top of page
Search

ni Mharose Almirañez | September 11, 2022




Magpapasko na naman, may love life ka na ba? Okey lang naman ang maging single sa Pasko—lalo na kung sanay ka na maging single taun-taon. Pero ang hindi okey ay ‘yung in a relationship ka, tapos bigla ka na lamang magiging single dahil sa nagbabadyang hiwalayan.


Bilang concerned citizen, to the rescue ulit ang inyong beshie Mharose upang mabigyan kayo ng relationship tips. Pero bago ang lahat, alamin muna natin kung anu-ano nga ba ang mga bagay na hindi dapat pinag-aawayan ng magkasintahan:

1. MALILIIT NA BAGAY. Hangga’t maaari ay pag-usapan n’yong maigi ang kaunting tampuhan. Kahit pa sabihin na hindi naman big deal dahil maliit na bagay lamang ‘yun, ngunit isipin mo na lamang na kapag naipon nang naipon ang kinikimkim niyang maliliit na bagay na ‘yun ay baka umapaw na siya sa tampo, selos, at galit.


2. ORAS. Walang masama sa pagde-demand ng oras sa iyong karelasyon, pero isipin mo rin na kailangan din niyang paikutin ang oras niya sa ibang bagay—hindi lamang sa iyo. Halimbawa, trabaho, kaibigan, pamilya, church, household chores, exercise, social media, at iba pang bagay without you. Bigyan mo siya ng freedom para gawin ang ilang bagay na gusto niyang gawin on his/her own. Unawain mo rin na hindi niya palaging hawak ang cellphone niya, kaya please, beshie, huwag kang magagalit kung hindi ka niya ma-update from time-to-time. Sabihin na nating nag-aalala ka sa kanya at nami-miss mo siya, for sure ay siya rin naman, ‘di ba?


3. PERA. Mapa-short term goals o long term goals man ‘yan, dapat ay mayroon kayong ipon o enough funds to spend. It’s a give and take process, kaya dapat ay pareho kayong gumagastos sa relasyon. Huwag kayong magbilangan kung sino ang may pinakamaraming ambag sa date. Kung mayroon man kayong joint account sa bangko ay huwag na huwag mong gagalawin ‘yun nang hindi ipinapaalam sa iyong partner.


4. DISTANSYA. Ipagpalagay nating taga-South Luzon ang dyowa mo, habang taga-North Luzon ka naman. Kung talagang mahal n’yo ang isa’t isa ay hindi hadlang ang distansya para magkita kayo. Hindi rin dahilan na busy siya o wala siyang pamasahe para hindi ka niya kitain, sapagkat ‘ika nga, “Kung may gusto, may paraan. Kung ayaw, maraming dahilan.” Jusko, beshie, North and South Luzon lang ‘yan, nahiya naman sa inyo ‘yung mga nasa long distance relationship na pilit inilalaban ang relasyon, ‘di ba?!


‘Ika nga nila, “A strong relationship requires vast communication.” Huwag kang pumayag na action speaks louder than words dahil walang mangyayari sa relasyon n’yo kung puro lamang coldness ang ipararamdam n’yo sa isa’t isa. Hangga’t maaari ay pag-usapan n’yo ang problema. Ibalik ang nawalang tiwala at sikaping magpatawad. Tandaan na ang pakikipagrelasyon ay hindi lamang puro saya. Huwag mo siyang isantabi porke nawala na ‘yung kilig— be mature enough sa pag-handle ng relationship. After all, pagsubok ang nagpapatibay ng relasyon kaya mainam kung ‘yan ang gagawin n’yong pundasyon.


High standards, red flags, self-ego… lahat ‘yan ay mawawala kapag natuto kang magmahal. Kaya kung sakaling mapunta kayo sa alanganing sitwasyon ng iyong karelasyon ay isipin mo na lamang ang mga bagay na minsan mong isinantabi nang dahil sa pagmamahal mo sa kanya.


Ngunit kung tunay ngang natauhan ka na o namulat sa pagiging bulag sa pag-ibig, well, sino nga ba ang inyong beshie para mangaral? Gayunman, sa susunod na magmamahal ka, sana ay ‘yung sigurado kang may natutunan ka sa ‘yong nakaraan. Mahirap kasi kung mauulit lamang ang pattern, ‘di ba?

 
 

ni Mharose Almirañez | September 8, 2022




Nakabisado mo na ba ang paulit-ulit na tanong ng HR officer sa bawat job interviews na pinuntahan mo? ‘Yung tipong, confident ka naman sa iyong sagot, ngunit hindi mo mapigilang mag-overthink kung bakit hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nila tinatawagan o natatanggap sa work.


