top of page
Search

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| January 27, 2022





Kamakailan, nakapagtala tayo ng libu-libong bagong kaso ng COVID-19 sa bawat araw.


Sa dami ng naitatalang kaso, karamihan dito ay pami-pamilya ang tinamaan, kaya naman ang ending, sama-samang nag-isolate sa bahay.


Kadalasang mild ang sintomas ng mga tinamaan ng sakit, kaya naman keri nang sa bahay na lamang magpagaling at magpalakas. Pero ang tanong, pagkatapos makarekober sa COVID-19, anu-ano ang dapat gawin? Beshies, narito ang ilang tips para sa wastong pagdi-disinfect ng bahay:


1. GLOVES & MASK. Bago sumabak sa pangmalakasang paglilinis ng bahay, siguraduhing protektado ka sa pamamagitan ng pagsusuot ng gloves at mask. Mahalagang hakbang ito nang sa gayun ay hindi direktang dumikit sa iyong mga kamay ang gagamiting disinfectant, gayundin upang hindi ito malanghap.

2. BUKSAN ANG MGA BINTANA. Para matiyak na may sapat na airflow, buksan ang mga bintana habang naglilinis.


3. PALITAN ANG BED SHEETS. Bukod sa mga nagamit na damit, labhan din ang nagamit na bed sheet at ilagay sa “warm” ang water setting ng inyong washer at tiyaking matutuyo ito nang maayos. Gayunman, kung mano-mano ang paglalaba, gumamit lamang ng maligamgam na tubig na pangbanlaw sa mga labahan.


4. BATHROOM & TOILETS. Siyempre, isama na rin natin ang CR, lalo pa’t madalas itong ginagamit ng pamilya. Tiyaking na-disinfect nang tama ang toilet, lababo atbp.

5. BLEACH-WATER SOLUTION. Ayon sa Philippine Hospital Infection Control Society, maaaring gumamit ng tatlo hanggang apat na kutsaritang bleach sa isang galong tubig. Gumamit lamang ng basahan na may kaunting bleach water solution at punasan ang mga surface na madalas mahawakan tulad ng switch ng ilaw, door knob, lamesa at upuan.


Napakahalaga ng wastong pagdi-disinfect ng bahay, nagka-COVID-19 man tayo o hindi.


Tandaan na kailangang maging ligtas ng ating tahanan sa lahat ng pagkakataon kaya tiyaking tama ang paglilinis nito, lalo na kung may mga miyembro ng pamilya na posibleng makapagdala ng virus dahil palaging nasa labas. Stay safe, ka-BULGAR! Okie?


 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| January 24, 2022





Ang sarap sa feeling na makaipon. Agree? ‘Yung tipong, maliit man o malaki ang perang naitabi, sobrang saya sa feeling dahil alam nating pinaghirapan natin ito.


At ngayong bagong taon, sabi nga, “2022 is ipon year”, kaya for sure, maraming mag-a-attempt na mag-ipon, pero ‘di alam kung paano. Well, don’t worry dahil we got you!


Narito ang ilang “ipon challenges” na puwede n’yong subukan ngayong taon:



1. INVISIBLE 50s. Marami nang gumagawa nito, kung saan kapag mayroon kang P50, awtomatiko itong magiging “invisible” para sa iyo dahil kailangan mo agad itong itabi. Kung magtatabi ka ng P50 kada araw, makakalikom ka ng P18,250 sa katapusan ng taon. Gayunman, puwede mo itong gawin sa P100 bill dahil ang katumbas nito ay P36,500 kung magtatabi ka ng P100 kada araw. Kung keri ng mas mataas pa tulad ng P500 per day, makakaipon ka ng P182,500 sa katapusan ng taon. Wow!


2. CALENDAR IPON CHALLENGE. Puwede mong kabitan ng “bulsa” o lagyan ng plastic bag ang bawat petsa sa kalendaryo para paglagyan ng pera. Depende na sa ‘yo kung magkano ang trip mong ilagay, basta ang importante ay may maitatabi ka bawat araw. Ayon sa financial planner, epektibo ang paraang ito dahil magandang motivator ang “visual” na paalala para sa pag-iipon.


3. 50-30-20 RULE. Sa true lang, matagal nang ginagawa ang paraang ito. Ayon sa mga eksperto, kailangang ilaan ng isang indibidwal ang 50% ng kanyang suweldo sa mga pangangailangan, 20% para sa savings o investments at 30% para sa “happy fund” o ‘yung mga bagay na nagpapasaya sa ‘yo, kumabaga, mga luho.

4. AUTO-INVEST PROGRAM. Swak ang paraan na ito para sa mga gustong mag-ipon pero nahihirapan. Paliwanag ng eksperto, ito ay “forced saving” kaya tuloy-tuloy ang pag-iipon at walang choice ang isang indibdiwal kundi magtabi ng pera at kalaunan ay nagiging habit na ang pag-iipon. Ayos!


‘Ika nga, hindi mo kailangang magkaroon ng malaking suweldo para makapagsimulang mag-ipon. Ang tanging kailangan natin ay disiplina at tiwala sa sarili.


Kaya para sa mga beshy nating kasama sa New Year’s resolution ang pag-iipon, try n’yo na ang mga ‘to. Good luck!


 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| January 16, 2022





Sa pagpasok ng 2022, ramdam ang pagtaas ng demand ng mga gamot laban sa sipon, ubo at trangkaso. Kaya naman dinadagsa ang maraming botika at nagkaubusan pa ng stock ng ilang brand ng gamot.


Gayunman, sa gitna ng mataas na demand, hindi natin dapat kalimutan na lehitimong gamot lamang ang dapat nating bilhin at inumin dahil baka imbes na ginhawa, eh, makaperhuwisyo pa.


Kaya para iwas-pekeng gamot, narito ang ilang bagay na kailangan nating tandaan upang hindi mabiktima:

1. SOURCE. Ayon sa mga eksperto, mahalagang malaman ng publiko kung saan galing ang biniling gamot. Mabuti umanong galing sa lisensiyadong botika o rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA). Gayundin, inirerekomenda sa publiko na alamin kung saang kumpanya galing ang produkto at maaaring itsek kung ito ay lehitimo.


2. RECOMMENDED. Mas okay kung inirerekomenda ng pharmacist ang gamot at hindi ‘yung bibilhin natin dahil ayon sa ibang tao ay epektibo ito.

3. LABEL. Payo ng mga eksperto, mahalagang tingnan ang impormasyong makikita sa label ng mga binibiling gamot. Halimbawa, kailangang malinaw na nakasaad kung ilang mg ito, gayundin may expiration date. Gayunman, kung naka-bote ang gamot, tingnan ang lot number, manufacturing date at expiration date. Rito kasi nakasaad kung kailan ginawa ang gamot at kung tumupad sa FDA requirements pagdating sa labeling.


4. SIZE & WEIGHT. Bukod sa label, kailangan ding suriin ang size at bigat ng nabiling gamot. Sey ng expert, dapat pantay-pantay ang laki ng mga gamot sa isang banig ng tablet at dapat walang damage ang mga tableta.


Ayon sa mga eksperto, maraming maaaring bilhan ng mura ngunit lehitimong gamot sa bansa.

Pero tandaan, hindi lahat ng mura ay peke dahil sa totoo lang, maraming generic products na mura at epektibo, ngunit kailangan nating maging mapanuri bago bumili.


Kaya ngayong knows n’yo na, maging wais at iwasang magpaloko para iwas-fake. Okie?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page