top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Jan. 17, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Ang darating na Martes, ika-21 ng Enero, ay National Hugging Day sa Estados Unidos. Nasimulan ito noong 1986 ng pastor na si Kevin Zaborney sa Clio, Ohio, upang ipalaganap ang pagyakap bilang pantawid na pampasigla ng diwa matapos ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon at bago pa mag-Araw ng mga Puso.


Bagama’t sa Amerika nagsimula, ang naturang espesyal na araw ay naitatag na rin sa ilan pang mga lupalop sa mundo, at nitong mga nakaraang taon ay unti-unti ring kinupkop at ipinamalas nang manaka-naka sa ilang bahagi ng kalakhang Maynila at ating bansa.


Siyempre, matagal nang nasa kamalayan nating mga Pilipino ang pagyakap. Kahit na ang mga naunang henerasyon ng mga magulang ay hindi kasinghilig sa pagyakap kung ihahambing sa kasalukuyang mga ina at ama, ay hindi lingid sa nakararami ang halaga’t kahulugan ng pagyakap.


Sa musika pa lang, naglipana ang mga awiting patungkol sa paksang ito. Sa mga kaedaran natin, maaalala pa ang mahinahon na “Yakap” ng mang-aawit noon na si Junior at ang may kapilyuhang “Yakap sa Dilim” ng Apo Hiking Society.


Sa unang mga taon ng bagong milenyo ay naging tanyag ang “Akap” ng Imago at ang sa The Itchyworms na “Gusto Ko Lamang sa Buhay” na ang karugtong na linya ay “yakapin mo ako” at ang music video ay tema ng pagbibigay ng libreng mga yakap para sa kahit hindi kakilala — hango sa konseptong “free hugs” na unang naipatupad noong 2004 sa Sydney ng Australyanong nagtago sa pangalang Juan Mann. Sa mga mas bata pang tagapakinig ay may makabagong mga awit na mismong “Yakap” ang pamagat, mula kay Zack Tabudio at sa bandang may kakaibang ngalan na figvres.


Higit pa riyan, malamang ay matagal at madalas nang bahagi ng ating araw-araw na pamumuhay ang yakap, maging isa man ang kaakap o kabilang tayo sa isang group hug. “Mahigpit na yakap” ang madalas na nasasambit na komento sa social media para sa kadugo o kakilalang namatayan, iniwanan ng sinisinta, nalulumbay, nawalan ng trabaho o ano pa mang pagkakait ng kapalaran. Sa kabilang banda, sariwa pa rin sa ating alaala ang pabirong paggamit ng salitang iyon, gaya ng nakagagamot kumbaga na “yakap-sule” at ang pagbibigay ng “kiss sabay hug”.


Kahit magkakaiba ang salitang katumbas ng yakap sa iba’t ibang panig ng planeta, ang mismong aksyon na ito ay kilala saan man tayo mapadpad at hindi kailangang isalin sa ibang wika upang maintindihan ang nais maiparamdam. Tiyakin nga lang na ayos lamang sa yayakapin at hindi siya ang tipong hindi mahilig na mayapos.


Ang maganda pa nito ay ang maraming pakinabang ng pagyakap sa ating pangangatawan, kalusugan at diwa. Ang pagyakap ay may benepisyo para sa sarili at sa niyayakap, gaya ng pagpapabawas ng stress at pangangamba, pampalakas ng resistensya laban sa sakit, pampasaya dala ng pagpakawala sa ating kalooban ng kemikal na oxytocin na nakapagpapababa ng alta presyon, pampapurol ng masamang pakiramdam na dulot ng karaniwang sakit at pampalusog ng ating puso.


Nakapagpapabata pa nga raw ayon din sa siyensiya.


Ang payo pa nga ay patagalin ng kahit 20 segundo ang pagyakap upang makamit nang husto ang kabutihang matatamo mula rito. 


Sa madaling salita, ang pagmamalasakit o pagmamahal na ibinabahagi sa pamamagitan ng pagyakap ay pagpapatunay ng kahalagahan ng dalisay na pakikipag-ugnayan sa sangkatauhan at sa isa’t isa, na hahanap-hanapin ng ating katawan sa anumang araw. 


