top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 20, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta


Ikinasal ako sa isang banyaga noong taong 2010 sa Amerika. Kalaunan ay hindi naging maganda ang pagsasama namin. Nakilala ko si Menyong na aking katrabaho. Bagama’t ako ay kasal pa sa banyaga ay nahulog ang loob ko sa kanya at kami ay nagkaanak at nagpakasal din dito sa Pilipinas. Nalaman ko na kumuha pala ng diborsyo ang asawa kong banyaga sa Amerika kaya naman nagsumite ako ng kaso sa korte para kilalanin ang nasabing diborsyo.  Kinatigan naman ako ng korte rito sa Pilipinas. Sa kasamaang palad ay naghiwalay kami ni Menyong noong 2020 at gusto ko rin sanang maipawalang-bisa ang kasal ko sa kanya. Maaari ba akong magsumite ng kaso para ideklarang walang bisa ang kasal namin ni Menyong dahil sa ako ay kasal pa sa asawa kong banyaga nu’ng kami ay ikinasal? Angela



Dear Angela,


Ayon sa Article 35(4) ng Family Code of the Philippines, ang isang kasal ay tinatawag na “bigamous” kung ang isang partido ay ikinasal habang siya ay may legal na kasal sa una niyang asawa. Wala itong bisa simula pa nu’ng una at hindi magkakaroon ng bisa kailan man: 


 “Art. 35. The following marriages shall be void from the beginning: x x x


(4) Those bigamous or polygamous marriages not falling under Article 41;”


Upang mapawalang-bisa ang isang “bigamous” na kasal, kailangang magsumite ng kaso sa korte na tinatawag na “Petition for Declaration of Absolute Nullity of Void Marriage” o pagdedeklara na ang isang kasal ay walang bisa.


Ang tanong ay kung sino ang maaaring magsumite sa korte ng ganitong uri ng kaso. Ayon sa Section 2(a) ng A.M. No. 02-11-10-SC o ang “Rule on Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages and Annulment of Voidable Marriages,” na inilabas ng Korte Suprema noong 4 Marso 2003: 


“Section 2. Petition for Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages. – 

  1. Who may file. – A petition for declaration of absolute nullity of void marriage may be filed solely by the husband or the wife” 


Maliwanag sa nasabing batas na ang nasabing kaso ay maaari lamang isumite sa korte ng asawang lalaki o babae.  Ngunit sa kasong Maria Lina P. Quirit-Figarido vs. Edwin L. Figarido (G.R. No. 259520, 05 November 2024), na dinesisyunan ng Korte Suprema sa pamamagitan ng Kagalang-galang na Hukom Ricardo R. Rosario, ang asawang naagrabyado lamang ng “bigamous” na kasal ang maaaring magsumite ng kaso sa korte: 


Only the aggrieved or injured spouse of either marriage may petition to declare the nullity of the subsequent marriage.  Inasmuch as Maria Lina is not the aggrieved or injured spouse in her prior marriage, she lacks the legal capacity to petition the declaration of nullity of her subsequent marriage.


Samakatuwid, hindi masasabing naagrabyadong asawa ang isang tao kung siya mismo ang pumasok sa isang bigamous na kasal bagama’t alam niya na kasal siya sa una. 


Sa iyong sitwasyon, maaaring hindi ka payagan na magsumite ng kaso para ipadeklarang walang bisa ang kasal mo kay Menyong sa dahilang bigamous ito, sapagkat nagpakasal ka sa kanya kahit alam mo na ang naunang kasal mo sa banyaga mong asawa ay hindi pa napapawalang-bisa.  Kaya naman, hindi ka maituturing na naagrabyadong partido.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.






 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 19, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


May katanungan ako tungkol sa “search warrant” na inihain sa kapitbahay ko noong isang linggo. Nangyari kasi ito ng gabi. Hindi ba dapat ihain ito habang may araw pa? At dahil dito, ang mga nakuhang kagamitan ay hindi na rin maaaring gamitin bilang ebidensya dahil sa maling paraan ng pagkuha nito. Tama po ba? Maraming salamat sa iyong sagot.


Lourdes Fatima



Dear Lourdes Fatima,


Nakasaad sa Section 9, Rule 126 ng Revised Rules of Court ang oras kung kailan dapat gawin ang paghahain ng isang search warrant. Ayon dito:


“Section 9. Time of making search. – The warrant must direct that it be served in the day time, unless the affidavit asserts that the property is on the person or in the place ordered to be searched, in which case a direction may be inserted that it be served at any time of the day or night.”


