top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Mar. 2, 2025



ISSUE #347


Sina Rodel at Limuel ang kabilang sa mga nahatulan ng mababang hukuman, kaugnay sa marahas na pamamaslang sa biktima na si Joel.


Subalit, sila nga ba ay merong legal na pananagutan sa pagkamatay ng biktima? Kung hindi sila ang pumaslang, tanging pakikipagsabwatan lamang ba ang magiging alegasyon laban sa kanila?


Sama-sama nating tunghayan ang kanilang kuwento hango sa kasong People of the Philippines vs. Rodel Salamanque y Sañares and Limuel Esteban y Postrero a.k.a ‘Ungge’ (CA-G.R. CR HC No. 12956, May 12, 2022), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Bonifacio S. Pascua, at alamin natin kung ano ang kanilang naging legal na kapalaran.


Ika-9 ng Hulyo 2012 nang maisampa ang paratang laban kina Rodel, Limuel, Joselito, Helenito, Anjo, Jerome, Cruzaldo, Jr. at alyas Sadong sa Regional Trial Court (RTC) ng San Mateo, Rizal, para sa krimen na murder. 


Ang kaso na ito ay bunsod diumano sa pamamaslang sa biktima na nagngangalang Joel.

Batay sa bersyon ng panig ng tagausig, nakikipag-inuman diumano si Joel sa harap ng kanyang bahay, bandang alas-8:30 ng gabi, noong ika-26 ng Nobyembre 2011, nang hamunin diumano siya ni Limuel ng suntukan. 


Tumanggi umano si Joel, subalit inudyukan umano ni Rodel ang dalawa na magsuntukan at nangyari na nga ang suntukan sa pagitan ng dalawa. 


Sinubukan diumano ni Mari Gold, anak ni Joel, na pigilan ang dalawa ngunit wala umano siyang nagawa. Naru’n din umano sina Anjo, Rodel at anak ni Rodel na si Jerome. 


Hinaharangan diumano ng tatlo ang sinuman na magtangka na awatin sina Limuel at Joel. May lima hanggang sampung minuto ang itinagal ng pagsusuntukan ng dalawa.


Subalit, bigla na lamang diumano sinipa ni Anjo si Joel sa dibdib, dahilan kung bakit napatalsik si Joel, maging ang pustiso nito ay nadurog din. Nagalit umano si Joel, kaya agad na kumuha ng bolo sa kanyang bahay at hinabol diumano nito si Anjo. 


Nagpang-abot umano ang dalawa sa harap ng bahay ni Kristalyn, nang bigla na lamang dumating sina Joselito at Henelito. 


Hinampas umano ni Henelito si Joel sa ulo gamit ang isang bote ng gin, habang si Joselito naman ay sinaksak diumano si Joel ng maraming beses sa katawan. 

Pinigilan diumano nina Rodel at Limuel ang ibang tao at sinabing, “Huwag kayo makialam baka madamay kayo!”


Naging mitsa umano ng buhay ni Joel ang mga tinamo niyang saksak mula kay Joselito. 

Not guilty, ang naging hatol nina Rodel at Limuel sa hukuman, habang si Cruzaldo Jr. naman ay tumayo bilang kanilang saksi. 


Ayon sa testimonya ni Cruzaldo Jr., nakatambay at nagtatawanan diumano sila ng kanyang mga kaibigan, nang bigla na lamang lumapit si Joel at tinanong kung bakit sila nagtatawanan. 


Itinanggi umano ni Cruzaldo, Jr. na si Joel ang kanilang pinagtatawanan. Gayunpaman, sinampal diumano ni Joel si Cruzaldo, Jr. 


Umuwi na umiiyak diumano si Cruzaldo, Jr. at ipinaalam sa kanyang mga magulang ang nangyari. Nang papunta na umano sa barangay ang kanyang mga magulang, du’n lamang napag-alaman na patay na pala si Joel.


Batay naman kay Limuel, kapatid ni Cruzaldo, Jr., nasa tindahan diumano siya nang masaksihan ang insidente ng pananampal. Papalapit na umano siya kina Cruzaldo, Jr. at Joel nang biglang tumakbo si Cruzaldo, Jr. 


