top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Marso 20, 2024


Akala ko ay isang ordinaryong araw lamang ang itinakda kong panahon ng pagbisita sa aking pinagpipitagang University of the East noong nakaraang Huwebes ngunit hindi pala. Sa gitna ng aking sinadyang pagdalaw doon ay nagpadala ng isang mensahe ang aking nakatatandang kapatid na si Liza sa pamamagitan ng Viber na may kalakip na larawang hindi ko agad nakuhang buksan. 


Sa gitna ng aming hapunan sa isang restawran sa Magallanes ay doon ko biglang naalala ang kanyang mensahe. Binalikan ko ito at binasa, “I got my biopsy results yesterday before starting work”. Pagbukas ko ng larawan ay doon tumambad sa akin kung ano ang nakagugulat na diagnosis: invasive breast carcinoma... Nottingham histologic grade II. 


Biglang nabalot ng kalungkutan ang aking sarili at humahangos akong tumawag sa aking kapatid. Ipinabatid niya sa akin ang mga nakatakdang medikal na hakbang na gagawin, habang unti-unting natatanggap ng aking dibdib ang katotohanang isa siya sa dumaraming bilang ng mga tinamaan ng breast cancer sa bansa. 


Hindi agad ako makapaniwala sapagkat mapalad na hindi dinapuan ng sakit na ito ang aming mga yumaong magulang at iba pang kapatid. Isa pa, noong mga bata pa kami, hindi lumiliban sa paaralan si Liza sapagkat hindi siya sakitin. Hanggang sa umedad, bihira siyang mag-absent sa kanyang trabaho sapagkat malakas ang kanyang pangangatawan. 


Sa kabilang banda, mapalad ang aking kapatid dahil mayroon siyang health insurance na mula sa kumpanyang kanyang pinaglilingkuran. Ngunit, paano na ang marami nating kababayan na dinadapuan ng cancer na walang kakayanang itawid ang kanilang mga sarili sa prosesong kailangang pagdaanan para gumaling sa sakit na ito?


Batid na ng marami na may mga Malasakit Center sa mga pagamutan na maaaring lapitan ng mga may cancer at kanilang pamilya. Ngunit, nakalulungkot na pinababalik-balik pa ang mga nagtutungo rito sa gitna raw ng sagad nang quota sa araw ng pagpunta. 


Hindi na dapat pahirapan pa ang ating mga kababayan na may iniinda na ngang sakit!

Kaya rin tuloy maraming napapaniwala sa mga ipinapakalat sa social media na diumano’y gamot sa kanser ngunit wala namang kabisa-bisa. Aba’y dapat habulin ng gobyerno ang mga mandarambong na ito at panagutin sa kanilang sagad sa butong kabuktutan. 


Food and Drug Administration, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan, kumilos na kayo!


Paramihin din ang mga pampublikong cancer center sa buong bansa para mabisang malabanan ang sakit na ito ayon sa pinakamataas na pamantayan. Hiling nating bigyang prayoridad ng Kongreso ang pagtustos sa mga cancer center na ito upang epektibong mapangalagaan ang kapakanan ng taumbayan at hindi sila mapagpraktisan lamang! Huwag nang hintaying dumalaw sa inyong tahanan ang sakit na ito bago dinggin ang daing ng taumbayan! 


Samantala, isang taos-pusong pasasalamat kay Ginoong Bert Sulat Jr., University Relations Director ng University of the East, sa kanyang pagtulong sa inyong abang lingkod habang ako ay nasa unibersidad noong malungkot na araw ng Huwebes. Sa bawat pagkakataon, nangungusap ang Maykapal na nariyan Siya sa ating tabi at tayo ay Kanyang inaalalayan. Ilang dekada man ang lumipas, sa gitna ng saya at sakit ng damdamin, ng pag-iisa o pagkakaroon ng karamay, ng kalakasan o panlulupaypay, nananatiling matibay na moog ang pagmamahal ng ating Maykapal. 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Marso 15, 2024


Nakakagalit ang ginawang pagsalaula at pambababoy sa isa sa ipinagmamalaki nating atraksyong panturista sa bansa, ang pamosong Chocolate Hills sa Bohol. 


Sa nag-viral na mga larawan ng itinayong resort sa paanan ng dinarayong pasyalan, kitang-kita kung paano nasira ang natural na karilagan ng lugar. Aba’y tila nakapandidiring namamagang hinlalaki sa kamay na talaga namang pupunahin mo itong itinayong kasuklam-suklam na mga istruktura sa paligid ng naggagandahang burol. 


Nasakripisyo ang pagiging kamangha-mangha ng kabuuan ng tanawin sa gitna ng pagnenegosyong ilan lang ang papayamanin, samantalang unti-unti na ring tatalikdan ng mga turista mula sa ibang bansa ang binabalak sanang pagtungo sa lugar dahil sa naibanderang pagwawalanghiya rito. 


Napakahirap talagang maarok kung paano hinayaan ng pamahalaan ang paglalagay ng eye sore na ito na hindi naman mga kabuteng bigla na lamang sumulpot, kundi itinayo rin sa loob ng mahaba-habang panahon. 


Napakawalang malasakit naman ng mga inaasahang makialam dito. Wala silang nagawa para ipaglaban ang kapakanan ng nakararaming Pilipino. Sa kalaunan, pati ang nagtayo ng resort na iyan ay siya rin namang mawawalan at malulugi dahil iiwasan na ang lugar. Mahirap bang isipin ang bagay na iyan?


