top of page
Search

ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 24, 2025



Klarisse at Rocco

Photo: Klarisse at Rocco



Suportado ng mga kabataan, Law students at maging ng mga abogado ang premiere night ng Metro Manila Film Festival entry na Bar Boys 2: After School na pinagbibidahan nina Carlo Aquino, Rocco Nacino, Enzo Pineda at Kean Cipriano kasama si Ms. Odette Khan.


Relate na relate tiyak ang mga Law students sa istorya ng Bar Boys 2: After School dahil ipinakita ru’n ang hirap na pinagdaraanan ng mga nag-aaral ng Law at ang tensiyon, kaba at sari-saring emosyon nila sa paghihintay ng resulta ng bar exams.


Pare-parehong magagaling ang apat na bidang sina Carlo, Rocco, Enzo at Kean at walang umangat o napag-iwanan acting wise. 


Nakakabilib naman ang veteran actress na si Ms. Odette Khan na sa kabila ng kanyang edad, ang galing pa ring umarte at nakakapag-memorize pa ng mahahabang lines. 


Umaagaw na rin ng pansin ang controversial na si Sassa Gurl na magaling ding umarte at likeable ang character. No wonder na may mga sarili na rin siyang fans na tumitili sa kanya bago pa pumasok sa loob ng sinehan. Magtuluy-tuloy lang na mabigyan siya ng magagandang roles, may potensiyal talaga siyang maging next Vice Ganda.


‘Kaaliw naman ang pagiging prangka ni Glaiza de Castro sa Bar Boys 2: After School at kahit konti lang ang eksena niya, nagmarka siya, gayundin naman si Therese Malvar na kaklase nina Sassa Gurl at Will Ashley sa Law school.





Actually, maraming nakapanood ng Bar Boys 2: After School ang nagsabing ‘movie’ ito ni Will Ashley dahil sa kanya talaga ‘yung highlight.


Mahusay umarte si Will at maaawa ka talaga sa kanya sa mga eksena niya sa movie. May ilan ngang naiyak at naka-relate sa character niya. 


Of course, happy si Will nang mahingan namin ng reaksiyon after the screening dahil puro positive nga ang feedback sa acting niya.


Medyo stiff naman ang dating sa amin ng younger brother ni Mikael Daez na si Emilio Daez dahil parang wala itong emosyon kapag nagsasalita at parang nagbabasa lang. Pero dahil baguhan pa lang siya, sana ay mag-improve siya sa next project niya.


Marami ang bumilib kay Klarisse de Guzman na nagsabing first movie project pa lang niya ang Bar Boys 2 pero pak na pak na ang acting niya at may chemistry pala sila ni Kean Cipriano.


Kahit nga ang misis ni Kean na si Chynna Ortaleza na nanood din sa premiere night ay kinilig sa love team ng dalawa at parang gusto na raw ni Chynna na ipag-produce ng movie ang “KeKlang”.


At kahit si Rocco Nacino nang makausap namin after ng screening at matanong kung sino ang dream leading lady niya, umaming interesado siyang makapareha si Klarisse dahil nakita niya ang chemistry nito at ni Kean sa BB2AS.


Anyway, congrats kay Direk Kip Oebanda, sa 901 Studios at sa lahat ng bumubuo sa Bar Boys 2: After School dahil isa ang pelikula sa mga masasabing ‘intelektuwal’ na entries sa MMFF 2025.




Pampamilya lang daw, Richard… 

ANNABELLE: BARBIE, ‘DI KASAMA SA X’MAS CELEBRATION NAMIN



NAKITA at nakausap namin sandali si Tita Annabelle Rama sa ipinatawag na mediacon ni former Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson sa kanyang bahay para sa announcement nito ng balak niyang pagbili sa Miss Universe franchise.


Matagal nang kaibigan ng pamilya Gutierrez si Manong Chavit at bilang suporta ni Tita A. sa negosyante, dumating siya sa mediacon at nagpapirma na rin ng book ni Manong Chavit.


Kinumusta namin si Tito Eddie kay Tita A. at ang very Annabelle Rama niyang sagot, “Okay naman, ‘Day, kaso babalik pa kami sa January sa Singapore. ‘Yung spine niya kasi, nagka-infection, dumaing na lang siyang sumasakit. Ini-refer siya ng mga doktor sa St. Luke’s sa Singapore kasi mas specialized sila sa ganu’ng sakit.”

