top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 5, 2024


Bilang mga Pilipinong nagmamahal sa bayan, walang may ayaw ng maayos at modernong sistema ng pampublikong transportasyon. Iyan nga ang matagal na nating minimithi sa pagtahak ng isang disenteng pamumuhay na may pag-asenso. 


Kahit naman ang mga drayber ng pampublikong mga sasakyan ay hindi tutol sa modernisasyon. Sila man ay makikinabang dito bilang mga mamamayang nagnanais ng pag-unlad ng Pilipinas. Subalit ang ayaw nila ay ang balewalain ng pamahalaan matapos ang ilang dekada nilang pamamasada na pawisan para maihatid ang mga pasahero sa kani-kanilang paroroonan. Ang ayaw nila ay mawalan ng kabuhayan ng ganoon na lamang samantalang maaari naman silang matulungan ng pamahalaan sa napakaraming paraan. 


Lalo nang hindi tutol sa modernisasyon tayong mga komyuter. Inaasam natin na hindi na muling makalanghap ng maitim na usok mula sa tambutso ng lumang mga pampublikong sasakyan. Pinapangarap nating hindi na magmistulang dugyot at nanggigitata habang sakay ng kakarag-karag na behikulo na ilang tapak sa preno ang drayber bago makahinto at ilang pihit sa manibela bago makaliko. 


Noong tayo ay nasa ibang bansa, nabanggit sa atin ng isang dayuhan kung paano siya nakaramdam ng pangamba na sumakay sa luma at mausok na dyip noong ang kanyang pamilya ay bumisita sa Pilipinas, kung paano sila naipit sa mabigat na daloy ng trapiko, kung paano sila naghintay nang matagal sa pag-aabang ng masasakyan. 


Lahat tayo ay nangangarap na makita ang mas maraming turistang bumibisita sa ating bansa na namamangha at hindi naiimbiyernang sumakay sa ating mga pampublikong transportasyon, na kanilang sasabihing muli silang babalik dito sapagkat kaaya-aya ang kanilang naranasan. 


Sa pagsabak natin sa panibagong taon, Enero pa lamang ay napupuno na tayo ng agam-agam bilang mga komyuter kung tayo ba ay makakarating sa ating mga patutunguhan sa gitna ng sigalot sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Plan (PUVMP) ng gobyerno. 


Kumabig na naman ang pamahalaan at pinalawig ang pamamasada ng mga lumang dyip hanggang katapusan ng buwan. Patuloy namang namimighati ang mga mawawalan ng prangkisang mga drayber at operator na kahit matagal na sa pamamasada ay hindi nakapag-ipon at nananatiling isang kahig isang tuka sa rami ng gastusing palaki nang palaki sa paglipas ng mga taon. 


Kung tunay at higit lamang sanang nagmalasakit ang pamahalaan sa mga maaapektuhan sa pagpaplano ng modernisasyon, hindi na sana ngayon naiipit ang mga komyuter na pinakakaawa-awa sa lahat ng ito. Sino ba naman ang hindi papayag sa modernisasyon kung ito ay maayos at sistematikong pinagplanuhan na may malawakan at ekstensibong konsultasyon sa lahat ng stakeholder, na may sinserong pag-alalay sa mga apektado tulad ng pagtingin ng ama sa kanyang mga anak. 


Tayong mga komyuter ay naiinip na ring makasakay ng komportable at ligtas na pampublikong sasakyan, na hindi pinaglumaan o surplus ang makina at hindi bumubuga ng usok na tila pusit sa itim, na mura at abot-kaya ang pamasahe, na hindi tayo nagmimistulang marungis sa loob ng sasakyan, na hindi tayo nangangamba na may tigil-pasada na naman at nganga tayo sa kakaabang ng masasakyan.


Nasaan ang tunay na malasakit ng pamahalaan? Mahabag sana kayo sa taumbayan. 


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 3, 2024


Nawa sa pag-indayog ng Bagong Taon ay lumiksi ang pagkilos ng buong pamahalaan para bigyan ng pag-asa at alalayan ang taumbayan na makabalikwas at makabangon mula sa kahirapan. 

