top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | July 24, 2023




Bagsak na grado ang ibinigay ng grupo ng mga magsasaka kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kasabay ng kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).


Sa isang street conference ng grupong Pamalakaya o Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, binanggit nila ang kabiguan ng Marcos administration na tugunan ang problema ng mga nasa sektor ng pangingisda maging ang reclamation ng mga dagat. Katunayan anila, nasa 21 reclamation projects na ang naaprubahan at nabigyan ng environmental compliance certificate sa Manila Bay.


Nanawagan naman sila sa gobyerno ng 15 libong pisong subsidy para sa gasolina ng kanilang mga bangkang pangisda. Sasali rin umano sila sa gagawing kilos-protesta sa SONA ng Pangulo ngayong araw.


Samantala, ang mga vendor naman na nagtitinda sa Commonwealth market sa Quezon City, nanawagan sa Pangulo na pababain ang presyo ng bigas.


Gustuhin man umano nilang mapababa ang presyong ipinapasa sa mga customer, wala rin silang magawa dahil mahal ang kuha nila sa supplier.


Panawagan din ng mga vendor kay P-BBM na tutukan ang inflation. Marami na umano ang umaaray dahil sa sobrang taas ng mga bilihin.


 
 

ni Madel Moratillo @News | July 23, 2023




Simula bukas, Hulyo 24, mas iiksi na ang pagproseso sa mga passport, regular o express application man.


Ayon kay Office of Consular Affairs Asec. Henry Bensurto, Jr., mula sa dating 12 hanggang 14 na araw sa releasing ng regular passport, ngayon ay 10 araw na lang ang hihintayin bago ito ma-release.


Sa express naman, mula sa dating 7 araw bago mai-release, 5 araw na lang ngayon.


Gayunman, ayon kay Bensurto, para lamang ito sa mga taga-Metro Manila.


Tiniyak naman ng opisyal na pabibilisin din ang proseso sa iba pang consular offices sa iba pang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao. Napag-alaman na sa consular offices sa ibang parte ng Luzon, Visayas at Mindanao, sa regular passport mula sa dating 15 araw ay magiging 12 araw na lang habang sa express naman mula sa 10 araw ay 7 araw na lang.


Bukod pa rito, napababa rin umano ang oras ng paghihintay sa mga aplikanteng nag-avail ng courier service. Mula sa dating 12 hanggang 15 araw ay magiging 10 hanggang 12 na lang sa express habang mula sa 20 araw sa regular ay magiging 15 hanggang 17 araw na lang.


 
 

ni Madel Moratillo @News | July 22, 2023




Kinalampag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga pulis na nakatalaga sa mga paliparan sa bansa na maging mapagmatyag laban sa human trafficking.


Ayon kay Tansingco, batay na rin sa panayam nila sa mga biktima ng human trafficking, nakukuha nila ang kanilang dokumento sa loob mismo ng bisinidad ng airport.


“Hindi na dapat sila umaabot dito. Bago makarating ng airport ang biktima, ang dami nang pinagdadaanan. Recruited via social media, magbabayaran via wire transfer, tapos mag-aabutan ng pekeng dokumento sa labas ng airport,” pahayag ni Tansingco.


Kailangan aniyang buksan ng mga awtoridad ang mata para hindi malusutan.

“We all have to open our eyes because it’s happening right under our noses,” dagdag pa ni Tansingco.


Mungkahi niya, palakasin ang presensya ng pulisya sa mga paliparan. Isa lang naman aniya ang modus ng mga ito kaya malamang ay sa iisang lugar lang nagkikita.


Ang paglaban aniya sa human trafficking ay nangangailangan ng whole-of-government approach kaya dapat na magtulungan ang lahat.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page