top of page
Search

ni Jersy Sanchez - @Life and Style| July 28, 2020




Maraming millennial ngayon ang tila hindi mapakali ‘pag walang ginagawa. Tipong feeling nila, mabagal ang oras ‘pag nasa bahay lang sila, kaya ang siste, trabaho nang trabaho kahit mapagod. Madalas pa, nakakalimutang magpahinga, kaya pagdating sa mga ganap sa pamilya o kaibigan, missing in action sila.


Bagama’t magandang maging produktibo, dapat nating alamin ang hangganan nito.


Kung araw-araw kang productive at ‘di mo napapansing kailangan mo nang magpahinga, ano nang mangyayari sa iyo sa mga susunod na araw?


Kaya para sa mga beshies nating todo-kayod, narito ang 5 signs kung kailan dapat magpahinga:

1. PAGOD KA—PHYSICALLY AT MENTALLY. Kung palagi ka nang tinatamad bumangon dahil feeling sick ka o pakiramdam mo ay hindi okay ang iyong mental health, ‘wag mong pilitin na simulan ang araw mo sa nakasanayan mong paraan. Kahit labag sa kalooban mo na ipagpaliban ang iyong mga kailangan gawin, puwede mo naman itong balikan bukas. Deserve mong mag-relax para makabalik sa maayos na kondisyon, gayundin, walang rason para i-overwork ang iyong sarili.

2. SA TRABAHO LANG UMIIKOT ANG BUHAY MO. Kung ang pagkain at pagtulog lang ang pahinga mo, may mali na rito. Kailangan mong magkaroon ng healthy work-life balance para hindi ka palaging nawawala sa mahahalagang okasyon kasama ang iyong mga kaibigan o pamilya. Bagama’t walang problema sa pagpopokus sa success o trabaho, mahalaga ring bigyan ng oras ang iba pang bagay o tao na nasa paligid mo. Kailangan mo ng happiness mula sa mga taong mahalaga sa ‘yo.

3. HINDI NA KONTROLADO ANG MOOD SWINGS. ‘Ika nga, mayroong kapalit ang sobrang pagtatrabaho, pero hindi sa lahat ng pagkakataon, maganda ang resulta nito. Minsan, sa sobrang stress, bigla ka na lang sasabog kahit hindi mo naman gusto. Puwede ring mas mabilis kang ma-frustrate at mag-breakdown, kaya naman, kailangan mo ring maglaan ng oras para maalagaan ang iyong mental health. Kapag dinedma mo ang mga signs na kailangan mong magpahinga, mauuwi ito sa self-destruction.

4.DI NAAALAGAAN ANG SARILI. Ang pagtulog nang walong oras kada araw ay hindi pagiging tamad dahil ito ay healthy. Gayunman, ang self-care ay hindi indulgent o “sobra” dahil mahalaga ito sa bawat tao. Kailangan mong itigil ang mindset na hindi importante ang mga simpleng bagay dahil kailangan mong kumain, matulog at alagaan ang iyong sarili. Hindi ka robot na kayang magtrabaho nang 24 oras. Kung ang makina nga, nagpapahinga, bakit ikaw, hindi?

5. FEELING WA’ ‘WENTA ‘PAG WALANG NAGAWA. Mga bes, alam n’yo ba na mapanganib kapag hinayaan nating i-define tayo ng ating trabaho? Bagama’t ito ay importante para sa iyo, dapat mong malaman kung hanggang kailan ito dapat pahalagahan kahit wala kang nagawa sa maghapon. Hindi mo dapat isipin na wala kang kuwenta ‘pag nagpahinga ka lang. Sa halip, dapat kang maging proud dahil sa kabila ng pagka-busy mo, alam mo kung kailan ka dapat tumigil o huminga. ‘Wag mong hintayin na ma-burnout ka bago mo ma-realize na kailangan mong magbago.

Trust me, pasasalamatan ka ng katawan at mental health mo kapag nagpasya kang magpahinga. Hindi masama na pansamantalang kalimutan ang trabaho paminsan-minsan, lalo na kung pagod ka na.


Maraming araw para balikan ito, kaya ‘pag hindi na talaga kaya, puwedeng tumigil muna. Gets mo?

 
 

ni Jersy Sanchez - @Life and Style| July 21, 2020




Habang nilalabanan ang pandemya, sumabay pa ang tag-ulan na isa sa pinaka-ayaw na panahon ng ilan sa atin. Nar’yan din kasi ang banta ng iba pang sakit tulad ng diarrhea, leptospirosis, typhoid fever, malaria, cholera at dengue.


Sa panahon ngayon, napakahirap magkasakit. Bukod sa punuan ang mga pagamutan, kailangan pa ng esktra datung para sa pagpapagamot. Dagdag pa ang panganib na mahawa ng ibang sakit kapag lumabas ng bahay.


Kaya naman, narito ang ilang tips para makaiwas sa mga karaniwang sakit na nakukuha tuwing tag-ulan:

1. MALINIS NA TUBIG. Tiyakin na galing sa safe resource ang iinuming tubig. Kung hindi sigurado, pakuluan ito nang tatlong minuto bago inumin. Sa panahon ngayon, mabuti nang sigurado o mabusisi pagdating sa inuming tubig dahil mahirap tumakbo o makipagsiksikan sa ospital kapag nagkasakit.

2. LUTUIN NANG MAAYOS ANG PAGKAIN. ‘Wag madaliin ang pagluluto. Mahalaga na maluto nang maayos ang mga pagkain natin para maiwasan ang contamination na puwedeng pagmulan ng iba pang sakit.

