top of page
Search

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| September 15, 2021




Tulad ng palaging sinasabi sa atin, hindi basta-basta ang pag-aasawa dahil ito ay panibagong yugto ng buhay kung saan napakaraming pagbabago. Marahil, ito rin ang dahilan kaya maraming mag-partner na ayaw munang mag-asawa.


Kung tutuusin, kailangan nating maging bukas pagdating sa ganitong usapin para maiwasan ang ilang problema sa future. Kaya ang tanong, anu-ano ang mga bagay na dapat pag-usapan ng mag-dyowa kung nagbabalak na silang magpakasal o mag-settle?


1. ANO’NG UTANG ANG MAYROON SIYA? Hindi naman talaga romantic ang tanong na ito, pero ito ay para magkaroon tayo ng malinaw na ideya tungkol sa financial situation ng iyong partner na makatutulong upang maiwasan ang anumang financial problems sa future. Halimbawa nito ay ang credit card bills at car loan. Kadalasan, hindi ka responsible sa utang ng iyong partner bago kayo ikasal, pero ang anumang utang na mayroon kayo gamit ang inyong joint account, parehas kayong responsible rito.


2. SINO ANG RESPONSABLE SA PAGLILINIS NG BAHAY? Bagama’t dedma sa atin ang tanong na ito sa umpisa ng pagsasama, base sa isang research poll, 62% ng lahat ng US adults ang nagsabing ang pagtutulungan sa gawaing-bahay ay mahalagang parte ng marriage. Bago magpaksal, tanungin si partner tungkol sa kanyang attitude sa paghahati ng gawaing-bahay.


3. KUNG GUSTONG MAGKAANAK, KAILAN? Isa rin sa mahalagang malaman ay ang kagustuhan ng iyong partner na magkaroon ng anak dahil ang bagay na ito ay isang “potentially relationship-ending” issue. Sey ng experts, bagama’t marami tayong bagay na puwedeng i-compromise, ang pagkakaroon ng anak ay hindi kabilang dito. Gayunman, kung na-establish na sa inyo na gusto n’yong magkaroon ng mga anak, mahalaga ring malaman ang timeline o plano ng inyong partner kung kailan ito.


4. PAANO RERESOLBAHIN ANG MGA PROBLEMA? Sa panahon na ikinukonsidera mo nang mag-settle, tiyak na alam mo na kung paano siya mag-handle ng mga problemag puwede n’yong kaharapin bilang mag-asawa. Pero mga besh, mahalaga pa ring pag-usapan n’yo kung paano n’yo reresolbahin nang magkasama ang mga problemang ito.


5. KAYA BANG SUMUNOD SA BUDGET? Mahalagang magkasundo kayong mag-partner pagdating sa pagba-budget, paggastos at pag-iipon dahil kung hindi, malaking problema ito. Ayon sa mga eksperto, ‘pag nagkaroon ng problema sa pera ang mag-partner, puwede itong mauwi sa financial infidelity tulad ng hindi makontrol na paggastos, pagsisinungaling at pagtatago ng ibang finances— na makasisira ng relasyon. Kaya ngayon pa lang, mahalagang obserbahan ang iyong partner pagdating sa kanyang spending habits at tingnan kung gaano ito ka-compatible sa iyong pag-uugali. Kung hirap siyang sumunod sa budget at hirap kang i-handle ito, isip-isip muna.


6. GAANO KARAMING “ALONE TIME” ANG KAILANGAN? Marahil, maraming mag-partner na gustong palaging kasama ang kanilang partner, pero may iba ring kailangan ng “alone time” para i-pursue ang kanilang independent hobbies o magkaroon ng oras kasama ang kanilang mga kaibigan. Ang pag-unawa sa solo at “couple time” ay nakatutulong upang maiwasan ang mga pagtatalo pagkatapos ng honeymoon phase. Para magawa ito, make sure na maging honest kayo kung gaano n’yo pinahahalagahan ang pagkakaroon ng alone time at couple time.


Real talk, napakalaking tulong ng mga katanungang ito dahil for sure, magkakaroon kayo ng ideya kung paano maiiwasan at sosolusyunan ang anumang problema na darating sa inyong pagsasama.


Kaya para sa mga beshies natin d’yan na nagbabalak nang magpakasal, make sure na gagawin n’yo ito, ha? Keri?



 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| September 14, 2021




Marami sa atin ang umiinom ng over-the-counter medicines para mabilis na masolusyunan ang sakit ng ulo. Pero mga besh, knows n’yo ba na puwede nating malabanan ang sakit ng ulo nang walang iniinom na gamot?