Fresh graduate ka man o seeking for a better opportunity sa ibang kumpanya, narito ang ilang tips na puwede mong gawin sa iyong paghahanap ng trabaho:


1. AYUSIN ANG RESUMÈ. Maliban sa pangalan, address, contact number and employment record, tiyakin mong updated ang ipinasa mong resumè. Baka kasi hintay ka nang hintay sa callback nila, ‘yun pala ay lumang cellphone number pa ang nakalagay du’n. Puwede mong i-bullet ang iyong achievements, skills and certifications. Hangga’t maaari ay iangkop sa ina-apply-ang trabaho ang format ng iyong resumè. Maaari mo ring tanggalin ang mga unnecessary information para sa posisyong ina-apply-an mo. Mainam din kung isang pahina lamang ang iyong resumè.


2. ‘WAG AGAW-EKSENA ANG SUOT SA JOB INTERVIEW. Mapa-semi-formal, casual o corporate attire man ‘yan, siguraduhing angkop ang iyong kasuotan sa pupuntahang job interview. Dapat ay komportable ka sa iyong suot upang maiwasan ang pagkairita. Nakakahiya namang tingnan kung namamawis ang iyong kilikili sa suot mong long sleeve, ‘di ba? O kaya nama’y sa sobrang tingkad ng kulay ng iyong coat ay halos masilaw na sa ‘yo ang interviewer. Naku, beshie, minus points ‘yan!


3. MAKIPAG-EYE-TO-EYE CONTACT SA INTERVIEWER. Dito nila malalaman kung may focus ba ang isang aplikante o hindi madaling ma-distract. Ang pakikipag-eye-o-eye contact ay isa ring pahiwatig na may respeto ka sa nag-i-interview sa ‘yo. Iwasan lamang ang matagal na pagtingin nang direkta dahil baka mailang siya sa ‘yo.


4. TELL ME ABOUT YOURSELF. Ito ang madalas na ginagamit bilang paunang tanong ng mga interviewer. Paano nga ba ito sasagutin? Keep It Short & Simple o KISS. Huwag mong idetalye ang iyong talambuhay dahil walang plus points ang may pinakamalungkot na sagot. Sa halip, maging proud ka sa iyong achievements. Ilahad mo kung paano mo na-turn into strength ang iyong weaknesses. Ibida mo ang iyong pagiging good communicator, team player, multitasker at iba pang nagawa sa dating trabaho.


5. PAGHANDAAN ANG POSSIBLE QUESTIONS. Bukod sa tell me something about yourself, i-expect mo na rin ang mga tanong na;

  • How do you see yourself five years from now?

  • Why should we hire you?

  • Ano’ng mayroon ka na wala ang ibang applicant?

  • Bakit ka nag-apply sa kumpanyang ito?

  • Ano’ng maaambag mo sa kumpanya?


6. MAGING TAPAT SA SAGOT AT IPAPASANG DOKUMENTO. Malalaman nila ‘pag ikaw ay nagsinungaling sa iyong resumè. Mahigpit mag-background check ang mga kumpanya, lalo na’t laganap pa rin ang mga pekeng dokumento. Maaaring makapasok ka nga sa kumpanyang ‘yun, pero hindi katagalan ay malalaman din nila na peke ang iyong mga ipinasang dokumento at baka umabot pa sa floating status. Magkakaroon ka pa ng bad record na maaaring humantong sa blacklisting sa iba’t ibang kumpanya. Ang masaklap ay magkakaroon ka pa ng kasong falsification of documents.


Sana ay makatulong ang mga nabanggit sa iyong paghahanap ng trabaho.

Additional tips na rin kung halimbawang bigyan ka ng interviewer ng tricky questions, tulad ng, “How do you sell me this pen?” at “How do you describe your favorite color into a blind person?” Ilan lamang ang mga ito sa karaniwang tanong sa mga aplikante kapag selling industry ang pinapasok tulad ng retail, real estate, insurance, BPO, atbp.

Upang mapamangha ang interviewer, magpokus ka sa pangangailangan nila sa ballpen —huwag lamang sa detalye nito. Gumamit ka ng mga leading questions o ibalik mo ang tanong sa kanya; Halimbawa, “Sir may ipapirma po sana ako sa iyo, may ballpen ka po ba r’yan?” Kapag sinabi niya na wala siyang ballpen ay ‘yun na ang hudyat para bentahan mo siya ng ballpen.


Gets mo?

 
 

ni Mharose Almirañez | September 4, 2022





Love is unpredictable. Kapag tinamaan ka, tinamaan ka.