Sinubukan niya umano na kausapin si Joel, subalit mayabang siyang sinagot at sinampal nito. Gumanti umano ng suntok si Limuel, dahilan upang mapaupo si Joel. Inawat diumano sila ni Mari Gold at umuwi rin ang mag-ama. 


Subalit, lumabas pa umano ng kanyang bahay si Joel na merong bitbit na bolo. Dahil dito, agad na tumakbo umano pauwi si Limuel. 

Makalipas ang isang araw, napag-alaman na lamang diumano ni Limuel na nagkaroon ng gulo sa pagitan nina Joel, Anjo, Joselito at Henelito, na nauwi sa pagkakasaksak kay Joel.


Batay naman sa testimonya ni Rodel, bandang alas-8:00 hanggang alas-9:00 ng gabi, noong ika-26 ng Nobyembre 2011, nakita umano niya na nakikipag-inuman si Joel nang bigla na lamang nagkaroon ng kaguluhan sa pagitan nina Joel at Limuel. Sinubukan diumano ni Rodel at ng mga anak ni Joel na pahupain ang sitwasyon at umuwi na rin sila. Kinabukasan, napag-alaman na lamang diumano ni Rodel na nasaksak si Joel.

Nagbaba ng hatol ang RTC noong ika-28 ng Disyembre 2018. Guilty beyond reasonable doubt sina Rodel at Limuel para sa krimen na murder. Sila ay pinatawan ng parusa na pagkakakulong na may sentensya na reclusion perpetua at ng kaakibat na pagbabayad-pinsala at danyos sa mga naulila ng biktima.


Para sa RTC, napatunayan diumano ang bawat elemento ng krimen na murder. Napagtibay diumano ng ebidensiya ng tagausig na merong intensyon na paslangin si Joel at merong qualifying circumstances na treachery at abuse of superior strength, na kung saan sa pamamagitan diumano ng pakikipagsabwatan ng mga inakusahan ay nasiguro ang pagkitil sa buhay ng biktima. 


Batay rin sa desisyon ng RTC, meron umanong pagkakaisa sa aksyon ng mga inakusahan. Sama-sama umano silang nagsikap upang maisakatuparan ang pamamaslang. Bagama’t wala umanong partisipasyon sina Rodel at Limuel sa pananaksak, naitaguyod naman ang naganap na suntukan sa pagitan ni Limuel at ng biktima, na inudyukan pa umano ni Rodel, at ang kanilang aktibo na pagpigil sa ibang tao na masaklolohan si Joel habang ito ay sinasaksak.


Agad na inakyat nina Rodel at Limuel ang kanilang apela sa Court of Appeals (CA), Manila upang kuwestyunin ang naging hatol ng RTC. 


Sa masigasig na representasyon ni Manananggol Pambayan G.C.B. Montero, iginiit ng depensa na lubos na mali ang ibinabang hatol ng RTC, sapagkat wala umanong ebidensiya na sumusuporta sa alegasyon na sabwatan sa pagitan ng mga apelante at ng iba pang mga inakusahan.


Kaya naman, muling inaral ng CA, Manila ang apela nina Rodel at Limuel. Sa desisyon na may petsa ika-12 ng Mayo 2022, kinatigan ng hukuman ng mga apela ang kanilang mga pagsamo.


Para sa CA, Manila, bagaman napatunayan ang mga elemento ng krimen na murder sapagkat: (1) napaslang si Joel: (2) ang akusado na si Joselito ang sumaksak nang maraming beses kay Joel na naging sanhi ng pagpanaw nito: (3) merong qualifying circumstances na treachery, na nakapaloob na diumano sa sirkumstansya na abuse of superior strength: at (4) hindi parricide o infanticide ang naganap na krimen, hindi naman umano naitaguyod ng ebidensiya na inihain ng tagausig ang alegasyon ng pakikipagsabwatan ng mga apelante, na sina Rodel at Limuel, sa mga akusado na sumalakay at pumaslang kay Joel. 


Sa kaso umano na ito, walang ebidensiya na nagpapatunay na walang pag-aalinlangan na naging aktibo na lumahok sina Rodel at Limuel sa pagsasakatuparan ng layunin at hangarin ng kanilang mga kapwa-akusado na sina Henelito, ang pumukpok ng bote sa ulo ng biktima, at Joselito, ang sumaksak sa biktima. 