Halimbawa nito ang relaxation techniques, acupressure o warm compress na nakatutulong upang makaramdam ng ginhawa. Gayunman, narito ang ilang home remedies kontra sakit ng ulo na dapat nating malaman:


1. HOT O COLD COMPRESS. Para sa sakit ng ulo na nagsisimula sa isang area at mapupunta sa ibang parte ng ulo tulad ng migraine headaches, maglagay lamang ng cold compress sa parte kung saan unang naramdaman ang sakit. Sey ng experts, ang malamig na temperatura ay may ‘numbing effect’ na nakakapagpawala ng sakit. Upang gawin ito, maglagay ng damp towel sa freezer sa loob ng 10 minuto, habang oks din ang paggamit ng ice pack. Samantala, para sa tension headache, mas mabuting gumamit ng hot compress. Ang tension headache ay kadalasang resulta ng stress at ang pagre-relaks ng stiff neck at shoulder muscles ay makatutulong upang ma-relieve ang ganitong uri ng sakit ng ulo.


2. ACUPRESSURE. Ito ‘yung paglalagay ng pressure sa espesipikong parte ng katawan sa loob ng ilang minuto. Ayon sa mga eksperto, higit itong nakatutulong sa batok o base ng skull, nakatutulong din sa pagrelaks ng tensyon sa muscles sa leeg, na kadalasang apektado ng tension headaches. Upang gawin ito, base sa mga hakbang mula sa Memorial Sloan Kettering Cancer Center, hanapin ang espasyo sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo ng kaliwang kamay, ito ang magiging pressure point LI-4 o Hegu. Ilagay ang kanang hinlalaki at hintuturo sa pressure point saka igalaw ang dalawang daliri paikot habang nilalagyan ng pressure. Tandaan, kailangang maging firm, pero hindi ka dapat masaktan. Gawin din ito sa kanang kamay at ulitin ang proseso sa loob ng limang minuto.


3. RELAXATION TECHNIQUES. Kabilang dito ang yoga, meditation at breathing exercises, na nakatutulong sa ibang klase ng sakit ng ulo, partikular ang cluster headaches. Ang naturang uri ng sakit ng ulo ay nararamdaman naman sa likod ng mata, at puwede itong ma-relieve sa pamamagitan ng deep breathing exercise. Halimbawa nito ang rhythmic breathing o ang paghinga nang mahaba, mabagal at pagbilang mula isa hanggang lima kasabay ng pag-inhale at exhale. Samantala, ang yoga at meditation ay makatutulong sa tension at migraine headaches dahil nakarerelaks ito ng katawan at nakababawas ng stress.


4. DIET. Yes, beshie! Ang mga pagkaing may phenylalanine at tyramine ay nakapagpapataas ng frequency ng migraine headaches para sa ibang tao. Gayunman, ang phenylalanine ay amino acid na kadalasang nakikita sa artificial sweeteners, MSG at mga pagkaing may nitrate tulad ng processed meat. Ang tyramine naman ay isang compound na napo-produce ng breakdown ng amino acids at natatagpuan sa smoked o fermented food, nakalalasing na inumin, at aged cheese tulad ng parmesan at blue cheese. Para maiwasan ang sakit ng ulo, suggestion ng experts, kumain ng tatlo hanggang apat na ‘small meals’ sa buong araw, sa halip na dalawang large meals. Ang mga pagkaing mayaman sa protein at dietary fiber tulad ng almonds at cherries ay makatutulong din sa paglaban sa sakit ng ulo.


5. STAY HYDRATED. Of course, kailangan ng mas maraming tubig at bawasan ang pag-inom ng dehydrating beverages tulad ng alak at kape. Sey ng experts, uminom ng 8 hanggang 16 ounces ng tubig kada dalawa hanggang tatlong oras kapag nakararamdam na ng kaunting sakit ng ulo. Samantala, ang caffeine ay posible ring sanhi ng sakit ng ulo, lalo na kung regular itong kinokonsumo at biglang inihinto. Gayunman, posibleng maging tricky ang caffeine dahil nakatutulong ito sa ibang uri ng sakit ng ulo tulad ng migraine, pero ang labis na pagkonsumo ng kape ay nagreresulta sa dehydration na nagdudulot ng migraine.