Tsika pa ni Tita Annabelle, napakamahal daw pala ng gamutan sa Singapore at kung walang pera, hindi magagamot ang pasyente.


Kaya todo-pasalamat siya sa mga anak na sina Richard, Raymond at Ruffa na credit card daw nila ang gasgas na gasgas na pambayad du’n.


“Si Richard, ‘Day, P2M ang nagamit sa card para sa daddy niya,” pagmamalaki pa ni Tita A. sa mga anak na nakasuporta at hindi pinababayaan ang kanilang Daddy Eddie.


Tinanong namin kung paano nila ise-celebrate ang Pasko bukas, Dec. 25.

Sagot ng Gutierrez matriarch, “Sa bahay lang, family. Hindi naman puwedeng mag-celebration kasi may sakit si Eddie, ‘di ba? Ano lang, immediate family, walang outsider, wala.”


So, kasama ba sa immediate family ang current girlfriend ni Richard na si Barbie Imperial?


“Wala rin,” sabay iling ni Tita A., “kasi may sarili namang pamilya ‘yan, eh, ‘di ba?”

Sabagay. Saka may New Year pa naman, baka du’n na lang sila magsama-sama, ‘di ba?


Samantala, todo-promote si Tita A. sa mga kaibigan ng Shake, Rattle & Roll: Evil Origins dahil bida rito si Richard kasama sina Carla Abellana, Manilyn Reynes, Janice de Belen, Francine Diaz & Seth Fedelin, JM Ibarra at Fyang Smith, Dustin Yu, Kaila Estrada at marami pang iba mula sa Regal Entertainment at palabas na sa Dec. 25 sa mga sinehan nationwide.


 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 22, 2025



SPECIAL - ZANJOE, GIRL ANG DASAL NA NEXT BABY NILA NI RIA_IG _ria

Photo: IG _ria


Pinaiyak na naman nina Angelica Panganiban at Zanjoe Marudo ang mga manonood sa pagbabalik nila sa big screen via the movie UnMarry na isa sa 8 official entries sa Metro Manila Film Festival 2025.


Ginanap ang premiere night ng movie last Saturday sa Ayala Malls Trinoma na dinaluhan nina Zanjoe, Angelica at iba pang cast na sina Eugene Domingo, Tom Rodriguez, Solenn Heussaff, Nico Antonio, Donna Cariaga, Shamaine Buencamino at Zac Sibug.


Hindi binigo ni Angelica ang moviegoers sa kanyang comeback film dahil marami na naman siyang pinaiyak, gayundin si Zanjoe na ang mature na ng akting at hinog na hinog na bilang aktor.


Aminado si Z (tawag kay Zanjoe) na malaking tulong ang pagkakaroon niya ng pamilya sa paglalim ng acting niya dahil parent na rin siya ngayon kaya naka-relate sa kanyang role na si Ivan na ipinaglalabang mabuo pa ang kanilang pamilya ni Solenn kahit umabot na sa annulment.


After ng screening, tinanong namin si Zanjoe kung may balak na ba silang sundan ng misis na si Ria Atayde ang kanilang first baby boy na 14 months old na pala ngayon.

Nakangiting sagot ng magaling na aktor, “Naku! Ako naman, kasi ano (ang paniniwala), ‘di ba, the more, the merrier lalo na kung meron kang isang cute na panganay, bakit hindi?”

Baby girl naman?


“Sana,” aniya sabay tingin sa itaas na parang nananalangin.


Although hindi naman daw sila nagmamadali dahil ine-enjoy pa rin nila ang kanilang anak ni Ria na hanggang ngayon, ‘di pa rin nila ipinapakita in public ang face ng bagets.

When asked kung bakit ayaw pa rin nilang mag-post sa social media ng photo ng baby boy nila na kayguwapo naman (ipinakita na sa amin ni Ria noon privately), ani Zanjoe, hindi raw kasi niya makita ang rason kung bakit kailangan nilang gawin ito dahil ‘di pa rin naman naiintindihan ng bata sakali mang i-post nila sa socmed ang photo nito.

Hihintayin na lang daw nilang magkaisip na ito at siya ang mag-decide para sa sarili.

