top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 26, 2024


Nakakagalit ang napabalitang “ayuda scam” kung saan kinukupitan diumano nang garapalan ng mga kawatan ang inilaang halaga ng tulong para sa kuwalipikadong benepisyaryo ng pamahalaan. 


Halang ang kaluluwa ng mga ito na nagagawang kikilan ang mga pinagbigyan ng tulong ng gobyerno. Diumano, ‘yung P10,000 na inilaan ay binawasan ng P9,000 kaya’t P1,000 na lang ang iniuwing ayuda, ayon sa nakaranas na ipinatawag ng Senado sa pagdinig nito kamakailan. 


Ang tinalakay na ayuda ay ang Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS na mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibinababa naman sa mga lokal na pamahalaan na silang namamahala sa pamimigay nito. 


Sa lahat naman ng bibiktimahin, iyon pang mga nasa krisis ng kanilang buhay!


Papaanong nasisikmura ng mga mapagsamantalang ito na lalong ilugmok ang mga hindi na nga halos makagulapay sa gitna ng sinasalunga nilang mga hamon ng buhay.


Kahit mga maralita, hindi pinaligtas sa kanilang maitim na modus! Ang mga aba ay lalo nilang ginawang abang-aba.


Dapat na matunton at mapanagot ng pamahalaan hindi lamang kung sino ang mga gumawa nito, kundi maging sino ang mga nasa likod nito. Dapat rin nilang maibalik ang kinikil nilang pondong makapagtatawid sana sa pangangailangan ng mga nabiktima. 


Habang sinusulat natin ito ay nabalitaan nating may mga umatras nang biktima mula sa kanilang naunang binitiwang alegasyon. Ngunit, may mga nananatiling tumitindig sa kanilang pahayag na mayroon ngang naganap na ayuda scam. 


Hindi rin naman ito ang kauna-unahang pagkakataong nakarinig tayo ng ganitong mga karima-rimarim na mga diumano’y pangyayaring nagaganap ukol sa ayuda ng gobyerno. 


Aba’y hanggang ngayon na napakahirap ng buhay at marami ang nakakaranas ng matinding gutom ay hindi man lang nakokonsensya ang mga manlolokong ito. Pati ang mga naghihikahos ay hindi pinaliligtas! Panagutin ang mga ito!


***


Samantala, nananawagan tayo sa Commission on Higher Education (CHEd) at sa Professional Regulation Commission (PRC) na pag-ukulan ng pansin ang mga hinaing ng mga gustong maging ganap na lisensyadong guro tulad ng lumiham sa ating pahayagan na si Sam Juan. 


Si Sam ay isang bachelor (non-education) degree holder noon pang 2013 at kakatapos lamang mabuno at makumpleto ang 18 units ng Education subjects na requirement sa mga non-education degree holder para makakuha ng Licensure Examination for Teachers (LET). Ani Sam, ang memo ng CHEd na kailangan ng 60 units ng major subjects o nangangahulugan ng 20 subjects na naging basehan ng PRC para sa mga kukuha ng LET ay dagdag na namang pabigat at balakid sa mga nangangarap maging guro na makakuha ng kanilang lisensya sa pagtuturo. 


Hinaing ni Sam, isang dagdag na taon na naman ito para sa tulad niya, samantalang dati nang may mga nakapasang may 18 units ng Education subjects na nakakuha pa ng matataas na marka sa nasabing pagsusulit. 


Kasalukuyang nag-uumapaw ang mga hinaing ng marami pang kagaya ni Sam sa social media tulad ng Facebook. 


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Enero 24, 2024


Kalunos-lunos ang aksidente sa Nagcarlan, Laguna, noong Biyernes nang mawalan ng preno ang isang pampasaherong jeepney na ikinasawi ng 2 taong gulang na babae at 45-anyos na lalaki na kapwa residente ng Barangay Poblacion 2 ng nasabing lugar.


Gayundin, sugatan ang may 15 katao. 


Binangga rin ng naturang jeepney ang isang tricycle, e-bike, sports utility vehicle o SUV, owner-type jeep, dalawang motorsiklo at isang establisimyento.


Isang ordinaryong araw sana ang Biyernes na iyon para sa mga namatay at kanilang pamilya ngunit naging araw ng pagdadalamhati at pighati. Napakasakit mawalan ng mahal sa buhay lalo na kung dahil ito sa isang trahedyang sanhi ng kapabayaan at kawalan ng pag-iingat tulad ng naganap sa Nagcarlan. 


Nakarating na ako sa lugar na iyan may ilang taon na ang nakalipas, noong dumalaw ako sa pamilya ng isang kaibigan, at bumalik sa aking gunita ang kapayapaan ng lugar, na binasag ngayon ng nasabing aksidente. 


Nakakagalit na ang isang pampasaherong jeepney ay hindi man lamang nakuhang tingnan kung may preno pa, na mararamdaman naman kung ito ay pumapalya na. 


Nakakapuyos na naikompromiso ang buhay ng mga lulan at mga nadaanang residente, gayundin ang mga sasakyang niragasa at sinalpok na parang mga latang walang kabuluhan. Isa na naman itong malagim na aksidenteng maaaring naiwasan.


Bagama’t nakakulong na ang drayber at sasampahan na ng kaso na posibleng reckless imprudence resulting in homicide and multiple injuries, hindi rito dapat matapos ang paghahanap ng hustisya. 