6. VITAMINS O SUPPLEMENTS. Maraming vitamins, supplements at herbal remedies na nakapipigil sa sakit ng ulo, partikular sa migraine. Ang natural remedies na ito ay nakatutulong upang mapaganda ang sirkulasyon, nagsisilbing anti-inflammatory, nagdadala ng maraming oxygen sa tissues, nagbibigay ng muscle relaxation at nagbibigay ng direct pain relief. Halimbawa ng supplements na inirerekomenda ng mga eksperto ay ang magnesium, riboflavin, coenzyme Q10, chamomile at feverfew.


Tandaan na ang mga nabanggit ay home remedies lamang, kung saan posibleng makatulong sa iyong nararamdaman o hindi. Pero kapag walang umepekto sa mga ito, ‘wag magdalawang-isip na magpatingin sa doktor.


Sa ganitong paraan, malalaman ang mas dapat gawing hakbang upang tuluyang mawala ang nararamdamang sakit ng ulo. Okie?



 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| September 12, 2021




Lahat tayo ay mayroong ‘friend’ na hindi natin palaging nakakasundo. Hindi naman siya ‘frienemy’, pero ang taong ito ay madalas na nagdudulot ng stress sa atin at minsan pa, madalas humingi ng pabor na hindi naman niya kayang gawin ‘pag siya na ang nasa posisyon mo. Naku, toxic friend ang tawag d’yan!


Well, kung may tao kang naaalala sa mga nabanggit, para sa iyo ‘to! Kaya naman, anu-ano nga ba ang senyales na toxic ang iyong itinuturing na BFF?


1. ONE-SIDED. For sure, lahat tayo ang todo-support sa ating BFF sa lahat ng pagkakataon at minsan nga, tayo pa ang nagsisilbing therapist ng isa’t isa. Agree? Well, kung palagi kang nand’yan para sa kanya pero hindi siya ganu’n sa iyo, “one sided friendship” ang tawag d’yan.


2. ‘DI SIYA MASAYA PARA SA ‘YO. Halimbawa, na-hire ka na sa dream job mo o nagkaroon ka ng bagong love life, siyempre, napakasaya ng moment na ‘to, pero kapag ang BFF mo ay hindi masaya para sa ‘yo… alam na! Kung na-experience mo ito, malamang na ayaw niyang mag-grow ka o gusto niyang nasa iisang lugar o phase ka lang ng buhay para hindi mo siya malamangan. Tandaan, ang tunay na kaibigan ay palaging sumusuporta sa anumang gusto mong gawin, lalo na kung para ito sa ikabubuti mo.


3. ‘DI KA KOMPORTABLE SA KANYA. Hindi porke madalas kayong magkasama, ibig sabihin ay close talaga kayo. Tandaan, sa ‘close friendships’, keri ninyong maging totoo sa isa’t isa nang hindi naba-bother kung mahuhusgahan ka. Gayundin, malalaman mong toxic ang iyong friend kapag nar’yan siya, pero hindi mo kayang magpakatotoo dahil hindi ka komportable sa presensiya niya.


4. ‘DI TUMATANGGAP NG KRITISISMO. Kapag ang bestie mo ay mahilig magbigay ng ‘constructive criticism’, pero minsan ay hindi naman nakatutulong ang mga sinasabi niya. At kapag ikaw na ang gumawa nito, ‘di naman niya matanggap at minsan, nagagalit pa siya sa ‘yo.


5. GUILT TRIPPING. Sey ng experts, sa isang healthy friendship, oks lang magpahayag ng iyong feelings nang hindi nahihiya o natatakot na ma-reject. Gayundin, ang mga tao na prone sa toxic dynamics ay alam na alam kung paano ka kokonsensiyahin, lalo na ngayong close na kayo, at besh, kung palagi niya itong ginagawa sa iyo, alam na!


6. ‘DI KA CONFIDENT ‘PAG KASAMA MO SIYA. Ang isa pang problema sa toxic friendship ay nagkakaroon na rin ito ng epekto sa iyong sarili. Isang senyales na apektado ka na ay ang pagbaba ng iyong confidence, isolation at dissatisfaction sa buhay.


Besh, ‘ika nga, ‘pag toxic na, bitaw na. Sa totoo lang, marami pa tayong makikilala na mas better sa ‘friend’ mong ito. At kapag apektado na pati ang self-esteem mo, for sure na hindi siya makabubuti sa iyo.


Sabi nga, mawala na ang lahat, ‘wag lang ang kaibigan, pero ‘pag toxic ang iyong bestie, oks lang ‘yan. Piliin mo pa ring pahalagahan ang iyong peace of mind kesa sa relasyon sa ibang tao. Okie?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page