Samantala, naging emosyonal naman si Angelica sa mga papuri sa kanyang acting at touched na touched siya dahil marami pa rin ang sumusuporta sa kanya kahit matagal siyang nagpahinga sa showbiz para sa kanyang pamilya.


Bilib din kami sa professionalism ni Angelica na pumayag pa rin sa kissing scene kay Zanjoe kahit may asawa't anak na. May ilang aktres kasi sa showbiz na ayaw na sa kissing scenes kapag may asawa't anak na.


Bukod kina Angelica at Zanjoe, stand-out din ang performance nina Eugene Domingo at Tom Rodriguez sa UnMarry.


Consistent talaga ang pagiging magaling na aktres ni Uge na panalo lagi ang mga eksena at punchlines.


Sobrang mabubwisit ka naman kay Tom Rodriguez na ang ganda ng role at nabigyan niya ng justice. Bagay na bagay sa kanya ‘yung controlling husband na grabeng mangmaliit sa asawa.


Sabi nga ni Tom nang mainterbyu namin, maging siya ay nabwisit nang mapanood ang sarili sa movie.


Pero nilinaw niyang exactly opposite ng kanyang role ang Tom Rodriguez in real life.

Wala rin daw siyang pinagdaanang court battle tulad ng kanyang role sa movie. 

Pero aminado siyang iyak nang iyak sa mga eksena nina Zanjoe at Angelica at affected talaga sa movie.


Sa ngayon, happily married na pala si Tom sa nanay ng kanyang anak. Sayang nga at ‘di sila nagkita ng kanyang ex-wife na si Carla Abellana sa Parade of Stars, pero sure naman si Tom na pareho na silang happy ni Carla at naka-move on na.


Palabas na sa Dec. 25 ang UnMarry mula sa direksiyon nina Chris Martinez at Jeffrey Jeturian.


 
 

ni Janiz Navida @Showbiz Special | December 23, 2025



Chavit Singson - Janiz Navida

Photo: Chavit Interview via Bulgar



Pormal na inanunsiyo ng businessman-philanthropist at dating governor ng Ilocos Sur na si Luis “Manong Chavit” Singson sa ipinatawag niyang mediacon kahapon sa kanyang bahay sa isang posh subdivision na desidido siyang bilhin ang franchise ng Miss Universe Organization para siya na ang maging sole owner nito at hindi lang basta investor o sponsor.


Idiniin ni Manong Chavit na ayaw niya ng may kasosyo sa pagmamay-ari sa Miss U dahil magulo raw kapag maraming nagpapalakad dito.


Sinabi rin niyang sa kabila ng mga kontrobersiyang kinaharap ng most prestigious beauty pageant sa buong mundo, gusto niyang ituloy ang pagmamay-ari nito kaya nag-usap na raw sila ng former Miss Universe president na si Paula Shugart at ng former VP nitong si Shawn McClain na pupunta ang dalawa rito sa ‘Pinas para maupuan nila at masinsinang mapag-usapan ang deal tungkol sa pagbili niya sa Miss Universe franchise mula sa kasalukuyang owners nito na sina Mr. Raul Rocha at Anne Jakrajutatip.


Ani Manong Chavit, willing siyang malugi sa pagsugal sa deal na ito basta makatulong sa ekonomiya at turismo ng Pilipinas.


Tinanong namin si Manong Chavit kung ano ang mga ii-implement niyang pagbabago sakaling siya na ang may-ari nito.


Natawa ito nang maalalang pati mga members ng LGBT ay puwede nang sumali sa Miss U pero wala naman daw siyang tutol doon dahil love niya ang sektor ng LGBT.


Tungkol naman sa pagsali ng mga ‘misis’ na sa Miss U, ayaw din niyang magbanggit ng personal decision niya at baka ma-bash daw siya. Kailangan daw muna itong pag-usapan ng board o grupong bubuoin para mag-handle sa Miss Universe.


Diretso naman naming tinanong si Manong Chavit kung na-in love na ba siya sa isang Miss Universe o sa mga naging kandidata man lang nito.


Napangiting sagot nito, “Hindi pa. Sabi ko sa ‘yo, takot ako sa babae, eh.”

So, wala man lang ba siyang natipuhan sa mga ito?


