top of page
Search

ni Jersy Sanchez - @No Problem| November 6, 2020




Halos lahat ay mas tutok na sa gadgets. Mula sa mga bata na busy sa online classes, mga empleyadong naka-work from home at palaging nasa online meeting o virtual conference, gayundin ang mga nasa bahay lang na walang ibang libangan kundi ang magbabad sa internet.


Siyempre, kasabay nito ang madalas na paggamit ng earphone at minsan nga, ilang oras natin itong ginagamit. Pero knows n’yo ba na bagama’t nakatutulong ito sa pag-aaral o trabaho, mayroon din itong masamang epekto?


Ayon sa mga eksperto, ang mga taong exposed sa mataas na noise level ay maaaring magkaroon ng ear noise o acoustic trauma. Dahil dito, mahalagang i-regulate ang noise level at panatilihin ang proper hygiene dahil maaari rin itong magdulot ng external ear infections. Paano nga ba pangangalagaan ang ating mga tainga at pandinig?

1. TAMANG VOLUME. Marahil, para sa atin, mas malakas na volume, mas oksay. At kahit lumalabas pa ang “volume warning” sa ating gadget, dedma tayo. Pero mga besh, hinay-hinay lang dahil mas magandang panatilihin ang volume ng earphones o headphones sa 60% lamang.

2. SPEAKERS. Para sa mga estudyante, inirerekomenda na gumamit ng speaker na may mahinang volume sa halip na earphones o headphones.

3. TAMANG ORAS NG PAGGAMIT. Napi-feel n’yo ba na parang biglang gumagaan ang ating mga tainga pagkatapos ng mahabang oras ng paggamit ng earphones o headphones? Mga besh, hangga’t maaari, huwag lalagpas sa 4-5 oras ang paggamit nito. Mas oks maglaan ng 15 minute break kada oras para makapagpahinga ang pandinig.

4. LINISIN ANG EARPHONE. Kung madalas ginagamit, ugaliing linisin ang earphones o headphones dahil ang maruming gamit ay maaaring magdulot ng impeksiyon tulad ng fungal infection sa ear canal.

5. GUMAWA NG IBANG AKTIBIDAD. Sa halip na magbabad sa internet o maglaro ng online games pagkatapos ng klase, subukang gumawa ng iba’t ibang uri ng aktibidad sa loob ng bahay. Ito ay dahil ang matagal na exposure sa ingay ay nagdudulot ng sakit ng ulo.

6. GAMITIN ANG PAREHONG EARPIECE. Sey ng experts, posibleng lakasan ng gumagamit ang volume kung iisang ear piece lang ang ginagamit, na maaari namang makapinsala sa mga tainga. Kaya para iwas-damage, mas oks gamitin ang dalawang earpiece ng earphones.

Mga nanay at beshies, watch out. ‘Wag kalimutang i-monitor kung gaano na katagal ginagamit ang earphone o headphone kada araw.


Hindi porke madalas nating gamitin, 100% safe na. Tandaan na lahat ng sobra ay nakasasama, kaya para iwas-sakit at pagkasira ng pandinig, make sure na susundin mo ang tips na ito, gayundin, ‘wag ito kalimutang ibahagi sa iyong mga kakilala at kapamilya. Copy?

 
 

ni Jersy Sanchez - @Life & Style| November 3, 2020




Dahil sa mga problemang dala ng COVID-19 pandemic, marami sa atin ang balisa o stressed. Isa na sa mga dahilan nito ay kawalan ng hanapbuhay dahil sa lockdown, habang ang iba naman ay dahil wala nang babalikang trabaho.


Bagama’t normal makaranas ng stress dahil ‘ika nga, parte naman ito ng buhay, kailan nga ba ito dapat tugunan? Ayon sa mga eksperto, dapat tandaan ang acronym na “BASCR”. Para saan ang mga ito?

1. (B) BEHAVIOR. Sey ng experts, kapag palagi nang natataranta o mabilis ang pagkilos ng tao sa panahon ng pandemya, seryoso na ang stress na nararanasan nito.

2. (A) AFFECT. Ito ay tumutukoy sa emotional expression ng tao. Ayon sa mga eksperto, mayroong stressed na tao kung saan palagi siyang down o natatakot kahit walang dapat katakutan.

3. (S) SOMATIZATION. May mga nangyayari umano sa katawan ng tao kahit wala namang problema sa pisikal na aspeto. Halimbawa, tulad ng ilang tao na pakiramdam ay masakit ang kanilang ulo.

