top of page
Search

ni Mharose Almirañez | April 3, 2022




Naranasan mo na bang itama ang mali at ilaban ang relasyong sa huli’y ikaw lamang ang talo? Kung oo, kumusta naman ang healing process? Anu-ano ang mga nagpa-realize sa ‘yo para sumuko or don’t tell me, lumalaban ka pa rin at umaasang babalik kayo sa dati?


Alam ko namang mahal mo siya, pero sana ay alam mo ring may hangganan ang pagpapakamartir. ‘Wag kang magbulag-bulagan sa ideyang mahal mo siya, kaya titiisin mo na lamang ang sakit. Tandaan mo, beshie, ang totoong nagmamahal ay marunong magpalaya.


Upang matulungan kitang mag-let go, narito ang major red flags na kailangan mong bantayan sa iyong karelasyon:


1. ‘PAG PINAGTATALUNAN N’YO ANG PERA. Sabi nga nila, money makes the world go round. Pero pagdating sa relasyon ay hinding-hindi ‘yan dapat nagiging isyu. Kaya gumising ka na sa katotohanan, beshie.


2. ‘PAG SINASAKTAN KA NA NIYA PHYSICALLY. Given na ‘yung nasasaktan ka emotionally dahil sa kanya, pero ibang usapan na kung masasaktan ka rin niya physically. Once mapagbuhatan ka niya ng kamay, ekis na agad ‘yun! Dapat hindi mo na hinintay maulit nang maulit. Mag-dyowa pa lang kayo, ganyan na siya, what more ‘pag nasa iisang bubong na kayo? Ayaw mo naman sigurong maging battered wife, ‘di ba?


3. ‘PAG HINDI NIYA PRIORITY ANG MARRIAGE. May ilan na natatakot magpakasal dahil sa trauma mula sa failed marriage ng parents nila. But beshie, it’s just an excuse. Come on, kung talagang mahal ka niyan, willing ‘yan sumugal at mag-take ng risk kahit ano pang klaseng issues o trauma ang pinagdaanan niya sa buhay. It just happened na hindi lang talaga ganu’n katimbang ‘yung pagmamahal niya para sa ‘yo, ‘coz it’s not you, it’s him/her. So, beshie, run!


4. ‘PAG NALAMAN MONG THIRD PARTY KA. Hindi mo naman siguro pinangarap na maging kabet o mang-aagaw, ‘di ba? Kahit pa sabihin niyang hindi niya na mahal ‘yung isa, mali pa ring nakipagrelasyon ka sa kanya habang sila pa. At lalong hindi mo puwedeng gawing rason na hindi mo naman alam na may dyowa o asawa pala siya bago ka nakipagrelasyon sa kanya, sapagkat ang pagiging third party ay hinding-hindi dapat tino-tolerate. ‘Wag mong i-romanticize ang salitang ‘You and I against the world’ dahil pinagtagpo lang kayo— pero hindi itinadhana. Mahirap mang tanggapin, ngunit ito ‘yung laban na umpisa pa lang ay alam mong talo ka na.


5, ‘PAG HINDI NA SIYA NAG-E-EFFORT. ‘Yung tipong, hinahayaan na lamang niyang lumipas ‘yung araw na walang masyadong ganap sa relasyon n’yo. Ultimo mahahalagang okasyon ay tila nakalimutan na rin niya at parang ikaw na lamang ang concern. Beshie, alam ko namang hindi ka manhid para hindi maramdamang may mali sa nangyayari. Best thing to do ay mag-usap kayo at ayusin ang problema. Pero kung ikaw lang ang mag-e-effort, samantalang siya’y patay-malisya lang, pustahan tayo, hinihintay ka na lang niyang bumitaw.


“Let it go,” sabi nga ni Queen Elsa.


Tulad ng nabanggit, hindi kita tuturuang lumaban sa article na ito, ‘coz there’s no point. Hindi naman sa pagiging nega at bitter, pero dapat mong maunawaan na hindi lahat ng relasyon ay mala-Disney movies na palaging happy ending.


Hindi natin kontrolado sequence-by-sequence ang puso ng ating karelasyon. Minsan ay akala natin, tayo ‘yung leading lady o leading man nila, pero extra lang pala tayo. Ginamit lang pala tayo for character development.


Life is full of surprising plot twists, kaya ‘wag ka nang magtaka kung paggising mo isang araw ay hindi ka na niya mahal. Ouch, ‘di ba?!



