandang himig ng musika. ‘Yung tipong, kada bitaw ng lyrics ay word-by-word ka nang nakakapag-construct ng sentences, hanggang tuluyan ka nang makabuo ng isang paragraph, isang chapter, manuscript at nobela.

Huwag mong gawing dahilan ang writer’s block para huminto sa pagsusulat dahil ang totoong manunulat ay hindi nauubusan ng mga dahilan para sumulat. Lapis at papel ang una nilang naging puhunan sa kanilang pangarap, kaya tamarin man silang magsulat o ma-distract man pansamantala, hahanap at hahanap sila ng paraan upang makabalik sa pagsusulat.


Gets mo?

 
 

ni Mharose Almirañez | October 9, 2022




Gulung-gulo na ba ang utak mo kaiisip sa dami ng problema? ‘Yung tipong, gabi-gabi kang napupuyat kao-overthink? At kung puwede lang pumunta agad sa maaliwalas na lugar upang du’n makapagmuni-muni, pero hindi keri ng budget. Jusko, beshie, I feel you!


Pero knows mo ba na hindi mo naman kailangang bumiyahe sa malalayong lugar o pumunta sa nagte-trend na ‘Instagramable’ spot para lamang magkaroon ng peace of mind, dahil puwedeng-puwede mo ‘yang ma-achieve sa pamamagitan lamang ng mga sumusunod:


1. MAKINIG NG RELAXING MUSIC. Halimbawa ay ang mga healing music, meditation music, spa music, lullaby, zen, flowing river at iba pang nakakapag-pakalmang tono. Epektibo rin itong background music upang makapag-focus sa pagre-review ang isang estudyante. Hindi mo kailangang magtravel, sapagkat ise-search mo lang ang mga nabanggit na keywords sa YouTube, at para nang nakapag-teleport ang iyong imagination papunta sa ibang dimension o sa lugar kung saan malayo sa stress.


2. MANOOD NG DOCUMENTARIES. Kung gusto mong kumalma ay huwag kang manood ng palabas na puro drama o suspense, sapagkat lalo ka lamang mai-stress. Sa halip ay manood ka ng mga documentary na may monotonous na pagsasalaysay. Ang pagiging informative ng documentary ay nakakatulong upang magbigay ng karagdagang impormasyon at matabunan pansamantala ang mga bumabagabag sa iyo.


3. HUWAG MAKINIG SA SASABIHIN NG IBA. Sa halip na makinig sa mga sinasabi nila ay lumayo ka na lamang. Posible kasing kaya mo naa-attract ang negativity ay dahil puro negative vibes ang nasa paligid mo. Kumbaga, sila ang humahatak sa ‘yo para ma-stress. ‘Ika nga, “One of the greatest freedom is the freedom from fear of people’s unreasonable opinion of you.” Kumbaga, kapag wala kang pakialam sa iniisip nila, malaya ka.


4. THINK POSITIVE. Tandaan, everything happens with a purpose, it can either be a lesson or a blessing. Hindi naman maiiwasang mag-alala, pero haluan mo rin ng positive mindset para manaig ang positive outcome. Lahat ng bagay ay may dalawang sides, kaya kung puro negative ang nae-encounter mo, hanapin mo ‘yung kabilang side.


5. MANALANGIN. Walang mas nakakagaan ng pakiramdam kundi ang pagdadasal. Kausapin mo sa iyong isipan ang Panginoon. Mangumpisal, magpasalamat at magkuwento nang mataimtim. Sa paraang ito ay nailalabas mo ang iyong mga emosyon at saloobin. Lagi naman Siyang nakikinig at hindi ka Niya huhusgahan.


6. MAG-EXERCISE. Nakakawala ng stress ang pag-e-exercise, kaya isama mo na ito sa iyong schedule. Sey ng experts, kada pawis na inilalabas mo sa iyong katawan ay may katumbas na daily dose of happiness. Hindi lamang nito nabu-boost ang iyong mood, concentration at alertness kundi nai-improve rin nito ang iyong cardiovascular at overall physical health. Gasino lang naman ‘yung 15 minutes na exercise, ‘di ba?


7. MAG-SHARE NG PROBLEMA SA IBA. Mainam kung may isang tao kang napagsasabihan ng mga bagay na nagpapabigat sa iyong isip at damdamin. Hindi naman mahalaga kung may maipapayo siya sa ‘yo o wala, dahil ang importante ay ‘yung presensiya niya. Nand’yan siya bilang taong masasandalan at nagsisilbing pahinga mo. Mahirap kasi kung sasarilihin at kikimkimin mo lang ang lahat ng problema, ‘di ba?