Wala na dapat pampasaherong sasakyan ang makakabiyahe na may problema at aberya, na maglalagay sa peligro ng buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan. 


Sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP, aba’y dapat wala na ngang magbubuwis ng buhay dahil sa bulok na sasakyang kamukat-mukat ay wala na palang preno at hindi man lang namimintina ng operator. 


Pero kahit wala pa man ang PUVMP, hindi pa rin sana nagaganap ang ganitong mga trahedya kung mahigpit na ipinatutupad ng pamahalaan ang mga requirement sa pagpaparehistro ng sasakyan, at hindi na tuluyang hinayaang maiparehistro at maipasada ang sobrang luma na at hindi na uubrang mga pampublikong transportasyon. 


Ang kabuuang sistema ng public transport sa Pilipinas ay isang malaking hamon na dapat mabusising ayusin ng Department of Transportation (DOTr) at mga ahensya sa ilalim nito. Walang dapat santuhin para ito ay ganap na maisaayos. 


Hindi lang ang ating mga kababayan, maging ang mga turistang dumarayo rito ay nangangamba sa pagsakay sa mga lumang behikulo na kailangan ng ilang pihit sa manibela bago kumabig. Nakakaawa ang isang bansang tulad natin na ang sistema ng transportasyon ay hindi nagbibigay ng kaalwanan para sa mga komyuter kundi dusa at panganib. 


Kailanman, hindi dapat masakripisyo ang kaligtasan ng mga ordinaryong mananakay at bumabagtas sa mga lansangan. Ang kapakanan ng mga komyuter ang dapat unahin sa kasalukuyang masalimuot na usapin ng transportasyon. 


Nawa, ang ating pangarap na tunay na modernisadong pampublikong transportasyon na isinaalang-alang ang lahat ng apektadong sektor ay hindi lamang manatiling pangarap kundi isang katuparan.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 19, 2024


Marasa ating mga inihalal at iniluklok sa posisyon sa pamahalaan ang tila nawawala sa eksena o “missing in action” at hindi marinig sa mga naghuhumiyaw na isyu ng bayan. 


Sa madaling salita, nananahimik na lamang sila sa gitna ng mga kawing-kawing na mga pangyayari, sala-salabat na kaganapan, kaduda-dudang mga maniobra, at kagalit-galit na mga insidente. 


Akala yata ng mga pulitikong ito ay hindi sila napapansin sa ginagawa nilang pandededma sa mga maiinit na usaping nambubulahaw sa araw-araw sa masang Pilipinong apektado. Akala yata ng mga walang pakialam na ito ay nakakaiwas sila sa aberya at tirada ng taumbayan sa kanilang hindi makabasag-pinggang paghihinhin-hinhinan na nasa loob naman ang kulo. 


Ang kaya lang pagsalitaan ng mga pulitikong ito na nagtatapang-tapangan ay ang mga alipores o ‘di gaanong mataas ang posisyon sa gobyerno. Ngunit tameme naman kapag ang babanggain nila ay Malacañang o ang may tsansang maging susunod na pangulo ng bansa. 


Kung akala ng mga pulitikong ito ay nalulusutan nila ang mamamayan at nakakaiwas sila sa apoy at asupre, marami nang natalong pulitiko sa eleksyon dahil sa maling akala.


Akala nila ay maayos pa ang paningin sa kanila ng taumbayan ngunit hindi na pala at huli na bago pa nila ito mapagtanto. Akala nila ay popular pa sila dahil sa mga boladas ng mga hunghang na sipsip na nakapaligid sa kanila pero unti-unti nang nalulusaw ang natitirang respeto sa kanila ng mga taong minsang humanga at nalinlang nila. Akala nila ay karapat-dapat pa sila sa pagtingin ng taumbayan ngunit hindi na pala. 


Ang pananahimik ay isa ring paraan ng pagtugon. Ang isang pulitikong nananahimik ay mas marami pang ipinapahatid na mensahe sa kanyang pinipiling pagtikom ng bibig at pag-iwas pusoy habang sumasambulat at nagliliparan na ang mga sibat na akala niya ay walang tatama sa kanya. 


Mas mahirap makapagtago at makapagmaang-maangan ngayon sa publiko kaysa noong araw. Ngayon ay mas madaling balikan ang ginawa’t hindi ng isang pulitiko. Mas madali nang alamin at tuntunin ngayon ang paninindigan niya o pagsasawalang-kibo sa bawat usapin dahil sa digital na teknolohiya. 


Bakit kaya pinipili na lamang ng mga pulitikong ito ang patuloy na manahimik habang may panaka-nakang walang kuwentang pagbibitiw ng salita sa mga nagliliitang isyu? 


Bakit kaya nila pinipili ang mawalan na lamang ng saysay at palipasin ang mga diskusyong dapat sanang magpalutang sa kanilang pagmamalasakit sa masang Pilipino? 


Walang rewind sa larangan ng pagsisilbi sa bayan. 


Kilala kayo ng taumbayan. Lalong kilala n’yo ang inyong sarili. Tinatanong nila, “Bakit kayo nananahimik? Nasaan kayo? Ano ba ang inyong isinasaalang-alang sa inyong pagsasawalang-kibo?” 


Ang mga tanong na iyan ay paulit-ulit na naririnig natin sa mga sulok-sulok. Pati na ang iba pang kuwento na akala’y sikreto pa ngunit alam na rin ng lahat. 


Wika nga ng kasabihan, “Bato-bato sa langit... Ang tamaan ay siya na nga”. 


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page