top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 28, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Hindi lahat ng sikat ay dapat tularan, ngunit marami pa ring mga tanyag sa pananaw ng nakararami na hindi maikakailang karapat-dapat sa naaning popularidad.


Isang halimbawa nito ay ang “Adolescence”, isang sariwang maikling serye sa Netflix na kasalukuyang mainit na pinag-uusapan hindi lamang ng mga taga-Britanya, kung saan ito gawa, o kahit nating mga taga-Pilipinas kundi pati sa ibang mga bansa.


Dalawa ang pangunahing dahilan kung bakit maalab na usapin ang naturang serye, na kinabibilangan ng apat lamang na yugto na humigit-kumulang na isang oras ang bawat isa.  


Ang isang nakamamanghang aspeto ng “Adolescence” ay ang kuwentong nakapaloob dito — isang nakalulungkot na posibilidad na sa kasawiang-palad, ay batay sa ilang naiulat sa Britanya at iba pang mga lupalop, ukol sa karahasang ang salarin ay menor-de-edad na salat pa sa kamuwangan.


Bagama’t sa umpisa’y tila may misteryong bumabalot sa istoryang inilalahad, lumalabas na ang mas mahalagang layunin ng serye ay udyukin tayong pagnilay-nilayan kung paano magagawa ng isang adolesente na manakit nang malubha ng kanyang kapwa bata.


Nagawa rin ng palabas na ito na maipabatid sa ating mga nakatatanda na maging maingat sa pagiging sensitibo ng kabataan, at kahit sa mga kataga at emoji na may mga matimbang palang kahulugan o simbolismo na maaaring lingid sa kaalaman nating hindi “digital natives,” tayong hindi lumaking nakatutok sa mga gadget buong araw. Ang nakababahala ngunit matimbang na aral na makukuha rito ay kung hindi tayo mag-iingat, baka mauwi sa pagkitil ng kinabukasan ng kabataang malayo’t matayog pa sana ang mga mararating at makakamit sa buhay.


Iminumungkahi rin at babala ng seryeng ito na hindi porke’t hindi natin sinasaktan ang ating mga supling kung magkasala, na iba sa nakagawian natin marahil na nakatikim ng hagupit ng sinturon, ay basta silang lalaki na masunurin at hindi makabasag-pinggan sa kabaitan. Kahit ano’ng ating kabutihan bilang magulang o tagapatnubay ay hindi garantisadong makaliligtas sila sa kamandag ng masasamang impluwensya, gaya ng mapang-aping mga kakilala’t kababata o mga walang pakundangang nangungutya sa social media.


Nakapagpapaalala tuloy ang “Adolescence” na ating ugaliing kausapin ang ating mga anak, o kahit mga pamangkin, inaanak o inaalagaang mga musmos. Kung ayaw man nilang maistorbo, ipahiwatig na bukas ang ating mga tainga at puso sa anumang sandali na nais nilang paunlakan ang ating paanyaya na sila’y magbahagi ng saloobin. At kahit may pag-aalinlangan man tayo sa ating sariling mga kakayanan, tatanawing napakalaking bagay ang ating paghahandog ng anumang oras at lakas sa mga kabataang mahal sa buhay.


Ang isa pang nakamamanghang detalye ng seryeng ito ay ukol sa sinematograpiya, kung saan ang bawat yugto ay isang tuluy-tuloy at walang patid na kuha, at walang halong special effects o pagdaya sa editing. 


Hindi ito ang kauna-unahang palabas na gumamit ng “one take” na pamamaraan ng pagkukuwento nang may kamera, ngunit ito marahil ang pinakanakabibighaning paggamit nitong bukod-tanging estilo. Nakakagulat na nakakatuwang isipin at suriin kung paano nagawa ang makapigil-hiningang pag-shoot mula sa isang bahay papasok sa isang sasakyan, patungo sa isang gusali at papunta sa isang kuwarto bago lumipat ng isa pang kuwarto at iba pang silid hanggang, sa wakas, may isang oras na pala ang lumipas. Kahit ang isang yugto, na iisang kuwarto ang primerong tagpuan, ay hindi nakapirmi nang matagal ang ating makikita; bagkus ay iniikutan ang nag-uusap na mga tauhan. 


Imbes na magmukhang gimik lamang, ang malikhain at masigasig na pamamaraang ito ay nakakatulong hindi lamang upang makuha ang atensyon ng manonood kundi para lalo tayong maantig sa kabila ng pagiging kathang-isip ng isinasalaysay. Sa sobrang tinik ng maisakatuparang pagbibidyo, tiyak na magiliw na sisiyasatin ang “Adolescence” ng mga nais maging manlilikha ng mga serye o pelikula kahit ilang taon o dekada na ang lumipas mula ngayong 2025. 


