top of page
Search

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| May 5, 2022



Palapit na nang palapit ang halalan, kaya naman ang tanong, handa na bang bumoto ang lahat? Kung hindi pa, don’t worry dahil we got you!


Pero bago ang lahat, ipaalala muna natin na ang halalan ay hindi ordinaryong araw. Bagkus, napakahalaga nito dahil ito ang araw kung kailan tayo magluluklok ng panibagong mga lider na mamumuno sa ating bansa.


Dahil dito, hinihikayat natin ang lahat na bumoto at ‘wag sayangin ang pagkakataong ito upang maging bahagi ng pagpili ng mga bagong lider.


Kaya para sa smooth at iwas-aberyang pagboto, narito ang mga dapat at ‘di dapat gawin sa araw ng halalan:


1. ALAMIN ANG PRECINCT NUMBER. Bago pa man ang araw ng botohan, kailangang alam natin kung saang presinto tayo dapat magtungo. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pananatili nang matagal sa polling place. Para malaman ang precinct number, magtungo sa precinct finder ng Commission on Elections (Comelec). Kailangan lamang ilagay ang iyong pangalan at kung saang distrito at lungsod ka nakarehistro at makikita mo na kung saang presinto ka nakatakdang bumoto. Gayunman, kung hindi makikita ang pangalan sa precinct finder, maaaring magtungo sa opisina ng election officer para maberipika kung saan ang iyong presinto.


2. MAGDALA NG ID. Bagama’t hindi requirement sa pagboto ang ID, mabuti pa ring magdala nito upang mabilis na maresolba ‘pag nagkaroon ng problema sa pagkakakilanlan.


3. KODIGO. Sa dami ng kailangan nating iboto, oks lang naman na gumamit ng kodigo. Magandang paraan ito upang maiwasan ang pagkakamali sa pag-shade ng mga ibobotong kandidato, gayundin upang hindi magtagal sa pagpili kung sino ang iboboto sa mismong araw ng eleksiyon.


4. PROTEKTAHAN ANG BALOTA. Bago simulan ang pag-shade, tiyaking malinis ang balota at walang anumang sira o dumi. Ayon kasi sa batas, ang “spoiled” ballot ay hindi tatanggapin ng machine at kung ito ay kasalanan ng botante, hindi na maaaring magbibigay ng panibagong balota. Gayunman, kung nakatanggap ng spoiled ballot bago pa man ito i-shade, ipagbigay-alam sa poll officer nang sa gayun ay mapalitan ito. Isa pang paalala, tiyaking tama ang pag-shade at iwasang mag-over vote upang hindi masayang ang iyong boto. Samantala, puwede ang mag-under vote, ngunit hinihikayat ang mga botante na kumpletuhin ang listahan.


5. ITSEK ANG RESIBO. Pagkapasok ng balota sa VCM o vote counting machine, hintaying lumabas ang resibo at mamarkahan ang iyong daliri gamit ang indelible ink. Matapos makuha ang resibo, tingnang mabuti kung tugma rito ang mga ibinoto mo. Kung nagkataong hindi tugma ang nasa resibo at balota, lumapit sa election inspectors at ipaalam ang iyong complaint.


6. ‘WAG KUNAN NG LARAWAN ANG BALOTA. Base sa guidelines ng Comelec, hindi pinapayagan ang pagkuha ng larawan ng balota o resibo dahil maaari itong magamit sa vote buying o vote selling. Gayundin, isang election offense ang paglabag sa ballot secrecy.


7. OVER CAMPAIGNING. Ayon sa Comelec, walang restriksiyon sa dapat isuot ng mga botante sa araw ng halalan, pero nagbigay-babala ito na iwasan ang over campaigning. Bagama’t maaaring magsuot ng anumang kulay ng damit, dapat umanong iwasang magsuot ng damit na may pangalan o larawan ng kandidato dahil hanggang Mayo 7 lamang ang campaign period.


