top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | July 10, 2023




Mula sa 180.45 metro nitong Biyernes, bumaba pa sa 179.99 metro ang antas ng tubig sa Angat dam.


Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, ang antas na ito ay “below minimum” na ng operating level ng dam.


Dahil inaasahang lalo pang bababa ang tubig sa Angat Dam dahil sa El Niño, nagsabi na ang National Water Resources Board na babawasan nila ang alokasyon ng tubig sa Metro Manila at ng National Irrigation Administration hanggang katapusan ng buwan.


Dahil dito, nagbabala si Valenzuela City 2nd Dist. Rep. Eric Martinez ng isang “waterless Metro Manila”.


Panawagan ni Martinez, vice chairman ng House Committee on Appropriation, sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at iba pang stakeholders, bigyang prayoridad ang paghahanda at maglatag ng pangmatagalang solusyon.


Karaniwan na kasi itong problema tuwing panahon ng El Niño.


90 porsyento aniya ng water supply ng Metro Manila ay galing sa Angat dam kaya dapat magsilbing wake-up call na ito.


Giit ni Martinez, long-term solution ang kailangan at hindi bandaid solution lalo at paulit-ulit na itong problema tuwing ganitong panahon.


Babala ng kongresista, ang kakulangan sa tubig ay may malaking epekto rin sa ekonomiya.


Panawagan nito, sama-samang aksyon ng lahat at magtipid sa tubig.


 
 

ni Madel Moratillo @News | July 10, 2023




Nakapagtala ng 1,382 bagong kaso ng Omicron subvariants sa bansa sa loob lamang ng 3 araw.


Sa COVID-19 biosurveillance report ng Department of Health, ang mga ito ay mula sa

samples na isinailalim sa sequencing ng Baguio General Hospital Medical Center at UP Philippine Genome Center - Visayas mula Hunyo 26 hanggang 29.


Sa monitoring ng DOH, 1,251 rito ay XBB variant.


Sa bilang na ito, 139 ang XBB.1.5 cases; 217 ang XBB.1.16 cases; 366 ang XBB.1.9.1 cases; 60 ang XBB.1.9.2 cases; 326 ang XBB.2.3 cases; at 143 iba pang XBB sublineages.


Ang XBB ay variant under monitoring ng World Health Organization at variant of interest ng European Center for Disease Prevention and Control.


Mayroon ding 46 BA.2.3.20 cases; 35 BA.5 cases; 6 na XBC cases, 3 na BA.2.75 cases; 1 na BA.4 case; at 40 iba pang Omicron sublineages ang natukoy.


Ayon sa DOH, lahat ng XBB subvariants ay local cases mula sa halos lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Region 6, habang ang BA.2.3.20 cases ay mula Regions 1, 2, 3, 4A, 4B, 5, 7, 11, 12, CAR, Caraga, at NCR.


Habang ang BA.5 cases ay mula Regions 1, 2, 3, 4A, 5, 7, CAR, at NCR, habang ang XBC cases ay mula sa Regions 1, 12, at NCR.


May 3 BA.2.75 cases naman ang natukoy sa Regions 4B, CAR, at NCR, habang ang 1 na BA.4 case ay mula sa Region 4B.


 
 

ni Madel Moratillo @News | July 8, 2023




Inaprubahan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang order para sa importasyon ng dagdag pang 150 libong metriko tonelada ng asukal.


Layon umano nito na matugunan ang supply gap at mapataas ang buffer stock ng asukal sa bansa.


Sa Sugar Order No. 7 nakasaad na inaatasan ang eligible importers na binigyan ng alokasyon na tiyaking darating ang asukal sa bansa hanggang Setyembre 15 ng taong ito.


Ang mga i-import na refined sugar ay magsisilbing Reserve Sugar na pwedeng ma-reclassify depende sa sitwasyon.


Ito ang ikalawang import program na inaprubahan ng SRA para sa taong ito.


Ang una ay ang kontrobersyal na Sugar Order No. 6 kung saan pinayagan ang importasyon ng 440 libong tonelada ng asukal.


Ayon sa forecast inventory ng SRA, magkakaroon ng negative ending stock ang bansa pagsapit ng Agosto na aabot sa 552,835 metriko tonelada.


Ito ay dahil patapos na ang milling season kaya naman kailangan ng dagdag na importasyon ng asukal para hindi kapusin ng suplay ang bansa.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page