Itambal pa riyan ang magaling na panulat, napakagandang pagsasadula, mahusay na pag-arte ng mga nagsipagganap, at masigasig na pagpaplano’t pag-eensayo ng lahat ng gumalaw sa harap at likod ng kamera, at hindi nakapagtatakang naglipana ang online na mga komento na nagsasabing isang obra ang seryeng ito.


Sa kabila ng hindi mabibilang na mga akda at palabas sa mahaba nang kasaysayan ng paglalahad sa pelikula at telebisyon, nakatutuwa’t nakatataba ng puso na magisnang may mga pagkakataon pa ring mamukadkad ng imahinasyon at masorpresa tayong patuloy na nananabik na mga tagatangkilik.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 26, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Ang bawat ika-22 ng Marso ay World Water Day, na inilunsad ng UN General Assembly noong 1993 sanhi ng kagipitan ng bilyun-bilyong tao pagdating sa pagkamit ng malinis na tubig.


Ramdam nating lahat ang kahalagahan ng tubig. Lalo na ngayong tag-init o maging sa mga buwan na malamig o mahamog, tuluy-tuloy ang halaga nito sa lahat ng humihingang nilalang.


Ang bawat isa sa atin ay tinatayang 60 hanggang 70 porsyento ay tubig ang nilalaman, at ang ating dugo pa nga ay sinasabing nasa 90 porsyentong tubig. Ngunit hindi nakatunganga ang tubig sa ating katawan. Bagkus ay napakasipag nitong panauhin sa ating bawat pag-inom, dala ng pagpapagana nito ng iba’t iba nating panloob na mga aktibidad. Bukod sa pagpawi ng uhaw, nariyan ang paghahatid ng anumang sustansiyang natatamasa sa ating nakakain papunta sa iba’t ibang bahagi ng katawan, at ang pagtanggal at pagpalabas ng nakalalasong dumi. 


Ang tubig din ang tubod ng ating pawis, na kasangkapan upang kontrolahin ang ating temperatura sa gitna ng sari-saring pagbabanat ng buto. Idagdag pa natin na kung walang tubig, hindi tayo makakapaligo, makakapagluto o makakapaglinis ng ating tirahan.


Ang laking perhuwisyo tuwing napapatid ang daloy ng tubig sa ating mga kinalalagyan. Kinakailangang mag-ipon o mag-igib bago ang anunsyong pagputol sa serbisyo nito, o kaya’y ipinagpapaliban ang pagbabanyo o ang paghuhugas ng mga pinagkainan. Paano na lang ang mga nakatira sa mga lugar na, sa kabila ng dami ng residente, ay napagkakaitan ng pangangailangang ito?


Napakaparikala na may kakulangan sa tubig na dinaranas ng napakaraming tao sa kabila ng datos na tubig ang bumubuo ng may tatlong kaapat o ¾ na porsyento ng ating malawak na planeta. May 2.5 porsyento lamang niyan ang sariwang tubig, at katiting na iisang porsyento lamang ang makukuha’t magagamit ng sangkatauhan.


Ang tubig ay likas na yamang may hangganan at dapat pakaingatan. Dumadaan ito sa napakaraming kumplikadong proseso, pamamaraan at kalakalan upang mapasaatin.


Bukod sa pansariling gamit nito, ang agrikultura at iba pang industriya saan mang lupalop ay hindi makauusad o uunlad kung walang tubig. Dagdag na panggigipit sa kasalukuyang mga kakayanan ang lumalaking mga hamon gaya ng matuling paglobo ng populasyon, nakapipinsalang polusyon at nakababahalang pagbabago sa klima. 


Subalit higante man ang pagsubok na ito, makakaya pa ring magawan ng paraan kung ang bawat tao at komunidad, sa kabila ng mga pagkakaiba, ay maging presentado sa pag-ambag ng tulong gaano man kapayak.


Sa antas pa lamang bilang bahagi ng ating mga tahanan ay marami tayong maitutulong hindi lamang sa pagtitipid kundi pati sa pag-udyok sa ating kapwa na matauhan tungo sa responsableng paggamit ng tubig.


Ilan lamang dito ang pagsasara ng gripo kung hindi naman ginagamit, gaya ng sa kalagitnaan ng pagsisipilyo o paghuhugas ng kamay o pinaglutuan, at ang pagpapaayos ng anumang tagas sa mga gripo o tubo. Ang tubig mula sa paglalaba o paghuhugas — pati ang maiipong libreng tubig mula sa kalangitan tuwing tag-ulan — ay maaaring ipambuhos sa palikuran o ipanglinis ng bakuran.


Isaing, imbes na pakuluan, ang lulutuing gulay; makatitipid na sa tubig, mas mapapanatili pa ang sustansya ng mga ito. 


Subukan ding bawasan ang pagkakarne, na mas magastos sa tubig bago pa man makarating sa palengke, at damihan ang kagulayan sa hapag-kainan. Iwasan ding mag-aksaya ng pagkain o inumin upang hindi masayang hindi lamang ang mga ito kundi pati ng tubig na ginamit sa pinagmulan.


