- BULGAR
- Dec 15, 2025
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 15, 2025

Dear Chief Acosta,
Nais ko lang malaman kung ano ba ang depinisyon ng “right of way” sang-ayon sa batas, ukol sa usaping trapiko, lalo na sa isang interseksyon. – Dante
Dear Dante,
Ang kasagutan sa iyong katanungan ay matatagpuan sa ating mga batas at mga desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa tamang pag-uugali ng mga motorista sa kalsada. Bilang panimula, nakasaad sa Republic Act No. 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code, ang pangunahing batas tungkol sa right of way sapampublikong kalsada, viz:
“Section 42. Right of way.
(a) When two vehicles approach or enter an intersection at approximately the same time, the driver of the vehicle on the left shall yield the right of way to the vehicle on the right, except as otherwise hereinafter provided. The driver of any vehicle traveling at an unlawful speed shall forfeitany right of way which he might otherwise have hereunder.”
Nilinaw pa ito ng Korte Suprema sa kasong Caminos v. People (G.R. No. 147437, 8 May 2009, sa panulat ni Kgg. na Kasamang Mahistrado Dante Tiñga), kung saan ipinaliwanag ang kahulugan ng right of way sa konteksto ng batas-trapiko:
“In traffic law parlance, the term "right of way" is understood as the right of one vehicle to proceed in a lawful manner in preference to another approaching vehicle under such circumstances of direction, speed and proximity as to give rise to a danger of collision unless one of the vehicles grants precedence to the other. Although there is authority to the effect that the right of way is merely of statutory creation and exists only according to express statutory provision, it is generally recognized, where no statute or ordinance governs the matter, that the vehicle first entering an intersection is entitled to the right of way, and it becomes the duty of the other vehicle likewise approaching the intersection to proceed with sufficient care to permit the exercise of such right without danger of collisions.”
Samakatuwid, ayon sa batas at sa desisyon ng Korte Suprema, ang mga sumusunod ang mga pangunahing prinsipyo:
a) una, ang sasakyang unang pumasok sa interseksyon ang may right of way;
b) pangalawa, kung sabay namang dumating ang dalawang sasakyan, ang nasa kaliwa ang may obligasyong magbigay-daan sa nasa kanan;
at c) ikatlo, ang driver na tumatakbo nang lampas sa legal na bilis ay nawawalan ng right of way, at obligado siyang magbigay-daan kahit pa siya ang unang makarating.
Ang mga patakarang ito ay naglalayong maiwasan ang banggaan at mapanatili ang kaayusan sa mga interseksyon kung saan madalas nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan ukol sa prayoridad sa pagdaan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.






