top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 14, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Nitong nakaraang Lunes ay idinaos ang International Youth Day (IYD), na itinalaga ng United Nations (UN) noong 2000. Layunin sa espesyal na araw ito ang pagtuon ng pansin sa mga usaping nakaaapekto sa kabataan saan man sa daigdig.


Ang tema ng IYD 2024 ay “From Clicks to Progress: Youth Digital Pathways for Sustainable Development” na nag-uugat sa maraming katotohanan, kabilang ang pagiging “digital natives” ng karamihan sa mahigit dalawang bilyong kabataan sa mundo, sila na nakagisnan ang makabagong teknolohiya.


Mainam ang pagkakataong ito para sa ating ordinaryong mamamayan na mapagnilay-nilayan ang kahalagahan ng kabataan, sa ano mang petsa o alin mang taon. Kung magiging mapagkalinga tayo sa mga sanggol, tsikiting at iba pang bata sa ating buhay, makatutulong na rin tayo sa pamahalaan at sa buong mundo para sa malawakang pagpapahalaga sa mga kabataan at sa karapatang pantao nila.


Maaari tayong magsimula sa pagsasapuso ng katotohanang ang mga gawain nating mga nakatatanda ay may kamalayan hindi lang para sa ating sarili kundi para sa mga bata. Talasan natin ang ating pag-intindi ukol sa anumang epekto ng ating trabaho’t gawain, libangan at hilig, at mga kinagawian sa araw-araw, hindi lang para sa mga bata ng kasalukuyan kundi pati ng mga susunod na henerasyon. Gaya nga ng kasabihan, hindi natin minana ang mundong ito sa ating mga ninuno, bagkus ay hinihiram lamang natin ito sa mga kabataan.


Hindi rin tayo dapat gumawa ng bagay na makasasakit sa kanila, sa kanilang pangangatawan man o isipan at damdamin. Maging ang pagkukumpara sa ating katatagan noong kapanahunan bilang mga teenager kung ihahambing sa pagiging maselan ng kabataan ngayon ay dapat iwaksi o tanggalin ang pangungutya o pangmamaliit.


Kung tayo ay may mga anak, apo, pamangkin o munting mga inaanak, ugaliing magpamalas ng kahit payak na malasakit sa kanila. Hindi kinakailangang mag-alay ng materyal na bagay sa bawat pagkakataon, at hindi rin sila dapat paunlakan sa kanilang bawat hirit o hiling. Mas matimbang pa ang paglalaan ng ating oras at atensyon sa kanila, sa pamamagitan ng simpleng pakikipag-usap, pakikipaglaro o kahit pakikinig sa kanilang mga kuwento, hinaing at pangarap. Hindi nga naman sila bata habambuhay at hinuhubog natin sila sa pamamagitan ng ating mga ibinabahaging asal at pananalita. 


Sa kabilang banda, mainam kung ang ating pag-uugali o saloobin ay tila parang sa bata — hindi “isip-bata” na parang walang naging pinagkatandaan kundi maihahambing sa bata sa pagkadalisay, sa pagkapuno ng saya’t pag-asa para sa kinabukasang may pangako ng minimithing kaligayahan. 


Kung ganito ang lagi nating asal, at kahit dumami pa ang mga kulubot sa mukha at malagas nang tuluyan ang buhok, posibleng habambuhay tayong magiging be-youth-tiful at hitsurang mas bata kaysa ating edad.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 9, 2024


Asintado ni Judith Sto. Domingo

May apat na dekada na nang unang makarating sa mga tainga ng madla ang awiting “Salamat, Salamat… Musika!” 


Payak ang unang tunog ng orihinal na obrang iyon ng batikang kompositor at musikerong si Gary Granada, na pinasigla ng areglo ng beteranong musical at vocal arranger na si Danny Tan, at unang kinanta ng noo’y namamayagpag na komedyanteng si Nanette Inventor. Isinali nila iyon noong 1984 sa ika-pitong Metro Manila Popular Music Festival, at naging kampeon ang kanilang koponan sa professional category ng Metropop ng taong iyon. 


Paminsan-minsan ay maririnig pa rin ang naturang kanta sa espesyal na mga palabas kung saan nagsasanib-puwersa ang iba’t ibang bokalista, o kaya’y sa solong mga interpretasyon, gaya noong 2011 ni Lea Salonga o ng dalaginding na si Esang De Torres sa The Voice Kids noong 2015. 


Naaalala natin ang awiting ito dahil sa kahit anumang sitwasyon, sa hirap o ginhawa, sa lamig o init ng panahon, nariyan ang musika. Sa tinagal-tagal ng popular na musika sa ating kasaysayan, hindi mabibilang ang dami ng awiting maaaring mapakinggan sa bawat sandali, sariling atin man o gawa ng banyagang talento. Napakalawak ng katalogo ng musika at sari-sari pa ang mapagpipiliang kategorya, mula sa engrandeng klasikal, suwabe o mahinahon na jazz, maingay na rock o ang mas maingay at matulin pang mga ka-uri nito, o kaya’y nakapapaindak o nakalulumbay na pop songs. At bukod sa naglipanang mga awitin ukol sa pag-ibig, halos lahat ng bagay sa mundo ay naging tema na ng kanta, na tila ba may angkop na awit para kanino man o para sa anumang pinagdaraanan o nararanasan.


Kung kaya’t napapakanta tayo nang ‘di oras, nasa tono man o wala, naliligo man o hindi. Nitong mga nakaraang dekada, lalo pang nakumpirma ng siyensiya ang natumbok na noon pa ng katha ni Ginoong Granada: na mabuti para sa tao ang musika dala ng maraming naidudulot nito sa ating pagkatao. Samu’t sari nga naman ang kagandahang naihahandog ng kahit pakikinig lamang ng musika sa ating bawat araw, kabilang ang pagpabawas ng konsumisyon, pagpapanatili ng kalusugan ng puso, pagpapalakas ng ating resistensiya mula sa sakit o immunity, pagpapasigla ng ating utak at pagpapabuti ng ating memorya.


