top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Feb. 28, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Sa ating modernong panahon na kinawiwilihan ang mga viral video, isa sa napakarami na ang nakakita sa buong mundo ay naipaskil sa YouTube noon pang 2015. Ang masusulyap sa video, na nai-record sa Costa Rica at napanood na ng mahigit 110 milyong beses, ay ang maingat at dahan-dahang paghugot ng isang mala-tubong bagay na nakabara sa kaliwang butas-ilong ng isang marilag na sea turtle. Matapos ang may halos walong masakit na minuto ay nabunot sa wakas ang nakasuksok na bagay: isa palang gamit na plastik na straw.


Naalala natin ito dahil ang darating na huling Biyernes ng Pebrero ay ang taunang Skip the Straw Day. Bagama’t sa Amerika naitatag at ginugunita ito, mainam na maisadiwa ang layunin ng espesyal na araw na ito, sa gitna ng patuloy na panandaliang paggamit ng ‘di mabibilang na mga plastic straw sa ating bansa at saan pa man, at ang napakagabundok at wala pa ring patid na suliranin ng ‘di nabubulok na mga basura. 


Mahaba na ang kasaysayan ng straw mula sa sinaunang mga bersyon nito matapos madiskubre ng sangkatauhan ang paraang makasipsip ng inumin, hanggang sa lalong pamamayagpag ng modernong straw matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig dala ng pagiging napakamura ng mga materyales na plastik. Pumutok ang paggamit ng straw dahil sa kaginhawahang dulot nito sa pagnamnam lalo na ng malalamig na inumin. Ngunit ang ginhawang iyan ay may kapalit na kasaklapan. 


Isang beses lang, at ilang minuto lamang, ginagamit ang plastik na straw bago ito idispatya. Ang resulta? Ilang daang milyong mga straw ang kabilang sa milya-milyang dami at kapal ng basura sa daigdig. Ang malala pa nito ay ilang daang taon — mas mahaba pa sa buhay ng isang tao — bago mabulok nang lubusan ang bawat plastik na straw. Ang pagkabulok pa na iyon ay sa pamamagitan ng unti-unti’t napakatagal na pagkadurog at pagiging maliliit na piraso o microplastics na makapagpapasama sa kalikasan at posibleng mahalo sa tubig nating iniinom o sa hangin na ating nalalanghap. 


Sa gitna ng mahabang buhay ng straw, at dala ng masalimuot na sistemang pang-waste management at ng walang pakundangang pagtapon dito, tapon doon, ay maaaring mapadpad ang plastik na straw sa mga tabing-dagat o mismong karagatan at makalason o makapinsala sa mga ibon at mga hayop sa dagat. 


May bonus pang perhuwisyo sa paggamit ng plastik na straw dahil kadalasan ay nakabalot ito sa sariling plastik na supot, na itatapon din lang pagkapunit. Dobleng plastik na bangungot!Maaaring masambit na, ako lang naman ito na gumagamit ng plastik na straw. Ang hirap nga lang sa kaisipang iyan ay kung kakalkulahin na ilang milyon o bilyon pa ngang mga tao ang gumagamit ng plastic straw, at baka mahigit isang beses pa sa bawat araw. Ang nakakatakot pa nito ay kung maging tama ang hinala ng mga siyentipiko na pagkagat ng 2050, o baka nga bago pa sumapit ang taong iyon, ay mas marami na ang basurang plastik sa karagatan kaysa sa mga isda, pawikan at iba pang lumalangoy na nilalang.Kung kaya’t nananawagan tayo sa lahat ng mamamayan, sa anumang antas ng lipunan, na iwaksi ang kaugaliang mag-straw sa pag-inom.


Maging ang papel na straw, na madaling mabubulok kumpara sa plastik, ay magandang iwasan na rin, para makabawas sa basurang mabibinbin nang matagal sa kung saan. 

Pakiusap din sa mga kumpanya, tindahan, restoran at iba pa: Huwag gawing awtomatiko ang pagbigay ng straw sa pag-alay o pagbenta ng inumin. Hangga’t maaari pa nga ay huwag na talagang magtabi ng straw at imbes ay iengganyo ang mga parokyano na uminom nang diretso mula sa baso.