3. MAGHUGAS NG MGA KAMAY. Sa lahat ng gagawin—bago at pagkatapos kumain, pagkatapos humawak ng pera, kapag galing sa pamilihan o palengke at pagkatapos sa gawaing bahay. Mahalaga na manatiling malinis ang ating mga kamay sa lahat ng pagkakataon para iwas na rin sa kumakalat na virus.

4. Huwag lumusong sa maruming tubig o baha. Dahil expected na ang baha, ‘wag nang makipagsaplaran na lumusong dito para makauwi o makapasok sa trabaho. Pero kung no choice, siguradong may sapat na proteksiyon tulad ng bota. Gayundin, suriin ang sarili kung may mga open wounds o sariwang sugat sa bandang binti at paa, at kung mayroon, gamutin ito agad at iwasang lumusong sa baha.

5. Panatilihing malinis ang bahay. Siyempre, dapat na malinis ang ating uuwian dahil hassle kapag sa sarili nating bahay nanggaling ang sakit. Tiyakin na malinis ang nakaimbak na tubig at kung kailangang linisan o palitan ang mga ito, gawin na agad. Make sure na natatakpan ito nang tama para hindi pamugaran ng mga lamok.

Hassle talagang magkasakit tuwing tag-ulan, dagdag pa na may kinakaharap tayong pandemic. Kaya para iwas-sakit, make sure na gagawin n’yo ang mga tips na ito, gayundin, ibahagi sa ibang mga kakilala at kaanak ang mga ito. Let’s save more lives. Okie?

 
 

ni Jersy Sanchez - @Life and Style| July 19, 2020




Sa panahon ng lockdown, marami tayong realizations sa buhay at isa na rito ang ating mga money mistakes. Tipong todo-sisi tayo dahil ngayon lang tayo nanghinayang sa mga ginastos natin noon at dahil sa lockdown, na-realize natin na puwede pala tayong mabuhay nang walang mamahaling inumin, shopping at walwal.


Marami sa mga millennial na natigil sa trabaho dahil sa lockdown ang nagkaroon ng reflection sa kanilang spending habits dahil sa tagal ng pananatili sa bahay, umabot sa puntong butas talaga ang bulsa o walang madukot dahil walang isinuksok.


Anu-ano nga ba ang kadalasang money mistakes ng young adults ngayon?

1. WALWAL. Kapag niyaya ng mga kaibigan, “G” agad, ‘pag nabitin sa alak, manlilibre agad. Tipong kahit wala nang cash, magwi-withdraw o magsa-swipe agad kaya pagdating petsa de peligro, nga-nga na.

2. BISYO. Alak, sigarilyo at kung anu-ano pa. Madalas, dito nauubos ang pera at minsan pa nga, kahit walang-wala na, nakakagawa pa ng paraan para makahanap ng perang ilalaan sa bisyo. Eh, kung inipon ang perang ginagastos dito, magkano na kaya ang savings mo? Kung ipinang-invest sa negosyo ang mga perang ginamit sa bisyo, ano na kaya ang nangyari sa ‘yo?

3. PAMPORMANG SASAKYAN. Sa panahon kasi ngayon, kapag may “wheels” ka, cool ka. Marami sa millennial ngayon ang mabilis magdesisyon kung bibili ng motor o sasakyan, pero kapag nakabili o nakapag-down na, napapabayaan ang maintenance. Ang masaklap pa, hindi natutuloy ang pagbabayad at magulang ang sumasalo ng bayarin.

4. MAMAHALING INUMIN. Milk tea rito, mamahaling kape roon. Hinding-hindi ito nawawala kapag nasa trabaho. Well, sa dami ba naman ng branches nito, at ngayong napakadali pang bumili dahil sa delivery services, sino ba namang hindi mae-engganyo? Gayunman, may mga alternatibong inumin na healthy at mas mura kaya para iwas-sakit at more ipon, sumubok ng bagong inuming affordable.

5. WALANG IPON. Pagdating ng pay day, magsa-samgyup, minsan naman, nasa inuman o shopping dito, shopping doon, kaya wala pang 24 hours pagkatapos ng suweldo, wala ka nang panggastos sa mga susunod na araw. Ito ang isa sa pinakamalaking pagkakamali ng young adults dahil akala nila, hangga’t may trabaho o pinagkakakitaan, oks lang gumastos nang gumastos, pero sa totoo lang, ang unang dapat gawin pagka-suweldo ay mag-budget. Oks lang maglaan ng pera para sa shopping o pagkain sa labas, pero hindi ito ang dapat iprayoridad. Priority pa rin dapat ang panggastos sa mga susunod na araw at iba pang bayarin.

6. SOSYAL NA DATE. Oks lang naman makipag-date sa mamahaling resto kung may mahalagang okasyon, pero kung wala naman, baka puwedeng sa bahay muna o simpleng selebrasyon lang. Kung hindi afford o out of the budget, maging creative tayo sa pagdating sa celebration. Kering-keri ‘yan!

7. KAIN SA LABAS. Totoo namang masaya ito, lalo na kapag kasama ang mga katrabaho o kaibigan dahil ‘ika nga, ‘di naman masamang mag-unwind paminsan-minsan. Pero ang masama ay ginagawa itong habit at umabot sa punto na nangungutang ka para lang makasabay sa mga katrabaho mo. Kung gusto mong sumama, go lang, pero make sure na afford mo at hindi maaapektuhan ang budget mo.

For sure, relate ka sa ilang pagkakamali rito at ngayong alam n’yo na kung ano ang dapat baguhin at pagtuunan ng pansin, siguraduhing babaguhin n’yo na ito.


Sa panahon ngayon, kailangan nating magpokus sa pag-iipon at hindi sa paggastos. Kuha mo?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page