top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 3, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Inaangkin ng iba ang lupa na aking minana mula sa aking ina. Bilang patunay ay mayroon akong deed of sale kung saan binili ng aking lolo noong taong 1985 ang nasabing lupa mula sa kanyang kapatid. Maaari pa rin bang magamit bilang ebidensya ang isang dokumento na 40 taon na ang lumipas mula nang ginawa ito? -- Andronico



Dear Andronico, 


Ayon sa Rule 130, Section 2 ng A.M. No. 19-08-15-SC, na inilabas ng ating Korte Suprema noong 8 Oktubre 2019, ang documentary evidence ay binubuo ng mga sulat, recording, litrato o anumang materyal na naglalaman ng mga titik, salita, tunog, numero, figure, simbolo, o katumbas nito, o iba pang paraan ng nakasulat na pagpapahayag, na iniaalok bilang patunay ng nilalaman ng mga ito. Kasama sa mga litrato ang mga still picture, drawing, stored images, x-ray films, motion picture, o video. 


Alinsunod dito, kung ang deed of sale na iyong nabanggit ay notaryado, isa itong public document na maaaring magamit bilang ebidensya ng walang karagdagang ebidensya ng pagiging tunay nito. Samantalang kung ang nasabing deed of sale ay hindi notaryado, ito ay maituturing na isang private document kaya kailangan munang mapatunayan ang pagkakagawa at pagiging tunay nito bago ito maipresinta bilang ebidensya. 


Gayunpaman, dahil 40 taon na ang nasabing deed of sale, ang Ancient Document Rule ay maaaring pumatnubay sa sitwasyon. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Rule 132, Section 21 ng parehong rule:


Section 21. When evidence of authenticity of private document not necessary. - Where a private document is more than thirty (30) years old, is produced from a custody in which it would naturally be found if genuine, and is unblemished by any alterations or circumstances of suspicion, no other evidence of its authenticity need be given.”


Sa iyong kaso, dahil mahigit 30 taon na ang nasabing deed of sale, maaari itong pumasok sa Ancient Document Rule, at hindi na kailangang magbigay ng ebidensya na magpapatunay ng pagiging tunay nito. Kailangan lamang ay makumpleto ang iba pang rekisito ng Ancient Document Rule. Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema sa kasong Heirs of Demetria Lacsa vs. Court of Appeals et al. (G.R. Nos. 79597-98, May 20, 1991), sa panunulat ni Honorable Associate Justice Teodoro R. Padilla, na: 


Under the ‘ancient document rule,’ for a private ancient document to be exempt from proof of due execution and authenticity, it is not enough that it be more than thirty (30) years old; it is also necessary that the following requirements are fulfilled; (1) that it is produced from a custody in which it would naturally be found if genuine; and (2) that it is unblemished by any alteration or circumstances of suspicion. Xxx


Documents which affect real property, in order that they may bind third parties, must be recorded with the appropriate Register of Deeds. The documents in question, being certified as copies of originals on file with the Register of Deeds of Pampanga, can be said to be found in the proper custody. Clearly, therefore, the first two (2) requirements of the “ancient document rule” were met.”


Ayon sa nasabing kaso, hindi sapat na mahigit 30 taon na ang nasabing deed of sale upang ito ay pumasok sa Anciet Document Rule. Kinakailangan din na ang nasabing deed of sale ay mula sa kustodiya kung saan ito ay natural na makikita kung ito ay lehitimo, tulad kung ito ay mula sa kustodiya ng Register of Deeds. Sapagkat ang nasabing deed of sale ay nakakaapekto sa lupa na isang real property, kinakailangang ito ay nakarehistro sa naaangkop na Register of Deeds upang ito ay makaapekto sa ibang tao o third parties. Gayundin, kailangan na ang nasabing deed of sale ay walang bahid ng anumang pagbabago o mga pangyayari na kahina-hinala upang ito ay pumasok sa Ancient Document Rule.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 2, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Ang easement ay isang uri ng pasanin ng isang immovable property, karaniwan ay sa lupa, para sa kapakanan ng isa pang immovable property o piraso ng lupa na pag-aari ng ibang tao. 


