top of page
Search

ni Madel Moratillo | July 7, 2023




Matapos ang 2 linggong wellness leave, balik-trabaho na kahapon si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.


Sa pulong balitaan, kinumpirma ni Remulla na sumailalim siya sa heart bypass procedure matapos may nakitang bara sa kanyang puso sa ginawang medical check-up.


Maayos naman aniya ang kanyang recovery pero kailangan pa niyang sumailalim sa physical therapy.


Pero dahil sa therapy, hindi muna araw-araw makakapasok nang pisikal sa trabaho si Remulla pero puwede naman aniyang mag-online.


Pagtiyak ng kalihim, hindi apektado ang operasyon ng kagawaran kahit wala siya sa DOJ.

Binigyang-diin din ni Remulla na hindi siya magbibitiw sa posisyon.


Hangga't naniniwala pa aniya si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang kakayahan ay patuloy niyang pamumunuan ang DOJ.


"I serve at the pleasure of the President and I will continue to discharge my functions as long as the President believes in my capability to lead the department," pahayag ni Remulla.


Alam din naman aniya ni P-BBM ang kanyang kondisyon at natuwa aniya ito nang magdesisyon siyang sumailalim sa heart surgery.


 
 

ni Madel Moratillo | July 4, 2023




Nakapagtala ng 2,747 bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong nakaraang linggo.


Sa datos ng Department of Health, mula June 26 hanggang July 2, ang average na arawang kaso ng COVID sa bansa ay 392.


Mas mababa naman ito ng 20 porsyento kung ikukumpara sa naitala mula June 19 hanggang 25.


May 32 namang bagong kaso ng severe at kritikal ang naitala habang 2 ang nadagdag sa listahan ng nasawi.


Una rito, iniulat ng OCTA Research Group na bumaba na sa 6.7 percent ang COVID-19 positivity rate sa bansa nitong Hulyo 2, mas mababa nang bahagya sa 6.9% noong Hulyo 1.


Habang sa National Capital Region naman ay bumaba pa sa 4.9% ang COVID-19 positivity rate hanggang nitong Hulyo 1.


Pasok ito sa 5% threshold na itinatakda ng World Health Organization (WHO) para sa positivity rate ng COVID-19.


Maliban sa NCR, pasok na rin sa naturang threshold ang mga lalawigan ng Laguna, na mula sa dating 7.6% positivity rate noong Hunyo 24 ay nasa 5.0% na lamang nitong

Hulyo 1, at ang lalawigan ng Rizal, na mula sa dating 7.3% noong Hunyo 24 ay nasa 4.7% na lamang nitong Hulyo 1.


 
 

ni Madel Moratillo | July 4, 2023




Binawi na ng Department of Tourism ang kontrata nito sa DDB Philippines bilang kontraktor para sa kanilang bagong tourism campaign na "Love the Philippines".


Kasunod ito ng kontrobersiya sa nabuking na mga video clips sa audio visual presentation na hindi naman kinunan sa Pilipinas.


Sa isang pahayag, sinabi ng DOT na may karapatan silang baguhin, suspendihin o itigil pansamantala o permanente ang kontrata kung makitang hindi “capable” ang agency sa proyekto.


Nakikiusap umano ang DOT sa mga Pinoy sa labis na pagkadismaya sa paggamit ng non-original/stock footage na hindi pa galing sa Pilipinas at ginamit sa AVP para sa "Love the Philippines" campaign.


“As DDB Philippines has publicly apologized, taken full responsibility, and admitted in no uncertain terms, that non-original materials were used in their AVP, reflecting an abject failure to comply with their obligation/s under the contract and a direct contravention with the DOT’s objectives for the enhanced tourism branding, the DOT hereby exercises its right to proceed with termination proceedings against its contract with DDB.” bahagi pa ng pahayag ng DOT.


Tiniyak ng DOT na wala pang naibabayad sa DDB kaugnay ng tourism branding campaign contract.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page