Para sa iyong kaalaman, may kasong napagdesisyunan ang ating Korte Suprema na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Tumabini vs. People G.R. No. 224495, February 19, 2020, isinulat ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Alexander G. Gesmundo:


“The general rule is that search warrants must be served during the daytime. However, the rule allows an exception, namely, a search at any reasonable hour of the day or night, when the application asserts that the property is on the person or place ordered to be searched. In the instant case, the judge issuing the warrant relied on the positive assertion of the applicant and his witnesses that the firearms and ammunition were kept at private respondent’s residence. Evidently, the court issuing the warrant was satisfied that the affidavits of the applicants clearly satisfied the requirements of Section 8, Rule 126 of the Rules of Court. The rule on issuance of a search warrant allows for the exercise of judicial discretion in fixing the time within which the warrant may be served, subject to the statutory requirement fixing the maximum time for the execution of a warrant. We have examined the application for search warrant, and the deposition of the witnesses supporting said application, and find that both satisfactorily comply with the requirements of Section 8, Rule 126. The inescapable conclusion is that the judge who issued the questioned warrant did not abuse his discretion in allowing a search ‘at any reasonable hour of the day or night.’ Absent such abuse of discretion, a search conducted at night where so allowed, is not improper.” 


Kaya naman tungkol sa iyong katanungan, maaaring ihain ang “search warrant” kahit na sa gabi basta’t nakalagay o nakagiit sa aplikasyon nito na ang ari-arian o bagay na tinutukoy ay nasa tao o lugar na iniutos inspeksyunin. Kaya naman, kung ito ay nasunod sa aplikasyon at nag-isyu ang hukom ng “search warrant,” maaari itong ihain kahit anong oras sa umaga o sa gabi. Gayundin, ang mga kagamitan na makukuha sa search ay maaaring gamitin bilang ebidensya at hindi maisasawalang-bisa. Maituturing na legal ang nasabing search o paghahalughog sa iyong kapitbahay kung nasunod sa aplikasyon ng warrant na sinisiguro ang presensya ng bagay na tinutukoy sa lugar o tao na hahanapan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 18, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Maaari ba tayong mag-angkat ng asin sa ibang bansa para ito ay maibenta? Salamat sa iyong magiging tugon. Young Amy



Dear Young Amy,


Matatagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 22 ng Republic Act (R.A.) No. 11985, o mas kilala bilang “Philippine Salt Industry Development Act,” kung saan nakasaad na:


Section 22. Importation of Salt. - No person shall import salt without first securing a permit from the following agencies:


(a) Department of Agriculture (DA) -- Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) and Department of Health (DOH)–Food and Drug Administration (FDA) for food grade salt; and

(b) DA-BFAR for non-food grade salt.


The DOH-FDA and DA-BFAR are hereby mandated to harmonize and streamline their processes.”


Sang-ayon sa nasabing batas, naging polisiya ng ating pamahalaan na magbigay ng suporta sa pamamagitan ng naaangkop na teknolohiya at pananaliksik, at sapat na pinansyal at iba pang mga serbisyong suporta upang buhayin ang industriya ng asin sa ating bansa. Minimithi rin ng ating Estado na matamo ang mas mataas na produksyon ng mga magsasaka ng asin at mga producers ng asin, at maging isang net exporter ng asin. 


Dahil dito, may mga pamantayan na inilaan sa nasabing batas upang maprotektahan ang industriya ng asin dito sa ating bansa. Isa na rito ay ang pagbabawal na mag-angkat ng asin sa ibang bansa ng walang pahintulot mula sa kaukulang ahensya ng pamahalaan. 


Para sa tinatawag na food grade salt, nararapat muna na kumuha ng permit sa Department of Agriculture-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR) at Department of Health-Food and Drug Administration (DOH-FDA). Ayon sa Seksyon 3 ng R.A. No. 11985, ang food grade salt ay:


“Section 3. Definition of Terms. - For purposes of this Act: x x x 


(c) Food-grade salt refers to salt for human consumption;”


Para naman sa non-food grade salt, nararapat na kumuha ng permit sa DA-BFAR lamang bago makapag-angkat ng nasabing klase ng asin sa ibang bansa.


Kung kaya, bilang kasagutan sa iyong katanungan, maaaring mag-angkat ng asin mula sa Pilipinas, ngunit kinakailangan muna na humingi ng pahintulot sa mga nabanggit na ahensya ng pamahalaan sa ating bansa. Dahil dito, inaatasan din sa nasabing batas na nararapat magkaroon ng magkatugmang proseso ang DOH-BFAR at DOH-FDA sa pagkakaloob ng pahintulot o permiso mula sa kanilang ahensya.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page