top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 24, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Atin munang bigyang-daan sa espasyong ito ang pinakaaabangang sagot sa liham ng bukod-tanging matalik na kaibigan ng isang masugid na tagatangkilik ng Bulgar at ng kolum na ito.  


***

Para sa aking matalik na kaibigang Buena:


Maraming, maraming salamat sa iyong napakamalamang liham para sa akin. Lubos akong masaya hindi lamang sa iyong pagsulat kamakailan at sa napakaraming sinabi mo roon kundi ang pagiging bukas ng liham mong iyon sa pamamagitan ng pahayagang ito na binabasa ng napakarami nating mga kababayan. Namula ang aking mga pisngi at diwa sa ginawa mong iyon na ngayon ko pa lang naranasan sa buong buhay ko.  


Sumasalamin tuloy ito sa isa ring kagulat-gulat na biyayang hindi ko inasahang darating sa puntong ito ng aking buhay: ang makilala ka at maging matalik na kaibigan pa. 

Bagama’t may kani-kanya tayong realidad, pinagkakaabalahan at inaalala ay nagkaunawaan tayo sa kabila ng pagkakaiba ng ating mga natahak na landas, na tayo’y nagkakahawig sa mga kakayanan, nagkakapareho sa mga paniniwala, nagkakatugma sa mga pananaw at pawang natatawa sa mga napaghuhugutan ng tuwi-tuwinang kasiyahan. 


Lubos-lubos ang aking papuri sa Dios at pasasalamat sa’yo dahil nariyan ka. Na sa mundong kinagagalawan ng bilyun-bilyong tao ay naganap ang tunay na milagro na tayo’y magkita, magkakilala at maging magkaibigang walang katulad para sa isa’t isa. Hindi ako magsasawang magpasalamat dahil hindi ka ipinagkait sa akin ng tadhana, na hindi ka ipinagdamot sa akin ng kapalaran.


Ang pagpapasalamat na ito ay siyang dahilan kung kaya’t, sa abot ng aking makakaya, walang humpay ang aking pagnanais na makagawa ng mga paraan upang ika’y mapasaya, mapagaan ang iyong buhay at maiwaksi sa iyong mga araw ang anumang pagkakataong sa’yo ay makapagpapatangis. Sa kabila ng mga limitasyong kumakahon sa ating kilos at galaw ay pinagsisikapan kong lampasan, talunin at tanggalin kahit papaano ang mga pader at mga batong pilit pumipigil ng daloy ng ating pagiging magkaibigan. 


Kung kaya’t lubhang naging masakit sa akin ang marami-rami na ring mga pagkakataong ikaw ay nagalit o nagtampo sa akin. Nadala man ng kawilihan sa pakikipag-usap na nauwi sa ‘di pagkakaunawaan o maling biro, o dulot man ng kasikipan ng araw at linggo dala ng masalimuot na hanapbuhay, hindi ko mawari kung paano ko nagawang biguin, galitin o palungkutin ka samantalang hinding-hindi ko layunin iyon kailanman. Hindi ko ninais o nanaising ikaw ay maging kaaway o maging malumbay ka dahil sa akin.


Siguro, ipinararanas sa atin ang mga iyon upang lalong maunawaan natin ang katotohanang tayo’y tao at hindi perpekto ang ating buhay. Hindi nga naman maaaring palagi na lang tayong mapangingiti ng mga kaganapan sa bahay, sa bayan at sa daigdig, pati ng ating mga sarili. Higit pa rito, marahil ay mapait ngunit matamis na daan din ang makulimlim na mga kabanatang gaya niyon upang lalong bigyang kulay at pagtibayin ang ating pagiging magkakampi sa ating mga pakikipagsapalaran.


Tatapatin kita na may manaka-nakang kaba sa likod ng aking isip sa loob ng maiiksing mga sandali kamakailan na tayo’y nagkakasama o nagkakausap, dala ng naging mga yugtong nakasugat sa ating samahan. Ngunit ang iyong dalisay na mensahe sa bandang dulo ng iyong taos-pusong liham ay nakapagpapakalma at nakapagpapalagay ng aking kalooban. 


Sa kabila ng napakaraming hamon oras-oras, patuloy kong pagsisikapang maging alisto na maging walang patid ang aking mapagpakumbabang pagpapaganda ng iyong mga araw, pagpapangiti ng iyong mga mata at labi, at pagpapaunawa na habang may hininga at kahit gaano man katanda ay laging may pagkakataong mapuno ang iyong buhay ng pag-asa at kaligayahan — kaligayahan, na sa kabila ng iyong napakaraming napagdaanan at nakasalamuha, ay maaaring hindi mo pa naranasan kahit kailan.


