top of page
Search

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| December 02, 2021





Nabalot ng takot ang ospital na pinagtatrabahuhan ni ‘Ms. F’, 51, head nurse ng surgical - ICU department sa Quezon City General Hospital (QCGH) nang magkaroon ng unang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kanilang ospital.


Dahil dito, kani-kanyang tanggi ang mga nurses sa pag-duty sa COVID-19 ward dahil na rin sa takot na mahawahan ang pamilya ng mga ito, at ang mga kasamahan nilang ayaw mag-duty ay napilitang mag-resign. Bagay na lalong nagpahirap sa sitwasyon dahil nang mga panahong ‘yun ay maraming namamatay sa sakit.


Aniya, lahat sila ay natatakot dahil sa dami ng namamatay at dagdag pa niya, “Lahat kami napaisip, na baka katapusan na ng mundo, bakit ganito ang nangyayari?”


Dahil sa kakulangan ng staff, apektado ang work force at maging siyang head nurse ay napilitang mag-duty sa COVID ward. Saad pa ni Ms. F, minsan ay naging na lang ang duty, kung saan hahatiin ang mga staff sa ibang ward at COVID ward at nagiging straight pa ang isang duty.


Bagama’t hindi masisisi ang mga kasamahan nilang nag-resign dahil sa takot, kinailangan nilang maglakas-loob na pumasok sa COVID ward mula noong Mayo 2020, kahit pa posibleng mahawahan o makapag-uwi sila ng sakit o umabot pa sa puntong halos hindi na sila umuuwi at malayo sa kani-kanilang pamilya.


Paliwanag ni Ms. F, binigyan ng sila kuwarto ng ospital nang sa gayun ay walang uwian kung may duty at pagkatapos ng 14 days quarantine, makakauwi na aniya sila kung negative sa swab test. Sa loob ng isang buwan, tatlong linggo silang nasa ospital at isang linggo sa bahay ‘pag negatibo sa sakit.


Nang tanungin kung ano ang iba pang hamon para sa kanilang mga nasa frontline bukod sa peligro ng pagharap sa COVID patients, aniya, “Pinakamahirap ‘yung magsuot ng PPE (personal protective equipment) at hasmat suit. Parang hindi ko kaya, pero ‘pag pupunta sa COVID ward, maaawa ka sa sitwasyon ng mga pasyente kasi halos maya’t maya, may namamatay. Maiiyak ka na lang dahil wala kang magawa kasi nagkakamatayan sila.


Pagpasok mo ru’n, mawawala yung fear mo kahit hindi ka na makahinga at pawis na pawis ka dahil sa hasmat.”


Habang suot ang hasmat, tila umano giyera ang pagpasok sa COVID ward habang kitang-kita ang kaawa-awang mga pasyente. Aniya, “Gusto nilang makita ‘yung kamag-anak nila, pero hindi nila makita, hindi mo rin maibigay ‘yung sapat na medical care kasi lahat naka-hasmat.


Ang hirap eh, pero kailangan ‘yun para fully protected ka.


“Kapag nandu’n ka na, kakayanin mo na kasi marami kang gustong gawin, pero hindi mo kaya dahil mag-isa ka, lalo na’t kulang kami dahil sa dami ng nag-resign. Isa pa, kulang ang oras, kaya iisipin mo talaga kung paano sila mabubuhay. Mato-trauma ka pa kasi makikita mo na hirap na hirap silang huminga, at gusto man namin silang tulungan, hindi kami basta-basta nakakapasok. ‘Yung mga kasama ko, nag-iiyakan na rin, sinasabi nila, ‘Bakit ganu’n, maraming namatay nang walang laban dahil sa COVID?’”


Gayundin, dahil sa dami ng pasyente, umabot pa aniya sa punto na kinailangan nilang mamili ng pasyenteng isasalba. Aniya, “Sobrang lungkot kasi gusto mo siyang mabuhay pa.


