top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 19, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Para sa mga nasa husto nang kamalayan noong 1988, maaaring maaalala pa ang “Don’t Worry, Be Happy” ng mang-aawit na si Bobby McFerrin. Sa kasikatan ng naturang kanta ay halos maya’t maya na naririnig ng maraming buwan, maging sa Pilipinas o ibang mga bansa. 


Bukod sa pagiging kaaya-ayang awitin, malinaw na naging matimbang para sa nakararami ang dala nitong mensahe — na mas ipinairal ang pagiging maligaya sa halip na maging balisa. 


Magugunita natin ‘yun dahil sa darating na Huwebes, ika-20 ng Marso, ay ipagdiriwang ang International Day of Happiness. 


Nag-uugat ang pandaigdigang okasyong ito sa konseptong naisip ng Indiyanong Amerikanong si Jayme Illien na “happytalism,” na nagbibigay importansya sa indibidwal na kaligayahan, kapakanan at kalayaan bilang daan patungo sa malawakang kaunlaran.

Ang nabanggit na araw ay naitakda naman ng United Nations (UN) General Assembly noong ika-28 ng Hunyo 2012 at unang naidaos noong 2013 upang lalong maipaunawa sa sangkatauhan ang kahalagahan ng kaligayahan sa pamumuhay.


Kaakibat nito ang paglunsad ng UN noong 2015 na tinatawag na 17 Sustainable Development Goals, o malawakang mga paraan upang mas mapasaya ang buhay ninuman, gaya ng masinsinang paglipol sa kadukhaan, pagpapabawas ng hindi pagkakapantay-pantay ng mga mamamayan, at pangangalaga ng kalikasan. Kung mas marami nga naman ang maliligayang mga miyembro ng sambayanan, mas magiging masaya at matiwasay ang mga bayan saan man sa ating planeta. 


Magagawa na personal na makamtan ang kaligayahan sa bawat araw. Kung dadaanin sa simple at payak na mga kaparaanan ang paggalugad ng ligaya, sa halip na sa napakarangyang mga daluyan ng saya na bunga naman ng kasakiman, hindi imposibleng tayo’y maging ganap na masaya anuman ang ating kalagayan. 


Sa simula pa lamang ng bawat araw ay agad nang may pagkakataong sumaya, kung magiging mapagpasalamat — na naging bahagi tayong muli ng panibagong araw na biyaya ng Maykapal, upang magampanan ang panawagan niya sa atin. 


Ang kaligayahan ay mas natatamo rin sa pagiging mapagbigay kaysa sa pagiging makasarili, kung kaya’t ang pagpapamalas ng kawanggawa o kahit munting kabutihan nang hindi nakakapanakit, nakayuyurak o nakadidismaya ay maaaring maging tubod ng pagpapangiti ng sarili at pagpapagaan ng kalooban. 


Ugaliing maging mapagpasalamat sa lahat ng bagay na marahil ay nababalewala dahil palagi lamang naririyan, gaya ng mga minamahal sa buhay, mga kakayanang taglay, mga kaibigang tapat. Dahil walang tiyak na kasiguraduhan sa buhay, ‘wag ipagwalang-bahala ang mga ipinagkaloob sa atin ng Maykapal na maaaring sa isang iglap ay basta na lang maglaho.


Hindi naman mawawala ang suliranin, mga hamon, lumbay o sakit ng kalooban sa patuloy nating pakikipagsapalaran sa buhay. Iwaksi ang pagkabagabag sa mga bagay na hindi natin kontrolado.


Ilaan ang lakas at atensyon sa mga bagay na ating maaaring maayos, mapaganda, maiwasto o mapagbuti. Tanggapin nating kahit may pagkakatulad tayo sa isa’t isa pagdating sa mga naisin o ayaw, magkakaiba pa rin ang bawat tao. 


Huwag piliting maging perpektong salamin ang ating kapwa. Bagkus ay magalak sa pagkakaroon ng tunay na kaibigan o katuwang sa malaki’t masalimuot na mundong ating ginagalawan.


Patuloy na magsumikap at magtiyaga kahit tila napakalayo pa ng ating nais marating. Huwag magpagapi sa mga puwersa ng pagpapatumpik-tumpik, pagpapabukas o kahinaan ng loob. Kung may pagsubok, suriin kung ano ang maaaring ituro nito upang tayo’y maging matatag. Sa kabila ng tulin ng modernong pamumuhay, marami pa rin ang mga matatamis na bagay na makapagpapaluwag ng damdamin kung ninanamnam ng wagas. 