 

Maraming paraan para mapagaan ang pasanin ng bawat Pilipino sa Bagong Taon.


Bawat paglapit nila sa pamahalaan nawa ay tugunan ng agarang aksyon. Bawat pagpunta nila sa pampublikong mga tanggapan ay maging mas madali at mas mabilis ang prosesong kanilang kahaharapin. Bawat kawani ng gobyernong haharap sa kanila nawa ay kakitaan ng mas higit pang malasakit at pagdamay sa kapwa. 

 

Huwag nawang masayang ang oras nila sa mabagal na pagpoproseso ng tugon sa kanilang mga karaingan. Huwag sana silang salubungin nang nakasimangot na mga empleyado ng gobyerno. Huwag nawa silang malipasan ng gutom sa paghihintay sa pila at sabihang bumalik na lamang muli para sa kinakailangang solusyon. 

 

Masyadong mababait ang mga Pilipino. Masyadong mahaba ang kanilang pasensya.


Masyado silang matiisin. Ibang klase ang kanilang kabutihang loob. Suklian nawa ito ng administrasyong Marcos ng tapat at pinag-ibayong pagsisilbi at walang pagpapabukas-bukas. 

 

Tuparin nawa ng pamahalaan ang mga pangarap ng mga mamamayang Pilipino ngayong taon nang may gigil at determinasyon, nang walang pagpapatumpik-tumpik at pagkamakasarili. 

 

Pangarap ng bawat masang Pilipino na:

 

  • Huwag kumalam ang sikmura at lipasan na lamang ng gutom.

  • Huwag mahirapan sa pagkokomyut sa bawat araw.

  • Lumanghap ng malinis na hangin sa kapaligiran.

  • Magkaroon ng trabaho na magbibigay ng sapat na sahod. 

  • Magkaroon ng mga oportunidad na makapagpapaunlad ng buhay. 

  • Makapag-aral ang mga anak nang hindi nag-aalala sa gastusin. 

  • Magkaroon ng mapagdadalhang parke sa mga anak para makahinga naman mula sa masikip nilang bahay. 

  • Huwag malubog sa utang. 

  • Magkaroon ng impok kahit paano upang magamit pantawid.

  • Makapagpagamot sa ospital ng libre tuwing walang pambayad. 

  • Makapagpatingin sa doktor at makabili ng gamot kapag may sakit. 

  • Huwag pumila sa mga tanggapan ng pamahalaang kailangang puntahan.

  • Huwag mapag-iwanan sa pagkuha ng karampatang mga benepisyo mula sa pamahalaan. 

  • Magkaroon ng sariling disenteng tahanan.

  • Magkaroon ng maaasahang suplay ng kuryente at tubig sa araw-araw. 

 

Marami sa mga iyan ang matagal na sanang nasolusyunan kung may tamang pagpaplano, tapat na pagpupursige at hindi natitinag na political will lamang sana ang pamahalaan. Hindi na sana nakararanas ng gutom na hindi mapunuan ang sinuman.


Hindi na sana nahihirapang magkomyut ang mamamayan at hindi na sana sila lumalanghap ng maitim na usok sa daan. Hindi na sana sila napupuyat sa gitna ng mabigat na daloy ng trapiko. Hindi na sana sila nagtitiis sa sakit na hindi maipagamot dahil walang pampagamot. Hindi na sana sila kailangang umalis ng bansa para magpakakatulong sa dayuhan at iwan ang pamilya at mga anak na walang nag-aaruga. 


Hangad ng bawat mahirap na Pilipino na makatanaw ng pag-asa at masilayan ang unti-unting pagbabago sa pagpapatakbo ng pamahalaan ngayong 2024. Harinawa!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | December 29, 2023


Isang Bagong Taon ang nakatakdang sumalubong sa atin tatlong araw na lamang mula ngayon. Bagong pag-asa, bagong pagkakataon, bagong panimula. 


Huwag nating kalimutan ang mga aral na dala sa ating buhay ng kasalukuyang taon.