Pagdating pa lang ng pasyente, tinitingnan na ng mga doktor kung kaya pang isallba, at ipapaliwanag sa pasyente at bantay na ganu’n na ‘yung sitwasyon. Nag-iiyakan na lang sila, siyempre, masakit ‘yun sa loob.”


Sa puntong ‘yun, naisip ni Ms. F na mabilis lang ang buhay, lalo na sa panahon ng COVID-19 pandemic. Aniya, “Medically, hindi mo magawa lahat, tapos wala pang sapat na gamot para mabigyan ng lunas ‘yung sakit nila at wala ka pa sa pamilya mo, mag-isa ka lang talaga.”


Hindi lang din immune system ang apektado sa sakit dahil aniya, nade-depress din ang mga tinatamaan ng sakit, lalo na ang mga doktor na naging pasyente dahil tinamaan ng sakit. Minsan pa umano, may pasyenteng tumalon sa building ng ospital dahil hindi nito matanggap na nagpositibo siya sa COVID-19.


At maging siya ay nakaranas din ng depresyon dahil sa matagal na panahong malayo sa pamilya dahil sa sitwasyon sa kanyang trabaho. Ngunit kailangan umanong labanan ang kalungkutang dala ng depresyon para sa kanyang dalawang anak na edad 16 at 9 nang panahong ‘yun.


Kahit negatibo umano ang resulta niya sa swab test, natatakot siya tuwing uuwi kaya minamabuti niyang humiwalay pa rin bilang karagdagang pag-iingat. Aniya, sakripisyo umanong maituturing na hindi niya mayakap ang dalawang anak para sa kanilang kaligtasan.


Laking pasasalamat din ni Ms. F na nauunawaan ng kanyang mga anak ang sitwasyon sa kanyang trabaho sa tulong ng kanyang mga kapatid na nag-aalaga sa mga ito.


Noong Disyembre nakaraang taon, huminto na siya sa pagduduty sa COVID ward dahil nagdesisyon umano ang management ng ospital na i-pull out ang mga head nurse dahil na rin nagkaroon na ng mga bagong staff.


Payo ng health worker, palakasin ang resistensiya dahil isa umano ito sa mga panlaban sa sakit. Gayundin, regular na mag-ehersisyo upang hindi kapitan ng iba pang sakit.


Isa pa sa maipapayo niya na patatagin pa ang relasyon sa pamilya at Diyos, aniya, “Kung gaano katatag ang relasyon ninyo bilang pamilya, ‘yun ang kakapitan mo para maging emotionally strong.”


Bilang head nurse, palagi rin aniyang ipinaalala sa mga kasamahan na ‘wag kalimutan ang malasakit sa isa’t isa, lalo na sa mga pasyente. Saad niya, “Palagi kong sinasabi sa mga kasama ko na, ‘Kapag nag-duty kayo, ‘wag lang duty. Isipin niyo na puwedeng mangyari sa inyo ‘yung nangyayari sa pasyente. Importante ang concern sa pasyente, hindi ‘yan dapat nawawala’.”


Samantala, mapalad tayong makapanayam ang isa pang kasamahan ni Ms. F sa QCGH upang makapagbahagi pa ng kanyang naging karanasan bilang health worker at COVID survivor.


Si ‘Ali’, 32, nurse sa parehong ospital, bagama’t nakatalagang mag-alaga at tumugon sa COVID-19 patients, hindi siya nakaiwas sa sakit matapos ma-test siyang asymptomatic noong Agosto 2020. Aniya, mahirap mag-quarantine, lalo pa’t mag-isa siya at malayo sa pamilya.


Bilang health worker na naka-assign sa COVID ward, pinakamahirap umano ang pagsusuot ng PPE. Aniya, “Bago ka mag-alaga ng COVID patient, kailangang naka-PPE ka, na sadyang nakakabagal sa kilos naming health workers, pero kailangan para sa proteksiyon namin.”


