top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Oct. 2, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Nagkape ka na ba ngayong araw? O magtitimpla pa lamang kung hindi bibili sa suking kapihan?


Ikaw kaya ay isa sa 90 porsyento ng mga Pilipinong nasa hustong gulang na mahilig sa inuming ito? Na kahit nakabangon na mula sa pagtulog ay hindi pa ganap na gising kung hindi pa nakakapagkape? At madalas kayang ang iyong pagkakape ay hudyat ng inaasam-asam na mga sandali sa iyong maghapon?


Masarap magkape at masarap pag-usapan ito dahil kahapon, ang unang araw ng Oktubre, ay ang International Coffee Day, samantalang ang ika-29 ng Setyembre ang nausong National Coffee Day dito sa ating bansa.


Napakalayo na ng narating ng bagay na ito sa ating kasaysayan, mula nang maipakilala ang unang puno ng kape noong taong 1740, ng isang Español na Pransiskanong monghe, sa Lipa, Batangas. Mula noon ay umusbong ang probinsya ng aking salinlahi bilang pangunahing kamalig ng kape sa buong bansa. Bagama’t, ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority ng unang apat na buwan ng 2023, ang Soccsksargen o gitnang Mindanao na ang pinakamalaking tagabunga ng kape sa ating bansa. 


Ang Pilipinas pa nga ay isa sa may 20 na mga bansa na pangunahing tagagawa ng kape, at kabilang pa sa nabansangang “bean belt” na kinasasaklawan ng may 70 na mga lupalop sa “sinturon” o gitna ng ating planeta.


Ang kape nga naman ay hindi lang inumin kundi katuwang: pampalamig kung mainit ang panahon o kinalalagyan, pampainit kung malamig ang klima o kinatatayuan. Pampukaw ito ng diwa sa pagharap sa mga hamon at gawain, at pampreno mula sa mga inaasikasong nakakapagod, sa pagbabanat ng buto o kahit sa ang pagtipa ng keyboard ng kompyuter. 


Hindi lang pampagana ang mismong pag-inom ng kape. Ang pagnamnam nito nang may kasamang kaibigan o kapareha ay mainam na daan para sa pagniniig na makapagdaragdag-kaalaman sa mga bagay-bagay, pati sa pagpapalalim ng pagkakilala’t pag-unawa ng sarili’t sa isa’t isa na maaaring hindi malalaman basta na lamang. Ang kada tasa ay pampatalas ng ating isip at diwa sa panahong kailangan itong paganahin ng buong husay.


Bukod pa riyan ay may mga benepisyong pangkalusugan ang kape, dahil sa pagkakaroon nito ng mga bitamina at mga antioxidant na makatutulong upang makaiwas sa ilang uri ng sakit. Ingatan lang ang ating sarili at puso na hindi magmalabis sa pag-inom nito, bawasan din ang pagdadagdag ng asukal at iwasang uminom nito kung malalim na ang gabi. 


Ang kape ay nakapabubuti rin ng ating ekonomiya. Dahil sa rami ng tumatangkilik nito sa atin ay patuloy ang pagsulputan ng mga kapihan sa ating kapuluan, prankisa man ng malalaking kumpanya o mga baguhang mga “café-preneur”. Kaya sa pagkakape ay makatutulong tayo: sa sarili at sa mga manggagawa at magbubukid na nasa likod ng pagtatanim ng mga butil ng kape, pati na sa mga karatig nitong industriya gaya ng mga gumagawa ng tasa at botelya at mga naghahanapbuhay bilang matitiyagang barista.  

Tunay ngang tayo’y natutulungang maliwanagan sa maraming paraan sa simpleng kaugaliang pagkakape. 


Sa isang banda naman, kung sanay tayo sa payak at mapait na lasa nito, marahil ay magiging suwabe ang ating pagtrato sa anumang pait ng pamumuhay. 

Sa pagtimpla’t pag-inom ng kape, at sa pagdedesisyon sa kung gaano karami ang iinumin, lalong makikilala ang iyong katauhan at malalaman ang kakayanan, habang matatanto ang kayang paglaanan ng lakas at ang hindi na dapat pag-aaksayahan ng oras at ganap na hayaan na lamang.


