top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Pebrero 16, 2024



Kabillang tayo sa mga tumungo sa Commission on Elections (Comelec) noong Lunes, Pebrero 12, na siyang unang araw ng pagpaparehistro para sa mga nagnanais makaboto sa darating na halalan. 


Mabuti na lamang na hindi agad kami pumarada sa itinurong paradahan at nagtanong muna kami sa may gate at doon namin napag-alaman na cut off na raw ang pagtanggap ng mga magpaparehistro o magpapa-update ng record kahit alas-2 pa lang ng hapon. 


May kasama pa naman kaming senior citizen na octogenarian na marami na ring dinaramdam. Napagod lamang kami sa pagpunta at nasayang ang araw naming inilaan sana para sa karapatan naming makapaghalal ng marapat sa aming paningin sa eleksyong darating. 


Tila hindi handa itong mga tauhan ng Comelec sa dagsa ng tao noong Lunes na dapat sana nilang mas maiging nai-manage at hindi pinauwing luhaan. Hindi ba nila naisip na nagpakahirap ang mga tao sa pagpunta, gumastos sa transportasyon at naglaan ng oras para unahin ang pagtungo sa Comelec site? 


Sana man lamang, sa pinakamaagang pagkakataon ay nag-anunsyo na sila tungkol sa pagpaparehistro kaysa nararapat na oras ng cut-off para hindi na nagbalak pumunta pa noong araw na iyon at nagsayang ng panahon ang ating mga kababayan. Sana ay nagugol na lamang nila ang nasayang na oras sa mas produktibong mga bagay na makatutulong sa kanilang kabuhayan, makababawas sa kanilang gawaing bahay, o makakapagpagaan sa pasanin ng kani-kanilang mga pamilya. 


Dapat bigyang pansin ang ating mga mamamayang nagsumikap pumaroon sa Comelec para pag-ukulan ng napapanahong pangangalaga ang kanilang karapatang bumoto bilang mga aktibong indibidwal sa larangan ng pagpapatakbo at pagsasaayos ng ating pamahalaan. 


Sa halip na pansin, pagpapauwi ng luhaan ang dinanas ng maraming nagsipuntahan.


Sana man lamang ay kinakitaan ang mga tauhan ng Comelec ng tatak-Pinoy na sinasabing angkin natin laging pagbabayanihan para mas marami pa sana nating mga kababayan ang naasikaso nila tulad ng inaasahan.


Kulang na kulang sa pagtantiya ang Comelec sa kinaharap nitong sitwasyon noong Lunes. Tinimbang ngunit kulang ang inaasahang pagsisilbi ng ahensyang ito sa gitna ng kasabikan ng taumbayan na makapagpatala o magpaayos ng kanilang tala sa Comelec.

 

Hindi biro ang sinapit ng mga nagsipunta at gumastos ng sarili nilang pera sa pamasahe at gumugol ng importanteng panahon sa gitna pa ng pagsalunga sa mabigat na trapik.


Mas malalim na malasakit at makataong dedikasyon ang dapat maramdaman mula sa mga tauhan ng Comelec sa patuloy na isinasagawang rehistrasyon. Huwag namang balewalain ang pagpapagod ng mamamayan. Asintaduhin ang kanilang kapakanan, habang nagsusumikap silang makibahagi sa sistema ng pamahalaan sa gitna man ng kanilang nararanasang kahirapan ng buhay.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Pebrero 14, 2024


Isang Valentine gift ang ginawang pagsuspinde nina Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera at Professional Regulation Commission (PRC) Chair Charito Zamora sa 60 major units na requirement para sa mga kukuha ng Licensure Examination for Teachers (LET) sa darating na Marso at Setyembre ngayong taon. 


Matatandaang pinutakti ng hinaing ng mga bachelor degree holder na nagsikuha at nakakumpleto ng 18 units ng Education ang mga nasabing ahensya sa pag-asam na makakuha sila ng LET ngayong taon para matupad ang pangarap nilang maging guro. 


Ngunit dahil sa karagdagang 60 major units na itinalaga ring requirement sa pagkuha ng LET ng mga nasabing degree holder ay mauunsiyami sana ang kanilang pangarap na makapagturo sa mga paaralan. 


Mabigat ang 60 major units na mangangahulugan ng dalawang taon pang karagdagang kailangang gugulin para lamang ito maisali sa transcript of records ng isang nagbabalak kumuha ng LET. 


Katumbas din nito ang malaking gastos at pagsasakripisyo sa gitna ng mas tatagal pang pakikipagbuno para maging ganap at kwalipikadong guro. 


