top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 28, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May katanungan ako tungkol sa aking pagreretiro sa aking trabaho. Labing-walong taon kasi akong empleyado ng gobyerno bago ako umabot sa edad na puwede na magretiro at 10 taon naman ako sa pribadong kumpanya bago ako lumipat noon sa gobyerno. Noong nasa pribadong kumpanya ako, miyembro ako ng Social Security System (SSS) at kalaunan ay naging miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS), noong lumipat ako ng trabaho sa gobyerno. Napag-alaman ko ang “Limited Portability Law” at layunin nito na pagsamahin ang mga taon ng serbisyo ng isang empleyado para sa benepisyong makukuha. Saklaw rin ba nito ang aking sitwasyon? Maraming salamat sa inyong sagot.


-- Juniver



Dear Juniver,


Ang Republic Act (R.A.) No. 7699 o mas kilala bilang “Limited Portability Law” ay pinagtibay upang bigyan ng pagkakataon ang mga mula sa pribadong sektor na lumipat sa serbisyo ng gobyerno o kaya ay mula sa sektor ng gobyerno patungo sa pribadong sektor, na pagsamahin ang kanilang mga taon ng serbisyo at mga kontribusyon sa Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) upang matugunan ang kinakailangang bilang ng mga taon ng serbisyo at mabuo ang karapatan sa mga benepisyo sa ilalim ng naaangkop na batas.  Ayon sa Seksyon 3 ng R.A. No. 7699:


Sec. 3. Provisions of any general or special law or rules and regulations to the contrary notwithstanding, a covered worker who transfers employment from one sector to another or is employed in both sectors shall have his credible (should be ‘creditable’) services or contributions in both Systems credited to his service or contribution record in each of the Systems and shall be totalized for purposes of old-age, disability, survivorship and other benefits in case the covered member does not qualify for such benefits in either or both Systems without totalization: Provided, however, That overlapping periods of membership shall be credited only once for purposes of totalization.” 


Ang kahulugan ng “totalization” ay nakalagay sa Seksyon 2(e) ng R.A. No. 7699:


“(e) Totalization shall refer to the process of adding up the periods of creditable services or contributions under each of the Systems, for purposes of eligibility and computation of benefits.”


Ang “Limited Portability Law” ay isang batas na nagpapahintulot sa mga manggagawa na maikredito sa kanyang serbisyo o kontribusyon ang kanyang mga hulog sa SSS at GSIS. Subalit, tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan ng batas, ito ay may mga limitasyon. Hindi lahat ng benepisyo o kondisyon ng kontrata ng manggagawa ay maaaring mailipat sa ibang sektor. Sa halip, nakatuon ang batas na ito sa mga benepisyong may kinalaman sa katandaan (old-age), kapansanan (disability), survivorship, at iba pang mga pangunahing benepisyong maaaring maisakatuparan kahit na magpalit ang isang empleyado ng sektor ng trabaho. 


Nakatulong ang nasabing batas sa mga manggagawa na kung walang “totalization scheme” ay hindi magiging kuwalipikado para sa benepisyo sa ilalim ng SSS o GSIS. Kung ang bilang ng taon ng serbisyo ng isang empleyado ay hindi umabot upang maging kuwalipikado para makakuha ng anumang benepisyo sa ilalim ng SSS o GSIS, maaaring gamitin sa kanya ang “totalization” alinsunod sa R.A. No. 7699. 


Nakalahad sa Seksyon 3, Rule V ng Rules and Regulations Implementing R.A. No. 7699 ang mga pagkakataon sa kung saan maaaring magamit ang “totalization”:


Section 3. Totalization shall apply in the following instances:


a. If a worker is not qualified for any benefits from both Systems;

b. If a worker in the public sector is not qualified for any benefits in the GSIS; or

c. If a worker in the private sector is not qualified for any benefits from the SSS.


For the purpose of computation of benefits, totalization shall apply in all cases so that the contributions made by the worker-member in both Systems shall provide maximum benefits which otherwise will not be available. In no case shall the contribution be lost or forfeited.


Kaugnay nito, may kasong napagdesisyunan ang ating Korte Suprema na nakasasaklaw rin sa iyong katanungan. Ayon sa Gamogamo vs. PNOC Shipping and Transport Corp., G.R. No. 141707, May 7, 2002, na isinulat ni Kagalang-galang na Punong Mahistrado Hilario Davide Jr.:


Obviously, totalization of service credits is only resorted to when the retiree does not qualify for benefits in either or both of the Systems. Here, petitioner is qualified to receive benefits granted by the Government Security Insurance System (GSIS), if such right has not yet been exercised. x x x


In any case, petitioner’s fourteen years of service with the DOH may not remain uncompensated because it may be recognized by the GSIS pursuant to the aforequoted Section 12, as may be determined by the GSIS.  Since petitioner may be entitled to some benefits from the GSIS, he cannot avail of the benefits under R.A. No. 7699.”