4. (C) COGNITION. Palaging may nakalilimutan ang tao. Gayundin, hindi niya kayang mag-multitask kumpara noong bago pa magkaroon ng pandemya. Naalala mo pa ba na noong wala pang pandemya, hindi mo kailangan ng listahan kung mamimili sa grocery, pero ngayon, palagi ka nang may nakakalimutang bilhin?

5. (R) RELATIONSHIP. Mainit ang kanyang ulo at nababaling niya ito sa mga mahal niya sa buhay.


Ito rin ang dahilan kaya naaapektuhan ang kanyang relasyon sa mga mahal sa buhay. Halimbawa, stressed ka dahil ilang buwan ka nang walang trabaho, kaya kapag may maliit na pagkakamali si bunso o sobrang pagod ka sa gawaing-bahay, mabilis kang nagagalit kaya nababaling ito sa iba pang miyembro ng pamilya.

Samantala, para makaiwas sa stress, ipinapayo ng mga eksperto na ‘wag lagyan ng label ang lahat ng bagay. Halimbawa, kapag umubo ang isang tao, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang COVID-19.


Gayundin, inirekomenda na ‘wag mag-self diagnose o i-search lang sa internet ang nararamdaman dahil mas oks pa ring kumonsulta sa doktor para sigurado tayo sa ating kondisyon. Kaya kung ikaw ay feeling stressed ngayong may pandemya, relaks lang, besh! Pahinga, tapos laban ulit. Keri?

 
 

ni Jersy Sanchez - @Life & Style| November 2, 2020




Mula nang maharap tayo sa pandemya, nalaman natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng savings o ipon, gayundin ang tamang pagba-budget. Aminin na natin, hindi lahat tayo ay mayroong kaalaman sa ganitong bagay, kaya nang nahinto sa trabaho, hindi natin alam kung saan tayo kukuha ng panggastos.


Kaya para hindi maulit ang ganitong sitwasyon, narito ang ilang tips para maging financially secured kahit hindi malaki ang iyong suweldo:

1. MONTHLY INCOME. Importanteng malaman ang iyong net income dahil ito ang magiging basehan mo sa lahat ng iyong plano para maging financially stable.

2. TOTAL MONTHLY EXPENSES. Dahil alam mo na kung magkano ang pera na pumapasok sa iyo kada buwan, ang susunod na hakbang ay magkaroon ng record ng gastusin. Mas magandang paghiwalayin ang income at expenses upang hindi magulo ang record. ‘Pag may record na, gumawa ng category ng gastusin. Halimbawa, sa kategoryang ‘utilities’, ilagay ang electric, water at internet bill, tapos ilagay ang halaga ng gastos sa bawat item. Gayundin, gawin ito sa iba pang category tulad ng ‘groceries’ at ‘rent’.

3. IKUMPARA ANG KITA AT GASTOS. Ibawas ang monthly expenses sa income at tingnan ang halagang matitira dahil ito ang magsisilbi mong ‘savings’. Dito mo malalaman kung malaki ang natitipid o nagagastos mo.

4. MAGKAROON NG BUDGET PLAN. Kung medyo malaki ang expenses mo, balikan ang iyong record, markahan ang mga bagay na puwedeng isantabi muna tulad ng yosi, alak, mamahaling skin care product at kung anu-ano pa. Well, puwede mo pa rin namang bilhin ang mga ito, pero make sure na pasok sa budget mo dahil for sure, mayroon pang mas murang brand dito para bumaba pa ang iyong gastos. Gayundin, puwedeng silipin ang iba pang gastusin tulad ng monthly subscription dahil baka puwedeng bitiwan muna ang cable network gayung busy ka naman sa iyong work. Kumbaga, iwasan muna ang gastos kung hindi mo ito lubos na napakikinabangan.

5. ITABI ANG SAVINGS. Agad na itabi ang natirang pera mula sa iyong income at ilagay sa hiwalay na savings account. Magandang magkaroon ng hiwalay na account para hindi mo madalas makita kung magkano na ang iyong ipon. Oks itong gawin para hindi ka matukso na gastusin ito, lalo na ‘pag medyo malaki na ang laman ng account.

Ayan, mga besh, madali lang, ‘di ba? Make sure na disiplinado ka para maging mas madali ang mga hakbang na ito. Ibang-iba ang sitwasyon natin ngayon, para iwas-stress pagdating sa gastusin, pag-aralang mabuti kung paano gagastusin nang tama ang ating kinikita.


‘Ika nga, ‘pag maiksi ang kumot, matutong mamaluktot. Keri?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page