top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 25, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Noong taong 2023, nakapagtapos ako ng kolehiyo sa isang pampublikong paaralan. Kamakailan ay napag-isip-isip kong kumuha ng isa pang kurso dahil iyon diumano ang in-demand sa ibang bansa at mas tataas umano ang tsansa kong makahanap ng ibang trabaho roon. Maaari pa rin ba akong makapag-aral ng libre sa kolehiyo sa isang pampublikong paaralan kahit pangalawang kurso ko na ito? Nais ko sanang maliwanagan. Maraming salamat. -- Rei Christian



Dear Rei Christian,


Bilang pangunahing prayoridad ng ating pamahalaan, ang edukasyon ay patuloy na sinisikap pagtibayin, repormahin at gawing libre para sa lahat ng mahihirap na mamamayan. Kaya naman, ipinasa ng ating gobyerno ang Republic Act (R.A.) No. 10931 o mas kilala bilang “Universal Access to Quality Tertiary Education Act”, na naglalayong gawing libre ang pag-aaral sa kolehiyo sa lahat ng pampublikong higher education institution (HEI).


Ngunit, ang pagbibigay ng libreng pag-aaral sa kolehiyo sa mga pampublikong paaralan ay hindi para sa lahat. Itinakda ng batas ang ilang indibidwal na hindi maaaring maging kuwalipikado sa benepisyong ito. Ayon sa Seksyon 6 ng nasabing batas:


Section 6. Exceptions to Free Tertiary Education. - The following students are ineligible to avail of the free tertiary education:


  1. In state universities and colleges (SUCs) and local universities and colleges (LUCs);


  1. Students who have already attained a bachelor’s degree or comparable undergraduate degree from any higher education institution (HEI), whether public or private; x x x


Students ineligible to avail of the free tertiary education shall be charged the tuition and other school fees, as determined by the respective boards of the SUCs and LUCs, and in the case of the state-run Technical-Vocational Institutions (TVIs), to be determined by the Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).


Ayon sa nasabing probisyon, ang sino mang nakapagtapos na ng kahit anong bachelor’s degree o kapareho nito sa kahit anong institusyong pang-edukasyon na pinahintulutan at kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED) na maggawad nito, pampubliko man o pribado, ay hindi na maaaring maging benepisyaryo ng libreng kolehiyo ng pamahalaan.


Upang sagutin ang iyong katanungan, hindi na maaaring makapag-aral ng libre sa isang pampublikong kolehiyo ang mga nakapagtapos na ng isang kurso sa kung saan mang kolehiyo, pribado man o pampubliko, sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 10931. Nasasaad din sa batas na ang mga estudyante na hindi na kuwalipikado, ngunit nais pa ring makapag-aral sa pampublikong kolehiyo ay pagbabayarin ng kaukulang tuition, matrikula, at iba pang mga bayarin. Kaya kung nais mong makapag-aral muli ng libre, maaari kang maghanap ng scholarship sa ilalim ng ibang programa ng ating gobyerno o ng mga pribadong organisasyon.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 24, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Hindi nag-remit ng Social Security System (SSS) contributions ang dating employer ng tatay namin. Nalaman din namin na hindi na diumano kami maaaring makapagreklamo ng kasong kriminal laban sa dating pinapasukan ng tatay namin sa kadahilanan napaso o prescribed na ang kaso. Kaugnay nito, nais naming maliwanagan kung ang pagkakapaso o prescribed ba ng kasong kriminal ay kaakibat din ang pagkakapaso ng kasong sibil para sa danyos na idinulot ng hindi paghuhulog ng SSS contribution ng kanyang dating employer?


— Carl



Dear Carl, 


Para sa iyong kaalaman, magkaiba ang prescriptive period o ang panahon na itinakda ng batas upang makapagsampa ng kaso, sa mga kasong kriminal at kasong sibil. Ito ay alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act (R.A.) No. 11199, o mas kilala sa tawag na “Social Security Act of 2018.” Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Seksyon 22 ng nasabing batas:


“Section 22. Remittance of Contributions – x x x


The right to institute the necessary action against the employer may be commenced within twenty (20) years from the time the delinquency is known or the assessment is made by the SSS, or from the time the benefit accrues, as the ease may be.