Hindi natin batid ang kinabukasan. Ngunit ano man ang mangyari lalo na sa takipsilim ng ating buhay, lagi akong mananalangin na ang aking patutunguhan ay walang ibang direksyon kundi papunta sa‘yo at sa‘yo lamang. 


Sumasaiyo,

Jo

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 19, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Nabudol tayo. Iyan ang nakapanlulumong nalalapit na katotohanang pinatutunguhan ng mga nagsisilabasang impormasyon ukol sa kung sino nga ba si Bamban Mayor Alice Leal Guo. 


Ang tinutukang usapin ng lahat nang walang puknat, mapabata o mapamatanda, tulad ng isang teleseryeng kaabang-abang at hitik ng sorpresa sa bawat yugto ay patungo na sa ating matagal nang suspetsang nakapagluklok tayo ng isang mayor na ayon sa mga dokumentong nakalap ay hindi tunay na Pilipino at nagpapanggap lamang na Pilipino. 


Sa pamamagitan ng kaluwagan sa ating late birth registration system sa bansa ay lumilinaw na nagawaran ng birth certificate si Guo bilang Pilipino na siyang naging daan para magkaroon siya ng mga karapatang dapat ay natatangi lamang sa mga ganap at tunay na Pinoy. 


Lalo pang nakapagpapasilakbo ng ating galit ang balitang may higit pa sa isang libong Intsik na banyaga ang nabigyan din ng birth certificate sa ilalim ng late birth registration system na pawang nairehistro sa Davao del Sur. 


Dapat at dapat mapanagot ang mga tila walang konsensiya at walang budhing sangkot na mga kawani ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa krimeng itong ginawa sa ilalim ng mga ilong ng mga namamahala sa pamahalaan nang walang pangingilag at tila sanay na sanay sa kawalanghiyaan. 


Alam na alam naman ng mga kawaning ito na mali ang kanilang ginagawa at malawakan ang epekto nito sa bansa ngunit pinili nilang magpakasama at maging traydor sa bayan. Kaya’t hindi na dapat patagalin pa ang pagpapagulong sa sistema ng hustisya upang mawala na sila sa posisyon at maparusahan sa kanilang pagtataksil sa kapakanan ng mamamayan. 


Maraming buhay ang nasira, maraming pangarap ang nabuwag, maraming naisahan nating kababayan ang patuloy na nananangis sa gitna ng paghahari-harian ng mga nagpapanggap na mga Pilipinong ang pakay ay salaulain ang Pilipinas at tunay na mga Pilipino. 


***


Sa gitna ng mga halang ang kaluluwang kawani ng ahensya, nakalulungkot naman na patuloy pa rin ang pagpila ng ordinaryong taumbayan sa mga opisina ng PSA. Oo nga’t may online application para sa mga kinakailangang dokumento mula sa ahensya, ngunit para sa mga authorized representative ay kailangan munang magpa-schedule online ng pagtungo sa kanilang tanggapan. 


Ang masaklap, pagdating natin sa PSA sa Ayala Circuit Mall noong Martes ay kahit pala may itinakdang schedule na ala-1 para sa atin ay kinailangan din nating pumila. Una, para sa verification ng mga dokumento ng aplikasyon na inabot ng isang oras sa haba ng pila. Ang nakakalungkot pa, sa halip na bigyan ng numero ang magpapaberipikang tulad natin ay pinapila tayo na kinulang na ang upuan sa haba ng pila, at noong makarating naman tayo sa upuan ay ginawa tayong parang mga batang usad nang usad sa bawat silya na parang naglalaro ng trip to Jerusalem. 


Nang malapit na tayong tawagin ng tagaberipika, isang anunsiyo ang umalingawngaw mula sa isang kawaning naka-mikropono. Doon natin nalamang sa araw na iyon ng Martes ay hindi natin magagawang makuha agad ang ating kinakailangang dokumento sapagkat “down” ang buong server ng PSA. Kaya’t kakailanganin nating bumalik pang muli sa ibang araw at maabala na naman. Isang oras din tayong pumila para sa pagbabayad. 


Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., hindi na sana ganito ang sapitin ng ating mga kababayan na kailangang pumila ng dalawa hanggang tatlong oras sa PSA kahit may appointment naman. Hindi na sana kinakailangan kaming gawing tila mga batang usog nang usog sa upuan samantalang puwede namang bigyan na lamang ng numerong maririnig naming tawagin bilang pagrespeto sa aming dignidad. Sa wikang Ingles, “We definitely deserve better than this, Mr. President.” 