Ngunit asintaduhin ding mag-ingat sa mga nais yumakap na madilim ang layunin, na habang sa iyo’y mahigpit na nakaankla ay unti-unting dinudukot ang iyong pinagpaguran, pinagsikapa’t pinagsakripisyuhang laman ng iyong pitaka na siyang nais pala talaga niyang mayakap.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Jan. 15, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Bukas, Huwebes, ay may kakaibang pagdiriwang sa Amerika, ang binansagang National Nothing Day. Ito ay isang “wala lang” na araw na iminungkahi ng kolumnistang si Harold Pullman Coffin noong 1972 at naitatag noong ika-16 ng Enero 1973. Ang kakatwang araw ay reaksyon niya sa noon pa ma’y dumaraming mga selebrasyon o komemorasyong walang masinsinang kabuluhan.


Hindi ito pista opisyal kundi karaniwang araw pero may kalakip na mensahe: na kahit sa kapistahan lamang na ito ay walang kailangang gunitain o ipagbunyi at lalong walang magarbong seremonya.


Lingid man ito sa kaalaman ng nakararami sa atin, may dala na ring pagkakataong mapagmuni-munihan kahit saglit ang masikot na konsepto at kahulugan ng wala. 


Sa tulin ng modernong pamumuhay at dami ng mapagkakaabalahan sa loob at labas ng Internet, posible pa ba na walang magawa ang sinuman sa atin? Hindi tayo mapapalagay kung walang ginagawa at imbes ay mababagot o mababalisa kung lubusang nakatunganga at wala man lang kinakausap, binabasa o pinanonood. Ngunit kahit paminsan-minsan at kahit sa ilang sandali lamang, may kainaman din ang walang inaasikaso o inaalala. 


Kahit patingi-tinging minuto lang, gumawa ng wala, umupo nang hindi hawak o kinakalikot ang anumang gadget, at hayaan lamang pakinggan ang sariling isipan.


Malay natin, naghihintay lang pala ito ng pagkakataong “makapagsalita” pero hindi ito nakakasingit sa dami ng gawain, asikasuhin at libangang ating piniling makapuno ng ating mga araw.Tumingin sa kalangitan, kalawakan, karagatan o lansangan nang walang minamataan at imbes ay hayaan lamang ang mga magdaraan at walang susundan ng paningin. Makakapagpaaraw ka pa, na baka matagal nang hinihiling ng iyong pangangatawang pagpupuyat ang nakasanayan.


Tumingin sa blangkong papel o pahina sa kompyuter at hayaang may maisulat ang iyong mga mata’t isip habang nakatitig sa bakanteng espasyo.


Hindi man sa mismong araw na ito, maaari ring bumiyahe nang walang planadong destinasyon, lalo na sa lugar na ligtas ngunit hindi mo pa napuntahan kahit kailan, kung saan maaaring makadiskubre ng mga bagay na bago sa iyong buhay at makatutulong pa sa lalong pagkilala at pagtuklas ng iyong sarili.


Kung nungkang ika’y kumain sa restoran nang walang kasama, subukang gawin ito. Pati sa panonood ng sine, pamamasyal o pag-jogging sa liwasang-bayan, subukang mapag-isa. 


Kung isasantabi natin ang salimuot na bumabagabag sa ating diwa’t damdamin at hayaang wala munang makagambala sa atin, marahil ay makadadaloy ang banayad na pagtakbo ng ating utak at tayo’y mapagkalooban ng mga ideya na makapagpapasulong sa atin mula sa anumang kakulangan o kawalan sa kasalukuyan.


Sa isang banda, baka ating maalala ang mga wala na sa ating buhay na mga kamag-anak, kaibigan, katrabaho, pinagsilbihan o inirog. Sa kabilang banda, nariyan ang mga kapiling pa natin sa mundong ito, at mainam na makumusta ang mga katrabaho, katsokaran o kadugo na matagal nang hindi nakapanayam at mapasahan ng kahit maiksing mensahe, na walang pansariling pakay kundi ang bumati ng magandang araw.