Magsilbi nawa itong panghinang at pampatalas ng ating kaisipan at pampalalim ng ating pang-unawa. 


Maging inspirasyon natin ang mga hirap na ating pinagdaanan, binuno at kinayang lampasan ngayong taon para umahon at umangat sa buhay na puno ng determinasyon at dedikasyon. 


Bilang mga mamamayan, maging aktibong kabahagi tayo ng pagpapatakbo ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpaparating sa mga lingkod-bayan ng ating mga punto at pananaw para sa pagpapabuti ng kanilang paglilingkod sa ating mga kababayan. 


Marami sa mga nakatalaga sa pamahalaan ang hindi nakakaranas o nakababatid ng tunay na pinagdaraanan ng ating mga kababayan. Marami sa kanila ang hindi napagdaanan ang hirap na ating nararanasan. Naroon lamang sila sa kanilang mga komportableng tanggapan, kung kaya’t kailangan natin na mas malalim na maipabatid sa kanila kung paano lumagay sa ating sitwasyon sa buhay para mas epektibo silang makaalalay sa atin. 


Hayaan ninyong ilatag natin ang mga pinagdaraanan at paraan ng mga mahihirap na Pilipino para mabuhay nang masaya at marangal. Ganito ang ilan sa kanilang mga nararanasan:


  • Kulang ang nakukuhang nutrisyon sa araw-araw. 

  • Para lamang makaranas na kumain sa isang mura at sikat na fastfood, mag-o-order ang pamilya ng isang bucket ng fried chicken na kanilang paghahati-hatian, habang may baong extra rice na ilalabas kapag kinapos na ang inorder. 

  • Sa tuwing lalabas ng bahay, mayroon silang dalang baong tubig para hindi na kailangang bumili kapag nauhaw sa daan o pinuntahan.

  • Kapag nalilipasan ng gutom, nakukuntento silang uminom ng maraming tubig para maibsan ang pagkalam ng kanilang sikmura. 

  • Pinipili nilang walang buwanang bayarin sa kuryente sa pamamagitan ng prepaid electricity service o “kuryente load” na kanilang kinakargahan kada linggo na iniiwanan nila ng minimum balance na P100. 

  • Bumibili sila ng tubig na gagamitin kada araw na kada timba sa halagang P5 dahil wala silang suplay ng tubig. Nakakagamit sila ng hindi bababa sa dalawang timba sa halagang P10. 

  • Dahil mahal ang mamalengke, kapag may kaunting kita ay bumibili na lamang sila ng lutong ulam sa halagang P30-P60 at paghahatian ito ng pamilya. Naghahati-hati sila sa sabaw kapag mayroon para mainitan ang sikmura. 

  • Sa pananamit, umaasa sila sa mga pinaglumaan o bumibili sa ukay-ukay kung talagang kinakailangan. 

  • Nilalakad lamang nila ang malapit na pinupuntahan tulad ng palengke at simbahan sa halip na mamasahe pa.

  • Kung kaya at uubra, pinipili nilang paaralin sa pampublikong paaralan ang kanilang mga anak na umaasa rin sa allowance at mga kagamitan mula sa gobyerno. 

  • Mahalaga sa kanila ang nakukuhang tulong mula sa 4Ps ng pamahalaan. 

  • Sa pagpapagamot, pumupunta sila sa kanilang lokal na health center. Kapag kailangang magpaospital, nagtitiis silang pumipila sa charity section ng pampublikong ospital at mga nagbibigay ng ayuda gaano man ito kahirap. 

  • Kabisado nila ang paglapit sa bawat sangay ng gobyernong nagbibigay ng tulong sa mga mahihirap. Determinado sila sa pagsunod sa bawat patakaran sa pagproseso nito kahit nauubos ang kanilang oras. 


Ganito ang maging mahirap sa Pilipinas. Sana, tunay na alam at danas ito ng mga tagapamuno ng mga ahensya ng gobyerno para itrato sila ng may higit na habag at malasakit sa taong darating.


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page