  1. Should any person, natural or juridical, defaults in any payment of contributions, the Commission may also collect the same in either of the following ways: 


  1. By an action in court, which shall hear and dispose of the case in preference to any other civil action; or x x x.” 


Sa kabilang banda, nakasaad naman sa Rule 46, Seksyon 11 ng Implementing Rules and Regulations o IRR ng nasabing batas ang prescriptive period para sa kasong kriminal na nakatakda sa 12 taon: 


“SEC 11. Who May Institute a Criminal Action. – xxx 


The right to institute the criminal action against the employer for offenses made punishable herein by imprisonment for six (6) years or more shall prescribe after twelve (12) years from the time of the commission of the offense, if known, or from the time of the discovery thereof, in accordance with Act No. 3326, as amended.” 


Gamit ang mga nabanggit, ang panahon upang makapagsampa ng kasong sibil ay 20 years, habang 12 years naman para sa kasong kriminal. Sa madaling salita, ang prescription ng kriminal na kaso ay hindi kaakibat ang para sa kasong sibil. Ganoon pa man, binigyang-linaw sa kasong Benedicto vs. Hon. Abad Santos, Jr., (G.R. No. 74689, March 21, 1990) sa panulat ni Hon. Associate Justice Florentino P. Feliciano, ang alituntunin:


The general rule is, of course, that extinction of the penal action does not carry with it the extinction of the civil action to enforce civil liability arising from the offense charged, unless the extinction proceeds from a declaration in a final judgment that the fact from which the civil might arise did not exist.” 


Samakatuwid, maliban kung ang pagkawala ng kasong kriminal ay mula sa isang deklarasyon sa isang pinal na hatol na ang katotohanan kung saan maaaring lumitaw ang kasong sibil ay hindi umiiral – ang pagkawala ng kasong kriminal ay hindi kaakibat ang pagkawala ng kasong sibil upang ipatupad ang pananagutang sibil na nagmumula sa pagkakasala sa kaso na inihain. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Mar. 24, 2025



ISSUE #350


Kasama sa pag-usad ng panahon ang hindi maiiwasang pag-unlad sa larangan ng agham at teknolohiya. 


Maging ang pamamaraan ng paglutas ng krimen ay ginagamitan na rin ng mga modernong teknolohiya at teknik upang makatulong. 


Gayunpaman, kasabay sa paggamit ng mga nasabing modernong pamamaraan ay ang katanungan, “Gaano ba katumpak at maaasahan ang nasabing modernong pamamaraan?”

Sa araw na ito, ating suriin ang naging paglilinaw ng hukuman para sa mga apela o Court of Appeals, sa nasabing katanungan kaugnay sa isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.


Sa kasong People v. Sevilla (CA-G.R. CR HC No. 041, Enero 31, 2025) sa panulat ni Honorable Associate Justice Rogelio G. Lagro, ating tingnan kung paano ang daing ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang ‘Danny’, ay pinal na natuldukan nang siya ay mapawalang-sala mula sa kasong nagmula sa akusasyon ng pagpaslang o murder. 


Bilang pagbabahagi ng mga pangyayari, ating suriin ang naging paglalahad mula sa bersyon ng tagausig. 


Sa buod ng nag-iisang testigo ng tagausig, noong ika- 22 ng Abril 2017, bandang alas-8:00 ng gabi, si Grasya, hindi nito tunay na pangalan, ay lulan ng isang sasakyan kasama ang kanyang lolo, at ang biktima na itatago na lamang natin sa pangalan na ‘Joping’. 

Ang naturang biktima na si Joping ang nagmamaneho ng sasakyan, habang nasa likurang bahagi naman si Grasya.


Paalis na mula sa tindahan ng kanyang tito sila Grasya nang bigla umano silang nilapitan nang hindi pa nakikilalang lalaki na kinalaunan ay tinuturo ng tagausig na si Danny.