Sana ay makatulong ang mga nabanggit upang mabawasan ang mga nakakapagpabigat sa ‘yong isip. ‘Wag kang mag-alala dahil malalagpasan mo rin ang problema at makakamit ang peace of mind na pinapangarap.


Hope you feel better soon, beshie!

 
 

ni Mharose Almirañez | October 6, 2022




Kung mabibigyan ka ng pagkakataong makabalik sa past gamit ang time machine, anu-ano ang mga gusto mong itanong sa batang ikaw o what if, ikaw ang tanungin niya kung masaya ka ba sa present? May naghihintay ba sa inyong buhay sa future? Ano ang isasagot mo?


Paniguradong napakarami n’yong tanong sa isa’t isa at baka kung saan pa mapunta ang inyong topic. Ngunit bago ang lahat, narito ang 5 general questions na kailangan mong ipaliwanag sa iyong sarili na maaaring makapagpabago sa pananaw ng inosenteng ikaw:

1. BAKIT KAILANGANG MAGDASAL? Kung unti-unti mang nawawala ang pananalig mo sa Diyos, hindi pa huli para magbalik-loob at ipaubaya sa Kanya ang lahat ng iyong agam-agam sa buhay. Kung sa tingin mo ay walang nakakaunawa at nagmamahal sa ‘yo, nand’yan ang Diyos, beshie. More than willing Siyang mag-sacrifice ng buhay Niya para sa ‘yo. Magkakaiba man ang ating relihiyon, kailangan mong magkaroon ng matibay na paniniwala sa Kanya dahil kailanman ay hinding-hindi ka Niya susukuan.


2. BAKIT KAILANGANG MAG-SORRY? Malamang ay nagtataka ka kung bakit ka pinagso-sorry nina mom and dad kahit feeling mo ay hindi mo naman kasalanan ang nangyari. Actually, hindi naman ganu’n kahirap mag-sorry. Hindi ego o pride ang kailangan mong pairalin sa pagso-sorry. Huwag mong hintaying mahuli ang lahat bago mo masabi ang salitang ‘sorry’, dahil in real life, walang time machine na puwede mong gamitin sa pagta-travel back in time just to say sorry.


3. BAKIT KAILANGANG MAY MAHIRAP, MAY MAYAMAN? Hindi ka man maging sobrang yaman in the future, ang mahalaga ay may natutunan ka sa buhay at alam mo kung paano gagamitin ang iyong mga natutunan sa pang-araw-araw na buhay. After all, katalinuhan at karanasan ang tanging yaman na hinding-hindi maaagaw sa ‘yo ninuman. Huwag mong kainggitan ang lifestyle ng iba, sapagkat kaya mo rin naman maging katulad nila o higit pa kung sisimulan mong mag-focus sa sarili mo to become a better version of yourself.


4. BAKIT KAILANGANG MAG-ARAL? “Kabataan ang pag-asa ng bayan,” sabi nga nila. Sa paaralan nagsisimulang matuto at magkaroon ng iba’t ibang pananaw ang bawat kabataan. Kung mag-aaral kang mabuti, maaari kang magkaroon ng magandang kinabukasan. Nakakalungkot mang isipin, ngunit sa totoong mundo kasi ay diploma ang basehan ng pagkatao ng isang indibidwal. ‘Yung tipong, kung hindi ka nakapagtapos ng pag-aaral ay mamaliitin ka nila at huhusgahan ang buo mong pagkatao.


5. BAKIT KAILANGANG TUMANDA? Hindi mo habambuhay na makakasama ang iyong magulang kaya kailangan mong sulitin ang mga panahong kasama mo pa sila, dahil hahanap-hanapin mo rin ang kanilang pagkalinga kalaunan. Sa oras na ikaw naman ang tumanda, rito mo mararanasan ang iba’t ibang phases ng buhay. Huwag kang magtaka kung magkaroon ka ng kaliwa’t kanang utang at hindi matapos-tapos na problema sa buhay dahil bahagi ‘yan ng adulting. Tandaan mo lamang na habang bata ka pa ay simulan mo na ang mag-ipon— hindi lang ng pera, kundi pati na rin experiences. Iba’t ibang karanasan ang makakapagpatibay sa ‘yo. Isipin mo na lamang din na mas masarap mag-retire nang pensionado kaysa tensiyonado.

Maliban sa mga nabanggit ay paniguradong napakarami mong specific questions na gustong itanong sa ‘yong sarili, kung sakaling ma-meet n’yo ang isa’t isa sa pamamagitan ng time travel.


Marahil ay isang kabaliwan ang makapaglakbay sa iba’t ibang panahon, pero kung sakaling maimbento nga ang time machine, paano mo tutulungan ang iyong sarili upang malagpasan ang struggles sa pang-araw-araw na buhay?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page