Siyempre, may mga eksepsyon sa panawagang ito. Ang matatanda o mga may kapansanan na hindi kayang humigop nang walang tulong ay dapat lang na mag-straw. Subalit, may paraan pa rin sa puntong iyan upang hindi gumamit ng plastik at imbes ay piliing gumamit ng straw na reusable o maaaring mahugasan at gamitin ng ilang ulit, gaya ng ginagawa ng maraming maalalahaning kabataan ngayon. Pati sana ang mga inuming nabibili sa mga suking sari-sari store ay huwag nang ibenta na may straw, o kung sakaling may kalawang dahil sa tansan ang palibot ng bibig ng botelya ay mailipat na lang sana ang lalagukin sa isang baso. 


Kung marami ang makikinig at makapagpapatotoo ng adhikaing itigil ang paggamit ng plastik na straw, malaki at napakagandang pagbabago ang maaari pa nating masaksihan sa ating patuloy na pamumuhay. 


Ang anumang abala o karampot na pagtitiis sa pag-iwas sa pag-i-straw ay may malaking tulong sa pagpapaginhawa ng planeta at buhay ng susunod pang mga henerasyon.


Kung sakaling isinasakatuparan na ang adbokasiyang ito ngunit tila walang karamay sa pamilya, sa barkada o sa barangay, padayon lang. Magpatuloy habang makakaya. Gaya ng walang pagsukong pagbunot ng nakabaong straw sa nabanggit na pagong sa ating pambukas na talata rito, asintaduhing magtiyaga’t magpakatatag sa pagtulong na makapagbigay-lunas at makaambag sa solusyon sa problema ng malawakang kaplastikan.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Feb. 26, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Patuloy, mainit at walang humpay mula pa noong nakaraang taon hanggang ngayon ang kasong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte. At walang makapagsasabi kung kailan ito matatapos — mapatunayan man siyang nagkasala sa mga ibinibintang sa kanya o mapawalang-sala.


Bilang isang pangkaraniwang mamamayang Pilipino na patuloy na sumusubaybay at nagmamasid sa mga kaganapan sa ating bansa, tungkulin kong magpahayag ng aking saloobin hinggil sa nasabing kaso. Subalit bago ko gawin iyan, repasuhin muna natin ang mga kaganapan nitong mga nakaraang araw.


Disyembre 2024, tatlong magkakasunod na kaso para sa impeachment ni VP Sara ang iniharap sa Tanggapan ng Secretary-General ng House of Representatives o Kamara. Ang mga nasabing kaso ay sinang-ayunan (endorsed) ng ilang miyembro ng Kamara.  


Sa ilalim ng Rule II, Sec. 3 ng House of Representatives Rules of Procedure in Impeachment Proceedings, dapat agaran (immediately) na ipinadala ito ng Secretary-General sa Tanggapan ng Speaker ng House of Representatives upang maisama sa Order of Business sa loob ng 10 araw ng sesyon matapos itong matanggap ng Speaker, at maendorso naman sa Committee on Justice sa loob ng tatlong araw ng sesyon. Ito rin ang itinatakda sa ilalim ng Art. XI, Seksyon 3(2) ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas.

Subalit nabimbin ang tatlong naturang impeachment complaint sa Tanggapan ng Secretary-General. At noong Pebrero 5, bigla na lamang nabalita na may ikaapat nang impeachment complaint ang inihain sa Kamara sa pangunguna ni Kinatawan Ferdinand Alexander Marcos, panganay na anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pirmado at sinang-ayunan ng 215 miyembro ng Kamara.


Sa ilalim ng Art. XI, Sek. 3(4) ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, kung isang-katlo (1/3) ng mga miyembro ng Kamara ay sang-ayon sa isang impeachment complaint, ito ay siyang magiging Articles of Impeachment na dapat ipadala agad sa Senado para magkaroon ng paglilitis. Ang 215 ng sumang-ayon at pumirma sa ikaapat na impeachment complaint ay mahigit pa sa isang-katlo (1/3) ng miyembro ng Kamara.


