top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | September 11, 2023




May 91 na kandidato sa October 30, 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections ang nabigyan ng show cause orders ng Commission on Elections dahil sa paglabag sa premature campaigning.


Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, binigyan ng 3 araw ang mga nasabing kandidato para magpaliwanag ng kanilang panig.


Sinabi ni Garcia na resulta ito ng mga nakita nila mismong nalabag habang ang iba ay nai-report sa kanila.


Puwede naman aniyang motu propio ay mag-imbestiga ang Comelec kahit walang pormal na reklamong inihain sa kanila. Muli namang binalaan ni Garcia ang mga lumalabag sa premature campaigning. Paliwanag ng poll chief, lahat ng kandidato na naghain na ng Certificate of Candidacy ay itinuturing nang kandidato. Puwede lang silang mangampanya sa October 19 hanggang 28.


Kahit paglalagay aniya ng poster o pag-promote ng sarili sa social media ay bawal dahil maituturing itong premature campaigning.


Babala ni Garcia, ang 91 na ito ay simula palang at masusundan pa sa mga darating na araw.



 
 

ni Madel Moratillo @News | September 10, 2023




Iginiit ni Health Secretary Ted Herbosa na normal lang na ma-expire-an ng gamot.

Giit ni Herbosa, may porsyento talaga ng supply ng gamot ang inaabot na ng expiration.

Inihalimbawa niya ang bakuna na maikli ang shelf life.


Hindi lang naman aniya ito nangyayari sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Aniya, dapat talaga ay sakto lang ang ino-order pero mahalaga rin umano na mayroong sobra sa supply.


“We always buy sobra. We want to buy sobra. Even with our national immunization program, bumibili talaga tayo ng sobra. Because I’d rather have sobra than kulang. Kung sobra, dapat matuwa ka nu'n kasi may reserve ka,” pahayag ni Herbosa. Ang pahayag ni Herbosa ay kasunod ng report ng Commission on Audit na nasa P7.4 billion na halaga ng gamot at iba pang supplies ang nasayang matapos abutan ng expiration o pagkasira.


Tiniyak naman ni Herbosa na titingnan niya ang sitwasyon at kung paano ito maiiwasan.



 
 

ni Madel Moratillo @News | September 10, 2023




Planong ilagay ng Commission on Elections (Comelec) sa ilalim ng kanilang kontrol ang ilang lugar sa Luzon at Mindanao para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan polls.


Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang Malabang, Lanao del Sur ay tiyak nang mailalagay sa Comelec control.


Mismong siya ay hihikayatin aniya ang kanyang mga kasamahan para suportahan ang pagsasailalim nito sa kanilang pamamahala.


Matatandaang noong Agosto 31, nagpaputok ng baril ang ilang lalaki para mapigilan ang paghahain ng Certificate of Candidacy.


Ayon kay Garcia, sumuko na ang dalawa sa nagpaputok ng baril na nakuhanan ng video, habang binigyan na rin ng show cause order ang alkalde ng Malabang para magpaliwanag sa pangyayari.


Ayon sa Comelec chief, pag-aaralan din nilang isailalim sa control ang Albay, 2 lugar sa BARMM at mayroon din sa Northern Luzon.


Sa susunod na linggo posibleng mailabas na ang listahan ng mga lugar na isasailalim sa areas of concern kaugnay ng BSKE.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page