Ang isang easement ay maaaring para sa kapakinabangan ng publiko o nakararami o ng isang pribadong tao. Ang immovable property kung saan ang easement ay itatatag ay tinatawag na servient estate. Dominant estate naman ang tawag sa immovable property kung saan makikinabang dito o magiging pabor ang easement na itatatag.


Ang karapatan na mabigyan ng Road Right of Way ay nakapaloob sa Article 649 ng New Civil Code kung saan nakasaad ang mga sumusunod:


The owner, or any person who by virtue of a real right may cultivate or use any immovable, which is surrounded by other immovables pertaining to other persons and without adequate outlet to a public highway, is entitled to demand a right of way through the neighboring estates, after payment of the proper indemnity.”    


Ayon sa nasabing batas, ang sinuman na ang pag-aari ay pinaiikutan ng iba pang pag-aari ng ibang tao na walang madaanan patungo sa highway ay may karapatang humingi ng right of way pagkatapos na magbayad ng kaukulang bayad-pinsala. 

Ang bayad-pinsala ay nangangahulugan na babayaran ng nangangailangan nito ayon sa presyo ng parte ng lupa na kanyang gagamitin at sa laki ng kapinsalaan ng lupang gagamitin. 

Ang right of way ay dapat na panatilihin sa isang punto na pinakakaunti ang pinsala sa servient estate. 

         

Sa kabilang banda kung ang isang kapiraso ng lupa na nakamtan sa pamamagitan ng pagbili, pakikipagpalit o pagkabahagi ay napapaligiran ng ibang lupain ng nagbenta, nagpalit o ng co-owner, siya ay inoobliga ng batas na magbigay ng right of way nang walang bayad-pinsala. 


Sa kaso ng Quintanilla vs. Abangan, G.R. No. 160613, February 12, 2008, sinabi ng Korte Suprema, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Antonio Eduardo B. Nachura na:


“To be entitled to an easement of right of way, the following requisites should be met:

 

1. The dominant estate is surrounded by other immovables and has no adequate outlet to a public highway;

 

2. There is payment of proper indemnity;

 

3.   The isolation is not due to the acts of the proprietor of the dominant estate; and

 

4.   The right of way claimed is at the point least prejudicial to the servient estate; and insofar as consistent with this rule, where the distance from the dominant estate to a public highway may be the shortest.” 


Kaya naman kinakailangan na kapag ang isang tao ay nagsampa ng petisyon para sa Easement of Right of Way ay mapatunayan niya sa hukuman ang apat na rekisitong ito para siya ay mabigyan ng right of way. Marapat din na ang maibibigay na road right of way ay ang pinakamababa ang abala sa may-ari ng lupang hinihingan ng right of way. 


Bagama’t may karapatan ang isang tao na mabigyan ng Road Right of Way at para magamit niya ito sa ibang tao ay kinakailangan niyang magsampa ng petisyon sa husgado, mas mainam pa rin na pag-usapan nang maayos ng magkabilang panig ang usapin bago magsampa ng kaukulang reklamo para makahingi ng right of way.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Mar. 2, 2025



ISSUE #347


Sina Rodel at Limuel ang kabilang sa mga nahatulan ng mababang hukuman, kaugnay sa marahas na pamamaslang sa biktima na si Joel.


Subalit, sila nga ba ay merong legal na pananagutan sa pagkamatay ng biktima? Kung hindi sila ang pumaslang, tanging pakikipagsabwatan lamang ba ang magiging alegasyon laban sa kanila?


Sama-sama nating tunghayan ang kanilang kuwento hango sa kasong People of the Philippines vs. Rodel Salamanque y Sañares and Limuel Esteban y Postrero a.k.a ‘Ungge’ (CA-G.R. CR HC No. 12956, May 12, 2022), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Bonifacio S. Pascua, at alamin natin kung ano ang kanilang naging legal na kapalaran.