Natutunan aniya na mahalaga ang pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat. At makakaya natin ang lahat basta meron nito at marunong sumunod sa mga nararapat na gawin.


Bilang medical frontliner, nais niyang ipaalala sa lahat na maikli lamang ang buhay.


Paliwanag niya, “Sa isang segundo o saglit, maaari tayong mawala at pumanaw. Maaaring magkaroon na naman ng mga sakit na mahirap malunasan, kaya dapat, tayo ay laging handa, hindi lamang sa pisikal, kundi spiritual. At palaging magdarasal at hihingi ng gabay sa Diyos sa buhay.”


Literal na buwis-buhay ang ating medical frontliners para makapagsalba ng mas maraming buhay ng ating mga kababayan.


Ngunit sa dami ng hamon na kanilang kinaharap at patuloy na hinaharap, maging sila mismo ay hindi nakaiwas sa nakamamatay na sakit at nakaranas ng bagsik nito.


Sa ating magigiting na frontliners, maraming-maraming salamat sa inyong tapang at sakripisyo para sa milyun-milyon nating kababayan.


‘Ika nga, kayo ang modern heroes sa panahong ito, kaya walang hanggang pagsaludo at pasasalamat sa inyong lahat na nasa unahan ng labang ito.



 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| November 28, 2021





Na-miss nating lahat ang “big screen” o ‘yung panonood ng sine. Agree?


‘Yung tipong, ito ang madalas na bonding ng mga mag-dyowa at pamilya tuwing weekend o date night, kaya naman nang magka-pandemic ay kani-kanyang diskarte na lamang para ma-experience pa rin ang “theater vibes” kahit nasa bahay lamang.


Pero ngayong pinapayagan na ulit ang panonood ng sine, anu-ano nga ba ang mga pagbabago na dapat nating asahan?


1. ITSEK ANG MGA GAMIT. Hindi lamang wallet, phone at keys ang dapat nating dalhin kung nagbabalak manood ng sine. Kailangang may dala rin tayong face masks at hand sanitizer o alcohol, gayundin ang vaccination cards dahil requirement na ito bago makapasok sa sinehan.


2. KUMAIN BAGO ANG SHOW. Karamihan sa mga sinehan ay hindi pinapayagan ang mga manonood na kumain o uminom sa loob nang sa gayun ay maiwasan ang pagtanggal ng mask. Kaya naman bago pumasok sa theater, tiyaking busog kayo para hindi magutom sa kalagitnaan ng panonood.


3. PUMILI NG PUWESTO. Hindi man tayo eksperto pagdating sa air flow, kung susuriin, ang mas ligtas na puwesto sa loob ng sinehan ay ang malayo sa mga tao o ‘yung hindi masyadong dinaraanan. Bagama’t may social distancing na ipinatutupad, ang pinakaligtas na puwesto ay ang corner seats at top row. Kung sinuwerte kang makuha ang seats na ito, make sure na nakapag-bathroom break na bago ang show nang sa gayun ay maiwasan ang pagtayo o paglabas ng sinehan habang nanonood.


4. PUMILI NG ORAS. Kung noon ay keri lang manood ng sine kahit ano’ng oras natin gustuhin, ngayon ay medyo kailangan na nating ibahin ang nakasanayan. Mas oks manood sa off-peak hours upang makaiwas sa pagdagsa ng mga tao. Kung kaya mong manood sa weekdays, mas oks dahil for sure, halos solo mo ang sinehan. Pero kung sa ticketing booth pa lang ay makikita mo nang maraming tao, mas mabuting ipagpaliban muna ang panonood.


5. SULITIN ANG EXPERIENCE. Well, given nang may risk ang paglabas sa panahong ito, kaya naman make sure na mae-enjoy ninyo ang experience na ito. Paano? Piliin ang pelikula na gusto mo talagang panoorin, ‘yun bang worth it itong makita sa big screen.


