top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Oct. 25, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Isantabi muna natin ang mga nakakapanaw-bait na mga usapin para talakayin ang nakagagaan, nakagigiliw at nakapagbibigay-inspirasyong paksa. 


Ipinalabas kamakailan sa ilang mga sinehan ang dokumentaryong ‘Super/Man’ na ukol kay Christopher Reeve. Binuo ang pelikulang iyon bilang pagdiriwang ng araw ng kanyang kapanganakan nitong Setyembre. Kung buhay pa siya ngayon, ang naturang sikat na Amerikanong artista ay edad 72 na sana.


Kilala si Reeve sa buong daigdig dahil sa apat na pelikulang kanyang pinagbidahan bilang Superman. Hindi malilimutan ang pinakaunang Superman, na ipinalabas noong Disyembre ng 1978 (1979 sa Pilipinas), at napabilib tayo nito nang walang gamit na computer-generated imagery, na normal na sa kasalukuyang mga sineng ating pinapanood. Naging kilala rin si Reeve dahil sa napakalaking dagok sa kanyang buhay.


Noong 1995, siya ay natumba nang malubha mula sa pangangabayo at nadurog ang dalawa niyang pangunahing gulugod o vertebrae. Nag-agaw-buhay siya hanggang sa maoperahan nang agaran. Siya ay naisalba ngunit may mapait na kapalit: Hindi na siya makakalakad at laging mangangailangan ng tulong sa bawat sandali.


Napakalupit ng kanyang sinapit at humantong sa puntong ninais ni Reeve, nang sa wakas ay nagkamalay matapos ang kanyang aksidente’t operasyon, na huwag nang mabuhay. Sa kabutihang palad, lumakas ang kanyang pagnanasang mabuhay pa sa tulong ng asawang si Dana Morosini Reeve, na nagsabing hindi siya bibitiw kung gugustuhin ng kanyang kabiyak na magpatuloy sa mundong ito. Dahil dito, at sa kanyang mga anak, hindi naglaon — sa libu-libong lumiham upang ipaabot ang kanilang suporta’t dasal — minarapat ni Reeve na huwag sumuko.


Sa loob ng halos dalawang oras ay nailarawan ng ‘Super/Man’ ang tunay na tao na gumanap na kathang-isip na superhero, lalo na ang kanyang kasaysayan matapos ang trahedyang sinapit. Ngunit imbes na pagkalunos ay mas mangingibabaw sa manonood ang paghanga, dahil lumalabas na marami pang nagawa si Ginoong Reeve sa kabila ng lahat. Bukod sa nakaarte pa siya sa ilang mga palabas pangtelebisyon at nakadirihe ng pelikula, naitaguyod niya ang maraming adbokasiya, sa pangunguna ng pagpapalawig ng pondong pangsaliksik ukol sa pinsala sa kordong panggulugod.


Sa loob ng siyam na taon bago siya pumanaw noong 2004, maraming nagawa’t nailunsad si Ginoong Reeve. Dahil sa kanyang sigasig, pati ng kanyang maybahay, na palakasin ang paglalaan ng pondo ng gobyerno upang makalikha ng gamot para sa spinal cord injury at makapagparami ng maaaring gumaling sa pamamagitan ng rehabilitasyon, marami siyang natulungan, direkta man o hindi. Kung nasunod ang una niyang pasya matapos maaksidente ay napakalaking kasayangan — sa kanyang pamilya at lalo na sa mga may kapansanang nabigyan ng lunas o mas matatag na kinabukasan.


Kung kailan siya hindi na makalakad o makatayo man lang, doon pa siya lalong naging superhero sa mata ng madla. Patunay si Reeve na kahit gaano kalalim ang pagkakadapa sa buhay ay maaaring makabangon at magpatuloy hindi lamang bilang nilalang kundi mamamayan ding makatutulong sa kapwa. 


Sa laot ng anumang kalungkutan o kahirapan, at sa gitna ng pamumuhay nang marangal at matimyas na pagtataguyod ng magagandang adhikain, tayo ay makaaahon kung hahangarin at sisikapin, na magsisilbing inspirasyon sa pag-ahon ng mga nangangailangan, pati ng ating bayan. 


