top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 9, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Malinaw na nakasaad sa ating Saligang Batas partikular sa Seksyon 16, Artikulo II, ang mga sumusunod:


 “SEK. 16. Dapat pangalagaan at isulong ng Estado ang karapatan ng sambayanan sa timbang at kanais-nais na ekolodyi nang naaayon sa aluy-oy at tugma ng kalikasan.”


Ayon sa nabanggit na probisyon, ang pag-unlad ng ekolohiya ng bansa ay nararapat na naaayon sa preserbasyon ng ating kalikasan. Sa kasalukuyang panahon kung saan tila nagbago na ang ating nakasanayang klima, kinakailangan na magkaroon ng masusing pangangalaga sa ating kalikasan bunsod na rin ng lumalalang epekto na global warming. Sa ngayon, hindi na natin matukoy ang panahon dahil kahit na tag-araw ay nakararanas tayo ng malalakas na pag-ulan at gayon din na kapag panahon ng tag-ulan ay nakararanas din tayo ng sobrang init na panahon


Nang dahil na rin sa mga sunud-sunod na paglabag sa mga batas na naglalayong mapangalagaan ang pagkakaroon ng malinis na hangin at kapaligiran, natataon lamang na lagyan natin ng ngipin ang mga batas na may kinalaman sa pagkalinga sa kalikasan upang mapigilan ang tuluyang pagkasira ng ating kalikasan. 


Unang hakbang ng estado ay ang pagpasa ng Kongreso ng mga batas para mapangalagaan ang kalikasan. Isa na rito ang Republic Act (R.A.) No. 8749 o mas kilala bilang Philippine Clean Air Act of 1999. Nakapaloob dito ang polisiya ng estado na protektahan ang karapatan ng bawat mamamayan na magkaroon ng balanse at malusog na ekolohiya na umaayon sa kalikasan. 


Ang pangangalaga at pagpapaunlad sa kalikasan ay isang responsibilidad hindi lamang ng estado at gobyerno kundi pati na rin ng bawat mamamayan. Kinikilala ng Clean Air Act ang mga sumusunod na karapatan para sa mga mamamayan:


  1. Karapatang makalanghap ng sariwa at malinis na hangin; 

  2. Karapatang gamitin at pakinabangan ang lahat ng yamang pangkalikasan sang-ayon sa principles of sustainable development;

  3. Karapatang makilahok sa pagpaplano, paggawa, pagpapatupad at pagmasid ng mga polisiya at proyekto na may kinalaman sa kalikasan;

  4. Karapatang makilahok sa mga pagpaplano at paggawa ng mga hakbanging maaaring makaapekto sa kalikasan at pampublikong kalusugan;

  5. Karapatang mabigyan ng babala at impormasyon tungkol sa mga katangian at hangganan ng isang napipintong kapahamakan dulot ng isang aktibidad, gawain o proyekto na maaaring magtaas ng lebel ng polusyon at ng hindi sinasadya o sinasadyang pagpapalabas sa kalawakan ng mga mapaminsalang kemikal;

  6. Karapatang magkaroon ng laya na inspeksyunin at tingnan ang mga pampublikong records na kinakailangan para magamit ng isang mamamayan ang kanyang mga karapatang nakapaloob sa Clean Air Act;

  7. Karapatang maghain ng aksyon sa husgado o saan man sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno upang hilingin ang pagpapatigil sa anumang proyekto o gawain na taliwas at paglabag sa mga batas na may layuning protektahan ang kalikasan;

  8. Karapatang hilingin mula sa husgado o sa mga kinauukulan na linisin at ibalik sa dating ayos ang lugar na naapektuhan ng polusyon mula sa mga naging sanhi nito;

  9. Karapatang maghain ng aksyon sa husgado upang hilingin na pagbayarin ng kompensasyon para sa personal na pinsalang natamo (damage) ang isang indibidwal o kompanya/korporasyon na nagmamay-ari ng proyekto o gawain na taliwas sa mga batas na may kinalaman sa kalikasan at publikong kalusugan; at

  10. Karapatang maghain ng aksyon para papanagutin ang mga lumalabag sa mga batas na may kinalaman sa pagprotekta ng kalikasan.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 8, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Isa akong registered social worker sa aming lokal na pamahalaan at nais ko sanang madagdagan ang aking mga abilidad at kredensyal. Nabanggit sa akin ng mga katrabaho ko na maaari akong magpa-accredit bilang isang social worker managing court cases sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Tama ba ito? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. — Patricia B



Dear Patricia B,


Ang Republic Act No. 8369 (R.A. 8369) o mas kilala bilang “Family Courts Act of 1997” ay nagbigay ng mandato sa DSWD na magtalaga ng kuwalipikado at akreditadong mga social worker mula sa mga lokal na pamahalaan sa mga lugar kung saan walang family court o regional trial court. Ito ay sa kadahilanang may kakulangan ng mga korte noon. Ayon sa Seksyon 11 ng nasabing batas:


Section 11. Alternative Social Services. –


 In accordance with Sec. 17 of this Act, in areas where no Family Court has been established or no Regional Trial Court was designated by the Supreme Court due to the limited number of cases, the DSWD shall designate and assign qualified, trained, and DSWD accredited social workers of the local government units to handle juvenile and family cases filed in the designated Regional Trial Court of the place.”


Ngunit, batay sa Implementing Rules and Regulations (IRR) na inilabas ng Kagalang-galang na Korte Suprema, ang pangangailangan upang ma-accredit ng DSWD ang mga social workers ay hindi nabanggit. 


