top of page
Search

ni Jeff Tumbado | February 7, 2023



Palalawigin pa ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang bisa ng mga prangkisa ng mga tradisyunal na jeep sa layong matiyak na walang tsuper ang mapag-iiwanan ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.


Kasunod ng huling deliberasyon para sa PUVMP, kinumpirma ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na napagpasyahan ng mga miyembro ng Board na palawigin ang mga prangkisa ng tradisyunal na jeep, sa ikaapat na pagkakataon.


Gayunman, nilinaw ni Guadiz na kailangan munang isapinal ang mga detalye hinggil sa mga alituntunin kaugnay ng pagpapalawig ng bisa ng mga prangkisa ng tradisyunal na jeep.


Tinukoy ni Guadiz na mula sa target na bilang ng mga yunit na ilalahok sa modernisasyon, nasa 60% ng mga jeep ang sumailalim na sa PUVMP, habang 40% ang hinihintay na makalahok sa nasabing programa.


“Hindi namin gustong mayroong maiiwan kaya nais namin na kahit 95% lang ng mga dyip ang maging handa na kapag itinuloy namin ang PUV modernization program,” pagdidiin ni Guadiz.


“However, sa meeting, pag-uusapan din namin kung may mga area na talagang fully-modernized na, baka doon ilatag na namin nang tuluyan ‘yung full modernization (program). But on areas na kulangkulang pa o wala pang modernized jeepney, we will still stick to the traditional jeepney,” dagdag pa ni Guadiz.


Bukod sa hindi pa handa ang lahat ng mga jeep na maging modernisado, sinabi rin ni

Guadiz na isinaalang-alang nila ang iba pang mga problema sa sektor ng transportasyon.


Kabilang na aniya rito ang kakulangan sa mga pampublikong sasakyan na matutugunan sakaling palawigin pa ang bisa ng mga prangkisa ng mga tradisyunal na jeep.


Ayon pa kay Guadiz, naiintindihan ng ahensya na maaaring hindi magkaisa ang mga operator at tsuper para sumali sa iisang kooperatiba kaya’t pinag-aaralan na nila ang posibilidad na magtalaga ng dalawa o tatlong kooperatiba sa bawat isang ruta, na maaaring salihan ng mga operator at tsuper.


Bukod dito, nais din ng ahensya na maging balanse at matiyak na walang operator o tsuper na maiiwan kaya palalawigin din nito ang palugit para sa pagtalima sa mga regulasyon sa ilalim ng PUVMP.


 
 

ni Jeff Tumbado | February 3, 2023



Upang lalong paigtingin ang pagpapatupad ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), nagkasundo ang Pilipinas at Estados Unidos na magtatag ng apat na military base ng sundalong Kano sa bansa.


Ito ang ibinahagi ng Department of National Defense at U.S. Department of Defense sa isang joint-statement kahapon kasabay ng pagbisita ni U.S. Defense Secretary Lloyd Austin sa Pilipinas.


“Today, the Philippines and the United States are proud to announce their plans to accelerate the full implementation of EDCA with the agreement to designate four new Agreed Locations in strategic areas of the country and the substantial completion of the projects in the existing five Agreed Locations,” pahayag ng U. S. embassy.


Sa kasalukuyan, may limang military bases sa ilalim ng EDCA, kabilang na rito ang Benito Ebuen Air Base sa Cebu, Lumbia Airport sa Cagayan de Oro, Fort Magsaysay sa Nueva Ecijia, Antonio Bautista Air Base sa Palawan at Basa Air Base sa Pampanga.


Naninindigan din ang dalawang panig na sinubok na ng panahon ang Philippine-U.S. alliance at nananatiling “iron clad”.


 
 

ni Jeff Tumbado | January 31, 2023



Target ng Land Transportation Office (LTO) na gawing automated o digital na ang paniniket ng lahat ng law enforcers nito sa buong bansa simula sa susunod na linggo.


Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos, na ipatupad ang digitalization sa ahensya.


Ayon kay LTO Chief Assistant Sec. Jay Art Tugade, ipamamahagi na sa mga law enforcer ng ahensya ang Law Enforcement Handheld Mobile Device na gagamitin para sa pagbibigay ng electronic Temporary Operators’ Permit (e-TOP).


Ibig sabihin, hindi na gagamit ng manual na TOP na karaniwang ibinibigay sa mga indibidwal na may paglabag sa batas-trapiko.


Dagdag ng LTO Chief, ang mga paglabag sa batastrapiko na ipapasok sa mga handheld device ay hindi na maaaring baguhin pa.


Sa pamamagitan ng digital na paniniket, maiiwasan din umano ang kotong.


Sakali namang maisapinal na ng LTO ang cashless payment feature ng mga law enforcement handheld mobile device, pupuwede nang makapagbayad ng multa gamit

ang credit card o load wallets ang mga may traffic violation.


Ang mga law enforcement handheld mobile device ay mayroong camera at fingerprint scanner para magamit ng mga LTO traffic enforcer sa pagberipika kung peke o totoo ang ipiniprisintang driver’s license.


Maaari rin nilang gamitin ang camera bilang face recognition scannerMayroon ding dalawang mobile data SIM cards ang nasabing aparato upang magkaroon ng internet connectivity at makapagpadala ng datos sa LTO online system.


Gayunman, kahit walang mobile connectivity o offline, makakapagbigay pa rin ito ng

traffic violation ticket.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page