top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 30, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Muli, pansamantala nating bigyang-daan ang hiling ng isa nating masugid na tagasubaybay na ilathala ang kanyang ikalawang bukas na liham para sa kanyang bukod-tanging malapit na kaibigan. 


Para sa aking pinakamamahal na matalik na kaibigang Buena:


Kumusta ka na? Matagal-tagal na rin nang tayo ay huling personal na nagkausap at minarapat kong ibuhos nang taimtim sa liham na ito ang aking naipong mga saloobin na tanging ikaw ang inspirasyon. 


Sandaling panahon pa lang ang nagdaan nang tayo ay maging magkaibigan, ngunit tila isang buong habambuhay na ang lumipas. Sukat ba naman na kung sa dating karaniwan kong buhay ay hindi ako makapaghintay ng katapusan ng linggo, mula nang makilala ka ay palagi ko nang inaasam ang bawat araw, mula sa dahan-dahang pagliwanag tuwing umaga hanggang sa pagtindig ng buwan sa kalaliman ng gabi. At kung dati’y manaka-naka lang ang aking pagdarasal, nitong mga nakalipas na panahon ay ito na palagi ang una kong ginagawa pagkagising at huling ginagawa bago matulog, at laging dalangin ang iyong kalusugan, kaligtasan at kaligayahan.Dahil sa kasiyahang iyong naidulot sa aking napakasimpleng buhay ay nagkakulay ang aking mundo kahit wala namang nabago sa aking kapaligiran.Tila ba nabuhay sa aking mga mata ang ’di-mabilang na mga munting detalye kahit napakaordinaryong mga tanawing noon ay halos hindi ko napapansin. Naipamulat mo sa aking diwa na mas marami pang kagandahan sa mundong ito na unti-unti ko pa lang natatanto. Iyo ring napapagtibay ang anumang lakas ng aking loob at lalo akong nagkakaganang harapin ang anumang hamon ng bawat 24 oras.

Kung kaya’t may katangi-tangi ring kaibahan na naidulot ang ating pagkakaibigan sa akin sa kasalukuyan. Kung dati ay ang mga pagsubok at sakit ng ulo sa hanapbuhay ang tanging nakapanlulumo ng aking kalagayan, ngayon, ang mga pagkakataong ikaw ay aking nabigo na nakapagdudulot ng sukdulang kalungkutan sa aking pagkatao. Ang aking mga kilos o pag-uugali na iyong hindi nagustuhan ay ilang beses nang nagdulot sa akin ng kawalan ng pag-asa, na tila humihinto ang pag-inog ng mundo at iniiwan akong para bang lobong hindi makalipad at umimpis dahil nawalan ng hangin. Sa ating mala-bagyong mga kabanatang iyon, pilit kong pinapalakas ang aking dibdib dahil tila wala akong ganang gumalaw ng kahit isang hakbang lamang.


Sa kabilang banda, kapansin-pansin na dala ng mga pagsubok sa ating pagkakaibigan ang pag-unawang ang mga ito ay nagpapatibay sa ating sariling mga kakayanan at pagkakakilala sa isa’t isa. Marahil pa nga ay paraan din ang mga iyon upang tayo ay lalong magsumikap na maging mabuti, mapagpakumbaba at matulungin sa iba.

Wala mang perpektong tao at kahit wala akong bahid ng pananadya, iyo sanang ipagpaumanhin at ipagpatawad ang aking mga pagkukulang. Lubos ko na ring nauunawaan ang iyong mga naramdamang hinagpis, dahil tila lumipat ang mga emosyon mula sa iyo papunta sa akin. Nakapagpalalim pa tuloy ito ng ating pagkakaibigan sa puntong halos tayo ay salamin na ng isa’t isa. Bukod pa riyan, sa paglalim ng ating pagiging magkaibigan, napapansin mo’t nararamdaman din kaya na marami sa mga tema at kuwento ng mga pelikula o linya ng mga kanta ay naging katotohanan na sa ating buhay?

