top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Abril 3, 2024



Gabundok na hamon ang kinakaharap ng bagong hirang na hepe ng Philippine National Police (PNP), si Gen. Rommel Francisco Marbil na humalili sa nagretirong si Gen. Benjamin Acorda Jr. 


Dahil kauupo pa lamang niya, magiging patas tayo sa kanya at aasang ang karanasan niya sa pinagdaanan niyang mga posisyon bilang tagapanguna ng Directorate for Comptrollership, ng Eastern Visayas regional police, at ng Highway Patrol Group ng PNP ay makatutulong para mas madali niyang maasinta ang pagganap sa mabigat na pasaning iniatang sa kanyang balikat bilang PNP chief. 


Nadinig natin ang kanyang mga binitiwang pangako, kasama na ang gagawin niyang mga hakbang para pataasin ang antas ng tiwala ng taumbayan sa kapulisan. Harinawa.


Hindi pa man umiinit ang kanyang pagkakaupo at pagkakaluklok sa posisyon, ibinubuhos na natin ang ating masidhing panawagan kay General Marbil na asintahin kaagad ang pagpapalakas sa kapulisan para magkaroon ito ng pinaigting na kakayanan sa pagtugon, pagsawata at paglaban sa mga naglipanang cybercrime na lalong nagpapahirap at nagpapalugmok sa mga nabibiktima nating mga walang kamalay-malay na kababayan. 


Inamin ni General Marbil sa kanyang unang pananalita bilang PNP chief na kailangan ng mga pulis na may kakayanang mag-isip sa kritikal na pamamaraan at lumutas ng mga suliranin para makatugon sa mga kakaibang sitwasyon. Ito ay sa gitna ng mga bagong anyo ng kriminalidad na pumapaling kung saan naroroon ang oportunidad para magsamantala sa mga kahinaang dala ng teknolohiya. 


Hindi maikakailang patindi nang patindi ang mga bantang digital na kadalasang sa social media sites ng milyun-milyong Pilipinong naghihikahos na nagkakaroon ng puwang at nakapambibiktima. Sa maraming kadahilanan, naibaba ng ating mga kababayan ang antas ng kanilang pag-iingat sa pag-aakalang kilala nila ang mga mapagpanggap na nagta-tag o nagpapadala ng mensahe sa kanilang social media account. Kadalasan, huli na bago nila mapagtanto na naisahan na sila at napagsamantalahan. 


Ang mga kababayan nating ito na patuloy na nanlulupaypay matapos makaranas ng nakapanghihinang panlilinlang ang sana’y mabanaag na anyo ni General Marbil sa kanyang bawat pagbangon sa araw-araw at tumanim sa kanyang isipan upang magpaigting sa kanyang determinasyong hindi na tila langgam na dumarami sa tag-araw ang mga ginagapi ng makabago at makapangyarihang pamamaraan ng paggawa ng krimen. 


Napapanahon na ring paigtingin ang kursong Criminology para magkaroon ang mga magsisipagtapos nito ng kasanayan sa paglaban sa cybercrime. Kaugnay nito, kinikilala natin ang inanunsyong pagbubukas ng University of the East ng nasabing kursong may espesyalisasyon sa cybersecurity. 


Hindi kailanman dapat mapag-iwanan ang kasanayan ng ating kapulisan sa paglaban sa mga kasalaulaan ng makabagong panahon!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Marso 27, 2024


Ngayong Semana Santa, nananawagan ang kalangitan na ating pagnilay-nilayan ang kadakilaan at kabutihan ng Maykapal sa halip na piliing magtampisaw sa kaligayahang makalupa at anurin ng panandaliang mga kagiliwan sa ating kapaligiran. 


Isa sa mga hindi gaanong natatalakay sa sagradong panahong ito na nais nating pagtuunan ng pansin para sa mas malalim na ikatatanto ng kahulugan ng Mahal na Araw ay ang naganap na mga himala sa Kalbaryo o ang tinatawag na miracles of Calvary. 


Binalot ng mga kagila-gilalas na pangyayari ang pagkamatay noon ni Hesus sa krus, na kumikilalang siya nga ang Dakilang Tagapagligtas ng sangkatauhan at bugtong na Anak ng Diyos Ama. 


Unang himala: Nagdilim ang paligid. Sa gitna ng katanghalian kung kailan dapat tirik ang araw ay biglang nabalot ng kadiliman ang kapaligiran, na sinabayan ng nakabibinging katahimikan. Mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-3 ng hapon ang pagdidilim ng langit habang nakabayubay sa krus ang Panginoong Hesus. Hindi ito dahan-dahang naganap kundi biglaan, na tila may nagpatay ng liwanag sa kalawakan.  


Ikalawang himala: Nahati ang kurtina sa templo mula taas hanggang baba. Noong panahong iyon, may dibisyon o pagitan ang templo kung saan ang pinakabanal na lugar nito ay hindi maaaring pasukin ng ordinaryong tao kundi ng high priest lamang.


Nakatakip ang kurtina sa pinakabanal na lugar, ngunit sa gitna ng pagkamatay ni Hesus, nahati ang kurtinang ito mula taas hanggang baba at nabuksan ang pagkakaharang sa pinakabanal na lugar ng templo.


