top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 31, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta


May kapitbahay kami dati na may alagang dalawang aso. Madalas silang umalis at itinatali nila ang kanilang aso sa labas ng bahay. Hindi man lang nila iniiwanan ng pagkain o tubig, kaya naman kaming mga magkakapitbahay na lang ang nag-aasikaso dahil halos hindi tumitigil ang tahol ng mga aso nila dahil sa gutom. Napagdesisyunan ng aming kapitbahay na sila ay lumipat na ng inuupahang bahay, ngunit hindi nila isinama ang dalawang aso at hinayaan lang na nakatali. Hindi rin nila ibinilin sa amin ang pag-aalaga sa mga ito at basta na lang nila iniwanan. May nalabag ba silang batas dahil sa pag-abandona nila sa kanilang mga alagang aso?

Coco



Dear Coco,


Una sa lahat, may batas tayo na siyang nag-iingat sa kapakanan ng anumang uri ng hayop na matatagpuan sa Pilipinas. Ito ay ang Republic Act (R.A.) No. 8485, na inamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 10631. Ang layunin ng batas na ito ay protektahan ang pisikal, maging ang sikolohikal, na kapakanan ng mga hayop. Ipinagbabawal din ng batas na ito ang anumang uri ng pang-aabuso, pagmamaltrato, karahasan, at pananamantala sa mga hayop. 


Kaugnay nito, layunin din ng batas na ito na ang bawat hayop ay maingatan sa pamamagitan ng pagkalinga at pag-aruga, pamumuhay sa kanilang pangkaraniwang tirahan, at malayang pagpakita ng kanilang natural na pag-uugali. 


Dahil dito, malinaw na nakasaad sa Seksyon 7 ng inamyendahang Republic Act (R.A.) No. 8485 na ipinagbabawal ng batas ang pag-abandona sa isang hayop kung ito ay nasa pangangalaga ng tao: 


“SEC. 7.  It shall be unlawful for any person who has custody of an animal to abandon the animal.


If any person being the owner or having charge or control of any animal shall without reasonable cause or excuse abandon it, whether permanently or not, without providing for the care of that animal, such act shall constitute maltreatment under Section 9.


If the animal is left in circumstances likely to cause the animal any unnecessary suffering, or if this abandonment results in the death of the animal, the person liable shall suffer the maximum penalty.


Abandonment means the relinquishment of all right, title, claim, or possession of the animal with the intention of not reclaiming it or resuming its ownership or possession."


Maliwanag ang nakasaad sa batas na kung ang isang tao ay kumuha ng isang hayop para kanyang alagaan, kailangang kalingain niya ito at alagaan upang maingatan ang kapakanan nito.  Kaya naman, ipinagbabawal ang pag-aabandona sa mga ito nang walang makatwirang dahilan. 


Ang isang tao na nasumpungang nag-abandona sa alagang hayop, permanente man o pansamantala, ay maaaring maharap sa parusang nakasaad sa Seksyon 9 ng inamyendahang R.A. No. 8485: 


“SEC. 9. Any person who subjects any animal to cruelty, maltreatment or neglect shall, upon conviction by final judgment, be punished by imprisonment and/ or fine, as indicated in the following graduated scale:


(1) Imprisonment of one (1) year and six (6) months and one (1) day to two (2) years and/or a fine not exceeding One hundred thousand pesos (P100,000.00) if the animal subjected to cruelty, maltreatment or neglect dies;


(2) Imprisonment of one (1) year and one (1) day to one (1) year and six (6) months and/or a fine not exceeding Fifty thousand pesos (P50,000.00) if the animal subjected to cruelty, maltreatment or neglect survives but is severely injured with loss of its natural faculty to survive on its own and needing human intervention to sustain its life; and


(3) Imprisonment of six (6) months to one (1) year and/or a fine not exceeding Thirty thousand pesos (P30,000.00) for subjecting any animal to cruelty, maltreatment or neglect but without causing its death or incapacitating it to survive on its own.”