Ayon sa Memorandum Circular No. 23, series of 2024, na inilabas ng DSWD, walang opisyal na order o circular mula sa Korte Suprema na nagmamandato sa mga family courts o regional trial courts na manghingi ng DSWD accreditation para sa mga social workers na humahawak ng mga kaso sa korte. Ayon dito:


Whereas, the Supreme Court confirmed that it has no Official Order or Circular requiring Family Courts or designated RTCs and RTC judges in general, to require DSWD Accreditation Certificate for Social Workers Managing Court Cases.”


Batay pa rin sa nasabing memorandum circular, binawi na ng DSWD ang pangangailangan para sa akreditasyon ng mga social worker na namamahala sa mga kaso sa korte. Ayon dito:


In view of the foregoing, the need to repeal the accreditation requirement for social workers managing court cases pursuant to DSWD Memorandum Circular (MC) 13, Series of 2022, entitled, “Enhanced Guidelines in the Accreditation of Social Workers Managing Court Cases (SWMCCs), is appropriate and fitting, taking into great consideration the present thrust of the Department to enhance the skills of SWMCC, by providing capacity building activities through the DSWD Academy. Repealing the MC will pave the way for the development and transformation of highly-trained SWMCC, thereby creating a more responsive mechanism and intervention that will truly serve the purpose of the law on Family Courts Act of 1997.”


Upang sagutin ang iyong katanungan, ang pagpapa-accredit sa DSWD bilang isang social worker managing court cases ay hindi na kinakailangan. Malinaw sa nabanggit na mga probisyon ng memorandum circular na ang dating pangangailangan para sa akreditasyon ay hindi na naaangkop ngayon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 7, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Ang apo namin na apat na taong gulang ay anak sa pagkadalaga ng unica hija namin. Makalipas ang ilang buwan pagkaraang mamatay ang anak namin ay biglang nagpakita ang ama ng apo namin at gusto siyang kunin. Ayaw naming pumayag sapagkat nangangamba kami sa maaaring maging kalagayan niya dahil ayon sa nabalitaan namin ay may bisyo at walang permanenteng trabaho ang kanyang ama. May karapatan ba kami sa kustodiya sa aming apo? — Dolly



Dear Dolly,


Bilang mga lolo’t lola, kayo ay may karapatan sa kustodiya ng apo ninyo. Ang kalagayan niya ay maituturing na isang hindi lehitimong (nonmarital) anak sapagkat hindi kasal ang kanyang mga magulang. Bilang hindi lehitimong anak, ang “parental authority” ay eksklusibong ipinagkakaloob ng batas sa kanyang ina. Dahil sa pagpanaw ng kanyang ina, bagaman nariyan ang kanyang bayolohikal na ama, ang nabanggit na otoridad ay malilipat sa kanyang mga lolo’t lola, sang-ayon sa Artikulo 214 at 216 ng Family Code of the Philippines. Kaugnay nito, sa kasong Spouses Magdalino Gabun and Carol Gabun, Nora A. Lopez, and Marcelino Alfonso vs Winston Clark Stolk, Sr. (G.R. No. 234660, June 26, 2023), sa panulat ni Honorable Associate Justice Antonio Kho, Jr., ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman ang konsepto at aplikasyon ng substitute parental authority:


Substitute parental authority is granted to the grandparents or the specified persons only in case of death, absence, or unsuitability of both parents. Thus, in situations where only one parent dies, is absent, or found unsuitable, Articles 214 and 216 would find no application.


It must be clarified, however, that the foregoing interpretation finds application only in situations where the father and mother jointly exercise parental authority over the persons of their common children as provided under Article 211 of the Family Code. Where, however, the parental authority is granted solely to the mother as in the case of illegitimate children, the substitute parental authority shall be exercised by the grandparents or the specified persons as provided under Article 214 and 216 of the Family Code, in case of the mother’s death, absence, or unsuitability. Indeed, to read otherwise would effectively permit circumvention of the legislative intent to grant sole parental authority to the mother with respect to their illegitimate children.


Nonetheless, the foregoing clarification should not be understood to disqualify the father of illegitimate children automatically and absolutely from exercising substitute parental authority in case of the death, absence, or unsuitability of the mother. Indeed, case law in fact recognized that the father of an illegitimate child may exercise substitute parental authority and be given custody in situations where he is the “child’s actual custodian,” as provided under Article 216 of the Family Code. Ultimately, in all questions involving the care and custody of minors, it is axiomatic that their welfare and well-being is always the paramount consideration.


Sa kalagayan ninyo bilang lolo’t lola, ang substitute parental authority ay naisakatuparan sa pagkamatay ng inyong unica hija, na siyang may eksklusibong parental authority sa apo ninyo. Kasama sa naturang karapatan ang kustodiya at pag-iingat sa apo ninyo. 


Ang pagiging bayolohikal na ama lamang ay hindi sapat na dahilan para mabawi niya ang pag-iingat sa kanyang anak lalo na kung ang bata ay hindi lehitimo. Bukod dito, tulad ng ipinaliwanag ng Korte Suprema, palaging ang pinakamabuti sa bata ang kinukonsidera sa pagtukoy kung sino ang dapat magkaroon ng karapatan sa kustodiya. Gaya ng nabanggit mo, ang ama ng apo ninyo ay may bisyo at walang permanenteng trabaho, kaya ang mga nabanggit ay magpapakita na ang pananatili ng kustodiya sa inyo ng inyong apo ay para sa kanyang ikabubuti. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page