top of page
Search

ni Mharose Almirañez | March 6, 2022





“Mabuti pa ang trapik, may forever, samantalang sa relasyon, wala,” wika ng isang biktima ng mabagal na usad ng mga sasakyan sa EDSA. Mapapahugot ka na lamang talaga sa nakaka-stress na trapik.


Mantakin mong kahit pandemic, sobrang bagal pa rin ng daloy ng trapiko. Paano pa kaya ngayong balik-normal na ang lahat? Ready ka na bang makipag-unahan sa punuang jeep, bus at train? Kumusta naman ang estimated travel time mo? Nakapag-adjust ka na ba ng alarm?


Sa ilalim ng Alert Level 1, pinapayagan na ang 100% o full seating capacity sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila, alinsunod sa nilagdaan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na Resolution No. 163-A, series of 2022, noong ika-27 ng Pebrero.


Dahil d’yan, asahan mo na ang tripleng stress sa dami ng komyuter na daragsa ngayon. Kaya bilang gabay sa iyong pagbiyahe, narito ang ilang tips para hindi ka mabagot sa inaasahang trapik na sasalubong sa ‘yo sa daan:


1. HUWAG BUMIYAHE ‘PAG PEAK HOUR. Ito ‘yung pagitan ng alas-7:00 hanggang alas-10:00 ng umaga, at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi. Sa mga oras na ‘yan madalas dumaragsa ang mga biyaherong papasok at pauwi sa kani-kanilang trabaho. Kung ayaw mong makipagsabayan sa kanila, umalis ka nang maaga sa inyo o magpalipas-oras ka muna bago bumiyahe pauwi. Ikaw na ang mag-adjust, besh!


2. MAG-ISIP NG MAGAGANDANG MEMORIES. Masayang magmaneho o bumiyahe kapag nasa kondisyon ang iyong mindset. Ang panget naman ng vibes kung traffic na nga, tapos iistresin mo pa ‘yung sarili mo, eh wala namang magbabago kahit maglupasay ka pa sa kalsada. Dapat chill lang.


3. MAKINIG NG KANTA. Music lovers, pasok! Siyempre, mas masarap magmuni-muni habang may background music. Bawat tao ay may kani-kanyang taste of music, depende sa mood, kaya pumili ng patutugtuging genre na naaayon sa panahon at emosyon. Kalma ka lang.


4. MANOOD SA SELPON. Bilang pasahero, puwede kang malibang sa biyahe sa pamamagitan nang panonood ng mga nakaaaliw na palabas gamit ang iyong selpon. Maaari kang mag-scroll ng videos sa TikTok, Kumu, Facebook, Instagram at kung saan-saan pang social media platforms. Kung wala ka namang mobile data, siguraduhing may naka-download kang movie o series na puwedeng panoorin offline.


5. ISIPIN MO NA LANG, SA KABILA NG TRAFFIC AY PUWEDE KA PA RIN MAGING MULTI-TASKER IN A DIFFERENT WAY. Applicable ito sa mga taong nagbi-binge watching, kung saan kaka-isang episode mo, tapos mo na pala ang buong series, ‘yun nga lang, hindi ka pa rin nakararating sa ‘yong pupuntahan. Iyak! Pero at least, nakatapos ka ng isang series, ‘di ba?


6. MAGING ALERTO. Ito ‘yung mga biyahero na kunwari ay natutulog pero nakikiramdam lang sa paligid. Sila ‘yung mga pasimpleng nakatingin sa screen ng selpon mo. ‘Yung mga palihim na nakikinig sa usapan ng ibang pasahero. Aware na aware sila mga nangyayari sa loob ng sasakyan, na tila pati sa public transport ay nag-aala-Marites.


Bilang isang driver, kailangan mo ring maging alerto para maiwasan ang iringan at gitgitan sa kalsada. Hindi ka dapat magpadalos-dalos sa pagmamaneho, na basta ka na lamang sisingit kung saan may maluwag na drive way. Isaalang-alang mo rin ang ibang sasakyan. Huwag paiiralin ang init ng ulo, besh!


Nakatutuwang isipin na makalipas ang dalawang taon ay unti-unti nang bumabalik sa normal ang bansa. Gayunman, hindi pa rin tayo dapat maging kampante. Tiyaking sumusunod sa IATF protocols upang maiwasan ang hawahan at mapigilan ang muling paglobo ng bilang ng tinatamaan ng virus.


 
 

ni Mharose Almirañez | February 27, 2022




Nakakarindi pakinggan ang paulit-ulit na tanong ng tita’t tito’s of Manila na walang ibang bukambibig kundi abalahin ang iyong love life. ‘Yung tila mas worried pa sila sa ‘yong pagtandang-dalaga. Samantalang ikaw, halos wala ka man lang pakialam sa dami ng lalaking lumagpas sa buhay mo.


Batid naming ikaw itong strong independent woman who doesn’t need a man for a living (sana all, ‘di ba), pero minsan ba ay naitanong mo na rin sa ‘yong sarili, kung hanggang kailan ka magiging ganyan ka-strong?


No man is an island, ‘ika-nga.


Alam naming pakitang-tao mo lang ang pagiging strong, dahil weak ka naman talaga inside. Ikaw ‘yung ayaw makaabala sa iba, kaya sasarilihin mo na lang ang lahat ng bumabagabag sa ‘yo. Ikaw ‘yung nagninilay-nilay sa gabi at tinatanong ang kapalaran kung bakit napaka-unfair ng mundo.