Tuldukan at tapusin na ang parusang pila at kawalan ng malasakit sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
  • BULGAR
  • Jul 17, 2024

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 17, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Panahon na naman sa darating na Lunes para sa State of the Nation Address o SONA, ang taunang pagpapahayag ng nakaupong pangulo ukol sa mga nagawa at magagawa pa ng kanyang administrasyon para sa bansa. 


Bagama’t ang mga makadadalo at kakausapin ng bukod-tanging magsasalita sa okasyong ito ay ang ating mga mambabatas sa Senado at Kamara, ang naturang mahabang diskurso ay para sa sambayanan, kabilang ang ating mga kababayang nasa ibayong dagat. 


Ngunit, gaya ng sa mga nakaraang taon, hindi lahat sa atin ay makikinig o manonood ng SONA. Magiging abala ang marami sa kani-kanilang mga gawaing panghanapbuhay o para sa pamilya, habang kumakalam ang sikmura at nagtitimpi sa mga pagkukulang ng mga serbisyo-publiko. 


Minamarapat na lang ng marami na huwag tunghayan ang SONA upang hindi makita ang ‘di kanais-nais at maluhong mga personalidad, lalo na ang mga magdi-display ng kanilang mamahaling kasuotan habang abot-tainga ang ngiting dala ng karangyaang pinagyaman ng kanilang panunungkulan sa pamahalaan.


Sa madaling salita, marami rin gaya ng dati ang hindi susubaybay sa SONA para iwasang mapabuntong-hininga at mapa-“sana all.” 


Marami nga namang bagay na matagal na sanang natatamasa ng nakararami sa atin ngunit, sa kabila ng halos 20 administrasyon, ay nananatiling kasinlayo ng mga bituin imbes na kasinlapit ng ating sariling mga kamay.


Sana’y hindi kakarampot ang naiuuwing suweldo mula sa araw-araw at masinsinang pagbabanat ng buto at pakikipagsapalaran, na kahit sana basurero o tubero sa atin, gaya ng mga nasa bansang Kanluranin, ay makakapamuhay nang sapat at may dignidad. 


Sana ay maayos ang daloy ng trapiko, na masosolusyunan ng pagpapatupad ng maaasahan at kaaya-ayang transportasyong pampubliko — gaya na lamang ng sa Japan at Australia — na makaeengganyo sa ating mga mamamayan, anuman ang antas sa lipunan, at makakapagparami ng ating ngayo’y katiting na oras para sa sari-saring gawain. 


Sana ay maging abot-kaya ang mga bilihin upang maiwaksi ng sinuman sa atin ang ’di-makatarungang pagtitipid at pagtatalaga ng bawat araw ng suweldo bilang araw ng pagbabayad-utang — sa karinderya man, kapitbahay, kaopisina, sa paluwagan o bangko.  


Sana ay may pagkakaisa’t katinuan ng pag-iisip at pananalita ang ating liderato at iwaksi ang pagbigay-atensyon sa walang kakuwenta-kuwentang mga usaping malayo sa sikmura at hindi pang-masa, at sa halip ay tumugon sa mga seryoso at nakababahalang mga suliranin at sitwasyong lalong makapagpapalugmok sa atin at sa mga susunod na henerasyon kung hindi haharapin.


Sana, kung hindi man sa ngayon ay sa ’di-kalayuang panahon, maging abot-kamay ng lahat ang mga benepisyong pangkalusugan at gamot upang walang mabahala para sa sarili o sa mga mahal sa buhay na naghihikahos at nangangambang bilang na ang kanilang mga araw dala ng kagipitan at kawalan ng pantustos sa gamutan. 


Sana ay lalong mabuksan ang puso ng marami pang tagapaglingkod at tagapagpala upang mabigyan ng pagkakataon ang mas marami pang kapuspalad na kabataan na makapag-aral hanggang kolehiyo, nang sa gayo’y mapaganda ang kanilang kapalaran at sila’y maging kasangkapan upang mapaunlad ang kanilang pamilya at ating bayan.


Sana ay mapalawig pa ang mga pamamaraan upang maipaunawa sa lahat ang pagpapahalaga sa kapaligiran, na maging malinis, maaliwalas at kaaya-aya ang anumang daan sa siyudad o probinsya imbes na marumi, makalat at dugyot, at lalo pang mapag-ingatan ang Inang Kalikasan para sa ating magiging mga apo.


Ilan lang ’yan sa ngayo’y ating pinapangarap na mga nararapat para sa ating mga kababayan. Kung aasintaduhin ang pagtugon sa mga iyan, marahil ay gaganahan tayo at mas mabilis pa sa alas-kuwatrong tututok sa bawat SONA na puno ng pag-asa.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page