Ayon kay Grasya, hindi nagtagal ay binaril umano ni Danny ang biktima na si Joping. Nagawa pang makatakbo ni Joping, subalit nang makita ito ni Danny ay muli niyang pinaputukan ang biktima na nauwi sa pagkakabangga ng sasakyan sa poste.


Matapos ang pamamaril, ayon kay Grasya ay sumakay sa isang motor si Danny at agad namang itinakbo sa ospital si Joping, subalit ito ay idineklarang dead-on-arrival o DOA. 

Noong Mayo 1, 2017, si Grasya ay nagtungo sa Regional Crime Laboratory upang ilarawan sa mga pulis ang namaril kay Joping sa tulong na tinatawag na computerized facial composite o CFC. Ang CFC ay isang kagamitan na ginagamit sa mga kriminal na pagsisiyasat upang makabuo ng larawan batay sa saksi, at karaniwang gumagamit ng software upang lumikha ng isang pinagsama-samang larawan.


Noong Mayo 8, 2017, nagtungo ang mga pulis sa tahanan ni Grasya upang magpakita ng mga larawan ng iba’t ibang tao. 


Matapos ituro ni Grasya ang larawan ng akusado bilang aniya’y bumaril kay Joping, ipinaalam ng mga pulis kay Grasya ang pagkakakilanlan ng lalaki sa larawan ni Danny. 

Laban sa mga nabanggit na alegasyon ay mariing itinanggi ni Danny ang akusasyon na pagpaslang kay Joping.


Matapos ang paglilitis, hinatulan ng Regional Trial Court o RTC sa akusasyon ng pagpaslang o murder si Danny. Ayon sa RTC, napatunayan ang lahat ng rekisito sa krimeng murder at ang saksi ng tagausig ay positibong natukoy ang pagkakakilanlan ng akusado.


Inakyat sa Court of Appeals o CA sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan Lyerra Palutke mula sa aming PAO-Regional Special and Appealed Cases Unit (PAO-RSACU) Visayas ang kaso ni Danny. 


Muling itinanggi ni Danny ang akusasyon laban sa kanya at muling iginiit na hindi malinaw na natukoy ng tagausig ang pagkakakilanlan ng salarin bilang aktor sa pamamaril kay Joping.


Tulad ng ating unang nabanggit, sa desisyon na may petsang Enero 31, 2025, pinal na tinuldukan ng CA ang daing ni Danny nang siya ay mapawalang-sala.


Ayon sa CA, nakatakda ang tuntunin na ang isang kasong kriminal ay umaangat at bumabagsak sa lakas ng ebidensiya ng tagausig at hindi sa kahinaan ng depensa. Obligasyon ng tagausig na mapatunayan ang pagkakakilanlan ng akusado, at ang pagpalya sa gampanin na ito ay nagbibigay katuwiran sa hatol ng pagpapawalang-sala.


May mga pagkakataon kung saan pinanatili ng Korte Suprema ang isang hatol batay sa "positibong pagkilala" ng isang saksi sa salarin. Gayunpaman, sa pagtatalaga ng mga testimonya ng mga saksi na tumutukoy sa mga salarin, kinikilala ng Korte Suprema ang posibilidad ng pagkakamali ng alaala ng tao at ang pagiging sensitibo nito sa mga nakakaimpluwensiyang salik, na maaaring makaapekto sa pagiging maaasahan at katumpakan ng alaala ng isang saksi.


Dahil dito, ang Totality of Circumstances Test o pagsusuri ng kabuuan ng mga pangyayari ay pinagtibay na isinasaalang-alang ang mga sumusunod sa panuri kung maaasahan at katanggap-tanggap ang isang pagkilala sa labas ng korte:

(1) Ang pagkakataon ng saksi na makita ang kriminal sa oras ng krimen;

(2) Ang antas ng atensiyon ng saksi sa oras na iyon;

(3) Ang katumpakan ng anumang naunang paglalarawan na ibinigay ng saksi;

(4) Ang antas ng katiyakan na ipinakita ng saksi sa pagkilala;

(5) Ang tagal ng panahon sa pagitan ng krimen at pagkilala; at 

(6) Ang pagiging mapanlikha ng pamamaraan ng pagkilala.