Nagulat kami sa sagot niyang, “Ang Miss Universe, na-observe ko lang, mas maganda ‘yung mga talunan kesa sa mga nananalo.”


Marami raw magagandang kandidata pero hindi marunong sumagot kaya natatalo.

Kaya kapag siya na raw ang may-ari ng MUO, titiyakin niyang credible judges mula sa iba't ibang bansa ang kukunin at kapag dito sa Pilipinas gagawin ang pageant, hindi siya kukuha ng Filipino judge para wala raw bias.


Hmmm… Sana nga ay matuloy ang pagbili ni Manong Chavit sa MUO at baka sakaling matapos na ang mga nakakalokang isyu at kontrobersiyang kinasasangkutan nito lalo na nitong katatapos lang na pageant this year.


Go, go, go, Manong Chavit! All for the best!  





TULAD ng inaasahan namin, bumaha ang luha sa premiere night last Sunday ng MMFF entry ng Nathan Studios ni Ms. Sylvia Sanchez, ang I'mPerfect na pinagbibidahan ng mga batang may Down syndrome (DS) pero nagawang mapaarte ni Direk Sigrid Andrea Bernardo.


Napakanatural umarte ng mga bidang sina Earl Amaba at Krystel Go at hindi mo aakalaing makakaarte sila kasabay ng mga beteranong artista na sina Sylvia, Lorna Tolentino, Joey Marquez, Tonton Gutierrez, Janice de Belen at Zaijian Jaranilla.


Walang effort sina Earl at Krystel na magpaiyak pero ang mga linyahan at eksena nila ang magpapatulo ng mga luha mo nang ‘di mo na lang namamalayan. 


May suntok sa puso maging ang mga dialogues nina Ibyang, Tsong Joey, LT, Tonton at Janice habang kausap sina Earl at Krystel.


Tiyak na maging ang mga magulang ng dalawang bida at maging ng iba pang batang kasama sa cast na may DS din ay proud na proud na kinaya ng mga anak nilang umarte sa big screen.


Pampamilya talaga ang pelikula at hindi lang ang mga may anak o kamag-anak ang makaka-relate sa kuwento nito dahil may aral na matututunan ang mga magulang sa paraan ng tamang pagpapalaki sa mga anak.


Hindi naman naging kawawa ang role ni Janice bilang yaya dahil malaki rin ang kanyang partisipasyon sa I’mPerfect


Hindi talaga dapat palagpasing panoorin ang pelikulang ito dahil ngayon lang nangyari na mismong mga may DS ang nagbida sa pelikula na tiyak ding hahaplos sa puso ng ibang lahi kapag nagkaroon na ito ng international screening.


Ngayon pa nga lang, proud nang itsinika sa amin ni Ms. Ibyang na may mga bansa nang naka-line-up para pagpalabasan ng I'mPerfect at open na rin daw sila sakaling may mga kumuhang artista kina Earl at Krystel at sa iba pang batang kasama sa cast.


Napuno ang Cinema 6 ng SM The Block nu'ng premiere night kung saan dumating din para sumuporta kay Ibyang at sa buong team ang mag-asawang Ice Seguerra at Liza Diño, Ara Mina, Zanjoe Marudo at Ria Atayde (producer ng movie), at marami pang ibang kaibigan nila sa showbiz.


Palabas na sa Dec. 25 ang I'mPerfect at kayo na mismo ang humusga kung tama ang sasabihin naming bato na lang ang puso ‘pag ‘di naiyak sa pelikulang ito.





SPEAKING of MMFF, tulad ng taunang ginagawa ng Metro Manila Development Authority para masuportahan ang festival, bukod sa Parade of Stars na isinagawa mula sa Macapagal Boulevard papuntang Circuit Makati nu'ng Disyembre 19, kamakailan ay matagumpay ding nairaos ang MMFF Golf Tournament kung saan ang lucky participant ay nakapag-uwi ng brand new car from Geely Philippines. 


Ang fundraising projects na ito ay nagbibigay ng suporta sa mga beneficiaries ng MMFF kabilang na ang Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund), Film Academy of the Philippines, Motion Picture Anti-Film Piracy Council, Optical Media Board, at ang Film Development Council of the Philippines (FDCP).


 
 
RECOMMENDED
bottom of page