Ika-9 ng Hulyo 2012 nang maisampa ang paratang laban kina Rodel, Limuel, Joselito, Helenito, Anjo, Jerome, Cruzaldo, Jr. at alyas Sadong sa Regional Trial Court (RTC) ng San Mateo, Rizal, para sa krimen na murder. 


Ang kaso na ito ay bunsod diumano sa pamamaslang sa biktima na nagngangalang Joel.

Batay sa bersyon ng panig ng tagausig, nakikipag-inuman diumano si Joel sa harap ng kanyang bahay, bandang alas-8:30 ng gabi, noong ika-26 ng Nobyembre 2011, nang hamunin diumano siya ni Limuel ng suntukan. 


Tumanggi umano si Joel, subalit inudyukan umano ni Rodel ang dalawa na magsuntukan at nangyari na nga ang suntukan sa pagitan ng dalawa. 


Sinubukan diumano ni Mari Gold, anak ni Joel, na pigilan ang dalawa ngunit wala umano siyang nagawa. Naru’n din umano sina Anjo, Rodel at anak ni Rodel na si Jerome. 


Hinaharangan diumano ng tatlo ang sinuman na magtangka na awatin sina Limuel at Joel. May lima hanggang sampung minuto ang itinagal ng pagsusuntukan ng dalawa.


Subalit, bigla na lamang diumano sinipa ni Anjo si Joel sa dibdib, dahilan kung bakit napatalsik si Joel, maging ang pustiso nito ay nadurog din. Nagalit umano si Joel, kaya agad na kumuha ng bolo sa kanyang bahay at hinabol diumano nito si Anjo. 


Nagpang-abot umano ang dalawa sa harap ng bahay ni Kristalyn, nang bigla na lamang dumating sina Joselito at Henelito. 


Hinampas umano ni Henelito si Joel sa ulo gamit ang isang bote ng gin, habang si Joselito naman ay sinaksak diumano si Joel ng maraming beses sa katawan. 

Pinigilan diumano nina Rodel at Limuel ang ibang tao at sinabing, “Huwag kayo makialam baka madamay kayo!”


Naging mitsa umano ng buhay ni Joel ang mga tinamo niyang saksak mula kay Joselito. 

Not guilty, ang naging hatol nina Rodel at Limuel sa hukuman, habang si Cruzaldo Jr. naman ay tumayo bilang kanilang saksi. 


Ayon sa testimonya ni Cruzaldo Jr., nakatambay at nagtatawanan diumano sila ng kanyang mga kaibigan, nang bigla na lamang lumapit si Joel at tinanong kung bakit sila nagtatawanan. 


Itinanggi umano ni Cruzaldo, Jr. na si Joel ang kanilang pinagtatawanan. Gayunpaman, sinampal diumano ni Joel si Cruzaldo, Jr. 


Umuwi na umiiyak diumano si Cruzaldo, Jr. at ipinaalam sa kanyang mga magulang ang nangyari. Nang papunta na umano sa barangay ang kanyang mga magulang, du’n lamang napag-alaman na patay na pala si Joel.


Batay naman kay Limuel, kapatid ni Cruzaldo, Jr., nasa tindahan diumano siya nang masaksihan ang insidente ng pananampal. Papalapit na umano siya kina Cruzaldo, Jr. at Joel nang biglang tumakbo si Cruzaldo, Jr. 


Sinubukan niya umano na kausapin si Joel, subalit mayabang siyang sinagot at sinampal nito. Gumanti umano ng suntok si Limuel, dahilan upang mapaupo si Joel. Inawat diumano sila ni Mari Gold at umuwi rin ang mag-ama. 


Subalit, lumabas pa umano ng kanyang bahay si Joel na merong bitbit na bolo. Dahil dito, agad na tumakbo umano pauwi si Limuel. 