Marahil ay mapapaisip rin tayo ukol sa kung ano nga ba ang wala sa ating sarili o sa bansa, na sana ay makapagpaangat patungo sa puntong mapapaisip, magagalak at magpapasalamat sa kung ano ang mayroon tayo at, sa pagsusumikap at pagtitiyaga, ang posible pa nating makamit. Nagsisimula man tayo sa wala, ang mahalaga’y magagawan ng paraan na hindi iyon ang ating pangmatagalang kalagayan.


Maaari rin nating mabigyang pansin ang mga walang-wala sa ating lipunan at imbes na maging walang pakialam ay mapagnilay-nilayan kung paano sila matutulungang makabangon at makaahon. Ito ay sa anumang ating munting kakayanan, kahit sa simpleng pamamaraan.


Walang magagawa sa nakaraan kung kaya’t tumutok sa kasalukuyan at magsimulang kumilos at umusad upang magkagana at magkaroon ng pag-asa — upang ang ating buhay ay mapuno ng saya at saysay, at hindi ng kawalan.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Jan. 10, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Pumasok ang Bagong Taon na marami nating mga kababayang na ating nakahalubilo at nakasalamuha ang sukdulan pa rin ang galit sa nakaraang kahindik-hindik na manipulasyon ng mga mambabatas sa bicameral conference committee sa pambansang budget. 


Aba’y tila wala nang kahihiyan ang mga nagsipagmanipula ng budget sa Kamara at Senado, at hindi man lang nangilag sa sasabihin ng ilan sa kanilang kapwa mambabatas na pumalag din sa nasabing maniobra na tinawag naman ng marami bilang “pinakamasama at pinakamalalang budget na naipasa sa kasaysayan ng Pilipinas.”


Kulang pa ang inabot na kabi-kabilang tirada sa social media ng mga walang patumangga’t walang patawad na nagmanipula sa budget. Aba’y hibla ng buhay, kalusugan at pangarap ng mga naghihikahos na taumbayan ang tila tinraydor ng mga mambabatas na ito, ang pinigtal nang walang kaabog-abog at walang kakonse-konsensya. 


Tsk, tsk, tsk! Mahabag ang kalangitan sa bayan nating mahal at ilayo tayo sa mga ganitong uri ng mga lider na tila walang budhing nagpapalaganap ng ‘kahayupan at kasakiman’. 


***


Dumako naman tayo sa usaping nakakaganyak. Isang programa ang ating sinasaluduhan na kamakailang inilunsad sa government station na Radyo Pilipinas 738 kHz, ang “Juan Trabaho” na nag-aanunsyo ng job vacancies sa gobyerno, pribadong sektor at civil society organizations. Aba’y likas na matulungin at mahusay ang host nito, ang pinagpipitagan at beteranong si Ms. Jaemie Quinto. 


Para sa ating mga mambabasang naghahanap ng trabaho, maaaring makatulong ang programang ito sa inyong pangarap na makapagtrabaho. Para naman sa mga may trabaho na, marami rin kayong matututunan at mapupulot mula sa mga tinatalakay dito. Tulad ng ating napakinggan nitong nakaraang Miyerkules, tungkol sa service charge at tip sa mga waiter o serbidora sa mga restaurant. 


Paliwanag ng program guest na si Atty. Carl Vincent Quitoriano na isang propesor sa University of the East, ang service charge ay 100 porsyento na dapat hatiin sa lahat ng covered na empleyado ng establisimyento base sa Republic Act 11360 at implementing rules and regulations nito. Gayundin, dapat itong ibigay kada dalawang linggo o 15 araw. Samakatwid, hindi dapat patagalin ang pagbibigay nito sa mga empleyadong sakop. 


Bukod pa sa service charge ay ang tip, na boluntaryo o kusa namang ipinagkakaloob ng isang natuwang pinagsilbihang customer sa naglingkod sa kanyang empleyado ng establisimyento. 


Nawa’y ipagpatuloy n’yo ang pagiging asintado sa pagtulong sa ating mga kababayang trabahante at naghahanap ng trabaho, Ms. Jaemie Quinto at Radyo Pilipinas Station Manager Alan Allanigue. Mabuhay!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page