Sa madaling salita, naganap at naisakatuparan ang pamumukpok at pananaksak sa biktima nang walang partisipasyon ng mga apelante.


Wala rin umanong katibayan na ang ginawa na pagpigil nina Rodel at Limuel sa ibang mga tao ang naging daan sa pagsasakatuparan ng pagkitil sa buhay ng biktima. Mismong sa testimonya umano ni Mari Gold, na anak ng biktima, naitaguyod na naroon lamang sina Rodel at Limuel nang maganap ang gulo at sinabi lamang ng dalawa ang mga salitang, “Huwag kayo makialam baka madamay kayo”, sa mga taong naroon. 


Ayon pa umano kay Mari Gold, walang kinalaman sina Rodel at Limuel sa pagkakapaslang sa kanyang ama. Idinawit lamang ni Mari Gold si Limuel sapagkat sa kanyang paniniwala ay kay Limuel nagsimula ang gulo. 


Nanaghoy si Mari Gold na hindi sana mapapaslang ang kanyang ama, kung hindi sila nag-away ni Limuel. Subalit, ayon sa hukuman ng mga apela, hindi naitaguyod ng testimonya ni Mari Gold ang pakikipagsabwatan nina Rodel at Limuel kina Anjo, Joselito at Henelito.


Ipinaalala pa ng appellate court, sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Bonifacio S. Pascua ng Second Division:

 

“Mere presence at the scene of the crime at the time of its commission is not, by itself, sufficient to establish conspiracy. To establish conspiracy, evidence of actual cooperation rather than mere cognizance or approval of an illegal act is required. Nevertheless, mere knowledge, acquiescence or approval of the act, without the cooperation or agreement to cooperate, is not enough to constitute one a party to a conspiracy, but that there must be intentional participation in the transaction with a view to the furtherance of the common design and purpose.”


Bagaman hindi kailangan ng direktang ebidensiya na magpapatunay sa alegasyon ng pakikipagsabwatan, nilinaw ng appellate court na kinakailangan ng maitaguyod ang naturang alegasyon nang higit pa sa makatwirang pagdududa sa pamamagitan ng positibo at tiyak na ebidensiya.


Dahil meron diumanong makatwiran na pagdududa kaugnay sa bintang na pakikipagsabwatan nina Rodel at Limuel sa kanilang mga kapwa-akusado, minarapat ng CA, Manila na baliktarin at isantabi ang naunang hatol ng RTC, at sila ay pinawalang-sala.


Tama lamang na maparusahan ang mga partido na nagdala kay Joel sa kanyang huling hantungan. Gayunpaman, ang karapatan ng biktima na makamit ang hustisya ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng karapatan ng mga maling inaakusahan na maghangad din ng hustisya na para sa kanila. 


Ang bawat partido, maging ang biktima o inaakusahan ay merong karapatan na ipaglaban ang kanilang panig sa katarungan.


Sa kuwento na ito, bagaman naitaguyod diumano na si Joselito ang sumaksak at nagdala sa kamatayan ng biktima, napawalang-sala naman sina Rodel at Limuel sa maling paratang ng pamamaslang sa biktima, sapagkat ang alegasyon ng kanilang pakikipagsabwatan ay hindi napatunayan nang higit pa sa makatwirang pagdududa. 


Sa pagpapawalang-sala kina Rodel at Limuel, dalawang buhay ang nailigtas sa walang humpay na pagdaing sa kawalan ng katarungan. 

Sila ngayon ay nabigyan ng pagkakataon na minsan pa ay maglakbay sa buhay at muling magkaroon ng saysay.


Sana ay magsilbing tugon ang kuwento na ito sa mga naghihintay pa ng kanilang hustisya. ‘Wag kayong mawawalan ng pag-asa, maging ang mga kaluluwa na nasa kabilang buhay na. 


