top of page
Search

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| August 16, 2022




Kabilang ka ba sa mga nabudol ng paniniwalang mas productive tayo ‘pag nagpo-procrastinate?


For sure, lahat naman tayo ay may moments na nagpo-procrastinate o saka pa lamang tayo kikilos at magiging productive kapag sobrang lapit na ng deadline. Agree?


Bagama’t normal naman ito dahil may mga pagkakataong hindi talaga kaya ng schedule, pero para sa iba, naging habit na ito. Anyare?


Normal man o nakasanayan lang, may paraan pa para maiwasan ang procrastination. Anu-ano ang mga ito?


1. BEHAVIOR PATTERNS. Ayon sa mga eksperto, mahalagang matukoy kung ang pagpo-procrastinate ay isang pattern o bagong habit. Kung ito ay bagong habit, ipinapayo na tingnan at analisahin ang mga recent changes sa iyong buhay. Kapag daw kasi overwhelmed tayo sa mga pagbabago sa ating buhay, wala na tayong “mental space” para magpokus sa isang bagay at makatapos ng isang gawain sa loob ng maikling panahon dahil nauubos ang ating energy sa pag-a-adjust. Ilang halimbawa ng sitwasyon na nakakadagdag sa pagpo-procrastinate ay ang breakup, paglipat ng bahay, pagiging bagong parent, pagsisimula sa bagong trabaho o burnout sa trabaho.


2. BAGUHIN ANG SELF-TALK. Paano mo kinakausap ang iyong sarili kapag nagpo-procrastinate ka? Sey ng experts, ang pagigng nega sa sarili ay nakakapagpalala ng procrastination. Ayon nga sa isang pag-aaral, may kaugnayan ang low self-compassion at procrastination, kaya imbes na sabihin mong, “Hindi ko kayang tapusin,” o “Hindi ko kayang gawin,” mas mabuting sabihin sa iyong sarili na, “Kaya ko itong gawin,” o “Matatapos ko ito sa oras”.


3. HATIIN ANG GAWAIN. Kung marami kang kailangang trabahuhin, tiyak na hindi ito matatapos sa isang upuan. Dahil d’yan, inirerekomendang unti-untiin ang trabaho para mas madali itong magawa. Paano? Gumawa ng listahan ng iba’t ibang paraan para matapos ito at gumawa ng makatotohanang timeline para matapos ang bawat step.


4. MAGPAHINGA. Yes, besh! Hindi naman puwedeng trabaho lang nang trabaho, kaya magpahinga ka rin. Mahalagang hakbang ito upang maiwasan ang burnout o hindi ma-overwhelm, na nagiging sanhi ng procrastination. Kapag may sapat tayong pahinga, mas nakakapag-function tayo at mas madaling nakakatapos ng mga gawain.


5. MAGLAGAY NG WORKSPACE. Ayon sa mga eksperto, mayroong epekto ang environment sa iyong trabaho, lalo na kung hirap kang magpokus. True namang napaka-komportableng magtrabaho sa kama habang nakapatong ang laptop sa unan, pero inirerekomenda ng mga eksperto na magkaroon ng dedicated workspace. Hindi mo naman kailangan ng buong kuwarto o opisina para rito, pero make sure na mayroon kang space na walang distraction at kumpleto ang essentials para makapagtrabaho ka. Siguraduhin na mayroon kang proper desk at komportableng upuan. Kung trip mo namang makinig ng music habang nagtatrabaho, go lang. Puwede ring maglagay ng kaunting halaman o artwork para mas nakakarelaks.


6. MAGPATULONG. Hindi mo naman kailangang solohin ang isang trabaho. Kung nahihirapan ka o may mga katanungan, oks lang na magpatulong sa ka-team o co-worker. Mas magandang paraan ito dahil mas madaling masosolb ang isang problema at walang masasayang na oras.


Sa true lang, hindi magandang makasanayan ang pagpo-procrastinate dahil nagiging sanhi ito ng katamaran. Kumbaga, kung kaya naman natin itong tapusin habang may oras, why not, ‘di ba?


Magandang paraan ito para iwas-stress sa work o anumang gawain.


Kaya kung isa ka sa mga beshy nating nabubudol ng paniniwalang nakakadagdag ng productivity ang pagpo-procrastinate, tigilan mo na ‘yan at baguhin ang iyong nakasanayan.


Gets mo?

 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| August 13, 2022




Isa ka ba sa mga madalas gumamit ng QR code para makipagtransaksyon?


Well, hindi naman kita masisisi dahil napaka-convenient nito, kumbaga, isang scan lang at voila, matatapos mo na agad ang iyong transaksyon.


Pero babala ng mga eksperto, kung mayroong smishing at phishing, mayroon na ring “quishing”, kung saan maaari na rin umanong gamitin ng mga scammer ang QR code para manloko at magnakaw ng pera. Hala, true ba?


Paliwanag ng mga eksperto, ang quisihing ay bagong paraan ng panloloko kung saan kapag ini-scan ang isang QR code ay magbubukas ang pekeng bersyon ng mga lehitimong website na hihingi ng mga sensitibong impormasyon tulad ng log-in details o e-mail at password.


