ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| August 13, 2022
Isa ka ba sa mga madalas gumamit ng QR code para makipagtransaksyon?
Well, hindi naman kita masisisi dahil napaka-convenient nito, kumbaga, isang scan lang at voila, matatapos mo na agad ang iyong transaksyon.
Pero babala ng mga eksperto, kung mayroong smishing at phishing, mayroon na ring “quishing”, kung saan maaari na rin umanong gamitin ng mga scammer ang QR code para manloko at magnakaw ng pera. Hala, true ba?
Paliwanag ng mga eksperto, ang quisihing ay bagong paraan ng panloloko kung saan kapag ini-scan ang isang QR code ay magbubukas ang pekeng bersyon ng mga lehitimong website na hihingi ng mga sensitibong impormasyon tulad ng log-in details o e-mail at password.
Kapag nakapag-log in sa pekeng website, rito na magaganap ang panloloko o pagnanakaw sa iyo.
Kaya naman, ipinapayo ng mga eksperto na suriin ang website. Dahil ida-direct sa website ang user pagkatapos mag-scan ng QR code, mabuting suriin ang naturang site, lalo na kung ang QR code ay hindi galing sa mga opisyal na account ng mga bangko at kilalang kumpanya.
Sa panahon ngayon, napakadali nang isagawa ng mga krimen at kung hindi tayo magiging maingat, malamang na tayo na ang susunod na biktima ng mga kawatan.
Kaya naman, pinapayuhan natin ang lahat na maging matalino at maging mapagmatyag. Tiyakin na mula sa mga lehitimo o opisyal na account ang QR code at kung may kahina-hinalang website o modus, ‘wag ituloy ang transaksyon dahil sa isang maling pag-click, marami ang puwedeng mawala sa iyo. Oh, i-share mo na rin ito sa mga kakilala o kapamilya mong madalas gumamit ng QR code para iwas-scam.
Gets mo?
Comments