Matagal man ang proseso ng bawat kaso, may awa ang Poong Maykapal. Katarungan ay makakamit din, huwag mapagod at taimtim na magdasal.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Mar. 1, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


May katanungan ako patungkol sa edad ng pagreretiro sa aking trabaho. Isa akong surface mining employee o “mill plant worker” sa aming kumpanya mula pa noong 2003, at plano kong magretiro ngayong taon. Sa kasalukuyan, ako ay 53 taong gulang na. Tinanong ko ang aming Human Resources Division kung maaari na akong magretiro ngayong taon, ngunit ang sagot nila sa akin ay hindi pa diumano maaari. Sabi nila, kailangan kong maghintay hanggang umabot ako ng 55 taong gulang bago ako makakuha ng retirement pay. Tama ba sila? Maraming salamat sa inyong sagot. — Albert



Dear Albert,


Ang mga manggagawa sa industriya ng pagmimina ay nahaharap sa iba’t ibang mga panganib na minsan ay hindi maiiwasan. Ang mga panganib na ito ay hindi lamang naglalagay sa alanganin ng kanilang pisikal na pangangatawan, kundi nagdudulot din ng malaking banta sa kanilang pangkalahatang kalusugan at kanilang buhay.  


Dahil sa matinding panganib ng trabaho sa pagmimina, mahalaga na isaalang-alang ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga manggagawa sa industriyang ito. Isang solusyon ng ating bansa ay ang pagbababa sa edad ng pagreretiro para sa mga nagtatrabaho sa minahan. Ito ay isang pagkilala sa mga natatanging hamon na hinaharap ng mga nagmimina sa araw-araw, at pagtitiyak ng kanilang pagreretiro bago pa man magdulot ng malubhang epekto sa kanilang kalusugan ang pinagsama-samang epekto ng kanilang mga kondisyon sa trabaho.  


Sa ganitong paraan ng pagbibigay prayoridad sa kalusugan at kapakanan ng mga manggagawa sa pagmimina, maipapakita natin ang pagpapahalaga sa kanilang mga kontribusyon, habang pinapalaganap din ang isang mas ligtas at mas malusog na kondisyon sa trabaho.  


Kaugnay nito, noong 1998, isang batas ang ipinasa upang ibaba ang edad ng pagreretiro ng mga manggagawa sa ilalim ng lupa (underground mining) mula sa 60 taon pababa sa 50 taon. Ang batas na ito ay ang Republic Act (R.A.) No. 8558, na nag-amyenda sa Artikulo 287 ng Presidential Decree No. 442 o ang Labor Code of the Philippines. 


Gayunpaman, ang batas na ito ay hindi direktang sumaklaw sa mga manggagawa sa surface mining. Dahil dito, noong 2016, inamyendahan naman ang Artikulo 302 ng Labor Code of the Philippines sa pamamagitan ng R.A. No. 10757. Sa batas na ito, isinama ang mga manggagawa sa surface mining sa pagbaba ng edad ng pagreretiro mula 60 taon patungong 50 taon. Ayon sa Seksyon 2 ng R.A. No. 10757:


SEC. 2. Article 302 of Presidential Decree No. 442, as amended, otherwise known as the ‘Labor Code of the Philippines’, is hereby amended to read as follows:


‘Article 302. Retirement. – Any employee may be retired upon reaching the retirement age established in the collective bargaining agreement or other applicable employment contract.


‘In case of retirement, the employee shall be entitled to receive such retirement benefits as he may have earned under existing laws and any collective bargaining agreement and other agreements: Provided, however, That an employee’s retirement benefits under any collective bargaining and other agreements shall not be less than those provided herein.


‘In the absence of a retirement plan or agreement providing for retirement benefits of employees in the establishment, an employee upon reaching the age of sixty (60) years or more, but not beyond sixty-five (65) years which is hereby declared the compulsory retirement age, who has served at least five (5) years in the said establishment, may retire and shall be entitled to retirement pay equivalent to at least one-half (1/2) month salary for every year of service, a fraction of at least six (6) months-being considered as one (1) whole year.


‘Unless the parties provide for broader inclusions, the term ‘one-half (1/2) month salary shall mean fifteen (15) days plus one-twelfth (1/12) of the 13th month pay and the cash equivalent of not more than five (5) days of service incentive leaves.


‘An underground or surface mining employee upon reaching the age of fifty (50) years or more, but not beyond sixty (60) years which is hereby declared the compulsory retirement age for both underground and surface mine workers, who has served at least five (5) years as underground or surface mine worker may retire and shall be entitled to all the retirement benefits provided for in this Article.


‘For purposes of this Act, surface mine workers shall only include mill plant workers, electrical, mechanical and tailings pond personnel.