 
 

ni Mharose Almirañez | March 31, 2022




Likas sa mga Pinoy ang marunong makisama, gayunman, mayroon pa ring ibang indibidwal na tila wala sa bokabularyo ang nabanggit na salita sapagkat tila dedma lamang sila sa mga kasamahan mapa-bahay, trabaho o pampublikong lugar.


Hindi naman required makisama at hulihin ang kiliti ng ating kasamahan, ngunit kung iyong iisipin, ‘di ba’y ‘di hamak na mas masarap sa pakiramdam kapag kapalagayan mo ng loob ang mga taong nakapalibot sa iyo? ‘Yung tipong, hindi ka maiilang kumilos at hindi mo iisiping huhusgahan nila ang bawat galaw mo dahil kilala ka na nila’t alam n’yo na pakisamahan ang isa’t isa.


Ngunit paano nga ba makisama? Para sa ilang indibidwal na nahihirapang mag-adjust sa isang environment, narito ang ilang ways para sa inyo:


1. MAKIPAG-BONDING. Halimbawa, niyaya kang sumabay sa pagbili ng pagkain o gumala after work ng katrabaho mo, go lang! There’s a possibility na mas makilala pa ninyo ang isa’t isa. Ayaw mo naman siguro masabihang, “Ang panget mo naman ka-bonding,” ‘di ba?


2. MAG-SHARE. Kapag may baon kang meal o snacks, alukin mo rin ang mga katrabaho mo kung gusto nila. Share your blessings, ‘ika nga. Mag-share ka rin ng words of wisdom and experiences sa kanila, pero ‘wag ka masyadong maboka’t bida-bida, besh.


3. MAKISALI SA TOPIC. Hindi naman sa pagma-Marites, pero kapag may bagong tsika ang katrabaho mo ay maki-tsika ka na rin. Pero kapag sinabing secret lang muna ‘yung itsinika n’ya sa ‘yo, siyempre ‘wag mong ipagsabi sa iba. Well, ayaw mo namang sa ‘yo magsimula ang source of tsismis, ‘di ba?


4. MAKIRAMDAM. Ipagpalagay nating extended family kayo o nakikitira ka sa bahay ng kamag-anak, kapag pakiramdam mong bad trip ‘yung tita o tito mo ay ‘wag mong sasabayan ang init ng ulo nila. At saka, ‘wag mag-iingay kapag alam mong nagpapahinga na ‘yung ibang kasamahan sa bahay dahil hindi lang naman ikaw ang nakatira sa iisang bubong. Ugaliing makiramdam sa nagaganap na commotion sa paligid at ‘wag magpapatay-malisya sa nangyayari.


5. MAGKUSA. Kahit saang anggulo, dapat mong matutunan ang pagkukusa. Halimbawa, pagkukusa sa gawaing bahay, pag-aambag ng bayad sa utility bills o pang-grocery, at pagtulong sa kakilala, mapa-maliit o malaking bagay. Ikaw na rin ang magkusang i-open ang sarili sa ibang bagay o posibilidad na puwede mong i-offer sa ginagalawang environment.


Kung tutuusin ay wala naman talagang salita na puwedeng makapagsabi kung paano dapat makisama dahil ang pakikisama ay ikinikilos nang bukal sa puso. Para itong respeto na kailangang anihin. Kumbaga, kung marunong kang makisama ay ibang tao na rin mismo ang makikisama sa iyo. Ito ‘yung pakikipag-kapwa tao na hindi naghihintay ng kapalit o walang halong lihim na motibo. Gets mo?


 
 

ni Mharose Almirañez | March 27, 2022




Naipamukha na ba sa ‘yo ng isang tao kung nasaan ka dapat ngayon kung hindi dahil sa kanya?


Sabi nga nila, ang hindi marunong lumingon sa pinanggalingan ay hindi makararating sa paroroonan. Alam ko namang marunong kang tumanaw ng utang na loob, pero alam mo rin bang may limitasyon ang pagbabayad nito at hindi mo ito puwedeng pagbayaran habambuhay?


Upang makabayad sa utang na pinakamahirap bayaran sa lahat, narito ang ilang paraan para makawala sa ‘utang na loob’ concept ng mga Pinoy:


1. MAGPASALAMAT. Halimbawa, tinulungan ka niyang makapasok sa trabaho. Sapat na ‘yung ‘thank you’ na bukal sa puso mula sa ‘yo. Iniisip kasi ng iba, required manlibre sa magarbong restoran o magbigay ng mamahaling token of appreciation matapos ka niyang tulungan.