Siyempre, alangang sagutin ka ng apat na sulok ng pader, at kahit magtitigan pa kayo magdamag ng kisame—hinding-hindi rin ‘yan sasagot. Walang makaririnig sa ‘yo, hangga’t hindi mo tinitibag ‘yung mataas na pader sa pagitan ninyo ng mga taong lumalapit sa ‘yo. Hangga’t naka-padlock ‘yung sarado mong isip. Hangga’t you’re not enough ready to lower your guard.


Sabi nga ni Maestro Honorio Ong, malaki ang impluwensya ng Astrolohiya at Numerolohiya sa personalidad ng isang tao. Gayunman, gabay lamang ang mga ‘yun, sapagkat ikaw pa rin ang gagawa ng sarili mong kapalaran.


Kung pakiramdam mo nama’y planado mo na ang iyong future, ‘wag kang pakasisiguro dahil ang buhay ay punumpuno ng surpresa. Kahit pa gaanuman ka-detail oriented ‘yang pina-plantsa mong future, may isang tao pa ring maglalakas-loob na tibagin ang iyong pader. Kumbaga, hawak nito ‘yung susi na mag-aalis sa iyo sa ‘yong comfort zone.


Sa oras na dumating ang araw na ‘yun, sana piliin mo ang maging masaya.


Tandaan, you only die once, kaya ‘wag kang pumayag mamatay nang hindi nararanasang sumalungat sa agos. Hindi ka totoong strong kung hindi mo naranasang madapa, masugatan, masaktan at umiyak. Hindi masamang magpakita ng kahinaan. Kaya sana, ‘wag kang matakot papasukin ang lahat ng taong kumakatok sa iyong buhay. Okie?


 
 

ni Mharose Almirañez | February 26, 2022





Kung ikaw ay “tulog is life,” mayroon namang iba na, “puyat is lifer”.


Karaniwang dahilan kaya napupuyat ang isang tao ay dahil sa pagne-Netflix, pag-aabang ng midnight sale sa Shopee/Lazada, pagti-TikTok, o pakikipag-late night talk sa ka-internet love. Sa madaling salita, napupuyat sila kaseselpon.


Mayroon din naman ibang napupuyat dahil graveyard shift sa trabaho. Idagdag na rin ‘yung mga estudyanteng nagsusunog ng kilay sa pag-aaral.


Pero knows mo bang hindi lamang pagpupuyat ang dahilan kaya nagkakaroon o lumalaki ang eye bags ng isang tao? Kabilang din sa mga sanhi nito ay ang paninigarilyo, sun exposure, allergies, at kung mamalasin pa’y hereditary ang eye bags.


Bilang gabay sa nakaka-stress na eye bags, narito ang ilang tips para mapaliit o mawala ang pangingitim sa ilalim ng iyong mga mata:


1. IWASAN ANG MGA SANHI NG EYEBAGS. Katulad ng mga nabanggit, huwag magpuyat, itigil ang paninigarilyo, pagbibilad sa araw, atbp. Ngunit kung namana ang eye bags mula sa ‘yong mga magulang, wala na tayong magagawa para paliitin ‘yan, maliban na lang sa paglalagay ng retinol cream, aloe vera gel, petroleum jelly, castor oil, argan oil, grapeseed oil, jojoba oil, almond oil at coconut oil.

2. MAGTANGGAL NG MAKE UP BAGO MATULOG. Partikular na ang eye shadow, eye liner at mascara. ‘Wag mong katamaran ang paghihilamos at pag-i-skin care bago matulog dahil nakatutulong ang skin care routine para hindi ka pangulubutan ng balat, kumbaga anti-aging na rin.

3. BAWASAN ANG PAG-INOM NG ALAK. Sey ng experts, nakaka-dehydrate ang alak at isa ang dehydration sa dahilan kaya nagkakaroon ng eye bags ang isang tao. Bagkus, dapat nating ugaliin ang pag-inom ng maraming tubig.


4. MAGLAGAY NG COLD COMPRESS SA MGA MATA. Nakatutulong ito para sa maayos na blood circulation. Ito ‘yung mga pinalamig na bagay mula sa loob ng refrigerator. Halimbawa; kutsara, green tea bags, frozen sliced cucumber, potato, tomato at ice cubes. Puwede ka ring magpahid ng binating-puting itlog sa palibot ng iyong mga mata.


5. MAGING HEALTH CONSCIOUS. Nakaka-low blood ang pagpupuyat, kaya kailangan mong mag-take ng vitamins at kumain ng mga pagkaing mayaman sa iron, protein at collagen.

6. UMIWAS SA MAAALAT NA PAGKAIN. Ayon sa American Heart Association, hindi puwedeng lumagpas sa 2,300mg ang salt content o asin na dapat i-digest ng isang tao kada-araw. Kung sosobra rito ay maari itong maka-dagdag sa fluid retention ng katawan, kaya dapat balance lang.

7. UMINOM NG ANTIHISTAMINE. Batay sa research, isang factor ang pagkakaroon ng allergy, kaya lumalaki ang eye bags ng isang tao. Makatutulong ang antihistamine para labanan ang allergy. Gayunman, siguraduhing may prescription muna ng doktor bago uminom ng kahit na anong gamot.


Sabi nga nila, eyes are the mirror of the soul. Sa panahong puro naka-face mask ang mga tao ay pagandahan na lamang ng mata ang labanan, kaya ‘wag kang pakakabog!


Paliitin mo na ‘yang eye bags mo, para makaawra ka nang naayon sa panahon.


Ayaw mo naman siguro magmukhang panda, ‘di ba?



 
 
RECOMMENDED
bottom of page