‘Yung tipong, iindahin mo ang lahat ng red flags na mayroon siya kasi walang ibang tama sa paningin mo kundi siya lamang. ‘Yung tipong, gusto mong itama ang mali at gawing puwede ang hindi, makasama lamang siya. Kumbaga, kahit alam mong mali ay ipaglalaban mo pa rin. Wala, eh, nagmahal ka kasi!


Ngunit siyempre, hindi natin ito-tolerate ang adultery, infidelity, unfaithfulness at cheating sa artikulong ito. Pero, paano nga ba natin ma-a-analyze ang puwede at hindi puwede sa isang relasyon?


Bilang concerned citizen, narito ang ilang senaryo na nagsasabing, pinagtagpo lamang kayo pero hindi itinadhana kung:


1. MAY DYOWA O ASAWA NA SIYA. ‘Yung akala mo, single siya kaya pinatulan mo siya, pero kalaunan ay nalaman mong may sabit pala siya at muntik ka pang maging kabet. Naku, beshie, ‘wag mong i-romanticize ang salitang, “You and I against the world,” sapagkat hindi mo deserve maging third party. Siguro, may mga taong pinagtagpo para magkaroon ng thrill ang boring nilang love life, pero hindi para makuntento sa kung ano lamang ang puwede nitong ibigay sa ‘yo.


2. NAKABUNTIS SIYA NG IBANG BABAE. Kapag alam mong may batang involved, sumuko ka na. Huwag kang magpamanipula sa sasabihin niyang, “Paninindigan ko lang ‘yung bata, pero ikaw pa rin ang mahal ko. Hindi tayo magbe-break,” sapagkat kung talagang mahal ka niya ay hindi siya mambubuntis ng iba. Isipin mo na lamang na kung ipagpapatuloy n’yo ang inyong relasyon ay may isa na namang inosenteng sanggol ang madadagdag sa listahan ng mga broken family. Sabihin n’yo mang, “True love conquers all,” ngunit may mga tao talagang pinagtagpo lang, pero hindi itinadhana. Huwag mong ipilit kung hindi puwede lalo’t may batang apektado.


3. TUTOL ANG PAMILYA. Ipagpalagay nating mayaman ang pamilya niya, samantalang simpleng pamumuhay lamang ang mayroon kayo. Kadalasan, estado sa buhay ang pinakamalaking hadlang kaya hindi nagkakatuluyan ang dalawang nagmamahalan. ‘Yung tipong, mamatain ka ng buong angkan niya to the point na sila pa mismo ang mangpe-pressure sa iyo. So, beshie, what if, offer-an ka ng mga magulang niya ng P1-M para lamang lubayan ang anak nila, tatanggapin mo ba?


4. HINDI PA SIYA READY MAG-COMMIT. ‘Yung tipong same vibes kayo at aminado kayong pareho n’yong gusto ang isa’t isa, pero hindi puwedeng maging kayo, sapagkat hindi pa siya handang pumasok sa panibagong relasyon. Aniya, self-love raw muna siya. Kunsabagay, paano niya mamahalin ang iba kung mismong sarili niya ay hindi niya alam kung paano mahalin? Ipagpalagay nating sumugal nga siya sa relasyong hindi pa siya handa, ang ending ay magsusumbatan at mag-aaway lamang kayo hanggang mauwi sa hiwalayan.


5. HINDI PA SIYA NAKAKA-MOVE ON SA EX NIYA. Kahit pa sabihing ex na ‘yun, ano’ng laban mo kung mas matagal ang pinagsamahan nila? Hindi ka naman siguro masokista para pumayag maging panakip-butas, ‘di ba? Siguro nga, may taong pinagtagpo lamang para i-comfort ang isa’t isa.


6. PAREHONG GENDER ANG GUSTO N’YO. Pasintabi sa LGBTQ+ members, baka nga naman parehong lalaki ang gusto n’yo o baka parehong girl ang bet n’yo? Beshie, kahit maglupasay ka pa sa sahig para lamang mabaling sa ‘yo ang puso niya ay hinding-hindi mo siya mapipilit dahil parehong kasarian ang gusto n’yo.


7. MAGKAIBIGAN KAYO. Marahil, pinagtagpo lamang kayo para maging walking diary ng isa’t isa, pero hindi para sa isa’t isa. May ilang magkaibigan na nagka-in love-an, pero piniling mag-stay as friends, sa halip i-level up ang kanilang relationship, upang i-keep ang friendship, dahil sabi nga nila, “Friends can be lovers, but lovers can’t be friends.”


Ngayong alam mo na ang struggles na pinagdaraanan ng bawat nagmamahal— ang tanong, gugustuhin mo pa rin bang ma-in love?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page