Gamit ang nasabing pamantayan sa kasong ito ni Danny, hindi napatunayan ng tagausig ang pagkakakilanlan ng akusado nang lampas sa makatuwirang pagdududa.

Una, hindi nagbigay si Grasya ng paglalarawan sa sinasabing salarin alinman sa mga panahon pagkatapos ng insidente, o bago ang pagkilala sa labas ng korte. Ang buong testimonya niya ay walang anumang detalye tungkol sa pisikal na katangian, damit, o asal ng salarin, at wala ring kahit pangkalahatang paglalarawan.


Pangalawa, hindi rin binanggit ni Grasya ang anumang paglalarawan ng sinasabing salarin sa kanyang sinumpaang salaysay na may petsang Mayo 14, 2017.


Pangatlo, malinaw na maging ang testimonya ng pulisya ay tahimik sa paglalarawan sa mukha na ibinigay ni Grasya tungkol sa akusado. Sa katunayan, walang testimonya kung paano inilarawan ni Grasya ang ulo, mata, tainga, ilong o damit ng akusado, bukod sa iba pang detalye. Sa kasong ito, inilarawan lamang ang pamamaraan sa pagkuha ng computerized facial composite o CFC. Kaya ayon sa CA, ang nasabing CFC ay hindi sumunod sa tamang proseso dahil nakalimutan ni Grasya na suriin ang isang indicator para sa kanyang pagsusuri.


Ibinahagi ng CA ang kasong People v. Torres, kung saan nagpasya ang Korte Suprema na sa kabila ng mga cartographic sketches o kartograpikong guhit na maaaring nakatulong sa pagkilala sa salarin, ang kawalan ng anumang karagdagang naunang paglalarawan ng salarin ay naging sanhi ng pagkabigo sa pagkilalang ginawa sa labas ng hukuman o out-of-court identification ng akusado.


Idinagdag din ng CA na kapansin-pansin na bagaman ang krimen ay nangyari noong Abril 20, 2017, tumulong lamang si Grasya sa paghahanda ng facial composite sketch noong Mayo 1, 2017, at gumawa ng out-of-court identification noong Mayo 7, 2017. Sa madaling salita, may makabuluhang tagal ng panahon ang lumipas sa pagitan ng pagsasagawa ng krimen at ng out-of-court identification na nagdudulot ng seryosong pagdududa sa alaala ni Grasya tungkol sa pagkakakilanlan ng salarin. 


Dahil dito, ang positibong pagkilala ni Grasya sa akusado ay hindi makatutugon sa dami ng ebidensiyang kinakailangan na lampas sa makatuwirang pagdududa upang magbigay ng hatol sa may sala.


Bilang panghuli, binigyang-diin ng CA na kahit tunay na nagsisikap ang mga saksi upang makita ang mukha ng salarin, ang kanilang mga testimonya ay dapat pa ring kunin nang may pag-iingat at isaalang-alang sa mga kalagayan na kaakibat ng kaso.


Kaya, sa paglalapat ng pagsusuri ng kabuuan sa mga pangyayari sa kasong ito, natuklasan ng hukuman na walang positibo at tiyak na pagkakakilanlan ang inakusahan bilang salarin ng krimen. Ang pagkakakilanlan na ginawa ni Grasya ay hindi mapagkakatiwalaan, at dahil dito, hindi ito dapat bigyan ng buong timbang at kredibilidad.


Samakatuwid, pinahihintulutan man ng ating mga hukuman ang paggamit ng mga modernong pamamaraan at teknolohiya tulad ng computerized facial composite o maging ang cartographic sketches sa paglutas ng mga krimen, binigyang-linaw naman sa kasong ito na hindi maaaring panindigan ng Korte ang pagkakasala ng inakusahan batay lamang sa produkto ng nasabing pamamaraan, lalo na kung may makatuwirang pagdududa. Sapagkat, pamamaraan lang sa pagsisiyasat ang maaaring mabago at hindi ang rekisito na sa bawat kasong kriminal, ang salarin at pagkakasala ay nararapat na mapatunayan ng panig ng tagausig, gamit ang patunay na lampas sa makatuwirang pagdududa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page