Simpleng paalala lamang ang mga nasa itaas, pero mga besh, ‘di dapat kalimutan ang mga ito para maging smooth o maayos ang ating pagboto. Gayundin, ‘wag natin kalimutang sumunod sa health protocols, partikular ang pagsusuot ng facemask at pagsunod sa social distancing.


Isa pang paalala, kung tutuusin ay isang araw lamang ang halalan, pero kung magluluklok tayo ng mga may “K” mamuno, anim na taon ng maayos at de-kalidad na serbisyo-publiko ang matatanggap natin. Bagay na ‘ika nga, eh, “deserve” ng bawat Pilipino.


Hangad natin ang malinis at payapang halalan at mangyayari lamang ‘yan kung gagampanan ng bawat isa ang obligasyon na maging responsableng botante.


Gets mo?


 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| April 25, 2022




‘Pag sinabing kapitbahay, unang pumapasok sa isip natin ang mga “Marites”… agree?


Well, hindi naman lahat ay ganito ang pananaw, dahil para sa kanila, ang mga kapitbahay ay puwede ring katuwang sa mga problema, ka-share ng ulam at kung anu-ano pa, in short, nagiging kaibigan na rin natin sila.


Pero para maalis ang negative interpretation sa kapitbahay at ‘ika nga, para good vibes lang, paano nga ba tayo magkakaroon ng magandang koneksiyon sa ating mga kapitbahay?


1. COMMUNITY PANTRY. Matatandaang nauso ang community pantry noong nakaraang taon. Nagsimula ito sa isang komunidad kung saan nagtayo ng ‘pantry’ ang isang concerned citizen sa kanilang lugar. Dahil maraming nakatulong at natulungan, nagsilbi itong inspirasyon sa iba pa nating mga kababayan, kaya nagkaroon din ng community pantry sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Well, hindi pa naman huli para magtayo ka rin nito sa inyong lugar dahil for sure, makakatulong ka, gayundin, makakahikayat ka ng ibang tao na tumulong din.


2. TUMULONG SA CHARITIES. Mahalagang tumulong sa ating komunidad, lalo na sa mga higit na nangangailangan at iba pa. Ilan sa mga paraan upang makatulong ay ang pagdo-donate ng mga damit, pagbibigay ng relief goods o simpleng pagbibigay ng financial aid.


3. CLEAN UP SCHEDULE. Sino ba namang may ayaw ng malinis na lugar, ‘di ba? Para mapanatiling malinis at ligtas ang inyong lugar, oks ding mag-organize ng cleanup drive kasama ang iyong mga kapitbahay. Umpisahan sa paghahanap ng volunteers at saka pag-usapan ang magiging hatian ng duties. Halimbawa, sinu-sinong pamilya ang nakatoka para sa isang linggo, at sinu-sinong mga kalugar ang magmo-monitor kung nasusunod ang proper waste management. Parang nakakapagod ito, pero for sure, worth it.


4. COMMUNITY GARDEN. Sabi nga, sobrang rewarding ‘pag ikaw ang nagtanim ng iyong aanihin, kaya bakit hindi mo ito simulan sa inyong lugar? Ang pagkakaroon ng community garden ay magandang bonding para sa magkakapitbahay, gayundin, makasisiguro kayong organic ang pagkain na inyong aanihin. Imbes na magsiraan ang magkakapitbahay, why not build a hobby na pakikinabangan ng lahat, ‘di ba?


Beshies, it’s time para mag-level up sa ating komunidad. Kumbaga, no more nega vibes, du’n tayo sa healthy community kasi talagang nakaka-good vibes.


Kaya kung gusto mo ng pagbabago, dapat itong magsimula sa iyo. Pero tandaan, ‘di kailangang bongga agad ang pagbabago dahil mas mabuting magsimula sa maliliit na hakbang, ‘ika nga, baby steps.