Makalipas ang isang araw, napag-alaman na lamang diumano ni Limuel na nagkaroon ng gulo sa pagitan nina Joel, Anjo, Joselito at Henelito, na nauwi sa pagkakasaksak kay Joel.


Batay naman sa testimonya ni Rodel, bandang alas-8:00 hanggang alas-9:00 ng gabi, noong ika-26 ng Nobyembre 2011, nakita umano niya na nakikipag-inuman si Joel nang bigla na lamang nagkaroon ng kaguluhan sa pagitan nina Joel at Limuel. Sinubukan diumano ni Rodel at ng mga anak ni Joel na pahupain ang sitwasyon at umuwi na rin sila. Kinabukasan, napag-alaman na lamang diumano ni Rodel na nasaksak si Joel.

Nagbaba ng hatol ang RTC noong ika-28 ng Disyembre 2018. Guilty beyond reasonable doubt sina Rodel at Limuel para sa krimen na murder. Sila ay pinatawan ng parusa na pagkakakulong na may sentensya na reclusion perpetua at ng kaakibat na pagbabayad-pinsala at danyos sa mga naulila ng biktima.


Para sa RTC, napatunayan diumano ang bawat elemento ng krimen na murder. Napagtibay diumano ng ebidensiya ng tagausig na merong intensyon na paslangin si Joel at merong qualifying circumstances na treachery at abuse of superior strength, na kung saan sa pamamagitan diumano ng pakikipagsabwatan ng mga inakusahan ay nasiguro ang pagkitil sa buhay ng biktima. 


Batay rin sa desisyon ng RTC, meron umanong pagkakaisa sa aksyon ng mga inakusahan. Sama-sama umano silang nagsikap upang maisakatuparan ang pamamaslang. Bagama’t wala umanong partisipasyon sina Rodel at Limuel sa pananaksak, naitaguyod naman ang naganap na suntukan sa pagitan ni Limuel at ng biktima, na inudyukan pa umano ni Rodel, at ang kanilang aktibo na pagpigil sa ibang tao na masaklolohan si Joel habang ito ay sinasaksak.


Agad na inakyat nina Rodel at Limuel ang kanilang apela sa Court of Appeals (CA), Manila upang kuwestyunin ang naging hatol ng RTC. 


Sa masigasig na representasyon ni Manananggol Pambayan G.C.B. Montero, iginiit ng depensa na lubos na mali ang ibinabang hatol ng RTC, sapagkat wala umanong ebidensiya na sumusuporta sa alegasyon na sabwatan sa pagitan ng mga apelante at ng iba pang mga inakusahan.


Kaya naman, muling inaral ng CA, Manila ang apela nina Rodel at Limuel. Sa desisyon na may petsa ika-12 ng Mayo 2022, kinatigan ng hukuman ng mga apela ang kanilang mga pagsamo.


Para sa CA, Manila, bagaman napatunayan ang mga elemento ng krimen na murder sapagkat: (1) napaslang si Joel: (2) ang akusado na si Joselito ang sumaksak nang maraming beses kay Joel na naging sanhi ng pagpanaw nito: (3) merong qualifying circumstances na treachery, na nakapaloob na diumano sa sirkumstansya na abuse of superior strength: at (4) hindi parricide o infanticide ang naganap na krimen, hindi naman umano naitaguyod ng ebidensiya na inihain ng tagausig ang alegasyon ng pakikipagsabwatan ng mga apelante, na sina Rodel at Limuel, sa mga akusado na sumalakay at pumaslang kay Joel. 


Sa kaso umano na ito, walang ebidensiya na nagpapatunay na walang pag-aalinlangan na naging aktibo na lumahok sina Rodel at Limuel sa pagsasakatuparan ng layunin at hangarin ng kanilang mga kapwa-akusado na sina Henelito, ang pumukpok ng bote sa ulo ng biktima, at Joselito, ang sumaksak sa biktima. 