Sa bandang huli, ang pagkakape ay pagpapahinga at pagpapalakas, upang makaipon ng kisig at maipabatid sa iyong sarili na ikaw ay mahalaga, at sa pagsimot ng inuming ito ay makapagpatuloy sa pamumuhay nang may saya at saysay.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Sep. 27, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Ang bawat Setyembre ay Suicide Prevention Month at ang bawat ika-10 ng Setyembre ay World Suicide Day. Itinatag ang mga okasyong ito bilang pagbibigay-diin sa malawakang usapin ng pagpapakamatay, na isa sa mga pangunahing sanhi ng pagpanaw sa buong daigdig.


Nakaaalarma ang konsepto ng pagkitil ng sariling buhay, higit lalo ang datos na ang karamihan sa mga gumagawa o nakakaisip nito ay mga kabataan, sila na malayo pa sana ang mararating ngunit nawalan na ng tsansang mabuhay. Madalas ay nasasadlak sila sa depresyon sa gitna ng mga nakikitang social media post ng mga kaklase, kaibigan o kamag-anak, na nagbubulid sa kanila para lalong maihambing ang kanilang katayuan sa iba. 


Bata man o hindi na, Pilipino man o banyaga, walang dapat maging biktima ng pagpapatiwakal sapagkat maiiwasan ito kung magtutulung-tulong ang lipunang hindi dapat maging bulag sa kalagayan ng kanyang kapwang may pinagdaraanan. 


Kahit pa bumaba na ang bilang ng tumatawag sa mga lokal na suicide hotline,’di kagaya noong kasagsagan ng pandemya, kinakailangan pa ring maging alisto at nagtutulungan laban sa mga banta sa katiwasayan ng isipan o mental health.Kung saka-sakaling may kakilala tayong tila nagmumukmok o nagpapahiwatig ng sukdulang pagkabigo, sila ay kumustahin, dinggin at kausapin ng kahit ilang sandali upang pagmalasakitan. Ang simpleng pagpaparamdam at pagtatanong sa kanilang kalagayan ay katumbas ng pagpapahalaga sa dignidad at pinagmulan ng ating buhay.


Kung saka-sakaling ang bagay na ito ay nagiging panaka-nakang laman ng isipan ng nagbabasa ng pahayagang ito, iyong alalahanin: Hindi ka isang estadistika kundi isang nilalang na mayroong saysay ang buhay, at may taglay na mga katangiang makapagpapainog ng mundo ng iba kahit sa munting paraan. Kailangan ka ng iyong kapwa. Mahirap mang unawain habang maulap ang sariling papawirin, sa huli ay magiging maaliwalas ang iyong kinabukasan kung kakapit ka lamang.  


Sa isang banda, kahit sino, maykaya man o mahirap, may pamilya man o wala, masayahin man o malungkutin, ay may dalahin at pasanin sa buhay. Hindi tayo bukod-tanging nagtataglay ng sugat sa puso, ng suliranin sa pamilya o kakulangan sa pangangailangan. Hindi tayo nag-iisang hinampas o hinagupit ng pagsubok ng panahon. Kailangan nating lumaban at manaig sa dagok ng bawat yugto ng ating buhay. 


Kung sa iyong palagay ay walang matatakbuhang kahit sino, manawagan sa isang hotline, lalo pa’t ang nasa kabilang linya ay makikinig at magpapayo nang walang panghuhusga. Kung isa kang mag-aaral, makipag-usap sa guidance counselor ng iyong paaralan, harapan man o online.


Maaari ring madaan sa payak na paraan ang pagpapalakas ng kalooban. Magpahinga, pumreno, huminga nang malalim, umidlip, uminom ng tubig, magmeryenda kasama ang kabagang, maglabas ng saloobin. Ugaliing maglakad-lakad, makinig ng musika at tumanaw sa kalawakan upang maibsan ang mga hamon sa isipan. Ang sapat na tulog ay nagdudulot ng lakas ng katawan at isipan — kalasag laban sa kalungkutan o depresyon. 


Ang ating buhay ay hiram sa Maykapal na atin nawang maibalik sa Kanya na pinagyaman hindi lamang ang sarili kundi ang marami nating nakakahalubilo sa bawat araw. 


Manalig sa halip na magpadaig. Marami pang ningning ang buhay na dapat nating mamalas kung tayo ay mananalig. 


Mayroong mga muntik na sanang magwagi, na kung kailan abot-kamay na sana ang minimithing tagumpay ay doon pa bumitaw. 


Huwag lalong magpadala sa maling akala — na akala mong walang nagpapahalaga sa iyo, na akala mong walang mawawalan kung mawala ka, na akala mong walang tumitingala at nagpapasalamat sa‘yo, na akala mong walang nagmamalasakit sa iyo. 