Make sure na susubukan n’yo ang mga ideyang ito para magkaroon ng matibay at magandang koneksiyon sa inyong mga kapitbahay. Keri?

 
 

ni Jersy L. Sanchez - @Life & Style| April 19, 2022




Kung medyo matagal na kayo ng partner mo, marahil, ‘di ka na nakakaramdam ng “sparks”. At siguro, tila routine na lang ang nangyayari. Pero besh, nasasabi n’yo pa ba sa isa’t isa ang mga salitang “I love you” o nasanay na lang talaga kayo sa presensiya ng bawat isa?


Hindi naman natin kinukuwestiyon ang feelings mo sa kanya, pero ang tanong, naipaparamdam mo pa ba sa kanya na mahal mo siya?


Isa pang tanong, paano nga ba maipaparamdam sa iyong dyowa na mahal mo siya nang hindi sinasabi ang “I love you”?


1. TUPARIN ANG PANGAKO. Kung pinagkakatiwalaan ka ng partner mo, mas magiging komportable siya sa inyong relasyon. Sabi nga, ang tiwala ay malaking factor para magtagal ang relasyon. Kapag pinakita mong mapagkakatiwalaan ka at kaya mong iparamdam sa partner mo na ‘di siya nag-iisa, lalo na sa mga panahong kailangan ka niya, makakaramdam siya ng ‘extra closeness’. Hindi naman kailangan ng grand gestures, kailangan mo lang tumupad sa mga usapan n’yo o sa mga pangako mo sa kanya.


2. QUALITY TIME. Maglaan ka ng oras para makasama mo siya, mapa-isang date night man ‘yan kada linggo o kahit magbakasyon kayo. At sa oras na magkasama kayo, make sure na wala siyang kahati sa atensiyon mo, kumbaga, wala munang distraction. Dapat mo talagang ipakita at iparamdam na gusto mo siyang kasama at pinahahalagahan mo ang mga oras na ito.


3. LOVE LANGUAGE. Kung ‘di mo pa alam kung paano ipararamdam sa partner mo na mahal mo siya, alamin mo ang kanyang love language. Sey ng experts, lahat tayo ay may love language, ito ‘yung paraan para i-express at maintindihan ang love — words of affirmation, acts of service, receiving gifts, quality time at physical touch. Mabuting malaman mo ang love language ng iyong dyowa para malaman mo ang tamang paraan para suportahan at mahalin siya.


4. MAKINIG. Tulad ng quality time, make sure na nasa kanya lang ang atensiyon mo ‘pag nagsasalita o nagkukuwento siya. Ayon sa mga eksperto, ang pagiging mabuting tagapakinig sa iyong partner ay paraan para maramdaman niyang na-a-appreciate mo siya.


5. SMALL GESTURES. Kahit maliit na bagay, madalas na tumatatak ‘yan sa iyong partner. Halimbawa, ipinaghanda mo siya ng lunch para sa work o binilhan mo siya ng pasalubong kung galing ka sa mall. Ang mga ganitong action ay senyales na invested at seryoso ka sa inyong relasyon.


6. GAYAHIN ANG FIRST DATE. Hindi ba, ang sarap sa feeling na maramdaman n’yo ulit ang naramdaman n’yo nu’ng bago pa lang kayong nagka-ibigan? Dahil d’yan, oks ding i-recreate ang inyong first date. Hindi naman kailangang parehong-pareho, puwede namang order-in ang exact same meal na kinain n’yo o maglagay ng ilang detalye na magpapaalala sa moment na ‘yun.


Marami pang paraan para i-assure ang iyong partner na mahal mo siya. Pero nasa iyong diskarte na kung paano mo ito gagawin, depende sa kanyang pangangailangan o love language.


Kahit ilang taon na kayong mag-dyowa, hindi n’yo man madalas masabi ang “I love you,” ang mahalaga ay maiparamdam n’yo sa isa’t isa ang pagmamahal kahit sa maliliit na paraan.


Gets mo?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page