Hindi naman kailangan ng talino ng mga pantas at eksperto para malaman ang tama sa mali, mabuti sa hindi, sa isyung ito. Tanungin lang natin ang ordinaryong sina Juan at Juana dela Cruz na kahit kulang sa pormal na aral ay siguradong masasagot ang dapat.


Talaga namang nakakainsulto ang pangyayaring ito sa katinuan ng bawat Pilipinong nagmamahal sa kanyang bayan. 


Bakit nga ba nagkakaganito tayo sa Pilipinas? Kahit mga bagay na malinaw pa sa sikat ng araw na makapagpapariwara sa ating lahat at sa ating kinabukasan bilang isang bayan ay napapayagan? 


Aba’y matapos buong-buong maitayo ang kasula-sulasok na ito sa gitna ng kariktan ng Chocolate Hills ay saka pa lamang iikot ang tumbong ng mga dapat tubuan ng takot sa pangyayaring ito, sa gitna ng inaasahang kabi-kabilang imbestigasyong gigisa sa mga tila nagsitulugang mantikang himbing na himbing habang itinatayo ang naturang istruktura.  


Sa narinig nating iba’t ibang panig, kasama na ang nabanggit na diumano’y karapatan ng nagtayo ng resort, nakapanggigigil na sa gitna ng taglay na kapangyarihan ng pamahalaan bilang ama ng bayan o parens patriae ay nangibabaw ang pagsasantabi sa kabutihan ng Inang Bayan upang mapagbigyan ang gusto ng iilan. 


Napakasakit makitang nagkatalukap ang kagandahan ng Chocolate Hills na tila pagbalot ng maiitim na ulap sa gitna ng nagbabadyang sama ng panahon. 


Panagutin ang lahat ng dapat managot at kasuhan! Ibalik ang dating ganda ng Chocolate Hills!


Nananangis na panawagan sa Pangulo na huwag hayaang mapiyait ang natitirang rikit ng Pilipinas. Asintaduhin ang pagmamahal at pagmamalasakit sa bayan!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Marso 13, 2024


Nag-anunsyona ang Metro Manila Development Authority o MMDA na simula Abril 15 ay hindi na papayagan ang mga tricycle, e-trike, e-bike at kuliglig sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila. 


Tila naghalo ang balat sa tinalupan sa mga diskurso, pagtatalo at salpukan ng iba’t ibang grupo sa gitna ng paghihigpit na ito ng gobyerno. 


Matatandaang ang ginawang deklarasyon ng MMDA ay bunsod ng mga pasaway na nagmamaneho ng mga nasabing sasakyan, at mga aksidenteng kinasangkutan ng mga ito na pumalo sa 907 noong 2023. 


Una sa lahat, ang kakulangan ng kumbinyenteng masasakyan ng mga komyuter ang naging gatilyo sa paglipana ng mga kuliglig at e-trike na ito sa ating mga pangunahing lansangan. 


Talaga namang nakakaimbiyerna na makalipas ang maraming taon ay pahirapan pa rin ang sistema ng ating transportasyon. Binibigyang diin ng masalimuot na sitwasyon natin ngayon ang kawalan ng maaasahang pampublikong transportasyon na magdadala sa ating mga kababayan sa kani-kanilang destinasyon. 


Malinaw na ang paglaganap ng mga maliliit at mababagal na sasakyang tulad ng mga kuliglig ay dala ng pangangailangan, lalo na para sa mga wala namang sariling sasakyan at kailangang makarating sa kanilang paroroonan sa anumang paraan. 


Kahit naman ang mga nagmamaneho o napipilitang magdala ng kanilang sariling sasakyan ay pipiliin na lamang ding magkomyut kung maayos ang mga pampublikong transportasyon tulad ng sa Singapore na magkakaugnay, maaasahan at hindi maglalagay sa mga pasahero sa balag ng alanganin. 


Lahat halos ng mga nagsalitang iba’t ibang grupo ng transportasyon ay may kani-kanyang tamang punto de vista o pananaw sa usapin ng pagbabawal sa mga tricycle, e-trike at kuliglig. Sa huli nga naman, ang kawawang masang Pilipino ang pinakaapektado. Sila ang pinakabugbog talaga sa sitwasyon ng ating transportasyon. 


Iyon nga lamang, sa panahong ito na malayo at matagal pa ang tatahakin ng bansa sa pag-aayos ng sistema sa kalsada, nangangailangang magbigay para sa kapakanan ng nakararaming Pilipino ang interes ng mas kakaunti. 


Sa ngalan ng hindi pagkompromiso sa daloy ng trapiko sa ating mga pangunahing lansangan, kailangang pansamantalang magpaubaya ang mga sasakyang nakapagpapabagal ng trapiko rito sa mga mas mabibilis na pampublikong behikulo.


Sapagkat ang pinakamataas na kapakanan ng lahat ang laging nararapat mangibabaw para makausad ang gulong ng ating ekonomiya tungo sa kalaunang kapakinabangan ng lahat. 


Labis na nakalulungkot lamang na ang mga mahihirap din ang tinatawagang magsakripisyo. Sa gitna nito, aba’y dapat bilisan ng Transportation department sa ilalim ni Secretary Jaime Bautista ang pagpapatupad sa mga plano at proyekto para sa pampublikong transportasyon. 


Asintaduhin ang kapakanan ng ating mga ordinaryong mananakay nang walang naaapi at nakakaligtaan!

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page