top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | July 16, 2023




Aabot sa 300 toneladang bangus ang namatay sa mga fish cage dahil sa fish kill na tumama sa Taal Lake, Batangas, na nagsimula pa noong Huwebes.


Ayon kay BFAR Calabarzon Regional Director Sammy Malvas, nasa 300 toneladang bangus na ang namatay sa mga fish cage sa Sampaloc, Talisay, Batangas.


Umaabot na sa P33.6 milyon ang halaga ng mga namatay na isda.

Ipinaliwanag na ang sanhi umano ng fishkill ay ang biglaang pagbabago ng klima sa Taal Lake at walang kinalaman ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal.


Matatandaang nitong mga nakaraang linggo ay napakainit ng panahon pero biglang bumuhos ang ulan nitong Huwebes. Dahil dito, biglang lumabo ang tubig na nagkulay putik.


Tinatawag ng mga lokal na “duong” o overturn ang biglaang pagpapalit ng tubig sa Taal Lake, kung saan ang tubig sa ilalim ng lawa ay mapupunta sa ibabaw kaya bumabagsak ang dissolved oxygen.


Kaugnay nito, hindi pa masabi ng BFAR kung kailan babalik sa normal ang lagay ng tubig sa lawa kaya pinapayuhan ang mga fish cage operator na hanguin na ang mga alagang tilapia at bangus lalo na kung ito ay nasa sapat nang gulang.


 
 
  • BULGAR
  • Jul 15, 2023

ni Madel Moratillo @News | July 15, 2023




Humingi ng paumanhin si Public Attorneys’ Office Chief Persida Rueda-Acosta kaugnay sa kanilang mga naging pagkontra sa probisyon ng bagong Code of Professional Responsibility and Accountability patungkol sa conflict of interest.


Narito ang liham ni Acosta sa Korte Suprema:

Mga minamahal naming mahistrado/justices of the Supreme Court, sa ngalan po ng aming mga abogado sa Public Attorney’s Office at ng inyong hamak na lingkod, ako po ay buong pagpapakumbaba at marespetong humihingi sa inyo ng taos sa pusong paumanhin kung kayo man po ay nasaktan sa mga pangyayari. Humihingi po kami ng inyong lubos na pang-unawa.


Ang amin pong mga sinabing mga argumento ay dala lamang po ng aming lubos na pagnanasa na pagsilbihan nang lubusan ang aming mga kliyente at ang mga mahihirap na nangangailangan, na siya ring aming tinuturo sa aming mga kasamang mga abogado.


Kaya kami po ay nangamba sa maaaring idulot nito sa aming mga kliyente at abogado.

Muli po, lubos po ang aming respeto at pagmamahal sa Korte Suprema na siyang aking naging unang kanlungan at tahanan sa pagseserbisyo sa publiko mula pa noong 1988 o humigit kumulang 35 taon na ang nakakaraan.


Taos sa pusong paumanhin po... makakaasa po kayo na ang mga Public Attorneys ay susunod sa "Section 22 in relation to Sections 13 at 18, Canon 3" ng Code of Professional Responsibility. Maraming salamat po at Mabuhay ang Supreme Court of the Republic of the Philippines.


Una na ring naglabas si Acosta ng kautusan sa kanilang mga abogado na sumunod sa kautusan ng Korte Suprema.


 
 
  • BULGAR
  • Jul 14, 2023

ni Madel Moratillo @News | July 14, 2023




Susunod ang Public Attorney’s Office (PAO) sa kautusan ng Korte Suprema sa isyu ng kinuwestyong probisyon patungkol sa conflict of interest provision sa bagong Code of Professional Responsibility and Accountability.


Kasabay nito, sa isang Office Order ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta, ibinigay nito ang discretion at disposisyon sa kanilang resident public attorneys na maa-assign sa mga korte na sumunod sa nakasaad sa Canon III.


Para naman maiwasan ang anumang criminal responsibility sa panig ng PAO lawyers dahil sa isyu ng conflict of interest sa pagtanggap ng mga kliyente, kailangan umanong maging maingat sila at palaging hingin ang consent ng unang kliyente.


“PAO resident public attorneys are hereby advised to reconcile it with the provisions of Article 209 of the Revised Penal Code, as amended by Section 36 of Republic Act No. 10951 approved on August 29, 2017, to avoid criminal responsibility and imprisonment; considering that said penal provision requires the consent also of the first client,” bahagi ng Order ng PAO.


Pinapayuhan din ang PAO resident public attorneys na tiyakin ang precautionary measures sa paghawak ng conflict-of-interest cases para maprotektahan ang sarili sa anumang criminal at administrative liability.


Una rito, hiniling ng PAO sa Korte Suprema na irekonsidera ang probisyon sa Code of Professional Responsibility and Accountability patungkol sa conflict of interest para maiwasan ang pagkakaroon ng dalawang public attorney sa isang sala o PAO vs. PAO scenario sa hinaharap.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page