‘Retail, service and agricultural establishments or operations employing not more than ten (10) employees or workers are exempted from the coverage of this provision.


‘Violation of this provision is hereby declared unlawful and subject to the penal provisions provided under Article 302 of this Code.


‘Nothing in this Article shall deprive any employee of benefits to which he may be entitled under Section 12-B of Republic Act No. 1161, as amended, otherwise known as the Social Security Act of 1997 and other existing laws or company policies or practices.”


Sa sitwasyong iyong binanggit, maaari ka nang magretiro ngayong taon, kahit na ikaw ay 53 taong gulang pa lamang. Ayon sa ating batas na nabanggit sa itaas, ang isang surface mine worker, na umabot na sa edad na 50 o higit pa, at naglingkod nang hindi bababa sa limang taon bilang manggagawa sa minahan, ay maaari nang magretiro at may karapatan sa lahat ng benepisyo ng pagreretiro.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Feb. 28, 2025



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Ang mga anak kong menor-de-edad ay mahilig manood ng mga palabas sa telebisyon. May mga pagkakataong natutuwa silang manood ng mga patalastas sa pagitan ng mga palabas na kanilang napapanood. Bilang isang magulang, nais kong tiyakin na wala silang mapapanood na may kinalaman sa mga bisyo tulad ng paninigarilyo, o paggamit ng mga produktong tabako. Mayroon bang batas na nagbibigay ng paghihigpit sa pag-advertise ng mga produktong tabako? Salamat sa iyong sagot. -- Dam-Dam



Dear Dam-Dam, 


Ang kasagutan sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 15 at 19 ng Republic Act (R.A.) No. 9211, o mas kilala sa tawag na “Tobacco Regulation Act of 2003,” kung saan nakasaad na:


SECTION 15. Restrictions on Advertising. — The following restrictions shall apply to all tobacco advertising:


a. Advertisements shall not be aimed at or particularly appeal to persons under eighteen (18) years of age.

b. Advertisements shall not feature a celebrity or contain an endorsement, implied or express, by a celebrity.

c. Advertisements shall not contain cartoon characters or subjects that depict humans or animals with comically exaggerated features or that attribute human or unnatural characteristics to animals, plants or other objects.

d. Advertisements shall only depict persons who are or who appear to be above twenty-five (25) years of age.

e. Advertisements shall not show, portray or depict scenes where the actual use of, or the act of using, puffing or lighting cigarettes or other tobacco products is presented to the public. x x x


SECTION 19. Restrictions on Television and Radio Advertising. — Advertisements shall not be broadcast on television, cable television, and radio between seven o’clock in the morning and seven o’clock at night.”


Batay sa nabanggit na batas, nagtakda ito ng mga paghihigpit na patakaran ukol sa pag-advertise ng mga produktong tabako tulad ng mga sumusunod: a) ang patalastas ay hindi dapat partikular na naglalayon na umapela sa mga menor-de-edad o sa mga wala pang 18 taong gulang; b) ang mga celebrity ay hindi dapat itampok sa advertisement o magpahiwatig o hayagang mag-endorso ng mga produktong tabako; c) dapat walang cartoon character o anumang bagay na maglalarawan ng mga tao o hayop o anumang katangian ng isang tao o hindi likas na katangian sa mga hayop, halaman o iba pang bagay; d) ang mga taong dapat makita sa patalastas ay yaong mukhang higit sa 25 taong gulang; at e) ang mga patalastas ay hindi dapat magpakita o maglarawan ng mga eksena kung saan ang aktuwal na paggamit ng, o ang pagkilos ng paggamit, pagbubuga, o pagsindi ng sigarilyo o iba pang produktong tabako ay ipinapakita sa publiko.


Dagdag pa rito, hindi pinapayagan ang mga patalastas ng mga produktong tabako sa telebisyon, cable television at radyo sa pagitan ng alas-7 ng umaga (7:00 a.m.) at alas-7 ng gabi (7:00 p.m.). Kaugnay nito, kung mapatunayan na ang nasabing probisyon ng batas ay nilabag ng isang tao o kumpanya, mayroong kaukulang parusa na pagbabayad ng multa o pagkakakulong, o pareho, alinsunod sa Seksyon 32(c) ng R.A. No. 9211.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page