Sinisimbolo ng pangyayaring ito ang pagiging tagapamagitan ni Hesus sa atin tungo sa Diyos Ama, na sa pagkapit at pagyakap natin kay Hesus ay nagiging karapat-dapat tayo sa harap ng Maykapal. Ang dugong ibinubo niya sa krus ay sapat nang alay sa Ama, sapagkat si Hesus ang tupa o lamb of God na pumapawi sa mga kasalanan ng sanlibutan. 


Ikatlo at ikaapat na himala: Gumalaw ang lupa at mga bato, at nabuksan ang mga libingan. Matapos ang panaghoy at huling hininga ni Hesus ay lumindol, naggalawan ang mga bato na naging dahilan ng pagkabukas ng mga libingang sinaraduhan ng mga nasabing bato. Simbolo ito ng paglupig ni Hesus sa kapangyarihan ng kamatayan at pag-akay niya sa atin tungo sa maluwalhating buhay na walang hanggan. 


Ikalimang himala: Nabuhay na muli ang ilang mga pumanaw na. Nakita ang ilang mga namatay na buhay na buhay ng mga nakakakilala sa kanila na nagdulot ng pagkamangha sa marami noong panahong iyon. Isang palatandaan ito ng pagpapalaya ni Hesus sa mga sumakabilang-buhay mula sa tanikala ng kamatayan. 


Ang sakripisyo ni Hesus sa landas ng pagdurusa na kanyang tinahak hanggang sa kanyang pagkakapako at pagpanaw sa krus, at muling pagkabuhay ay patunay ng tayog, lalim at lawak ng pagmamahal ng Maykapal sa ating lahat.


Nawa, ang Kanyang walang hanggang pagmamahal na nakakaunawa sa ating bawat karupukan at mga pinagdaanan ay magsilbing kanyang garantiya para sa kanyang pagtanggap sa ating pagbabalik-loob sa Kanya at ating ganap na pag-amin na kung wala Siya sa ating buhay ay wala rin tayong kakayanan upang labanan ang mga hamon sa ating pananampalataya. 


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Marso 22, 2024


Sa rami ng gustong makapag-aral sa buong Pilipinas, nakakagigil malaman na sandamakmak na multo o ‘ghost students’ pala ang pinaaaral ng gobyerno sa ilalim ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act o E-GASTPE. 


Sa pagdinig ng Senado noong Miyerkules na pinangunahan ni Sen. Win Gatchalian, napag-alaman na aabot na sa P7 bilyon ang nawalang pondo mula sa nasabing programa. 


Aba’y habang nagkakandakuba at nagkakautang-utang ang ating mga kababayan para mapag-aral ang kani-kanilang mga anak, kumikita naman ang mga walanghiyang kawatan sa kanilang katusuhan sa pagsasamantala sa pondo ng gobyerno.  


Sangkot ang ilang pinangalanang maliliit at hindi kilalang eskwelahan sa iba’t ibang probinsya na walang maipakitang dokumento para patunayan ang pagkakaroon ng mga inilistang mga estudyanteng tinustusan ng pamahalaan. 


Andami naman diyang mga pribadong paaralan na kilala at may track record kung saan maraming mag-aaral na nangangailangan din ng tulong mula sa gobyerno pero hayun at nasa listahan ng mga benepisyaryo ang mga hindi mo mawaring mga eskwelahan na tila itinayo at nanghatak lamang ng estudyante para makaraket sa E-GASTPE. 


Kasali sa listahan ang isang pribadong paaralan sa Candaba, Pampanga na diumano’y mayroong 4,600 na ghost students. Saksakan naman ng swerte ang paaralang ‘yan na napakaraming tinamasa galing sa pondo ng gobyerno, samantalang hindi naman nabigyan ni katiting na tulong ang mula sa ibang maayos na paaralang mas karapat-dapat. 


Karima-rimarim na may mga nakalista ring mag-aaral sa isang eskwelahan na sa iba palang paaralan o campus talaga naka-enrol. Sukdulan ang kakapalan ng mga pasimuno ng kalakarang ito. 


May mga benepisyaryong nakatala bilang enrolled daw, ngunit ni minsan ay hindi naman um-attend ng klase. Hindi rin sila kasama sa class record, samantalang pinondohan ng gobyerno. 


Nasa P239 milyon na ang kailangang i-refund ng iba’t ibang paaralan sa pamahalaan.


Kung paano umabot sa ganitong kalaki ay malinaw pa sa sikat ng araw na may nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan. Patay-malisyang walang kakonse-konsensya!


Halos 19,000 na undocumented na mag-aaral ang nakinabang sa voucher program ng E-GASTPE, ayon sa 2016 at 2018 na ulat ng Commission on Audit. 


Aba’y hindi lamang dapat repasuhin ang sistema ng programang ito, kundi dapat maparusahan ang mga gumawa ng ganitong kasalaulaan na malaking pagnanakaw sa pangarap ng bawat mahihirap na kabataang Pilipino, na nabigyan sana ng tulong ng pamahalaan.


Umaasa ang taumbayan na ang ilalabas na committee report ukol dito ay magiging basehan ng mangyayaring kasuhan sa mga garapal na mapagsamantala. Asintaduhin ang kapakanan ng mga kabataang mag-aaral!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page