6. TEST & QUARANTINE. Bagama’t hindi ito required, kung afford mong magpa-test, go lang. Mag-quarantine lamang ng at least isang linggo o magpa-test tatlong araw matapos ang paglabas. Masyadong ma-effort man ito para sa iba, hindi naman masama na maging maingat, lalo pa’t hindi natin kilala ang mga taong nakasalamuha natin sa labas.


Totoo maraming konsiderasyon sa panonod ng sine habang may pandemya, gayundin ang risk na kasama nito. Pero dahil sobrang na-miss ito ng marami sa atin, hindi nawawala ang “magic” na ibinibigay nito sa atin kapag nanonood ng movie sa big screen.


‘Yun nga lang, kasabay nito ang dobleng pag-iingat nang sa gayun ay hindi tayo makasagap ng sakit pagkatapos mag-enjoy. Okie?


 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| November 23, 2021





Marami sa atin ang hindi kumpleto ang araw kapag hindi nakapagkape. Agree?


‘Yung tipong, parang hindi tayo makapag-function kapag walang kape sa umaga, habang ‘yung iba naman, ginawa nang tubig ang kape, hala!


Pero mga bes, knows n’yo ba na ang “daily coffee habit” natin ay posibleng makapagpahaba ng buhay at nakapagpapababa ng tsansa na magkaroon tayo ng cardiovascular disease? Wow!


Sa isang pag-aaral na na-publish sa The Journal of Nutrition, ang “moderate consumption” o pag-inom ng tatlo hangang apat na Italian-style coffee kada araw ay may kaugnayan sa lower mortality. Sa naturang pag-aaral, inobserbahan din ang 20,000 kalahok sa loob ng walong taon.


Bago ang pag-aaral, walang kalahok na nakaranas ng cardiovascular disease o cancer, at ang kanilang coffee intake ay sinusukat gamit ang 30ml cup o standard size ng Italian espresso cup.


Natuklasan ng mga researcher na kumpara sa mga hindi umiinom ng kape, ang mga kalahok na kumokonsumo ng tatlo hanggang apat na espresso kada araw, ang mga ito ay nauugnay sa lower risks ng all-cause mortality, partikular ang cardiovascular disease.


Ito ay dahil sa partikular na compound na tinatawag na NT-proBNP, base sa mga scientist.


Gayunman, ayon sa pag-aaral na nai-publish ng grupo ng researchers sa PLOS Biology, ang health benefits na ito ay posibleng may kaugnayan sa caffeine dahil napag-alaman na ang apat na shots ng espresso kada araw ay ideal para makuha ang health benefits ng kape.


Samantala, sa isa pang pag-aaral mula sa JAMA Internal Medicine, kahit ang pag-inom ng decaffeinated coffee ay may benepisyo rin sa overall health.


Sa bagong pag-aaral mula sa New England Journal of Medicine, may nakitang ugnayan ang pagkonsumo ng kape at mababang tsansa ng pagkakaroon ng chronic illness; habang sa iba pang research, posibleng ang benepisyo nito ay reduced risk ng cancer, cirrhosis at depresyon.


Sa kabilang banda, may pag-aaral din na nagsasabing ang labis na pag-inom ng kape sa isang araw ay may masamang epekto.


Base sa research mula sa University of South Australia noong 2019, ang pagkonsumo ng anim o higit pang cup ng kape kada araw ay 22% na nakapagpapataas ng panganib na magkaroon ng heart disease.


Habang maraming pag-aaral na sumusuporta sa mga benepisyo ng kape, make sure na kontrolado ninyo ang pagkonsumo nito. At kapag may naramdamang kakaiba, upang makasigurado ay kumonsulta sa inyong pinagkakatiwalaang doktor at sundin ang ipapayo o irerekomenda nito.


Tulad ng palagi nating sinasabi, ang lahat ng sobra ay nakasasama kaya hinay-hinay lang, mapa-kape man ‘yan o anumang inumin. Copy?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page