Kaya mainam din na tayo’y may paboritong mga awitin, na posibleng paulit-ulit na nating pinakikinggan na tila upang sariwain ang kasiyahang naidulot nito sa unang dinig at sa tuwinang kailangan ng pampakalma, pampagana o kakampi sa mga panahon ng pagsubok o pag-iisa. 


Tuloy, maaari ring maituring na kaibigan ang ating mga piling awitin o ang mismong konsepto ng musika. Na sa oras ng labis na kagipitan, karamdaman o kalungkutan, maaaring maging angkla ang musika para unti-unting makaahon at makabangon. Tuwing walang magandang dahilan para ngumiti o walang kakayanang magtiwala sa sarili, ang pakikinig sa paboritong himig ay tila nakakapagpagaan at nakakapagduyan ng ating diwa at damdamin.


Ang isa pang kabutihang dulot ng musika ay ang pagpukaw ng ating likas na pagkamalikhain, ng pagnanasang makagawa rin ng sariling awitin.


Kung ikaw, giliw na mambabasa, ay may ganitong pananabik at nag-iisip na kumatha ng anumang uri ng musika o awitin pero nag-aalinlangan, huwag mag-atubili. Kahit hinihila pababa ng iba o ng sarili sa pagdududa sa kakayanan, unti-unting simulan, subukan at pagsikapan. Kung ano man ang kahahantungan ng iyong layunin sa larangan ng musika, o kahit sa ibang tipo ng malikhaing gawain, ang mahalaga ay ang paglalakas-loob na marating ang pinapangarap. 


Sa bandang huli, mas mabuti ang sumubok kahit hindi umubra kaysa sa hindi pagtangka at habambuhay na panghihinayang at pagsisisi


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 7, 2024


Asintado ni Judith Sto. Domingo

Hindi kailanman dapat mabihag ng mahal at bulok na serbisyo ng kuryente ang taumbayan saan mang dako sa Pilipinas.


Ito ang tinumbok na desisyon ng Korte Suprema kamakailan sa petisyon ng Iloilo Electric Cooperative Inc. I, II at III (Ileco) na humamon sa Republic Act 11918 na nagpapalawak sa prangkisa ng isa pang electricity provider, ang More Electric and Power Corp., sa mga lugar na sakop ng Ileco. 


Ang isang prangkisa ay pribilehiyong ipinagkakaloob ng Estado at hindi ito eksklusibong pribadong pagmamay-ari ng pinagkalooban nito. Kaya’t marapat lamang itong yumukod sa pinakamatayog na kapakanan ng mamamayan, ayon sa pagdedetermina ng Kongreso. 


Matatandaang nauna nang ipinasa ng Kongreso ang nasabing batas para tulungang gawing abot-kaya ang presyo ng kuryente para sa mga residente ng Iloilo. Isa na ang inyong lingkod sa mga saksi sa deliberasyon nito sa Senado matapos iakyat ng Kamara de Representantes ang panukalang batas, na nag-ugat sa ginawang pagdulog ng mga Ilonggong nangarap ng mas mabuti at mas murang serbisyo ng paghahatid ng kuryente. Sa pagpapalawig ng prangkisa ng More, ikinonsidera ng Kongreso ang pagpapasigla ng kompetisyon sa industriya ng elektrisidad. 


Kung walang kompetisyon, madaling maididikta ng Ileco ang presyo ng paghahatid ng kuryente. Ang pagpasok ng isa pang tagapagserbisyo ay makabubuti para sa mga tagakonsumo, na hindi na kailangang maghintay pa ng pagkapaso ng prangkisa ng Ileco sa 2029, 2039 at 2053. Ang desisyon ay naaayon din sa Electric Power Industry Reform Act o EPIRA na humihikayat sa kompetisyon sa nasabing sektor. 


Muli, ang contract rights o karapatang nakapaloob sa isang kontrata ay kailangang magparaya sa mas matimbang na police power ng Estado kapag ito ay pinakilos para sa pangmalawakang kapakanan ng mamamayan, tulad sa nasabing kaso. 


Higit sa lahat, ang 1987 Konstitusyon mismo, sa Section 11 Article XII, ay nagbabawal sa mga eksklusibong prangkisa. Nilinaw sa lahat ng Korte Suprema na walang konstitusyunal na karapatan sa eksklusibong prangkisa ang mga electric cooperatives sa mga lugar na kanilang nasasakupan. 


Samantala, sa ating dinaluhang Power 102 Media Workshop na pinangunahan ng Department of Energy at ng pribadong sektor sa Seda Hotel sa Bonifacio Global City kamakailan, nakumpirma na hamon pa rin sa industriya ang systems loss charge o ang cost recovery para sa nawalang kuryente na hindi naman talaga kinonsumo ng mga konsyumer at naglalaho dahil sa teknikal o hindi teknikal na paraan. 


Kasama na sa hindi teknikal ang pilferage o pagnanakaw ng kuryente sa pamamagitan ng pagkakabit ng jumper. Naalala ko tuloy noong ako ay panandaliang nanatili sa isang probinsya sa gawing Norte, gumagamit diumano ng jumper ang ilang kalapit na kabahayan. Sa pagpapaigting ng pagpapatupad ng batas at kooperasyon ng mga residente, dapat nang tapusin ang mga maliligayang araw ng mga magnanakaw na tayo ang pinagbabayad ng kanilang pagpapasasa. Asintaduhin at lipulin ang mga kawatang iyan at pagbayarin!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page