Kaya naman, kung mapatunayan na talagang inabandona ng iyong kapitbahay ang kanilang mga alagang aso, at hinayaan lang na nakatali nang walang pagkain at inumin, ay maaaring nalabag nila ang ipinaliwanag na batas. Kaugnay nito, kung mapatunayan na dahil sa kanilang pag-abandona sa kanilang mga alagang aso ay namatay, napinsala, o nawalan ng kakayanan ang mga ito na mabuhay sa kanilang sarili, ay maaari rin silang makulong o mapagmulta. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 30, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Ang magkaroon ng sariling tahanan ay isa sa mga pangarap ng pamilyang Pilipino. Ngunit minsan ang magandang kapalaran ay sadya namang mailap kahit sa isang taong nagsisikap. Kadalasan, nang dahil sa kagustuhang magkaroon ng sariling matitirhan ay naghahanap sila ng bakanteng lote na pag-aari ng gobyerno at doon sila nagtitirik ng kanilang mga mumunting bahay.


Hindi alintana ng mga taong ito na hindi sa kanila ang lupa na kinatitirikan ng kanilang mga bahay dahil ang mahalaga sa kanila ay may pagsisilungan sila ng kanilang pamilya.


Nakatala sa ating Saligang Batas (Article 13, Section 9 and 10, 1987 Philippine Constitution) ang mga sumusunod:


SEK. 9. Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas at para sa kabutihan ng lahat, sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, ng patuluyang programa sa reporma sa lupang urban at sa pabahay na magbibigay ng makakayanang disenteng pabahay at mga pangunahing paglilingkod sa mga mamamayang dukha at walang tahanan sa mga sentrong urban at mga panahanang pook. Dapat ding itaguyod nito ang sapat na mga pagkakataon sa hanapbuhay sa mga mamamayang iyon. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng mga may-ari ng maliliit na ari-arian sa implementasyon ng programang iyon.


SEK. 10. Hindi dapat paalisin ni gibain ang mga tirahan ng nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural maliban kung naaayon sa batas at sa paraang makatarungan at makatao.

Hindi dapat ilipat ng tirahan ang nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural nang walang sapat na pakikipagsanggunian sa kanila at sa mga pamayanang paglilipatan sa kanila.


Bagama’t ang mga taong iskwater ay tunay ngang walang karapatan na ariin ang isang bagay na sa umpisa pa lang ay alam nilang hindi sa kanila, mayroon din naman silang proteksyon na ipinagkakaloob ng batas. Sa nabanggit na probisyon sa itaas na kahit na hindi sila ang lehitimong may-ari ng lupang kanilang tinitirhan ang mga taong iskwater ay binibigyan pa rin ng batas ng karapatan na makaalis nang maayos. Hindi sila maaaring paalisin sa kanilang tinitirikang lupa o ang kanilang bahay ay gibain maliban kung ito ay naaayon sa batas at isinagawa sa makatarungan at makataong paraan. 


Sinabi ng Korte Suprema sa kaso ng People vs. Leachon, Jr., 296 SCRA 163, sa panulat ni Honorable Associate Justice Fidel Purisima, na ang kahulugan ng terminong “in accordance with law” at “just and humane manner,” bilang pagbibigay sa taong paalisin ng kanyang oportunidad para salungatin ang alegasyon na ang kanyang posisyon at pamamalagi sa kuwestiyunableng ari-arian ay labag sa batas o kontra sa kagustuhan ng may-ari ng nasabing ari-arian. At kung mapatutunayan na ang pagkakatira ay labag sa batas o hindi legal, ang taong nakatira roon ay masasabihan o mabibigyan ng babala bago ang aktuwal na pagpapaalis o demolisyon. Pasisiguruhan din na walang karahasan na maaaring magdulot ng pagkawala o kamatayan ng isang tao, pinsalang pisikal o pagkasira ng mga ari-arian.


Kung ating susumahin, bagama’t ang isang may-ari ng lupa ay may karapatan sa ilalim ng batas na protektahan ang kanyang pag-aari laban sa mga umuokupa nito nang wala ang kanyang pagsang-ayon at paalisin ang mga ito mula sa kanyang pag-aari, marapat na malaman niya na kinakailangang dumaan ito sa tamang proseso at may pagrespeto sa karapatan ng mga taong iskwater. 