Kapag nakapag-log in sa pekeng website, rito na magaganap ang panloloko o pagnanakaw sa iyo.


Kaya naman, ipinapayo ng mga eksperto na suriin ang website. Dahil ida-direct sa website ang user pagkatapos mag-scan ng QR code, mabuting suriin ang naturang site, lalo na kung ang QR code ay hindi galing sa mga opisyal na account ng mga bangko at kilalang kumpanya.


Sa panahon ngayon, napakadali nang isagawa ng mga krimen at kung hindi tayo magiging maingat, malamang na tayo na ang susunod na biktima ng mga kawatan.


Kaya naman, pinapayuhan natin ang lahat na maging matalino at maging mapagmatyag. Tiyakin na mula sa mga lehitimo o opisyal na account ang QR code at kung may kahina-hinalang website o modus, ‘wag ituloy ang transaksyon dahil sa isang maling pag-click, marami ang puwedeng mawala sa iyo. Oh, i-share mo na rin ito sa mga kakilala o kapamilya mong madalas gumamit ng QR code para iwas-scam.


Gets mo?

 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| August 1, 2022




Bilang kaibigan, natural nating response ay tumulong sa friendship nating may pinagdaraanan.


Mapa-breakup, problema sa pamilya, health issue o anumang pinagdaraanan nila, gusto nating sumuporta sa kanila, pero may pagkakataong hindi natin alam kung paano ipapakita o ipaparamdam ang suportang ito.


Ang ending, kahit genuine naman ang intensyon nating maging karamay, feeling natin ay hindi tayo nakakatulong. Kaya naman, para sa mga beshies natin d’yan, narito ang ilang paraan para suportahan ang problemadong kaibigan:


1. YAYAING LUMABAS. Kung hindi mo alam kung ano ang dapat mong gawin o sabihin sa kanya, yayain mo muna siyang lumabas. Ayon sa mga eksperto, napakasimple lamang nito, pero sobrang epektib. Inirerekomendang bigyan siya ng atensyon dahil sa ganitong paraan, mararamdaman niyang may kaibigan na nagmamahal at umaalalay sa kanya.


2. MAKINIG MUNA. May mga pagkakataong gusto nating mag-advice dahil sa tingin natin ay kailangan niya ito, pero minsan ay mas okay na makinig muna tayo at hayaan silang sabihin ang kanilang nararamdaman. Bagama’t nakaka-tempt naman talagang magbigay ng advice o maghanap ng solusyon sa kanilang problema, let’s try our best na makinig nang hindi natin sila hinuhusgahan at kapag nanghingi sila ng advice, saka lamang tayo magbigay ng payo.


3. I-VALIDATE ANG FEELINGS NIYA. Halimbawa, sinabi niya sa iyo ang problema at sinabing natatakot siya, ang tamang response para rito ay, “Talagang mahirap ‘yan at naiintindihan ko kung bakit ganyan ang nararamdaman mo. Nandito lang ako para makinig.” Ayon sa mga eksperto, maraming paraan para maging better listener sa iyong kaibigan. Isang halimbawa ang pag-recap ng mga sinabi niya sa iyo dahil magandang paraan umano ito upang maipakita sa kanya na talagang nakikinig ka sa mga sinasabi o hinanakit niya


4. UMIWAS SA MGA CLICHÉ. Sa totoo lang, marami namang advice na okay pakinggan, pero hindi talaga nakakatulong. Kaya naman, mas okay pang sabihin ang totoo ‘pag hindi mo talaga alam ang dapat mong sabihin.


5. TULUNGAN SIYA SA MGA GAWAIN. Kung masyadong busy ang kaibigan mo dahil sa kanyang mga problema, oks ding mag-offer ng tulong sa kanyang mga gawin. Halimbawa, itanong mo kung may kailangan ba siyang bilhin sa grocery o kailangan niya ng kasama sa bahay. Malaking tulong ito upang makabawas sa kanyang stress, gayundin, upang malaman niya na mahalaga siya sa iyo.


6. MAGTANONG KUNG PAANO KA MAKAKATULONG. Kung sakaling hindi ka sigurado kung paano tutulong, oks ding itanong mismo sa kanya kung ano ang mga kailangan niya. Iba’t iba ang needs at paraan ng mga tao para mag-cope sa problema. Minsan, kailangan nila ng kaibigan na makikinig at magpapayo, habang may mga tao rin namang mas gustong mapag-isa. Kaya naman, inirerekomenda ng mga eksperto na ibigay ang anumang gusto ng iyong kaibigan.


Sabi nga, walang perpektong paraan para makatulong sa kaibigan nating dumaranas ng pagsubok, pero maraming paraan para iparamdam sa kanila na handa kang tumulong at hindi sila nag-iisa sa laban na ‘yun.


Kaya naman, make sure to try these tips kung gusto mong makatulong sa iyong kaibigan na may pinagdaraanan.


Gets mo?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page