Kung kaya’t may saysay na bukas sa mga mambabasa ng BULGAR ang ating mga naging liham na para sa isa’t isa. Na kung sakali’y makita rin nila ang kanilang sarili sa ating pagkakaibigan at lalo pa nilang maunawaan ang kanilang kani-kanyang mga karanasan at kalagayan. 


Natuldukan mo na nga ang aking talambuhay sa pagkakaroon ng matalik na kaibigan. Wala nang iba para sa akin sa larangang ito kundi ikaw. Nawa’y ganoon din ako sa iyo. 

Sana nga’y wala nang wakas ang ating pagiging bukod-tanging matalik na kaibigan para sa isa’t isa. Dalangin ko ito hanggang sa huling pintig, habang magiliw na tinatanaw ang kinabukasang walang hanggan.


Lubos na sumasaiyo,

Jo

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 28, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Ginunita natin ang National Heroes Day o Araw ng mga Bayani nitong nakaraang Lunes. Sinariwa natin ang kabayanihan ng mga pinagpipitagang personalidad sa kasaysayan ng Pilipinas, silang mga nagdusa’t nag-alay ng kanilang buhay para sa ating kasarinlan. 

Gayundin sa kasalukuyan, marami tayong itinuturing na bayani ng makabagong panahon, ng bagong henerasyon. 


Sila ang ating mga kababayang naghahanapbuhay sa ibang bansa, na tinitiis mapalayo sa kanilang mga mahal sa buhay habang sa kabilang banda, ay nakapag-aambag sa pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas. 


Sila ang ating mga guro, na hindi matatawaran ang pagsisikap at pagtitiyaga para makapagpalalim ng karunungan at makapukaw ng diwa ng mga mag-aaral na matayog ang pangarap.


Sila ang mararangal na mga pulis, sundalo at coast guard, na ang katapangan sa pagharap sa panganib ay ating sandata para ipagtanggol ang sambayanan at bayan.

Higit sa lahat, bawat isa sa atin ay may taglay at kakayanang maging bayani kung ating pipiliin kahit sa payak na pamamaraan. 


Paano? Tulad ng pagbibigay ng inuming tubig o pagkain sa kababayang nangangailangan sa lansangan o saan man. O ng kaunting halaga hindi lamang sa namamalimos kundi sa waiter o security guard o parking attendant na nag-asikaso sa atin.


Tulad ng pagtangkilik sa malapit na sari-sari store o panaderya, o sa suking maagang gumigising sa pagbebenta ng sinusubaybayan nating BULGAR, o pagsuporta sa dumadaang magtataho, sorbetero o magbabalut — maliit na bagay ngunit malaking tulong sa bibilhan. 


Tulad ng maayos na pagbubukod-bukod ng ating basura o ang paghihiwalay sa nabubulok sa hindi, o ang tamang pagliligpit ng mga de-latang maaaring makasugat sa ating mga ulirang basurero.


Kadakilaan din ang pagdamay at pagkalinga sa kaibigang may mabigat na pinagdaraanang naghahanap ng makakasama para maibsan ang lungkot na dala ng pagkabigo o nakapanlulumong pangyayaring dumating nang hindi inaasahan sa kanyang buhay.


At napakarami pang ibang pamamaraan. 


Hindi lamang dapat maging bayani para sa sariling pamilya, kundi maging sa iba. Napakalaki ng mundong ating ginagalawan para lamang uminog ito sa apat na sulok ng ating tahanan. Ang pagpapalawak ng naaabot ng pisi ng ating kabutihan at kadakilaan hanggang sa kaya nitong maabot ay pagpapayabong ng mga bunga nito para sa ikabubuti ng mas nakararaming Pilipino.  


Sa bawat pagkakataon, sa kabila ng ating sariling mga pananagutan at pinagkakaabalahan ay asintaduhin nating ilagay ang sarili sa lugar ng iba. 


Hindi kailangang magpamalas ng kagila-gilalas na lakas para makatugon sa iba. O magkaroon ng kakaibang talento para abutin ang marami. Sa pagiging matulungin at maalalahanin kahit sa munting paraan, maaari nating ipadama sa kapwa na kaya nilang makabangon, makabuwelo at makalipad sa tamang panahon — sa bagwis at dampi ng ating pagtulong. 