Ang nakaambang panganib ay laging dapat na isaalang-alang upang maiwasan ang gulo na maaaring mapunta sa pagdanak ng dugo.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 29, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Dahil sa trauma na nangyari sa akin sapagkat na-bully ako noong high school, mayroon akong psychologist. Regular dati ang aking therapy sessions, ngunit nahinto ito noong nagkaasawa ako. Kalaunan ay hindi na naging maganda ang pagsasama naming mag-asawa kaya’t nagsampa siya sa korte ng kasong annulment of marriage batay sa psychological incapacity. Nalaman ng asawa ko na may psychologist ako kaya nais niyang tumestigo ito sa kaso namin. Natatakot ako na baka maikuwento ng aking psychologist ang madilim kong nakaraan. Maaari bang mapigilang tumestigo ang aking psychologist sa nasabing kaso? — Carolyn



Dear Carolyn, 


Ayon sa A.M. No. 19-08-15-SC na inilabas ng Korte Suprema noong 8 Oktubre 2019, hindi maaaring suriin sa isang sibil na kaso ang isang physician, psychotherapist, o taong pinaniniwalaan ng pasyente na awtorisado na magsagawa ng medisina o psychotherapy, nang walang pahintulot ng kanyang pasyente, sa anumang kumpidensyal na komunikasyon na ginawa para sa layunin ng diagnosis o paggamot sa pisikal, mental, o emosyonal na kondisyon ng kanyang pasyente kabilang ang addiction sa alkohol o droga. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Seksyon 24(c), Rule 130 nito kung saan nakasaad na:


 “Section 24. Disqualification by reason of privileged communications. - The following persons cannot testify as to matters learned in confidence in the following cases:

xxx


(c) A physician, psychotherapist or person reasonably believed by the patient to be authorized to practice medicine or psychotherapy cannot in a civil case, without the consent of the patient, be examined as to any confidential communication made for the purpose of diagnosis or treatment of the patient's physical, mental or emotional condition, including alcohol or drug addiction, between the patient and his or her physician or psychotherapist. This privilege also applies to persons, including members of the patient's family, who have participated in the diagnosis or treatment of the patient under the direction of the physician or psychotherapist.”


Sa iyong sitwasyon, hindi maaaring magtestigo ang iyong psychologist tungkol sa inyong mga kumpidensyal na komunikasyon hinggil sa inyong therapy sessions kung walang pahintulot mula sa iyo. 


Subalit, kung ang testimonya ng iyong psychologist ay maituturing na expert opinion na tumutugon lamang sa hypothetical questions, maaari siyang makapagbigay testimonya kahit walang pahintulot mula sa iyo. Ipinaliwanag ng ating Korte Suprema  sa kasong Lim vs. Court of Appeals and Juan Sim, (G. R. No. 91114, 25 September 1992), sa panulat ni Honorable Associate Justice Hilario G. Davide, Jr., na:


“The predominating view, with some scant authority otherwise, is that the statutory physician-patient privilege, though duly claimed, is not violated by permitting a physician to give expert opinion testimony in response to a strictly hypothetical question in a lawsuit involving the physical mental condition of a patient whom he has attended professionally, where his opinion is based strictly upon the hypothetical facts stated, excluding and disregarding any personal professional knowledge he may have concerning such patient. But in order to avoid the bar of the physician-patient privilege where it is asserted in such a case, the physician must base his opinion solely upon the facts hypothesized in the question, excluding from consideration his personal knowledge of the patient acquired through the physician and patient relationship. If he cannot or does not exclude from consideration his personal professional knowledge of the patient’s condition he should not be permitted to testify as to his expert opinion.”


Ayon sa nasabing kaso, kinakailangan sa testimonya bilang expert witness na ang opinyon ng doktor ay base lamang sa mga hypothetical facts at hindi base sa mga natutunan niya mula sa kanyang pasyente. Kung kaya sa iyong kaso, kung hindi kaya ng iyong psychologist na ibukod mula sa kanyang testimonya bilang expert witness ang mga natutunan niya mula sa therapy sessions ninyo, hindi siya maaaring maging testigo kung wala ang pahintulot mula sa iyo. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page