Tandaan, hindi porke tinulungan ka niyang magkatrabaho ay ite-take advantage ka na niya at gagawin itong dahilan para makahingi ng kung anu-anong pabor sa ‘yo, dahil sa huli ay ikaw pa rin naman ang gumawa ng paraan para mag-stay sa trabaho at siya lamang ang naging daan sa bagay na ‘yun. Kung hindi niya matanggap ang ‘thank you’ mo, nasa kanya na ang problema.


2. MAG-EFFORT. Ipagpalagay nating naulila ka’t kinupkop ng kamag-anak. Kung gusto mo talagang makabawi sa pag-aarugang ginawa nila sa ‘yo, gumawa ka ng effort para ma-appreciate nila how thankful you are. Magsikap ka sa pag-aaral at maghanap ng magandang trabaho. Iparamdam mo sa kanilang hindi sayang ‘yung ginawa nilang effort para sa ‘yo.


Kung sakaling sumbatan ka ng kamag-anak mo in the near future, isipin mo na lang kung saan ka nagkulang. Baka kasi, dahil matagumpay ka na ay nakalimutan mo na sila. Learn to give back. Kung sa tingin mo naman ay sobra-sobra na ‘yung paggi-give back mo pero para sa kanila’y hindi pa rin sapat ito, kamag-anak mo na ang may problema ru’n. Baka kasi, hindi bukal sa puso nila ‘yung ginawang pagkupkop sa ‘yo, that’s why they’re demanding for more.


3. MAGBAYAD. Magbabayad ka talaga kapag pera ‘yung ipinautang sa ‘yo. Pero paano kung buhay ang inutang mo sa kanya? Let’s say, namatay ang tatay niya nang dahil sa pagsagip sa ‘yo. Is sorry enough? Siyempre, habambuhay mong dadalhin ‘yung guilt. Gayunman, hindi porke may kasabihang, “Mata sa mata, ngipin sa ngipin,” ay magpapakamatay ka rin para mabayaran ang buhay ng tatay nila. Everybody knows na walang may gusto sa nangyari, kaya ‘wag mong sisisihin ang sarili mo.


Anuman ang nangyari, life must go on. Sa halip ay gawin mong makabuluhan ang buhay mo upang hindi masayang ang ginawa niyang pagsasakripisyo para sa ‘yo, dahil hinding-hindi babangon sa hukay ang taong patay na kahit habambuhay ka pang mag-sorry d’yan.


4. HUWAG MAKALIMOT. ‘Yung iba kasi, patay-malisya na after matulungan. Hindi naman sa paniningil o panunumbat, pero bilang pagtanaw ng utang na loob, ‘wag na ‘wag mong kalilimutan kung sino ‘yung mga taong tumulong sa’yo nu’ng panahong wala kang mapuntahan. Sabi nga nila, lalabas ang tunay na ugali ng isang tao, it’s either kapag nasa rurok siya ng tagumpay o kapag walang-wala siya.


Ngunit kung paulit-ulit namang ipinamumukha sa ‘yo ng inutangan mo ‘yung utang na loob mo sa kanya ay nasa kanya na ang problema. Tandaang hindi porke tinulungan ka niya nang isang beses at inayawan mo ang hinihingi niyang pabor sa pangatlong pagkakataon ay susumbatan ka na niya at tatawaging walang utang na loob. Take note, may hangganan ang bawat tao. Hindi ka nila puwedeng sagarin para lamang sa utang na loob na ‘yan.


5. TUMULONG DIN SA IBANG NANGANGAILANGAN. Dahil naranasan mo nang malagay sa isang gipit na sitwasyon, malamang ay alam mo na rin ang pakiramdam ng walang malalapitan kaya ikaw na ang lumapit at mag-alok ng tulong sa kanila. Matuto kang magkusa, baka kasi nahihiya lang silang magsabi sa ‘yo. It’s a cycle process, ‘ika nga.


Tulad ng mga nabanggit, napakaraming paraan para makapagbayad ng utang. Gayunman, ‘wag na ‘wag mong gagawing pambayad ng utang ang mga anak, negosyo, lupain, atbp. para lamang sa lifetime utang na loob na ‘yan.


Utang na loob, beshie, 2022 na!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page