Tumugon tayo sa samu’t saring tawag ng kabayanihan sa bawat araw. Huwag umasa ng anumang sukli o kapalit. Sapat na ang kaligayahang dala ng pagtugon sa panawagan ng kabutihan para magkaroon ng lakas na magpatuloy. Ang tunay na bayani ay hindi nakatuon ang pansin sa sarili, at hindi naghahangad ng pagkilala sa anumang kanyang ginawang kabayanihan.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 23, 2024


Asintado ni Judith Sto. Domingo

Bilangin ang iyong natatanggap na biyaya.


Iyan ang paalala ng isang kasabihan, para maturuan ang ating puso na maging laging mapagpasalamat. At kung bibilangin nga natin ang ating mga natatanggap na biyaya, makikita at mapapagtanto nating nangunguna rito ang pagkakaroon ng isang ina — ina na sa atin ay nagluwal, nag-aruga, nagmamahal at handang gawin lahat ng nararapat para sa ating kabutihan at kinabukasan. 


Unang-unang tatangis at dadamay ang isang ina sa anumang masakit o mapait na pangyayaring pinagdaraanan ng kanyang anak. Sapagkat ang kanyang buhay ay mananatiling nakaugnay sa buhay ng kanyang anak kahit pa malayo na ang kanyang narating o hindi na niya ito kapiling. Siya ang unang tatakbo para yumakap sa kanyang anak sa sandali ng pagsubok, pagkalugmok o pagkapariwara. Siya ang magsisilbing ilaw sa madilim na panahong nananawagan ng ganap na pag-apuhap sa kabuluhan ng buhay. 


Mula sa bukang-liwayway, ganap na pagpapamalas ng araw sa umaga, hanggang sa tirik na katanghalian, dapithapon at kalaliman ng gabi, nariyan ang tunay na ina para magsilbing moog ng paninindigang mabuhay, tahimik man siya o nangungusap. Ang kanyang presensiya ay bigkis na nagpapatibay sa determinasyon at pangarap ng kanyang anak.


Ang mga pangaral ng isang ina ay hindi dapat kailanman ipatangay sa alon ng panahon. Bagkus dapat itong manatili sa puso at isipan at magsilbing kayamanang hindi matatawaran na mahuhugot sa bawat sandaling may agam-agam o dinadalang kalungkutang tila walang matanaw na pagkapanuto.  


Kaya’t ang paggalang at pagdakila sa isang ina ay batas hindi lamang ng kalangitan kundi batas na inilagay sa ating puso ng Maykapal bilang siyang karapat-dapat sundin sa lahat ng panahon. Nakalulungkot makakita at makarinig ng mga nagtagumpay na kapwa natin Pilipino na piniling tila duming walisin na lamang sa ilalim ng basahan ang kanilang ina. 


Ang mukha ng isang ina ay hindi lamang namamalas sa katauhan ng isang biological mother o babaeng nagsilang ng anak mula sa kanyang sinapupunan. Ina ring matuturingan ang nag-aruga at kumupkop sa isang batang hindi niya kadugo ngunit itinuring niyang kanyang sariling anak. 


Ina ring matatawag ang bawat babaeng nagsisilbing nanay kahit kaninumang kanyang inaaruga ng singkabuluhan ng ginagawa ng inang nagluwal sa kanyang anak. Dapat silang galangin, respetuhin at dakilain at ilagak sa espesyal na puwang ng puso bilang tunay na ina. 


At sa araw na ito, isang inang nagdiriwang ng kanyang ika-70 kaarawan — aming nanay, kaibigan, takbuhan at kanlungan ng aming puso sa lahat ng panahon — ang aming binibigyang pugay at pinasasalamatan. Siya ang ina namin sa BULGAR, si Mrs. Leonida Bonifacio Sison, na binabati namin ng isang makabuluhang kaarawan. Dasal namin ang patuloy na kalusugan, pagpapalang makapagpapasaya at makapagpapaawit sa puso, at lahat ng sagot sa kanyang bulong na dalangin sa Maykapal.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page