Ang maiiwasang pagtangkilik sa tubig na nakaplastik na botelya ay katipiran din sa tubig na ginagamit para roon na mas higit pa sa laman ng boteng iyon.


Makatutulong ding maipabatid sa mga kinauukulan kung makakita tayo ng pagtagas sa labas ng ating bahay o barangay. Isama na rin ang pag-uulat ng karumihan ng sistemang pantubig. 


Sa madaling salita, huwag waldasin ang tubig. Hindi porke’t may kakayanang bayaran ang buwanang singil ng ating tagapaghatid ng tubig ay magsasayang nito.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 21, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Umaatikabong mga pangyayari ang ating nasasaksihan sa kasalukuyan. Samu’t saring mga tunggalian ng argumento at katwiran ang gumigising sa ating kamalayan. Sa gitna ng maiinit na palitan ng pagpapamalas ng puwersa ng magkakabilang panig, ang niyayanig ay ang kapakanan, kabutihan at katiwasayan ng kalagayan ng taumbayan. 


Habang nagbabangayan, nangangatwiran, nagpapagalingan ay naroon pa rin ang kawawang si Juan dela Cruz na hilahod sa araw-araw na paghahanap ng mapagkukunan ng pambili ng makakain, pantustos sa gastusin, pambayad ng utang, at pampagamot na laging ipinagpapaliban.


Unahin ang masang Pilipinong binubusabos ng hirap ng panahon. Silang hindi makaramdam ng ipinangangalandakang pag-angat ng ekonomiya ng bansa. Silang nagkukumahog, hindi lamang araw at gabi, kundi pati sa madaling-araw para lamang masilayan ang bukas na hindi nakanganga sa gutom na wala namang maapuhap na isusubong panlaman sa laging nangangasim na tiyan. 


Tila hindi na nga basta makababalik ng Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na sumasailalim sa paglilitis ng International Criminal Court o ICC, kaugnay ng akusasyon sa kanya ukol sa mga krimen laban sa sangkatauhan. Samantala, hindi man lamang siya sinampahan ng kaugnay na kaso Rito sa Pilipinas — kahit pa ilang taon na siyang nakababa sa puwesto bilang pangulo. 


Sa Senado, naghahanda naman sila para sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. 


Natutuwa ang mga kamag-anak ng mga biktima ng extrajudicial killings. Nagpupuyos naman ang panig ng inaakusahan. 


Mangyayari ang mangyayari, mangingibabaw ang bawat pinahihintulutan ng may kapangyarihan. Dangan nga lamang, may pamilyar na ugali ang masang Pilipino — ito ay ang pagpanig sa dakong huli, sa tingin nilang “pinagtutulungan, dinudunggol, inaagrabyado, tinatarantado.” Nilagyan ko ang mga katagang iyan ng mga panipi, dahil iyan ay ayon sa damdamin ng ordinaryong Pilipino, na hindi rin naman bumabase sa katwirang legal, kundi sa kanilang nararamdaman o ibinubulong ng sariling isipan. Tila isang bida sa teleserye na kapag "inaapi" ay lalong umiinit ang nakukuhang simpatiya at pagtangkilik mula sa mga sumusubaybay. 


Kaya’t kwidaw, baka sa bandang huli ay lalo lamang tumaas ang survey ratings ng mga kinukuyog, at alalahaning ma-impeach man ang gustong i-impeach ay may dalawang lalaking kapatid pa ito na maaaring tumakbo sa halalan at makakuha ng dumog ng simpatiya, depende sa pagkakabaon nila sa lusak, batay sa persepsiyon ng nakararaming Pilipino.


Baka tuloy mabaon sa limot ang ‘pagsasalaula’ ng mga ilegal na POGO at iba pang karima- rimarim na gawain dito sa Pilipinas na nagsimula sa termino umano ni FPRRD at hinayaang mamayagpag. 


Kadalasan sa nasa kapangyarihan ay nakikinig na lamang sa mga nagsasabi sa kanila ng gusto nilang marinig. Kaya’t kalaunan ay napapahamak nang hindi nila akalaing sinlawak ng pagpapahayag ng bilib at panghihimod sa kanila ng sa kanila’y nakapaligid.


Mas maraming tagapayo, mas malapit sa pagkamit ng kaisipang mas maigi. Sa hindi pakikinig sa ibinubulong ng lupa, baka sa bandang huli ay kabaligtaran ang maganap kaysa sa inaasahan at inaasam na mangyari.


Isa lamang ang gawing sukatan at tiyak na tamang landas ang patutunguhan: Unahin ang pinakamatayog na kapakanan ng nakararaming Pilipino, isantabi ang personal na pundok, at hindi ka mabubulid sa kumunoy ng kapahamakan.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page