Kaya naman sa iyong sitwasyon, kung ikaw ay kuwalipikado na para makatanggap ng pensyon mula sa GSIS, hindi na maaari pang gamitin ang “totalization” sa ilalim ng R.A. No. 7699 sa iyong pagreretiro dahil malinaw ang batas na ito ay maaari lamang gamitin kung ang empleyado ay hindi magiging kuwalipikado para sa benepisyo sa ilalim ng SSS o GSIS. Dahil dito, hindi na rin kailangan pa pagsamahin ang 10 taong serbisyo mo sa pribadong kumpanya at 18 taong serbisyo mo sa gobyerno para sa karagdagan pang benepisyo. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 27, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Kung ang isang mangingisda ba ay nagmamay-ari ng mga kagamitan tulad ng mga pampasabog at mga nakalalason na sangkap para sa ilegal na pangingisda, may karampatang parusa ba laban sa kanya na nakasaad sa batas? Salamat sa inyong kasagutan. Phetty



Dear Phetty,


Matatagpuan ang kasagutan sa iyong katanungan sa Seksyon 92 ng Republic Act (R.A.) No. 8550, o ang “The Philippine Fisheries Code of 1998,” na inamyendahan ng R.A. No. 10654, kung saan nakasaad na:


“CHAPTER VIPROHIBITIONS AND PENALTIES

x x x


Section 92. Fishing Through Explosives, Noxious or Poisonous Substance, or Electricity. – 

x x x


(b) It shall be unlawful for any person to possess explosives, and noxious or poisonous substances for illegal fishing.


Upon a summary finding of administrative liability, the offender shall be punished with confiscation of catch, gear, and an administrative fine equivalent to five (5) times the value of the catch or the amount indicated below whichever is higher:


(1) Ten thousand, pesos (P10,000.00) for municipal fishing;

(2) One hundred thousand pesos (P100,000.00) for small-scale commercial fishing;

(3) Five hundred thousand pesos (P500,000.00) for medium scale commercial fishing; and

(4) One million pesos (P1,000,000.00) for large scale commercial fishing.


Violation of this provision shall be punished with imprisonment from six (6) months to two (2) years, and a fine equivalent to twice the amount of the administrative fine and confiscation of catch and gear.”


Sinisigurado ng ating pamahalaan ang paggamit ng tamang paraan sa panghuhuli ng mga isda at iba pang lamang dagat. Ito ay upang matiyak na protektado pa rin ang ating yamang dagat.  Kung kaya, may mga klase o paraan ng panghuhuli ng mga isda na ipinagbabawal ng ating batas.  Isa na rito, nararapat ninyong malaman na ipinagbabawal ang paggamit ng mga pampasabog at nakalalason na kemikal tulad ng sodium cyanide sa panghuhuli, pangunguha, o pagtitipon ng mga isda sa karagatan ng Pilipinas. Karagdagan dito, nakasaad sa probisyon ng batas na ang pagkakadiskubre ng pagkakaroon ng mga mangingisda ng dinamita at iba pang uri ng pampasabog, o kagamitan na may nakalalason na kemikal ay maituturing na ang mga ito ay ginamit upang mangisda at ito ay masasabing isang akto na labag sa Section 92 ng R.A. No. 8850.


Kung susuriin ang nabanggit na batas at bilang kasagutan sa iyong katanungan, kung ang isang mangingisda o isang tao ay nagmamay-ari ng pampasabog o nakalalason na kemikal para sa ilegal na pangingisda, siya ay maaaring maparusahan nang naaayon sa batas. Matapos mapatunayan na ang isang tao ay may administratibong pananagutan, kukumpiskahin ang mga nasabing ipinagbabawal na kagamitan at magpapataw ng administratibong multa. Karagdagan dito, ang paglabag sa nasabing probisyon ay maaaring parusahan ng pagkakulong mula anim na buwan hanggang dalawang taon, at multang katumbas ng dalawang beses na halaga ng administratibong multa at pagkumpiska ng mga huli at gamit sa pangingisda.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 26, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Kamakailan ay may nakausap ako na naghahanap at nangongolekta ng mga lumang barya na piso at bente singko sentimo. Ayon sa kanya, ang mga ito diumano ay maaaring lusawin at magkakaroon ng mas malaking halaga dahil sa metal na bumubuo rito. Legal ba ang ganitong gawain? — Erika



Dear Erika,


Ang mga perang papel at barya na ginawa at inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang siyang itinuturing na salaping umiiral sa ating bansa. Ito ay instrumentong pananalapi na kinikilala ng batas upang magamit pambayad sa anumang pagkakautang, pampubliko man o pribado. Ang mga ito ay pananagutan ng Bangko Sentral ng Pilipinas at tanging ito lamang ang may karapatan na gumawa, magpaikot, bumawi, or sumira sa mga ito. Ano mang ‘di pinahihintulutan na pagsira o pagwasak sa mga ito, gayundin ang anumang aksyon na magdudulot upang ang mga ito ay hindi na maging angkop na pananalapi, ay mahigpit na ipinagbabawal ng batas at may karampatang parusa. Sa Presidential Decree (P.D.) No. 247 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ay nakasaad na:


1. That it shall be unlawful for any person to willfully deface, mutilate, tear, burn or destroy, in any manner whatsoever, currency notes and coins issued by the Central Bank of the Philippines; and


2. That any person who shall violate this Decree shall, upon conviction, be punished by a fine of not more than twenty thousand pesos and/or by imprisonment of not more than five years.


Sang-ayon sa nabanggit na batas, ang intensyonal na pagsira ng pera, papel man o barya, na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas ay mahigpit na ipinagbabawal. Kasama na rito ang iyong nabanggit na gawain na pagtunaw ng barya upang gamitin at pakinabangan sa ibang paraan. Ang sinumang mapatutunayan na sangkot sa ganitong gawain ay maaaring makulong nang hindi hihigit sa limang taon at/o multa na hindi hihigit sa P20,000.00. 


Bagaman luma na, ang mga perang barya ay hindi pa rin maaaring sirain o gamitin sa ibang ‘di naaayon na pamamaraan. Ang mga ito ay nararapat na isauli o palitan sa Bangko Sentral ng Pilipinas bilang bahagi ng sistema na makatutulong upang matiyak ang integridad ng pera sa sirkulasyon at katatagan ng mga presyo sa ating ekonomiya.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page