Sa madaling salita, naganap at naisakatuparan ang pamumukpok at pananaksak sa biktima nang walang partisipasyon ng mga apelante.


Wala rin umanong katibayan na ang ginawa na pagpigil nina Rodel at Limuel sa ibang mga tao ang naging daan sa pagsasakatuparan ng pagkitil sa buhay ng biktima. Mismong sa testimonya umano ni Mari Gold, na anak ng biktima, naitaguyod na naroon lamang sina Rodel at Limuel nang maganap ang gulo at sinabi lamang ng dalawa ang mga salitang, “Huwag kayo makialam baka madamay kayo”, sa mga taong naroon. 


Ayon pa umano kay Mari Gold, walang kinalaman sina Rodel at Limuel sa pagkakapaslang sa kanyang ama. Idinawit lamang ni Mari Gold si Limuel sapagkat sa kanyang paniniwala ay kay Limuel nagsimula ang gulo. 


Nanaghoy si Mari Gold na hindi sana mapapaslang ang kanyang ama, kung hindi sila nag-away ni Limuel. Subalit, ayon sa hukuman ng mga apela, hindi naitaguyod ng testimonya ni Mari Gold ang pakikipagsabwatan nina Rodel at Limuel kina Anjo, Joselito at Henelito.


Ipinaalala pa ng appellate court, sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Bonifacio S. Pascua ng Second Division:

 

“Mere presence at the scene of the crime at the time of its commission is not, by itself, sufficient to establish conspiracy. To establish conspiracy, evidence of actual cooperation rather than mere cognizance or approval of an illegal act is required. Nevertheless, mere knowledge, acquiescence or approval of the act, without the cooperation or agreement to cooperate, is not enough to constitute one a party to a conspiracy, but that there must be intentional participation in the transaction with a view to the furtherance of the common design and purpose.”


Bagaman hindi kailangan ng direktang ebidensiya na magpapatunay sa alegasyon ng pakikipagsabwatan, nilinaw ng appellate court na kinakailangan ng maitaguyod ang naturang alegasyon nang higit pa sa makatwirang pagdududa sa pamamagitan ng positibo at tiyak na ebidensiya.


Dahil meron diumanong makatwiran na pagdududa kaugnay sa bintang na pakikipagsabwatan nina Rodel at Limuel sa kanilang mga kapwa-akusado, minarapat ng CA, Manila na baliktarin at isantabi ang naunang hatol ng RTC, at sila ay pinawalang-sala.


Tama lamang na maparusahan ang mga partido na nagdala kay Joel sa kanyang huling hantungan. Gayunpaman, ang karapatan ng biktima na makamit ang hustisya ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng karapatan ng mga maling inaakusahan na maghangad din ng hustisya na para sa kanila. 


Ang bawat partido, maging ang biktima o inaakusahan ay merong karapatan na ipaglaban ang kanilang panig sa katarungan.


Sa kuwento na ito, bagaman naitaguyod diumano na si Joselito ang sumaksak at nagdala sa kamatayan ng biktima, napawalang-sala naman sina Rodel at Limuel sa maling paratang ng pamamaslang sa biktima, sapagkat ang alegasyon ng kanilang pakikipagsabwatan ay hindi napatunayan nang higit pa sa makatwirang pagdududa. 


Sa pagpapawalang-sala kina Rodel at Limuel, dalawang buhay ang nailigtas sa walang humpay na pagdaing sa kawalan ng katarungan. 

Sila ngayon ay nabigyan ng pagkakataon na minsan pa ay maglakbay sa buhay at muling magkaroon ng saysay.


Sana ay magsilbing tugon ang kuwento na ito sa mga naghihintay pa ng kanilang hustisya. ‘Wag kayong mawawalan ng pag-asa, maging ang mga kaluluwa na nasa kabilang buhay na. 


Matagal man ang proseso ng bawat kaso, may awa ang Poong Maykapal. Katarungan ay makakamit din, huwag mapagod at taimtim na magdasal.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page