top of page
Search

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 22, 2021


Alam naman nating ang kawalan ng matatag na suplay ng pagkain ang dahilan kaya nananatiling mataas ang presyo sa ilang pamilihan.


Ito ay dahil apektado ng malamig na panahon ang suplay ng gulay sa ilang probinsiya tulad ng Benguet, Laguna, Nueva Ecija, Pangasinan, La Union at Bicol Region.


Dahil dito, patuloy na umaaray ang maraming mamimili dahil habang pataas nang pataas ang presyo ng bilihin, nananatiling mababa ang sahod. Ang masaklap, ‘yung ibang kababayan natin ay nawalan ng hanapbuhay, kaya ang tanong, saan pa kukuha ng pangkain?


Kaugnay nito, ilang grupo ng manggagawa ang nananawagan ng agarang umento sa sahod at pagkokontrol ng presyo ng mga bilihin sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Giit ng grupo, halos magkandalula na ang maraming Pilipino sa mga gastusin, lalo na’t tumitindi ang pandemya at krisis pang-ekonomiya.


Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA) noong Martes, Enero 19, 2021, ang kilo ng liempo ay nasa P400, beef rump sa P400, buong manok sa P170, repolyo sa P200, Baguio pechay sa P150, pulang sibuyas at imported bawang sa P100 at siling labuyo na aabot ng hanggang P1,000.


Matatandaang Nobyembre 2018 nang huling nagkaroon ng wage hike sa National Capital Region (NCR) at sa kabila ng paghain ng wage hike petition noong 2019, ibinasura lamang ito.


Samantala, mas mababa naman ang minimum wage sa probinsiya.


Giit ng isang grupo, maaari ring ipatupad ang pagpigil sa bara-barang pagtataas ng bilihin.


Sa totoo lang, kung mananatiling mataas ang presyo ng bilihin at mababa ang sahod, paano pa mabubuhay ang mga ordinaryong manggagawa, lalo na ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya?


Bagama’t may mga natanggap tayong tulong mula sa gobyerno, aminin natin na hindi ito sapat dahil ito’y pansamantalang solusyon lang.


Kaya panawagan sa mga kinauukulan, habang tinutugnan natin ang pandemya, tutukan din ang ganitong mga problema.


Baka kasi natutugunan nga natin ang mga problemang dala ng pandemya, kung kumakalam ang sikmura ng taumbayan ay wala rin.


Napakalaking hamon nito para sa ating lahat, kaya utang na loob, ‘wag nating ipagsawalambahala ang mga bagay na ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 21, 2021


Isinailalim na sa anim na buwang preventive suspension ang may 89 barangay chairman dahil sa umano’y katiwalian sa pamamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).


Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, binalaan na niya noon ang mga barangay captain na huwag gagalawin ang pera na ipinamimigay ng gobyerno na pantawid ng mga mahihirap na kababayan sa gitna ng pandemya na dulot ng COVID-19.


Gayunman, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na kabilang sa mga iregularidad na ginawa ng mga opisyal ng barangay ay ang paghahati ng cash assistance, pamemeke ng master list at pagkuha ng tara o cut mula sa mga benepisaryo.


Matatandaang mahigit P200 bilyon ang halaga ang inilaan para sa SAP sa ilalim ng Bayanihan to Heal As One Act o Bayanihan 1 para mabigyan ng tulong-pinansiyal ang may 18 milyong mahihirap na pamilya sa gitna ng epekto ng COVID-19 pandemic.


Sa totoo lang, dapat lang ‘yan sa inyo. Ang lalakas ng loob n’yong ibulsa ang perang inilaan para sa taumbayan.


Kaya panawagan sa mga kinauukulan, patuloy na turuan ng leksiyon ang mga tiwaling opisyal dahil walang puwang sa gobyerno ang mga ganitong klase ng serbisyo-publiko kuno.


Tipong ginagamit n’yo pa ang inyong posisyon para sa pansarili n’yong kapakanan. Ano’ng klase ng lider ‘yan?!


Sana ay magsilbing babala ito sa lahat ng may posisyon d’yan na nariyan kayo para magsilbi sa publiko at hindi para magpasarap sa puwesto habang kinukulimbat ang kaban ng bayan.


Sa panahon ng pandemya, tunay at may malasakit na lider ang ating kailangan. ‘Ika nga, ‘wag tayo sa mga nagpapanggap na lider dahil hindi nakakatulong.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 20, 2021


Sumagot ang isang propesor ng University of the Philippines-OCTA Research Group hinggil sa muling panukala ng Department of Trade and Industry (DTI) na payagang makalabas ang mga batang 10-anyos at makapasok sa mga shopping malls.


Gayundin, mas pabor ang mga miyembro ng UP-OCTA na ibalik na lamang ang face-to-face classes sa halip na payagang makalabas ang mga bata.


Giit ng propesor, kung hindi papayagang pumunta sa paaralan ang mga bata, ngunit puwedeng magpunta sa mall, balewala ang sinasabi nating bawal magpagala-gala ang mga menor-de-edad.


Dahil dito, mas mabuti umanong buksan na lang muli ang mga paaralan dahil mas importante ito.


Naninindigan ang propesor na hindi malaking tulong sa ekonomiya ang mga bata dahil hindi naman sila ang mga breadwinner ng kanilang pamilya.


Kung tutuusin, ang mas dapat tutukan ay ang paniniguradong walang bata ang pagala-gala dahil kapansin-pansing kahit tapos na ang Christmas break, napakaraming mga bata sa kalye, walang suot na facemask at dikit-dikit kasama ang iba pang mga bata.


At isa pa, hindi pa kasali ang mga batang edad 17 pababa sa mga mabibigyan ng bakuna, kaya hindi pa rin dapat magpagala-gala ang mga ito.


Kung maninindigan tayong hindi pababalikin sa paaralan ang mga bata, dapat maging consistent tayo sa lahat ng patakaran. ‘Pag sinabing bawal lumabas, talagang dapat ipagbawal.


‘Wag nating madaliin ang mga ganitong bagay dahil may tamang panahon para rito. Kaya panawagan sa mga kinauukulan, tutukan ang mga kasalukuyang problema sa halip na gumawa ng panibagong sakit ng ulo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page