top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 3, 2021




Pinalagan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang rekomendasyon ni Manila Mayor Isko Moreno sa national government na huwag nang gawing mandatoryo ang pagsusuot ng face shield kontra COVID-19.


Ayon kay Duque, “Okay ang mungkahi ni Mayor Isko kung malaki na (ang) vaccination coverage natin.”


Paliwanag pa niya, “Hindi pa puwedeng tanggalin ang face shield policy for now when our two-dose vaccination coverage is a little over 2% due to still inadequate vaccine supply.”


Giit naman ni Mayor Moreno, "Tayo na lang yata sa buong mundo ang nagre-require ng face shield sa kalsada. Dapat pag-isipan ulit ito. Marami na tayong natutuhan. We should adjust."


Matatandaang naging mandatoryo sa ‘Pinas ang pagsusuot ng face shield at face mask bilang proteksiyon ng publiko laban sa lumalaganap na virus.


“There are many scientific studies showing that face shields in combination with face masks and more than 1 meter social distancing provide a greater than 95% protection,” sabi pa ni Duque.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 3, 2021




Patay ang magkapatid na babaeng edad 8 at 9 matapos saksakin ng sariling ama sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Western Poblacion, Baras, Catanduanes kagabi, June 2.


Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag ang Barangay Poblacion mula sa isang residente at sinabing maglalaslas umano ang kanyang asawa. Kaagad namang rumesponde ang barangay upang kumpirmahin ang tawag at pigilan ang paglalaslas, ngunit nadatnan nilang duguan at nakahandusay na sa loob ng bahay ang magkapatid.


Salaysay pa ng mga awtoridad, inatake umano sila ng suspek gamit ang kutsilyo kaya binaril nila ito at pinatamaan sa hita.


Pagkadakip sa suspek ay isinugod nila sa ospital ang mag-aama, subalit dead on arrival na ang magkapatid.


Kapag nakalabas naman sa ospital ang ama ay nakatakda itong sampahan ng kaso dahil sa pagpatay sa dalawang anak.


Sa ngayon ay hindi pa rin malinaw ang dahilan ng pagpatay nito sa magkapatid.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | June 3, 2021




Nilinaw ng mga eksperto na walang magiging problema kung ma-delay ang pagpapaturok ng isang indibidwal sa kanyang second dose ng COVID-19 vaccines, ayon kay Dr. John Wong, founder ng health research institution na EpiMetrics Inc.


Aniya, "Okay lang naman basta ang importante, bumalik sila para sa second dose. Without the second dose, kulang ang protection nila. Kahit na you miss by 1 week or 2 weeks, basta bumalik ka."


Batay sa huling tala, 3,974,350 indibidwal na ang nabakunahan ng unang dose, habang 1,206,371 lamang nito ang fully vaccinated o nakakumpleto ng dalawang turok.


Sa ngayon ay patuloy na hinihikayat ng gobyerno ang publiko na magpabakuna.


Iba’t ibang pakulo na rin ang inihanda ng ilang local government units (LGU) upang mapabilis ang vaccination rollout at nang tuluyang maabot ng bansa ang tinatarget na herd immunity.


Matatandaan namang aprubado na ng US Food and Drug Administration (US FDA) ang application ng Pfizer COVID-19 vaccines upang magamit sa menor-de-edad ang kanilang bakuna.


Kaugnay nito, sisimulan na sa ika-15 ng Hunyo ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga edad 12 hanggang 18-anyos sa France, ayon kay President Emmanuel Macron.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page