Nang hapon noong araw ding iyon, Pebrero 5, agad na nagtungo ang House Secretary-General sa Senado upang ihain ang Articles of Impeachment at ito naman ay aktuwal na tinanggap ng Secretary of the Senate. Bagama’t aktuwal itong tinanggap ng Senate Secretary, paliwanag nito, kailangan pa niya at ng kanyang mga tauhan na suriin ang mga dokumentong natanggap nila mula sa House Secretary-General bago ito opisyal na i-report sa Senate President.


Sa Senate Rules on Impeachment, matapos na opisyal na matanggap ng Senado ang Articles of Impeachment, katungkulan ng Senate President na ipaalam sa Kamara na handa na ang Senado na tanggapin at panumpain ang mga tagausig ng House of Representatives (House Panel of Prosecutors).


Subalit nang araw ding iyon, Pebrero 5, nag-adjourn ang Senado para muling bumalik sa sesyon sa Hunyo 2. 


Pito sa kasalukuyang senador ang tatakbong reeleksyunista na sina Sens. Bato de la Rosa, Bong Go, Pia Cayetano, Lito Lapid, Imee Marcos, Bong Revilla at Francis Tolentino.

Marami ang kinukuwestiyon ang naging aksyon ng Senado sa hindi agad pagbuo at pag-upo ng mga senador bilang impeachment court sapagkat ipinag-uutos ng Art. XI, Sek. 3(4) ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas na matapos matanggap ng Senado ang Articles of Impeachment, dapat isunod agad ang paglilitis. Ang eksaktong mga salitang ginamit sa nasabing probisyon ay “trial by the Senate shall proceed forthwith.” Sa Tagalog, ang forthwith ay “dagli”, “agad-agad”, “madalian.” Isang abogado ang kaagad nagharap sa Korte Suprema ng Petition for Mandamus na naglalayong utusan ng Kataas-taasang Hukuman ang Senado na simulan agad ang paglilitis kay VP Sara.


Kaugnay ng mga pangyayaring iyan, dalawang magkahiwalay na Petition for Certiorari and Prohibition ang iniharap sa Korte Suprema upang ideklarang unconstitutional at walang bisa simula pa ang impeachment complaint na ipinadala ng Kamara sa Senado. Ang una ay iniharap ng ilang abogadong taga-Mindanao at ang pangalawa ay ni VP Sara. Nanindigan ang mga petitioner na ang hindi pagsunod ng Kamara sa mga probisyon ng Artikulo XI, Sek. 3 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, ay malubhang pagsasamantala sa diskresyon ng Kamara na humantong sa kawalan o kalabisan ng hurisdiksyon nito (grave abuse of discretion on the part of the House of Representatives amounting to lack or excess of jurisdiction).


Samakatuwid, ito ay saklaw ng kapangyarihan ng Korte Suprema sa ilalim ng pinalawak na hurisdiksyon nito sa ilalim ng Art. VIII, Sek. 1, ika-2 talata ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas.


Bilang pagpipitagan at paggalang sa Korte Suprema ay hindi ako magkokomento pabor o salungat sa paninindigan ng mga pro- at anti-impeachment. Ito lamang ang aking masasabi sa gitna ng iba’t ibang tagisan ng maiinit na saloobin. 


Sa ilalim ng Artikulo I, Sek. 1 ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, “Ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan.” (Sovereignty resides in the people and all government authority emanates from them).


Si VP Sara Duterte ay iniluklok sa kanyang kasalukuyang posisyon ng boto ng 32 milyon at higit pang botanteng Pilipino. Ang bawat isa sa 32 milyon+ na iyon ay butil ng kapangyarihan ng sambayanan (particle of sovereignty), ayon kay Mahistrado Jose P. Laurel sa kasong Moya v. del Fierro. Ito ay dapat masusi at malalim na maisaalang-alang ng Senado sa pagdinig ng kasong impeachment laban sa bise presidente at tiyaking lahat ng pagdududa at pag-aalinlangan kung nagkasala siya o hindi ay dapat resolbahin pabor sa taumbayan. 