Tabunan ang ngitngit, inggit at negatibong kaisipan o emosyon na makahaharang sa maaari pang matamong daluyan ng kaligayahan.


Ang nagkikimkim ng mga ito ang sa huli ay siyang talunan. Kaya’t huwag hayaang maubos ang abiyo ng kaligayahan. Asintaduhing isapuso na nakasalalay sa ating isipan ang ating wagas na kaligayahan.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 14, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Ngayon ay Pandaigdigang Araw ng Pagtulog o World Sleep Day. Atin itong talakayin at bigyang pansin sapagkat pandugtong ito ng buhay at lakas, lalo na sa gitna ng malawakang kakulangan sa tulog ng sangkatauhan sa modernong panahon. Paalalahanan natin ang ating mga sarili. Nakalulungkot na madalas, ang angkop at kailangan ay hindi nagagawa, tulad ng pagtulog ng sapat na oras.


Hindi na mabilang ang dami ng tao na kulang sa tulog — hindi lamang dala ng mga gawain at hanapbuhay, kundi pati na ng mga mapanuksong naglipana sa internet at social media. Kaya naman hindi nakapagtatakang makakita ng kapwa pasahero sa jeepney o bus na sa sobrang lalim ng tulog ay nakasandal ang ulo sa katabing hindi naman kakilala o kaya’y mag-aaral na tinutulugan ang kanilang mga guro. 


Magugunitang naitatag ang Pandaigdigang Araw ng Pagtulog ng World Sleep Society noong 2008 at itinakdang ipagdiwang ng Biyernes bago ang taunang spring equinox o ang pagiging sentro ng haring araw sa ibabaw ng ating planeta, na senyales din ng pagpapalit ng panahon papuntang tag-init mula sa taglamig. Hindi lamang makakapagpahinga ang katawan tuwing natutulog, kundi nag-iibayo rin ang pagbabalik-lakas ng bawat bahagi nito na nagkakaroon ng panahong makumpuni at mapagbuti. 


Kung pahahalagahan ang pangangatawan, isasaisip na kung kulang sa tulog ay maraming malalagay sa balag ng alanganin. Nakababawas ito ng pagiging alisto, nakapagpapahina ng pagpupursige, nakapagpapaiksi ng pisi ng pasensya na nauuwi sa pagiging bugnutin o balisa, nakapagpapapurol ng pag-iisip, na makapagbubulid sa nakararanas ng puyat na magdesisyon ng mali sa mga bagay-bagay. 


Bukod sa pinsala sa sarili, ang kawalan ng tulog ay maaaring maging sanhi ng pagkadisgrasya ng iba at kanilang ari-arian, lalo na sa gitna ng pagmamaneho.

Maraming trahedya ang maaari sanang naiwasan kung nakatulog lamang ng sapat ang nakapaminsala. 


Lalo nang delikado sa puso at presyon ng dugo, sa antas ng glukosa o blood sugar, sa utak at memorya ang kakulangan ng tulog. Palalain pa ito ng pagkakape na makapagpapatulin naman ng labis sa tibok ng puso. Kapag regular ang pagpupuyat, magiging bulnerable ang katawan sa mga sakit na maaari sanang maiwasan kung nakabawi lamang ng tulog. Makatutulong na bawat pagkakataong makakaya, bigyan ng kahit ilang minuto ang pag-idlip upang mapanumbalik ang nauupos na lakas. Bumawi rin ng mahabang tulog sa kalaliman ng gabi. 


Makabubuting umiwas rin sa pag-ehersisyo at huwag matuksong magkape sa gitna ng pakikipaghuntahan kung malapit-lapit nang humiga at matulog. Kung humihilik naman nang madalas at malakas, magpatingin sa doktor o magpasailalim sa medikal na pagsusuri ng pagtulog upang matiyak na walang sleep apnea o ang mapanganib na pagtigil ng paghinga habang natutulog.


Upang maging mapayapa ang pagtulog, magpasalamat sa Panginoon para sa mga biyayang natatamasa, bago ilatag ang katawan sa higaan. Malinaw pa sa sikat ng araw na ang tulog ay tulong sa kalusugan, katauhan at katiwasayan. Tulad ng kayamanan, huwag ipagpalit dito ang mga bagay na walang kapararakan.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 12, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Matagal nang nasasambit sa mga bansang gaya ng sa atin na gumagamit ng Ingles ang pabirong pahayag na “Are you kidney me?” o kaya’y “You’re kidneying me!” Bukod-tangi’t kakaiba kasi ang naturang “K” na salita kaya’t marami nang naging paandar o pun ang naisip gamitin iyon.