Kasama tayo at ang pahayagang BULGAR na nauna nang nanawagan sa CHED at PRC na pagtuunan ng pansin ang karaingan ng ating mga kababayang umaasam na maging guro. 


Kinikilala rin natin ang ginawang pakikipagdayalogo ng ACT Teachers partylist sa CHED at PRC upang magkaroon ng solusyon ang suliranin at saloobin ng maraming aplikante para sa LET na nagsipagtapos ng dagdag na 18 units ng Education ngunit walang 60 major units. 


Sinasaluduhan natin ang ating mambabasa na si Sam Juan na siyang sumulat sa atin tungkol sa problema nila sa pagkuha ng naturang exam. Halos lahat ng sangay ng pamahalaan ay nagawa niyang sulatan at nagbunga ang kanyang pagkatok, kasama na ng iba pang namomroblema, sa pintuan ng gobyerno. Bilib tayo kay Sam na hindi sumuko para sa ikabubuti ng nakararami. 


Kaya naman maaari pa ring mag-aplay sa pagkuha ng LET na isasagawa ngayong taon ang mga kwalipikadong non-education graduates na may 18 units ng Education. 


Aba’y nabunutan ng malaking tinik ang ating mga kababayang naghahangad na kumuha ng LET sa taong ito. Nakakabuhay ng pag-asa ng ating mga LET aspirants ang desisyon ng pagsuspinde sa karagdagang mabigat na requirement. 


Inaasahan nating makikinabang ang ating mga mag-aaral at paaralan sa magiging karagdagang bilang ng mga guro sa pagpasa ng mga LET taker ngayong taon. 


Mabuti naman at naasintado rito ang kapakanan ng taumbayan! 


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Pebrero 9, 2024


Noong Martes alas-2 pa lang ng hapon, mahaba na ang traffic mula South hanggang Magallanes. Napapailing at nagtataka ako na malayo pa man ang alas-4 eh, tila rush hour na sa rami ng mga sasakyang usad-pagong sa lansangan. 


Pagdating ko sa Magallanes interchange, napagtanto ko na ang dahilan lang pala ng matinding trapiko ay ang ginagawang panghuhuli ng mga anti-smoke belching enforcers ng Bantay Tambutso sa mga dumaraang truck at iba pang behikulo sa lansangan.


Napakalaking abala sa mga motorista ang epekto ng operasyong ito sa kalsada. Aba’y dapat namang hindi maging pabigat ang ganitong aktibidad sa daloy ng trapiko na talaga namang mabigat na at hindi na dapat magdulot pa ng kalbaryo. 


May mga emission testing center tayo kung saan dumaraan sa emission testing ang mga sasakyan bago ito payagang mairehistro. Dapat sa emission test pa lang ay hindi na payagang mairehistro ang mga sasakyang mala-pusit kung magbuga ng usok. 


Hindi na kailangang maabala pa ang mga motorista sa random na paninita sa kalsada na perhuwisyo ang dulot sa mga nagmamanehong bumabagal din ang takbo sa bawat paghinto ng sasakyang hinuhuli ng mga anti-smoke belching enforcer.


Ang ganitong siste ay pinagmumulan din ng temtasyon ng lagayan sa pagitan ng ilang mga hinuhuli at mga nanghuhuli sa kanila.


Ang maayos na daloy ng trapiko ay tinatawag na isa sa susi sa pag-unlad ng ekonomiya sapagkat nagiging madali ang paghahatid at pagdadala ng mga produkto sa iba’t ibang lugar. Ang mga mamamayan din ay madaling makakarating sa kanilang paroroonan at mas maraming magiging output kung hindi natatagalan sa biyahe. 


Kumakatok tayo sa pintuan ng Department of Environment and Natural Resources at mga kinauukulang opisyal ng mga lokal na pamahalaan na pakasuriing mabuti ang hinaing na ito para naman hindi na muling maging sanhi ng abala sa mga motorista.

Ang kapestehang dala nito ay walang puwang sa kalsadang ang kitid-kitid na, bako-bako pa at konting abala ay terible ang epekto sa takbo ng trapiko. 


Mahirap nga bang isipin ang tama at mas akmang hakbang tungkol d’yan o sadyang hinahayaang magpatuloy ang ganitong sistema ng walang pagsasaalang-alang sa perhuwisyo? Lubayan na muna ang pagtutok d’yan hanggang sa mapag-aralan nang mabuti at ekstensibo para makatiyak na wala itong dadalhing pasakit sa mga ordinaryong mamamayan.  


Asintaduhin naman ang kapakanan ng taumbayan!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page