Sa naipamalas ni Ginoong Reeve sa loob ng humigit-kumulang na limang dekada niya sa mundo, napatotoo na kahit ang mga dumaraan sa matinding pagsubok ay maaaring maging tulay upang maabot natin ang matatayog na mithiin para sa isa’t isa. Tunay ngang walang imposible sa taong hindi bumibitaw o nawawalan ng pag-asa. Kaya’t kapit lang, mga minamahal na mambabasa, sapagkat ang ating buhay ay inspirasyon sa ating pamilya at kapwa.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Oct. 23, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Nakapanlulumong higit pang maraming pamilyang Pilipino ang nakaranas ng involuntary hunger o gutom nang hindi bababa sa isang beses nitong nagdaang third quarter o ikatlong bahagi ng kasalukuyang taon. 


Sa nakaraang Social Weather Station survey na isinagawa mula Setyembre 14-23, lumabas na 22.9 porsyento ng mga pamilyang Pilipino ang nakaranas magutom o walang makain sa loob ng nakalipas na tatlong buwan. 


Ang talang ito ay mataas nang 5.3 puntos sa dating 17.6 puntos noong Hunyo 2024 at siyang pinakamataas mula noong Setyembre 2020 na kasagsagan ng pandemya at mga lockdown. 


Sa naiulat na 22.9 porsyento ng mga pamilyang walang makain, 16.8 porsyento ang nakaranas ng moderate hunger o pagkagutom ng isa o ilang beses sa loob ng nasabing panahon, samantalang 6.1 porsyento naman ang nakaranas ng severe hunger o madalas na pagkagutom o laging walang maisubong pagkain. 


Ani nga ng kasabihan, ang isa ay marami na. Ang isang pamilyang nakararanas na kumalam ang sikmura at malipasan ng gutom ay hindi dapat ituring na isa lamang maliit na numero kundi isang malaking hamong nananawagan ng buong pagmamalasakit ng ating lipunan. 


Masakit isiping habang walang makain ang mas maraming pamilya sa ating bayan ay nagpapasasa naman sa kabusugan sa pagkain ang mga inaasahan nilang tutulong sa kanila para makaahon sila sa hagupit ng kagutuman. 


Panawagan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na puntiryahin una sa lahat ang pagpuno sa sikmura ng mga Pilipinong gutom at yanigin ang mga nagtatamad-tamarang lingkod-bayan na palibhasa’y nakakakain nang walang mintis sa oras nilang gusto ay papetiks-petiks sa nararanasang kagutuman ng taumbayan. Maraming-marami pang maaaring magawa para pagmalasakitan ang mamamayan. 


***


Sa gitna ng kasalatan sa pagkain ng taumbayan ay umalingawngaw naman ang mga binitiwang matatalim na pananalita ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Marcos, Jr. Punung-puno ito ng poot, silakbo ng damdamin at sama ng loob. Sa gitna ng kanyang nadaramang pinagtutulungan siya ng mga nagsasanib-puwersa sa pamahalaan ay humulagpos siya sa anumang pagpipigil sa sarili at inilabas ang talim ng kanyang mga pangungusap.


Bilang bise presidente, hindi pa rin sana siya nawala sa hulma ng isang kagalang-galang na babaeng naroon sa matayog na posisyong ipinagkatiwala ng mamamayang Pilipino. 

Naghuhumiyaw ang kasabihan, “Nakikilala ang isang nilalang hindi sa panahon ng kagaanan kundi sa panahong siya ay sinusubukan.” 


Vice President Duterte, ipakilala mo nawa sa taumbayan kung ikaw ba’y anak ng iyong ama o nanay ka ba ng bayang Pilipinas na laging igagalang at uunahin ang pangangailangan ng mamamayan. Na ang bawat diskurso ay maiangat sa lebel kung nasaan ang puso ng taumbayang nangangarap makaahon sa nararanasang kahirapan at kagutuman. 