Ang buhay ay tulad ng isang regalong kailangang buksan nang husto at namnamin upang mamalas ang kabuuang ganda nito.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Sep. 25, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Sausapin ng edukasyon, nagdiriwang ngayong araw ang Pamantasan ng Silangan o mas kilala bilang University of the East (UE), ng ika-78 anibersaryo ng pagkakatatag nito. 


Sa gitna ng iba’t ibang makukulay na aktibidad ng okasyong ito sa mga kampus ng naturang unibersidad sa Maynila at Kalookan, nakapagpapalakas ng loob na isipin na palapit na sa walong dekada ang kasaysayan ng paaralan, kung saan nakapaloob ang kuwento ng bawat mag-aaral na nagpunyagi para unti-unting magtagumpay sa kanyang piniling larangan. 


Nakapaloob sa kasaysayang iyan ang bawat luha, bawat pawis, bawat sakripisyo, bawat pakikipaglaban ng bawat propesor para makamit at marating ng mga mag-aaral ang antas ng karunungang buong pinong hinuhubog ng mga guro bilang ikalawang mga magulang.  


Noon pang kalagitnaan ng dekada ’80, magugunitang dahil sa lumalim na kakulangang pinansyal ng pamantasan ay halos magsara o maibenta ito sa isang banyagang grupo.


Ngunit naisalba ito ng maalab na pagtutol ng mga hindi lumisang guro, kawani at maging estudyante, na nagkamit ng suporta ng Securities and Exchange Commission at ang noo’y Ministeryo ng Edukasyon; at sa pagkakatatag ng bagong pamunuan na hindi tumigil hangga’t hindi naiahon ang paaralan mula sa kumunoy ng kahirapan.


Idagdag pa natin ang kamakailang mapanggaping COVID-19, na nagdulot ng pandaigdigang krisis, habang nag-udyok naman sa mga eskwelahan na gumamit ng makabagong teknolohiya, upang hindi mahinto ang pagtuturo sa mga mag-aaral na napilitang manatili sa kanilang mga tahanan.Tunay nga, ang pagtuntong sa bawat taon ng anibersaryo ng bawat unibersidad ay nagpapahiwatig ng pagpapatuloy sa pagpupunyaging hubugin ang mga kabataan upang maabot nila ang kani-kanilang mga pangarap.  


Tibay at tatag ang sagisag ng mga tradisyonal na programang inilatag ng UE sa kaarawan nito: ang pagbibigay ng parangal sa mga guro at manggagawang naglilingkod pa rin sa pamantasan makalipas ang dalawampu hanggang apatnapung taon o higit pa.


Sa taong ito, napag-alaman nating may kaisa-isang kawani ang unibersidad na kikilalanin at bibigyang-pugay dahil apat na dekada na siyang patuloy na naninilbihan sa kampus nito sa Maynila. Ang bukod-tanging ginang na ito ay nagsimulang maglingkod noong Marso 1984 sa gitna ng nabanggit na maligalig na panahon para sa institusyon. 


Napakarami na ng kanyang napagdaanan at napagtagumpayan bago makarating sa tugatog ng kasalukuyan. Sa kabila ng mga naging dagok ng panahon ay minarapat niyang manatili sa institusyong pinaglilingkuran — isang pagpapamalas ng katatagang sinubok man ay hindi natinag. Pinili niyang huwag bumitaw upang patuloy na mahawakan ng institusyon ang lakas na nagmumula sa binigkis na paglilingkod. 


Sa igagawad na parangal sa kanya ay hindi lamang masusuklian ang katatagan ng paninindigan at pakikipaglaban para itaguyod ang pundasyon ng edukasyon para sa bayan. Maitataguyod din ang bawat puso at pag-asa ng kanyang mga mahal sa buhay sa pagkilala sa kanyang kabayanihan, kung saan sila man ay kabahagi. May napakalalim na mensahe ito para kanino man: Tiyaga lang, kapit lang. 


Sa gitna ng anumang nararanasang kahirapan, pagsubok at pagsasakripisyo, huwag hayaang anurin ng panghihina bagkus ay magdesisyong maging matatag at mapuno ng pag-asa — sa tamang panahon ay sisilay ang liwanag sa silangan at magbubunga ang walang humpay na pagsisipag, pagsisikap at pananalig sa dinarasal na maaliwalas at magandang bukas.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page