Sa bandang huli nga lang, hindi biro ang halaga ng ating mga bato sa ating pangangatawan. Kung kaya’t may espesyal na araw para sa pandaigdigang pagtalakay sa paksang ito, ang World Kidney Day. Tuwing ikalawang Huwebes ng Marso ang pagdiriwang nito mula nang mailunsad ng World Health Organization at ng International Association for the Study of Kidney Diseases noong 2006. Nilalayon nito na lalong mapalaganap ang kahalagahan at kalusugan ng ating organong hugis patani na nakapirmi sa ilalim ng ating tadyang at sa magkabilang gilid ng ating gulugod.


Ang tema ng naturang araw ngayong 2025 ay “Are Your Kidneys OK: Detect early, protect kidney health.” Maganda nga namang kumustahin ang kalagayan ng ating mga bato para ating masabi, imbes na maitanong lang na, “OK kayo, kidneys ko!”


Hindi matatawaran ang mga tungkulin ng ating mga bato. Kabilang diyan ang pagiging tagagawa ng hormones na nakapapanatili ng tamang presyon ng ating dugo at pagtakda ng sapat na bilang ng ating pulang selula ng dugo o red blood cells. Ang ating mga bato ang nagsisilbing tagasala’t tagalinis ng ating dugo upang matanggal ang sobrang tubig, asin at potasyo bago natin tuluyang mailabas ang mga iyon sa pag-ihi. 


Gaya ng pagiging napakalaking perhuwisyo kung hindi natin maiaalis sa ating bahay ang ating naipong basura, paano pa kung hindi natin matatanggal ang anumang makapagpapabulok mula sa ating katawan? Kung hindi dahil sa ating mga bato ay mauuwi ang ating pansariling sistema sa pamamanas, pagtaas ng presyon ng dugo, pagkakaroon ng anemya o nakamamatay na pagkalason.   


Nararapat ding magpasuri ng ating mga bato kung tayo ay nasa edad 60 pataas, nasa lahi ang sakit sa puso, sakit sa bato o mataas na presyon ng dugo, may kabigatan ang timbang o may mga sintomas gaya ng labis na pag-ihi, madalas na pakiramdam na masusuka, pamumulikat ng kalamnan, pamamaga ng mga paa at bukong-bukong, o kahirapan sa pagtulog. Marami pa man din ang maaaring maging mabigat na mga karamdaman kung hindi maaalagaan ang ating mga bato, gaya ng urinary tract infection o UTI, napakasakit na kristalisadong mga bato o kidney stones, o ang chronic kidney disease kung saan ang pasyente ay mangangailangan ng pahirap at magastos na dialysis. 


Kung sakaling may sakit na sa bato, ang masusi’t masigasig na pagsunod sa payo ng doktor ay kinakailangan upang makapagpatuloy sa pakikipagsapalaran sa buhay. Kung tuluyang humina ang ating mga bato at mangangailangan ng kidney donor, huwag panghinaan ng loob. Patuloy na kumilos at manalig habang umaasang makakamit ang karagdagang buhay. 


Kung ika’y maaaring makapag-alay ng isa sa iyong dalawang malulusog na bato para sa mangangailangan ng kidney transplant, magpatingin kung papasa at magnilay-nilay ng magiging pamumuhay pagkatapos ng operasyon. Kung ikaw nga’y makakapag-alay ng sariling bato upang maisalba at mapahaba ang buhay ng nangangailangang kapwa, mabuhay ka!


Para sa mga patuloy na binibiyayaan ng matiwasay na pangangatawan, mainam ang pagiging aktibo sa pagpapalakas ng katawan at pagkain nang wasto upang mapanatili ang kalusugan ng ating mga bato. Isama na natin ang palagiang pag-eehersisyo, pag-inom ng hanggang dalawang litro ng tubig araw-araw, pagbabawas sa matatamis upang hindi magka-diabetes, pag-iwas sa mga de-lata at iba pang maaalat na pagkain, hindi paninigarilyo at hindi pagmamalabis sa pag-inom ng mga gamot laban sa pananakit ng katawan.


Sa madaling salita, kung babalewalain ang ating mga kidney, para na rin tayong nagbuhat ng mabigat na bato at ipinukpok ito nang paulit-ulit sa ating ulo.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page