Napakalalim ng inaasahan sa lingkod-bayan ng bawat mamamayang Pilipino. At sa huli, ang tunay na nagtatagumpay sa posisyon at adhikain sa mata ng tao at Diyos ay ang mga mapagsakripisyo at makatotohanang pumapanig at nangangalaga sa pinakamataas na interes, kapakanan at pangarap ng taumbayan. Ang gumagawa ng marapat ay kusang umaani ng mga malalalim na kakampi.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Oct. 18, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Kamakailan ay may naipaskil na video sa Facebook na nakapagbibigay inspirasyon ukol sa isang banyagang may kapansanan at kailangang mag-wheelchair o walker sa araw-araw. Ngunit napagtanto niyang hindi na niya kailangan ng alalay na taga-tulak o taga-buhat. Sa halip, kaya pala niyang bumiyahe nang mag-isa at magmaneho ng kotse. Mag-isa niyang nakukuha ang kanyang wheelchair mula sa likod ng sasakyan at naibabalik doon, habang nakakapit ang isang kamay sa roof rack o ibabaw ng kanyang sasakyan.


May aral ang maiksing palabas na iyon, na hindi kailangang magpagapi sa mahirap na kalagayan o isisi sa kapalaran ang anumang hindi maganda sa kasalukuyan. Na tayo pa rin ay may magagawa para unti-unti tayong mapabuti, gaano man ito kahirap o kasalimuot.


Gaya ng nagigisnan natin sa pandaigdigang balita’t social media, makikita ang pasulong at maginhawang buhay sa napakaraming bansa, sa mga kapitbahay man natin sa Asya o sa iba pang bahagi ng mundo. Samantalang kaunting hakbang lamang sa ating paligid o mismong sa ating harapan ay nakatambad ang pagdarahop ng ating mga mamamayan. 


Hanggang dito na lang ba tayo? Hanggang dito na lamang ba ang Pilipinas na napakaraming biyaya ng Maykapal kung ihahambing sa ibang lupalop ngunit napag-iwanan ng mga bansang hindi man kasinglaki o kasing-sagana sa likas na kayamanan ay may kalidad ng pamumuhay ang mga doo’y naninirahan. 

Hindi naman tayo dehado pagdating sa kaisipan at kakayahan, at gaya ng naipamamalas ng ating magigiting na OFW, kaya nating makipagsapalaran at makipagtagisan ng galing sa mga banyaga.


Lalong kaya nating sama-samang magtulungan sa pagpapabuti ng kalagayan ng ating bayan. Kaya nating bumangon kahit unti-unti, basta desididong kumawala sa pighati. Na hindi maging bihag na lamang ng lugmok na pamumuhay. Na hindi kailangang maging martir o alipin ng kasalukuyang mapait na realidad. O malulungkot na awitin na lamang ang ibibirit sa kalamlaman ng gabi. 


Ang pagbabago nating minimithi ay maaaring makamit at higit pa, kung iwawaksi ang kawalan ng pagmamalasakit, kung hindi manggugulang sa kapwa, kung gagalangin ang oras ng iba, kung hindi pipiliin ang bisyo, at kung tatratuhin ang iba gaya ng ating paggalang sa ating sarili. 


At dahil eleksyon na naman sa susunod na taon, simulan natin ang pagbabago sa pamamagitan ng matalinong pagpili sa mga karapat-dapat maging serbisyo-publiko. Huwag isipin ang utang na loob mula sa naitulong ng sinumang pulitiko kung ito naman ay mula sa kaban ng bayan. 


Kilalanin at pagnilay-nilayan ang napupusuan kung tunay ngang karapat-dapat bukod sa anyo nilang tila mapagpakumbaba’t dalisay ngunit hindi naman pala tunay na makatao at may maitim lamang na balak. Sariwa man o datihang kandidato, sukatin natin ang kanilang kakayanan at abilidad na magsilbi nang buong husay at galing para sa barangay, siyudad o lalawigan, at sambayanan. 


Kung iwawaldas ang boto — sa pagpili man ng mapagsamantala o ganid na kandidato o sa hindi pagsipot sa presintong panghalalan sa takdang araw — para na rin nating kinuha ang ating pinaghirapang kabuhayan at sinunog ito nang walang panghihinayang.  


Kung magiging maayos ang ating nasyonal at lokal na pamunuan, hindi lamang sila maaasahang makapagbibigay ng maagap at mahusay na serbisyo — sila rin ay magsisilbing inspirasyon upang tayo’y magpatuloy sa ating mga gawain, lalo na sa ating mga adhikain para sa pamilya, sa kapwa at sa bayan tungo sa inklusibong pag-unlad ng Pilipinas.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page