ni Justine Daguno - @Life and Style | February 8, 2021
Malaking bagay para sa karamihan ang pagkakaroon ng magandang buhok. ‘Yung tipong maglalaan talaga ng budget para sa mamahaling shampoo at conditioner na magme-maintain dito. Pero dahil hindi maiiwasan ang pagkasira dahil sa iba’t ibang dahilan, kailangan natin ng ‘extra effort’. Narito ang ilan sa mga puwede nating gawin upang mapanatiling healthy at shiny ang ating ‘crowning glory’:
MAGPA-TRIM. Kapag masyadong dry ang buhok, madali itong magkaroon ng split ends, kaya upang maibalik ang freshness nito, siguraduhing regular ang pagpapa-trim. Ang madalas na pagpapagupit ay nakatutulong, hindi lamang para mabawasan ang damaged hair kundi para mapaganda pa ang tubo nito.
MAG-VITAMINS. Ang pagte-take ng vitamins ay hindi lamang para mapanatiling malusog ang katawan, gayundin para gumanda ang buhok. Ang Vitamin A, Vitamin C, biotin (o kung tawagin ay Vitamin H), at mineral iron ay malaking tulong para mas maging healthy ang buhok.
IWASAN ANG MADALAS NA PAGHUHUGAS O PAGSA-SHAMPOO BUHOK. Oks lang maghugas o mag-shampoo para maalis ang mga dirt o pawis nito pero hindi ito dapat ginagawa nang madalas dahil ang buhok ay mayroong natural oil na nagme-maintain para maging malusog ang bawat hibla nito. Kapag madalas ang pagsa-shampoo, hindi lamang dumi ang naaalis nito kundi maging ang natural oil nito, dahilan upang maging dry ang buhok.
IWASAN ANG HEAT STYLING. Bagama’t magandang tingnan, madaling nada-damage ang buhok dahil sa madalas na pagpa-plantsa, pagku-curl at iba pang heat styling. Ito ay dahil kapag madalas nae-expose sa heat ag buhok, madali itong rumurupok at nasisira.
GUMAMIT NG ESSENTIAL OILS. Popular ang paggamit ng Moroccan argan oil dahil isa ito sa mga epektib na pang-remedy sa dry at damaged na buhok. Ito ay may natural na sangkap na nakatutulong upang mapanatiling healthy ang ating hair. Gayunman, marami pang essential oils tulad ng peppermint oil at lavender oil, na para naman sa hair loss at pagkasira.
Hangga’t maaari ay panatilihin nating malusog ang ating buhok dahil malaki ang epekto nito sa confidence ng tao. Tamang disiplina at tiyaga lang ay siguradong maa-achieve rin natin ang maganda at healthy na ‘crowning beauty’. Okie?