Kung sa isang kasong kriminal, lahat ng pagdududa o pag-aalinlangan kung nagkasala o hindi ang isang isinakdal ay nireresolba pabor sa nasasakdal, dapat ito rin ang maging gabay at panuntunan sa nasabing kasong sapagkat hindi maikakailang si VP Sara ay pinagkatiwalaan ng 32 milyon at higit pang botanteng Pilipino upang maging kanilang bise presidente.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Feb. 21, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Hayaan ninyong isapubliko natin ang isang sulat-kamay na liham kamakailan sa inyong lingkod ng nagpakilalang isa sa masugid na tagasubaybay ng column na ito at ng pahayagang BULGAR. 


Narito ang kanyang liham na punung-puno ng pag-asam ng tugon mula sa kinauukulan:


Ako po si Erlyn Toledo, 71 years old, taga-Silang, Cavite. Baka sakaling matulungan niyo kami ng anak kong dalaga na 45 years old, kahiya-hiya man po ito. Kasi ‘yung tinitirhan naming mag-ina ay hindi namin masabing amin. Dahil hindi po nabayaran ng mister ko ang paghuhulog kasi nakamatayan na niya. Kaya lumaki nang lumaki ang utang sa bahay at kapag daw hindi nabayaran ay palalayasin na raw kami. 


1980 po kami napatira sa bahay. Gapok na po ang bahay na tinitirhan namin at sa katunayan, butas na butas na po ang bubong. Pati po sa lawanit sa kisame ay nakalawit na po. Ang mga bintana ay may tukod na at maaaring bumagsak. Marami pang bukbok at mga anay. Tuwing umuulan, kami po ay laging binabaha. 


Ang anak kong dalaga ay hindi na nagkatrabaho simula noong 2020. Noong March 14, 2024 lang uli siya nagkatrabaho hanggang October 2024. Kaya lang po ay nagkasakit ako at tumaas po ang blood pressure ko. Kami lang pong dalawa ang magkapisan. Tuwing umuulan ay bahang baha po sa amin. Kapag po siya ay umaalis para maghanap ng pagkikitaan, ako pong mag-isa ang naghahakot ng mga timbang napupuno ng tubig kaya rin ako nagkasakit. Kaya rin po siya nag-resign sa work niya nang tuluyan. 


Ang inihihingi po namin ng tulong ay para magkaroon kami ng kahit isang maliit lang na matutuluyan na hindi kami babahain dito rin po sa lupa na kinatatayuan ng bahay namin. 

Ang tatlo ko pa pong anak ay pawang may mga pamilya na at hindi rin kanila ang bahay na tinitirhan nila. Kaya hindi kami puwedeng makipisan sa kanila. 


Sa katunayan nga po ay lagi kaming nangangamba lalo na sa gabi dahil may napasok na ahas. Bukod sa sirang bubong ay nakaangat ang kisame at sobrang sira na ang aming bahay. Labis ang pangamba namin ngayon dahil ‘yung ahas na nakita namin ay hindi nahuli. Hindi namin alam kung saan ito nagtago. 


Sa ngayon ay walang trabaho ang anak ko dahil nga po noong magkasakit ako ay wala akong kasama sa bahay. Nananahi na lamang siya ng basahang bilog at ‘yun lamang po ang aming pinagkikitaan. Ako po ay nagme-maintenance medicine na rin para sa high blood.

Sana po ay matulungan niyo kami. 


Lubos na gumagalang,

   Erlyn Toledo

0962-9209775


Nananawagan tayo kay Secretary Jose Rizalino Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development na bigyan ng pansin at panahon sa gitna ng kanilang kasalukuyang mga pinagkakaabalahan ang panawagan ng senior citizen na balo na nananaghoy na magkaroon kahit ng maliit na masisilungan sa gitna ng kanyang kalagayan. Panawagan rin kay Secretary Rex Gatchalian ng Department of Social Welfare and Development, para sa kagyat na tulong kay Erlyn na nangangailangan rin ng medical at cash relief assistance sa pamamagitan ng assistance to individuals in crisis situations o AICS.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page